Kwentong Tabi-tabi

 

Kwento ito tungkol kay Teh. Si Teh na kung tutuusin, mukhang mas bata sa akin ng mga sampong taon, haha. Nakiki-Teh lang,  subok lang… Anyway, na-engkwentro ko si Teh noong kabilang Sabado, galing ako no’n sa talipapa, malapit sa amin.

 

Mag-a-alas otso siguro ng gabi noon. Pauwi ako ng bahay galing sa talipapa, lakad lang at bitbit ang pinamiling dalawang supot na plastik ng mga pagkaing panluto ng gabing iyon at para sa kinabukasan, Linggo. Two blocks siguro bago ang sa amin, may nakita akong tindahan. Ordinaryo – mga isang dipa kwadrado ng mesh wire na may mga nakasabit na tsitserya sa loob – yon. Ang kaibahan, may bangkong maliit sa gilid, ahaha.

So, ‘yon, tamang-tama, mainit at ako no’y pinagpapawisan. Ika nga’y time for happiness, haha. So, bili ako ng 8 ounce na softdrink at bonggang in-avail ang munti at natatanging bangko. Tambay-tambay, inum-inom at nood-nood ng mga dumaraan sa main road. Itinabi ko muna sa gilid ang mga pinamili.

 

image of a typical sari-sari store in the Philippines

Anu-ano nga ba ang mga batayang pagpapahalagang dapat ituro sa bata?/ mytripolog.com

 

Makaraan ang mga dalawang minuto siguro, may dumating. Isang aleng naka-fuchia blouse, black bloomer-type shorts and yes, tama ang hula nyo – rebonded ang kanyang buhok.  Oo, medyo isini-sway, sway nya ‘yon patagilid, every so often. Gano’n talaga, kayo naman… Medyo mataray syang tumingin pero, hindi rin naman masyado. Tipong five seconds lang at d-in-issmiss nya na akong di katingin-tingin, haha.

May kasama nga pala syang bata, babae. Medyo cute, bata, e. At least, mas cute kesa doon sa Nanay, sure ako. Mga mag-a-apat na taong gulang siguro yong bata. Oo, nga pala, si Teh na nga ‘yang adult, oo. At saka, may dala nga pala syang cellphone na pinipindot-pindot nya habang tumitingin sa harap ng tindahan ng kung ano’ng pwedeng bilhin. Tapos, display sya ng expressiong parang bored, haha. Oo, gano’n si Teh, pramis…

Anyway, after a while, parang wala syang na-decide na bibilhin so, bigla syang dumaan sa harap ko, papasok doon sa pinto ng bahay (ang tindahan ay tipong nasa loob ng bahay, sa may harap ng pinto nito nakapwesto ang aking happily-found bangko). Sunod bigla sa kanya si maliit, nagmamadali, bitin sa shorts ni Mama. Parang bigla lang silang nag-dash sa may harap ko…

Paghakbang ni Teh sa loob ng bahay (elevated ng one foot  ang platform), parang medyo naihagis  ng humahangos nyang bewang ang anak nyang nakabitin nga pala sa kanya. Parang natapon patagilid ang bata, swak ang isang paa nya sa pinamili kong nanahimik sa sulok. Haha, ang saya ba? Oo, medyo mabilis ang pangyayari, mga kapatid. Lahat kami – si Teh na nasa loob na ng bahay noon, ang bata na in mid-step, ang aleng may-ari ng tindahan at ako – medyo na-shock kami lahat, haha.

Inihakbang na ng bata papasok sa loob ang isa pa nyang paa. Iwan sa loob ng plastik ang tsinelas na pink, yong mabigat… Tapos, ang bata, nabigla – mukhang iiyak. Tumitingin siya sa Nanay nya, tapos sa tsinelas, tapos sa ‘kin. Inalis ko ang tsinelas, iniaabot ko sa kanya, ayaw tanggapin ng batang anghel. Hinihila nya ang shorts ni Teh tapos, medyo umiiyak na. Inilagay ko muna ang tsinelas sa lapag, sa tabi ng plastik, saka ko in-inspect ang loob ng supot. Ma-tsek kung ano ang naapakan o naipit doon.

Ang worry ko, baka iyong isang piling na saging o kaya, iyong ipinadaing kong bangus. Pero, hindi naman pala. Ang nakawawa ay ang supot ng itlog, haha. Gan’to, bumili ako ng mga itlog, ipanto-torta ko sana sa almusal kinabukasan. Pag-angat ko ng plastik nito,  ahaha – pisak ang mga kawawang itlog – as in… Pati ang aleng may-ari ng tindahan, napatawa. Nanonood pa pala noon ang bata at pati si Teh. Umiyak bigla ang bata. Si Teh naman, walang sinasabi o ano. Naghihintay yata kung magagalit ako. Pero, bored pa rin ang kanyang expression. Saka, nasabi ko bang medyo mataray sya? Ahaha, oo, ‘yon…

Sa kabilang banda, habang ibinabalik ko sa supot ng pinamili ang mga bagay na napisak, nakikiramdam din ako kung magso-sorry si Teh, maski kapiranggot. Kahit pabalat-bunga sana, slight lang, kumbaga… Wala. Itinabi ko na sa mas gilid pa ang mga supot. Dinampot uli ang pink na tsinelas at iniaangat ang tingin. Ibinibigay ko uli sa bata ang pink na mabigat. Ayaw nyang kuhanin, panay ang hila nya sa shorts ni Mommy.

Takot ang bakas sa mukha ng bata, alam nya na sigurong may kasalanan sya. Nakita nya ang nadurog na mga itlog… Feeling ko, naghihintay syang may isang magalit – si Mama nya o ako. Si Teh, deadma look, as in… Ako, parang di ko naman maisip na pagalitan ang bata, halata namang aksidente ang nangyari. Pero, oo, nasabi ko na bang for a moment there, nag-wish akong mag-sorry ng konting-konti si Teh? ‘Yong kahit pa-pleasant effect lang? Hahaha.

Hila pa rin ng hila sa shorts ang bata, mukhang guilty. Walang effect kay Mama, parang tumapang lang ng konti ang expression ng mukha, haha. Hindi sya nagsasalita… Tapos, umiyak uli ang bata. Yumayakap na sa isang hita ni Mommy. Nagpipiksi lang si Teh. Matapang lang ang itsura ng mukha nya tapos, mukha pa ring bored, as in… Pumasok sya sa loob ng bahay ng may-ari ng tindahan at iniwan ang batang guilty sa harapan ko.

Binaitan ko ang expression ng mukha ko, haha, at sinenyasan ang batang okey na. Iniaabot ko uli ang tsinelas. Nag-hesitate sya sandali tapos, tinanggap din. Huminto na siya ng iyak pero, parang pigil lang. Parang tuliro pa rin. Kawawa naman, actually… Medyo sumisinok-sinok pa rin ang bata at medyo bewildered pa rin ang kanyang expression. Pero, isinuot naman nya uli ang tsinelas. Pareho na kaming happy, haha.

Si Teh, di pala nagtagal sa loob ng bahay. Lumabas din agad at bumalik uli sa harap ng tindahan, sa may harapan ko. Nagpipindot-pindot siya uli doon ng cellphone. Nilapitan siya uli ng anak. Parang may left-over ligalig pa yata si bunso. Hinihila na naman ng pakonti-konti ang shorts ni Mommy at umiiyak ng mahina lang. Sabagay, makabasag ka nga naman ng isang supot ng itlog tapos, walang nagalit sa iyo? Deadma si Teh, pindot pa rin sa cellphone nya.

Nakatingin na lang ako noon sa mag-Nanay, less than half na ang Coke na iniinom ko…  Bigla kanyong nagsalita si Teh, “Heh, hindi ako lumabas ng bahay para mainis lang, ‘noh?” Parang sa batang anak nya ‘yon sinasabi, pero parang sa may-ari din ng tindahan… Actually, parang ipinaparinig nya rin ‘ata sa akin? Hahaha, ang taray ng expression ng mukha nya. Pero, mukhang bored pa rin, ahihi… Siyanga pala, mga 4’10” siguro si Teh, medyo may itsurang ale at bilugin.

 

Ay, teka…  ginisang gulay at pritong isda nga pala ang ulam namin nang gabing ‘yon. At saka, marami-raming pritong itlog. 😉