Sa Mabini Tayo Pumadpad

image of establishments in Burgost Street in Makati City

Bago pa itong Burgos Street, ilang dekada munang sa Mabini St. makikita ang ganitong tanawin/ burgosstreet.net

 

Lungga ng mga Magdalena, lugar ng mga kalapating mabababa ang lipad – iyan ang reputasyon ng kalye ng Mabini sa lungsod ng Maynila sa matagal na panahon. Marami-raming taon din akong naging saksi ng pamamayagpag ng Mabini bilang sentrong aliwan o red light district sa Kamaynilaan. Seedy, sleazy and dirty, ilan sa mga salitang madalas gamitin ng marami para ilarawan ang nasabing lunan.

 

Bagong salta ako noon sa malaking lungsod at hindi ko pa alam kung ano ang ibig sabihin ng red light district. Sabagay, ano ba ang alam ng isang probinsyanang bagong salta sa mga ganoon kung lalabing-anim na taong gulang  pa lang? Practically, wala… Anyway, ang Mabini ay sakop ng Ermita. Ang Ermita district sa kabuuan ang may kwestyunableng reputasyon na kung ilang dekada nang nakadikit, kung tutuusin. Hindi nga ba at may joke at kabastusang nakadikit sa kalye ng Adriatico, dating kilala bilang Dakota? Ayon, sa Mabini lang ang lundo, ang sentro ng business sa Ermita, kumbaga.

 

map of Burgos street  in Makati City

Malapit sa Makati Avenue ang Burgos Street sa Makati/ moonlighthotel.com.ph

Kung nadadaan kayo sa Burgos Street sa Makati, medyo parang ganoon ang itsura ng Mabini noon. Except mas de-klase, mas malinis at mas tamed ang Burgos kaysa sa Mabini. Mas maiksing strech din ito kung ikukumpara at mas contained, ‘ika nga ang business. Mas regulated sa Burgos, sa isang banda.

Pero, marami silang pagkakahawig. Maraming kumukutitap na malalanding ilaw, hili-hilera ang mga inuman at may sangkaterbang dayuhan o foreigners na naglipana sa kalsada – out to have a good time. With drinks and women, of course. Ganoon ang eksenang matatagpuan sa parteng iyon ng Maynila, late 80s hanggang sa late 90s yata.

 

Mahaba-haba ang street ng Mabini bilang isa sa mga kalyeng parallel ang takbo sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Nag-uumpisa ito sa may intersection ng T.M. Kalaw hanggang doon na sa may Remedios Circle sa Malate. Isa itong panulukang binubuo ng mahabang serye ng bars, lounges at mga kainan. May mga hotel din at motels, pension houses at convenience stores.

 

image of Burgos Street in Makati City

Makulay, puno ng ilaw at aliw ang  karaniwang matatagpuan/ flickr.com

Pag andoon ka, mapapansin mong neon lights ang kadalasang panulat ng pangalan ng establishments. Tapos, ang mga ilaw sa loob, iyong dimmed na tinatawag. Sa labas, may podium kung saan nakapwesto ang ushers cum bouncers. Sa paligid nitong podium tumatambay ang mga babaeng taga-aliw pag wala pang gaanong customers. Doon din nagtatanong ang mga parokyano saka, nakikisindi ng yosi.

 

Sa lugar na iyon, nangingibabaw ang kulay na pula – pula ang marami sa mga patay-sinding ilaw, pula ang maiiksing palda ng mga kababaihan at pula rin ang kanilang mga lipstick. Karamihan sa mga taga-aliw o guest relations officer (GROs) ay pitis ang mga suot, mapang-akit kundiman mahalay, ang mga gayak at, naka-kolerete ang kanilang mga mukha. Scantily dressed, fully made up at handang rumampa, ‘ika nga.

Pag hindi sanay ang napadaan, maninibago siya, malamang. Ang lugar ay tila isang jungle na para ring entablado na para rin namang karnibal.  Makulay iyon, maingay at matao. Sa loob ng bars, karaniwan ay puno ng mga nag-iinuman, nagkakantahan at naghuhuntahan. Sa second floors ng mga gusali, madalas ay mayroong loge o mga kwartong may cubicles. Maraming mga dayuhan – mga Puti, mga Negro at may ilang mga Asyano – Hapones, ganyan. Gumigimik sila, handang gumastos para maaliw. Sa Mabini.

Pag nagawi ka noon sa lugar pag bandang hapon, makikita mong busy ang pawnshops, money exchangers at mga meryendahan. Sa mga bars, masisilip mo ang mga lalaking nagpapatas o nagpapasok ng beers at softdrinks, may mga nagba-vacuum ng tiles at may mga babaeng nagtutupi ng table napkins. May mga gumagala na ring mga bugaw o pimps sa oras na iyon, nagtitingin-tingin ng prospective customers at may mangilan-ngilang Puting umiinom sa mga patio. Ang iba naman, gumagala sa mga tindahan ng antiques at paintings, marami rin nyan sa area.

 

image of Ermita by daytime, snapshot taken in 1988

Sa gabi ang saya sa bandang Ermita. Sa hapon, nilalamnan pa lang ang bituka, nililinis ang mga suka/ http://dickheadley.blogspot.com/2005/02/ermita.html

 

Doon sa kalye ng Padre Faura, malapit na malapit sa  kahabaan ng Mabini, may bookstore doon – La Solidaridad ang pangalan. Pag-aari raw iyon ng manunulat na si F. Sionil Jose. Oo, siya iyong sumulat ng The Pretender at ng My Brother, My Executioner. Maliit lang ang bookstore na iyon. Natatandaan kong ang baba ng kisame roon at ang stocks ng libro, nasa isang parang loft na masasagi na halos ng ulo mo pag ika’y sa loob nagtitingin-tingin. Madalas ako noong gumawi sa La Solidaridad.  Pero, isang beses lang yata akong nakabili, haha. Magaganda ang titles at marami roong Filipiniana publications pero ayon, medyo mahal…

Ilang hakbang mula sa La Solidaridad, Mabini Street na. Makakakita ka na ng mga batang babaeng edad 12 to 15, malalaswa ang pananamit, inaakbayan o hawak sa puwit habang naglalakad ng mga higanteng Puti. Minsan, isang foreigner, apat na batang babae ang kasama. Lalo na pag gumabi, on na ang night life ng lugar – dumadagundong ang tunog ng speakers. Full tilt ang happenings, eksenang red district talaga.

 

Mabini, at least labinlimang taon ang nakakaraan…

 

Sa mga siwang at pagitan

cartoon image of a sad person

Naalala mo rin kaya ako kung minsan?/ kiiwi.deviantart.com

 

 

Sa mga siwang at pagitan

Ng diwa mong tampalasan

Hwag sanang pagsarhan

Bigyan, kahit munting puwang.

Huwag sanang magdamot

Buhay mong walang lukot

Abala ma’t nagmamadali

Tapunan ng ‘sang sandali.

Alaala ko sa yo’y dadampi

Walang tumpik o pasubali

Mga tingin ko, sa iyo’y babati

Anupa’t ika’y tatapiking muli.

Iniisip ko kung ika’y maiiling

Kung di man mawari

Mangingiti  mandin

Dagli, iyong aalalahanin.

image of pollens carried away by the wind

May mga pagsuyong tinatangay ng hangin/ johncbuchanan.blogspot.com

 

 

Makuha mo kayang bumuntong-hininga?

Manghinayang sa bagay na lipas na

Sabihing sana’y naging mabait ang tadhana

Sana’y andyan ako at kapiling mo pa.

Sa mga siwang at pagitan

Ng puso mong bulaan

Pilit iwinawaksi

Pagsuyong sinayang.

Lagi mo rin ba akong mamahalin?

image of two hands entwined

Ang magkahiwalay ay pinagdurugtong ng iisang damdamin/herryantiherman. wordpress.com

Singilan na ba? Ba’t ganyan ang tanong ko? Ahaha, pampasaya lang ng linggo, mga kapatid. Maaga lang akong nagising at lapis agad ang nahagilap…  So, let’s state it once again – Lagi mo rin ba akong mamahalin? Ayan, walang kurap, ha?

Naaasar ka ba, nayayamot  o napapangiti? Pambihira. Minsan lang ‘to, pagbigyan mo na, sige na… Malay mo, andito ang ikauunlad ng bayan, haha. Andito ang susi sa pag-asenso, hihi. Ang kulit lang…

 

Hayaan mong hawakan ko ang iyong kamay, let’s review the basics. Una, ang pag-ibig daw, hanapin mo man o hindi, dumarating. Parang bills lang, o kaya, sakuna, haha.  Ikalawa, you or I have little say on the matter. Susunod lang tayo, parang sleepwalking sa panaginip, shaks na ‘yan! Ikatlo – at ito ang malupit –  ang pagmamahal daw, once naumpisahan mo na, tuluy-tuloy, mahirap pigilan o ampatin. Ang saklap lang, di ba? Hindi na nga inaasahan, hindi pa ma-kontrol at wala pang preno. Sino nga bang naka-imbento nitong pag-i-pag-ibig na ito, aber? Wala bang return policy? Hello, hindi ba panahon na ng consumer rights? ^^

So, ano pa ba? Ano’ng mga nakalimutan natin? Ah, ayon… ‘Yong isa pang importanteng provision – walang guarantee.  Mas mabuti pa ang appliances, meron. Pag maagang masira, alinman sa papalitan ng manufacturer ang parts o bibigyan mismo ng bagong unit ang bumili. E, sa usapang pag-ibig, walang gano’n, kaasar lang… In fine prints ba ang pagkakasulat ng provisiong ito? Kung oo, isa-suggest ko, gawing bold, di nga… Mahalagang malaman ito ng bawat consumer. Napapanahon, sa totoo lang.

 

Ang mga iba pang sabi – Love moves in mysterious ways, kainaman. Gusto sana natin, kung pwede lang, yong de-susi na sana. O, kaya, may program para medyo predictable naman ang outcome, as in… Ang kaso, itong si pag-ibig, parating may mga galaw na tanging siya at siya lamang ang nakakaalam, sus. Hindi man lang sinasabi sa mga taong siya mismong sangkot. Kung minsan, akala mo, lipas na ang sakit, pero hindi.  Andoon pa rin, may kirot pa rin. Kung minsan, akala mo, limot mo na pero hinding-hindi pala. Huwag lang di may dumaang hangin, naaalala mo agad uli, patatawarin. At madalas, akala mo, wala na talaga, pero ando’n. Ando’n as in, present na present. Gano’n ka-misteryoso, parati tayong di nakakasiguro. Lagi ring may surprises, may magandang pangyayari bigla kung kailan akala mo, time for moving on na. Ayon…

Love is a many-splendored thing, sabi. Sa experience natin, tugma naman, di ba? Una, may splendor nga. May kakaibang pakiramdam na dala ang malamang may nagmamahal sa ‘yo at mahal mo rin ang taong ‘yon, ayiii… Parang gamot na pampa-high, nagiging intense at may kulay ang mundo, susmaryosep. Ikalawa, maraming pagkakataong nagpapakita ang splendor na ‘yon, for some reason. Katagalan, nadadagdagan pa, sa tinamaan ng makulit na ‘yan. Nararanasan natin ito sa pinakapayak na ngiti, sa pinakakapirasong sandali at sa pinaka-imposibleng sitwasyon, as in… Nababalutan tayo ng splendor pag in love o tayo ang nagbabalot sa sarili natin nito? Ah, basta!

image of a river where water flows vigorously

Tulad ng isang ilog, hinahanap ng pag-ibig ang puwang para sa kanya/ illusionlens.blogspot.com

Ang huli, love always finds a way. A way to what? Follow-up question. A way to where? Ire-reinforce natin ng konti. Ahaha, ang premise yata nito, ang umiibig ay tila naliligaw. Sabagay, parang ganyan nga, hihi… Anyway, hindi mo alam? Seriously? Alam mo ‘yon – Love always finds a way to its love. It constantly finds ways to be loved back. Ahaha, ‘yan naman. To be loved in return, ‘yan daw lagi ang object ng love.  Iyon ‘yon. Di ba sabi nga sa kanta, Like a river flows, surely to the sea…  Ayon, di raw mapipigilan, pupunta sa natural na dapat puntahan. Kaya makulit ‘yang pag-ibig na ‘yan. At papansin. At dyahe, haha… Mahirap itago, nahahalata…

 

So, ayon. Pwede na ba tayong bumalik sa tanong ko sa iyo kanina? Lagi mo rin ba akong mamahalin? Di nga… Ba’t ko tinatanong? Ba’t hindi? Ayaw mong malaman? O, hindi naman, ayaw mo lang malaman ng iba? Sabagay, mas magandang top secret natin.

 

Pero gan’to… Sa akin, alam ko na. Tumama man ako o hindi sa lotto, mamuti man ang buhok ko o makalbo, magpagupit ka man o kumulubot ang balat, magkasunog man o baha, lumindol man o bumagyo – mahal kita.  Iyon na ‘yon.

 

Lagi mo ba akong mamahalin? Sa aking palagay, oo. Sa alam mong paraan, oo. Maski hindi mo sabihin, oo. Nararamdaman ko ‘yon at mararamdaman ko lagi. Sa bawat masigla’t masuyo mong pagkausap, sa bawat mong pananahimik at maski sa bawat mong pag-iwas, alam kong andoon ang iyong pagmamahal, pagkabighani at paggalang. Sa bawat ngiti, sa bawat bati at sa bawat kabig, alam kong ang aking pagtatangi ay may kapalit  sa ‘yong loob. Sa bawat tawanan, tampuhan at sa bawat pakiramdaman, alam kong ang damdamin ay nasusuklian. Sa marami at iba’t ibang paraan, hindi ko man kayang ispelingin o hindi mo man ihayag ng malakas. At iingatan, igagalang at mamahalin ko ‘yon lagi. Andoon ang kasiguruhang lagi mo akong mamahalin.

Lagi mo rin ba akong mamahalin? Oo, naman. Maski hindi mo pa bigkasin. Oo, naman. Ramdam ko sa iyong pagmamalasakit at lambing. Oo, naman. Sapagkat batid mo at batid ko – lagi kitang mamahalin.

 

image of a river in Palawan with water running deeply

Pagtagal, tumitining din ang ragasang tubig ng ilog/ http://www.flickr.com/photos/adcristal/3855595702/ copyright 2009 by ashley d. cristal

 

* O, mga kapatid, huwag masyadong seryosohin, ha. Inihahanda ko pa lang ang post na gusto talagang ilagay dito. Maymai ito – may mailagay lang…^^ Kumusta kayo? 🙂 🙂

 

Maraming Salita

Image of two persons talking

Iba iba rin ang dami at anyo ng mga salitang kinalakhan natin/ blog.mediaengage.org

 

Sa probinsya namin, somewhere in Southern Tagalog, ang mga tao ay maraming salita. Maraming paano? Maraming paglalarawan ang ginagamit para sa isang bagay lang o pangyayari. Kung mabuti ba ito o masama, hindi ko masabi… Ang alam ko, pag nalalaman ang ganito ng iba, nagugulat sila, naasiwa o kaya ay naaadwa. Ang naaadwa, ang ibig sabihin, narurumi. Ang dami raw pa-etchos, isa lang naman ‘yon.  May ilan ding taong natutuwa, mabulaklak raw. Pero, ilan lang silang gano’n ang reaksyon. Mas marami ang asar, as in…

 

Bibigyan ko kayo ng halimbawa. Ang salitang naputol ay iba sa napatid, nabali, napigtal, nalagot, nasira, nawasak at natuluyan. May kaugnayan sa isa’t isa ang mga salitang ito, magkakamag-anak, kung tutuusin. Pero, para sa mga taga-amin, sila ay may mga pagkakaiba pa rin. Ang naputol ay karaniwang tumutukoy sa sangang naputol ng hindi sinasadya o inaasahan.  O, kaya naman, sa ugnayan ng mga tao, tulad ng sa communication line o linyang naputol, for some reason.

Ang napatid ay karaniwang tumutukoy sa tali o mga bagay na ang assumption ay magkakarugtong o tuluy-tuloy ngunit, ayon nga, sa kung anong kadahilanan, napatid. Pag sinabi namang nabali, ang ibig sabihin, nag-bend o hinutok at bumigay. Bale, hindi nakayanan ng bagay ang pwersang nagtutulak, humahatak o nagpapabigat dito kaya ayon, nabali. Karaniwang matitigas o malulutong na bagay ang sinasabing nababali, gaya ng ruler. Ang halimbawa ng gamit nito, “Nabali ang sanga sa lakas ng hampas ng hangin.”

 

Ang napigtal ay mas madalas gamitin para ilarawan ang pagwalay ng dahon, dahon ng halaman o dahon ng tsinelas. Ang mga iyan ang sinasabing napipigtal. Pwede ring buhay, buhay na napigtal. Pag sinabing napigtal, parang ang assumption, humiwalay ang isang bagay mula sa dati nitong pinagkakabitan, bumitaw sa pwesto o nag-detach, kumbaga. Matapos ang isang panahon, ang isang pagkakarugtong o koneksyon ay napipigtal maaring dahil sa pagkahinog, pagtanda o pagkapagod.

Ang nalagot naman, karaniwan nating naririnig at nababasang tumutukoy sa tali at sa buhay ng isang bagay, hayop o tao. Tulad ng pagsasabing nalagot ang lubid. O, di kaya naman, nalagot na ang hininga ng isang tao. Ang tinutuntungan nito, mayroong sinulid o taling siyang gumagapos o nagkakabit, nagba-bind, ‘ika nga. Sa kaso ng buhay, ang hiningang nagba-bind sa tao sa buhay ang mismong tinutukoy.

 

Ang nasira ay isang pangkalahatang salitang maraming maaring naging dahilan. Halimbawa, dahil naputol ang isang kable, maaring hindi na umandar ang isang makina. Nasira na. Maaring dahil may nabulok na parte, kaya hindi na uubra. Sira na. Maaring dahil kinalawang. Maaring dahil nabali ang isang turnilyo nito, kaya ayaw nang umandar at sa gayo’y nasira na. Maaring dahil napatid ang isang kawad na instrumental para gumana ang buong aparato. Maraming pwedeng dahilan ng pagkasira ng isang ugnayan o bagay.

Pag sinabi namang nawasak, ibig sabihin, hindi simple ang pagkasira kundi sirang-sira. Maaring nag-explode o nag-implode ng matindi. Mas malamang, hindi na maaring kumpunihin o ibalik sa dati ang bagay na nawasak. Iba ito sa simpleng napatid, naputol o napigtal. Ang mga huling salita, kung minsan ay nangangahulugang maari pang ikabit muli, idugtong o di kaya ay palitan ang bahagi. Pag nawasak na, ang ibig sabihin sa Ingles, totalled.

 

Pag natuluyan naman, ang ibig sabihin, bumigay. Ang assumption nito, may breaking point ang mga bagay-bagay. Usapang flexibility, malleability and resiliency ito. Sa mahabang panahon, maaaring indahin ang kakulangan, sira o nipis ng isang parte. Subalit sa isang punto, maaring hindi na rin kayanin. Sa gayon, mangyayari rin ang break o pagkaputol. Ang kaibahan nito sa mga naunang salita, may pagkilalang mangyayari ang pagkaputol o pagkapatid. Tulad halimbawa ng isang lumang tsinelas na anumang oras, maaring mapigtal at sa gayo’y matuluyan.

 

image of a ruined flip flop

Tsinelas ang isa sa madalas na napipigtal/ formspring.me – tsinelas ni mang kulas

Kaya sa amin, pwede mong sabihing “Kanina, napatid ako sa sangang nakausli sa daan, kaya napigtal ang dahon ng aking tsinelas. Sabagay, luma na rin. Ngayong natuluyan na’y pwede nang bumili ng kapalit.” Hindi mo pwedeng sabihing nasira lang ang sapin mo sa paa. Pag gayon kasi, tatanungin kang maigi ng kausap mo kung bakit at paano iyon nasira. Hindi rin pwedeng sabihin mong nalagot. Ang nalalagot kasi, iyong bagay na pirming nakatali, tulad ng duyan. At, hindi pwedeng sabihing nabali, mapwera kung ang suot mo sa paa, bakya. Ayon…

 

Sa lugar namin, may degree at variation lagi ang mga salita. Mayroon din silang temperature, moods and hues. Pag nakikipag-usap ka roon, kailangang mailarawan mo ang prosesong dinaanan at pupuntahan ng mga salitang iyong binabanggit. Kung hindi, malabong maintindihan ka ng kausap mo. Iisipin nila, meron kang ayaw sabihin sa kanila. O, kaya naman, nag-iinarte ka. Kahit wala naman, kahit hindi. Kaya dapat precise ang mga salitang iyong gagamitin. Kumbaga, andoon na sa pinili mong salita ang solusyon sa problema o usaping iyong inilalatag.

 

Damusak. Narinig nyo na ba ang salitang ito? May salitang ganyan sa amin at madalas iyang gamitin ng mga taga-roon. Mess ang ibig sabihin nito. Pero hindi ito simpleng mess kundi kalat na may kasama pang tubig. Bale, marumi na’t makalat, basa pa. Iyon ang ibig sabihin ng damusak. Iyan ang laging sinasabi sa aming mga bata noong maliliit pa, hwag raw kaming mag-damusak doon sa may kusina. Pero dahil mga bata nga at makukulit, nagagawa pa rin namin. Hala, beautiful mess rin ang kinalalabasan namin pagkatapos, hehe… 🙂