
Tatawid ng mga bayan, ilog at mga bundok para makamit ang hangad/ http://www.123rf.com
Kung para sa pag-ibig, binagtas mo ang limang kilometro
Sa gitna ng ulan at mga paghuhuramento ng kulog
Nagngangalit ang langit, tila mga ulap, pinupunit
Sa maputik na daanan sa isang tagong kabukiran
Kung para sa pag-ibig, tinawid mo ang humuhugos na ilog
Patalun-talon sa mga higanteng batong-buhay
Umakyat ng tatlong bundok
Na nagwawalay sa bahay ng kanyang ama
Mula sa lansangang hintuan ng bus sa isang bayang patay
Kung para sa pag-ibig sa kanya, nagtiwala ka sa di-kilala
Lango sa tuba, siyang sa iyo ay naggiya
Nagbitbit ng iyong bag, kapalit ay munting salapi
Habang suot ng iyong mga kamay, sapatos na sapin
Noong isang hapon ng kawalang-katiyakan
Habang papagapang na ang gabi
At di mo alam kung may hahapunanin
(Kung wala, magpapalala sa asim ng sikmurang sadyang karamdaman)
Sino’ng makapagsasabi
Kung iyon ay katapangan o kawalan ng ingat?Β
At hindi mo kayang kalasin
Tulad rin ng pagtandang di kayang pigilin
Ngumiti ka, talos ang pagpaparaya ng panahong nagpapalimot
Anuman yaong labas sa pag-ibig na pumukaw sa iyo
At sa bundok na niyayapakan ng iyong mga paa.
Nilupig ng ulan ang alikabok ng tag-araw
Malugod mong tinanggap maging ang pangangaligkig ng katawan
At kung saan ang hapong kalamna’y dapat mamahinga
At damhin ang kaigayahan
Ng isang larawang kalahati pa lamang ang hugis,
Ang diwa ay marapat na magpatuloy
Sundan ang katotohanan hanggang sa dulo ng bangin – at malaman:
Wala siya sa tahanan ng kanyang ama.
Ang umuugong at nag-aalburutong ulan
Marahil ang nagsabi sa iyo
Ang paghihintay ay mauuwi sa wala,
Subalit hinintay mo siya ng buong gabi.
Ang iyong nalinlang na paghahangad
Pinagkamalan ang bawat hampas ng ulan
Na tunog ng kanyang mga hakbang.
Sa dilim ng gabi, wari
Ay pagaspas yaon ng saya niyang basa ng tubig
Mula sa mga sangang ipinugong ng gabi
Ang pormal at malinaw ang matang kwago
Nag-anunsyo noong pagdatal ng sandali.
Naiwan kang tanging labi ng baga ng pangarap ang kapiling
Upang noo’y mabatid, kasabay ng ulan
Ang pagtatapos ng takas na tag-araw. π
– Ika- 4 ng Hunyo 2013
Salin ng tula, To One Who Was There
ng makata, Ginoong Anthony Tan
* Ang tula ay unang isinalin at inilathala ni thoughtpick o LJ de leon sa kanyang blog noong ika-9 ng Mayo 2013, may pamagat naΒ Para sa Minsa’y Naroroon. Nabasa yaon ni ssa at hiniling niya kay ka-blog, ilathala rin sana niya ang orihinal na English version…
Nang mailathala ni ka-blog ang sipi ng To One Who Was There, nabasa ni ssa at naisipang gumawa rin ng sariling salin, hala pa… Nagawa naman (ang kopya ay nasa itaas). Ayon lang, ang layo sa ganda at husay ng original, ahihi. Paanong gagawin? π
At, di hamak, mas mahusay ang salin ni ka-blog LJ. Mas maalam tumula ang ka-blog na ito sa ‘kin, sabihin ko sa inyo. Siya na ang nakakaalam – ano ang desire, hihihi. Di nga, pansinin at pagkumparahin ang dalawang translation, lalo sa bahaging pagaspas ng saya, ahihi.
Mas maganda ang kanyang salin. Mas alam niya, sya na… At kung tutuusin, iyon wari ang heart ng composition – Β Paano ang pakiramdam ng isang naghahangad? Tila lahat ng bagay ay pumapatungkol sa iniibig. π
Maligayang Buwan ng Wika, mga kapatid, ka-blogs, kababayan… π