Point Zero

Kumusta, ka-blogs… Mag-iisang taon na yata akong wala, parang wala nang karapatang mangumusta, hehe. Basta, kumusta pa rin… Pasensya na, nagkasakit ako. Worst na pagkakasakit  ito, so far. Kamuntik na.  Anyway, buhay pa maski paano. Alam ko, bad timing, pasensya na. ..Walang kinalaman sa mga pangyayari rito sa blogging world ang pagkakasakit. Basta, hindi  absent dahil sa mga okrayan, owki? 🙂

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

O, sya, kukwento muna uli ang inyong lingkod para makabawi kahit paano…  Medyo matagal ko nang gustong isulat itong topic. Naaalala nyo, pag nagsusulat ang lola nyo sa English site, basta nagbanggit ng lugar sa sulatin, sinasabi rin gaano iyon kalayo sa capital? Halimbawa, sabi, ang Taal Basilica, 65 kms. South of Manila, ang Ilocos, 500 kms. North of Manila at ang Visayas region, 600kms. South of Manila. Hindi iyon para pa-nosebleed-in ang reader, hehe. Medyo ganoon daw pag pini-presume na foreigners ang magbabasa…

Ang premise, walang masyadong alam tungkol sa bansang dini-discuss ang readers. O, kung mayroon, konti lang… Halimbawa, very likely na capital lang ng Pilipinas ang alam nila. So, parang tuturuan ng nagsusulat, igi-giya niya ang reader, paano pumunta sa lugar na pinag-uusapan by saying how far the place is, from the country’s capital. Pag minsan, hindi lang kung North or South ang dapat ilagay – kailangan ding sabihin kung East or West. Iyon, ilalagay kung x  kms Northwest or x kms Southeast. Parang tinutulungan daw ang readers na maglakbay sa bansang ikinukwento? Parang ganoon…

Kung di gaanong pamilyar, basa kayo pag may time ng international page ng dyaryo. O, kaya ng Time magazine feature story, ganyan… Mapapansin nyo, kunwari ang ibinabalita sa article, tungkol sa isang bayan sa Peru… E, shaks na ‘yan, wala naman tayong gaanong alam about Peru except Machu Picchu, Incans at tortilla, haha. Puro dinig-dinig pa, kainaman na… I mean, wala naman tayong gaanong nasasalubong na Peruvian, di ba ga? Mexican, meron. O, kaya, movies about Colombian syndicates, haha. But not Peruvians… Mas sa History subject lang natin nasalubong ang Peru – ipina-memorize. O, alala nyo pa capital ng Peru? Korek, Lima! Lima na hindi five, hehe. Apir… 🙂

Anyway, pag nagbasa ng balita o article about isang bayan sa Peru, sa unahan, nakasulat agad ang Lima or ang major city ng bansa kung saan naka-base ang journalist na nagsulat. Makikita nyo, naka-enclose iyon sa parenthesis, bago mag-umpisa ang article…. Tapos, sa loob ng istorya, sasabihin kung ilang kilometro ang layo ng bayang pinag-uusapan  – ilang kilometro o milya mula sa country’s capital. Medyo ganoon… Para ring sa blog, bale tutulungan ang foreigner o isang di pamilyar na makalibot sa bansa, kahit sa pagbabasa lang… Mas mapupukaw daw ang interes ng bumabasa kung kayang i-locate ng isip or imagination nya ang lugar sa istorya o sa balita. Kahit pa, 5000 miles away siya, kung tutuusin…

E, asan ang Point Zero? Hihi, di nga… Aba, siyempre, dahil nasabi natin kung 65, 500 or 600 kilometers ang layo, ibig sabihin, may reference point – ang point zero. Pwera biro, may Point Zero talaga sa bawat bansa… Iyon ang umpisa, ang pinagsusukatan ng distance ng bawat lugar sa territory. Asan ito? Nasa Maynila? Sure? Final answer? Hihi, tama… Pero, asan sa Maynila? Nasaan sa Maynila ang Point Zero ng Pilipinas? Uy, totoong lugar ito, may marker at higit sa lahat, pwedeng puntahan… Ang Point Zero, mga kababayan, matatagpuan sa pinakatagong lugar na kung tawagin ay Luneta. Opo, andoon.  Malayo-layo sa giant statue ni Lapu-lapu, pero andoon sa parke. Kilometre Zero pala ang isa pang tawag, represented by Km 0, yon.

Actually, sa news and public affairs ng dalawang major TV stations, dalawang beses isang taon nila ipini-feature ang Point Zero. Hindi ko alam, baka mas madalas, pero twice a year ko lang natityempuhan… Basta, may reporter na pumupunta sa Luneta at ikinukwento kung ano halaga ng Point Zero sa buhay-buhay nating mga Pinoy.  Ngayon nyo lang narinig? Oks lang, kesa naman sa hindi nalaman… Tsaka ganito, pag nagbu-bus tayo papuntang probinsya, sa ticket natin, nakalagay ilang kilometro ang layo ng pupuntahan  – 80, 100 or 120 kms. ganyan… Oo, try nyong halughugin ang huling bus ticket, may kms talagang nakalagay ro’n. Sa Point Zero iyon ibinase. Hihi, aliw?  Ako man…

  • An odometer or odograph is an instrument that indicates distance traveled by a vehicle, such as a bicycle or      automobile. The device may be electronic, mechanical or a combination of the two. The word derives from the Greek  hodos (“path” or “gateway”) and metron (“measure”). In countries where imperial units or US customary units are used, it is sometimes called a mileometer or milometer.

–              From Wikipedia, the free encyclopedia

Sa highways natin, sa gitna or islands, usually may sementong markers. Nakalagay ro’n gaano na kalayo ang lakbay, gaano kalayo mula Point Zero. Observe nyo pag pa-probinsya, may mga nakausling semento every kilometer of the way. Anong relevance sa atin? A, e, try nyong maligaw sa lugar na di pa marked ang roads, haha… Di nga, pakiramdam, nasa kadawagan, parang nag-i-stretch sa magpakailanman. Sa una, masaya… Until napansin nyong ang lalayo na ng pagitan ng bahay-bahay at parang walang mga tao sa lugar? Sakaling walang signal ang cell phone, patay… You are lost, officially, hehe. O, basta, pag nangyari yaon, kalma lang at hanap ng tagaroong magtuturo paano bumalik, sa daang kokonekta na sa national highway. Tandaan, don’t panic. 🙂

Ang alam ko rin lang dati, saan ang stop-over ng bus … Tapos, yong green signboards sa tabing-daan – Sta. Rosa exit, Calamba exit, San Miguel exit, Norzagaray exit? E, basta, yong mga ganoon ang tinatandaan, lalo na noong bata pa. E, ganito … Sa amin, pa-Southern Tagalog, may about 20 years na naranasan, ang dalas masiraan ng bus pag pauwi. Nag-o-overheat daw ang makina, iyon usual na paliwanag. Tapos, ihihinto kayong mga pasahero sa shoulder ng highway, pababain lahat. Maghihintay ng susunod na bus from the same company… Pag swerte, 15 minutes lang, makakasakay na uli. Other times, mga dalawang oras, mukha nang campers ang passengers, may dumi-dumi sa tuhod at siko. Nalanghap nyo na lahat ng usok ng malalaking trak, haha. Tapos, ang init… Mainit usually sa gilid ng highway at walang nabibilhan ng tubig at tissue, ‘yon.

Pero dahil sa mga pagkaantalang ganoon sa byahe, doon ko napansin at na-appreciate ang markers sa highways. May sukat pala talaga, may indicators ang mga lugar…  Sa ganoon nalaman pangalan at approximate distance ng bayan-bayang dinaraanan. Siyanga pala, geodetic engineers daw ang nagsusukat at gumagawa ng markers sa daan. Isinusunod raw ang mga iyon sa international standards…

Anyway highway, basta sa mga naisulat na may kilometer ng lugar na nakalagay, hindi pampaarte yon sa panulat at di rin panakot, ahaha. Kumbaga, device yaon para gawing reader-friendly ang sulatin… Owki? Apir. 🙂

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Ka-blogs, may sakit lang po ang lola nyo the last 10 months, kaya absent from the scene. Around the time na ini-edit huling post na 40km, masama na lagay… Hindi raw nagme-metabolize properly ang katawan at naapektuhan na ibang organs and functions. Kumbakit tumyempo sa kasagsagan ng kontrobersya dito sa blogging, di ko po masasagot. Ang alam ko, series of unfortunate events ang nangyari. Parang naka-quota na sa misfortunes ang blogger dito… Am sorry, di na nakabigay ng notice, lalo pa sa subscribers ng sites. Pasensya na… 🙂

Batid ko, hindi tumigil sa pang-ookray ang okrayers na tila baga pagkalaki ng kalaban, kailangang mai-bring down at all cost.  Am sorry, hindi po. Hindi po ako kalakihan o kalakasan, saan ba galing ang ideyang iyon… Sa pagkatanda ko, ang huling sinabi sa kilometric post, hindi ako maghahabla at tigilan na nila ang bullying para sila ay makapahinga. Tigilan na nila para hindi madagdagan ang guilt at paranoia sa mga nangyari. Ay sus, ito ngayon at tila ang intindi at pinalalabas pa rin, e, ihahabla ko sila? Mga kapatid, precisely kaya piniling huwag maghabla kahit pa may enough and valid reason to do so, e, para walang matakot – para wala ‘yong sinasabing chilling effect sa bloggers.

* Sa kabilang site po ilalathala ang karugtong nitong mensahe. Pakiabangan lamang sa darating na limang araw… Salamat. Sana kayo ay nasa mabuti… 🙂 🙂 🙂

  • Sa isang araw na ang pic for this post, ha… Nalimutan na ng blogger paano magkabit ng pics, hehehe.

Ang lugar sa panulat

 

Hello, ka-blogs… Ang tagal na, di ko pa natutupad ang pangakong magsulat uli tungkol sa isang mataong lugar sa Kamaynilaan. Ahaha, kalye ng Nakpil sa Maynila o, Cubao sa Quezon City, senga? Ayan ata ang nabanggit ko sa inyo dati, inaambisyon ko, whehe. Pasensya na, wala pa – di ko pa naiintindi… 🙂

 

Image of Mabini street in Manila

Nais nating dalhin ang mambabasa sa isang lugar, sa isang panahon at ipadama sa kanila ang ating naramdaman/ http://www.aladdin.st

Ang huli pa, yong Sa Mabini Tayo Pumadpad, sa Maynila rin… Hindi nag-click ‘yaong post sa ka-blogs, hihi. Intense yata ang naging dating sa readers? Pero, sadyang gano’n ang itsura ng Mabini noon, ganoon ang ambiance… Maraming mga sundalo roong puti, andoon pag off duty. Actually, after ko iyon i-publish, nakabasa ng ilang blogs ng mga puting madalas doon noong araw. Nahiya naman ako, ang mild ng kwento ko, hahaha. Mas makukulay ang sa kanila, di nga… Iba ang description nila — lugar daw iyon kung saan nila hinuhubad ang restraint, sabihin pa…

 

Bago iyon, naunang naisulat at nailathala ang Ibang Silip sa Sta. Mesa. Maraming salamat sa mga kapatid na matyagang nagbasa ng may kahabaang o istorya, haha. 🙂 Ang background story ng post, inilagay ko na pala mismo sa loob ng akda… Mas nauna pa roon, ang kwentong Recto at Avenida. Ang Recto, malapit sa loob ng blogger dito, true. Dyaan ako unang dinala ng ate ko pagtutuntong ng Maynila, yihee! Oo, nasa elementary pa me noon at nanood kami ro’n ng sine… Wow experience na ‘yon sa akin, that time, hihi. Ang sine? Zapped, si Ralph Macchio ang bida. Aysows, tanda pa talaga… 😉

Ang Avenida, malapit din sa akin… May dalawang ate (ibang mga ate), salesgirls sila noon ng pantalon sa Uniwide Carriedo, along Rizal Avenue. Ayon, madalas ako noong gumawi sa Avenida… Pinupuntahan ko sila, after class o basta bakante. Parang namamasyal na rin, nag-iikot sa department store, nagtitingin-tingin. Minsan, hinihintay ko sila, sabay-sabay na pag-uwi. Bonding na namin ‘yon… Working students sila – wala kaming gaanong pagkakataong magkita at mag-usap. Bale, si young sister nila ay naglilikot – habang sila, naglilista ng imbentaryo. 😉

 

Hindi ko alam kung ilang porsyento ng sarili ang interesadong balikan yaong mga lumang panulukan sa Maynila – mga landas na tinahak ng pares ng paang gala, noong unang tatlong taon sa Kamaynilaan… Ilang porsyento ang napukaw dahil sa kwentuhan namin ng isang ka-blog sa email, tungkol sa mga eksenang unang bumungad sa paningin, pagtuntong sa sentrong lungsod ng bansa… Ilang bahagi ang galing sa curiosity, ilan ang dala ng nostalgia para sa isang luma ngunit pamilyar na lugar at, ilang bahagi ang nangungulit lang, naghahanap ng updates? Hindi ko alam…

 

Image of a creek in a small, distant village

Ang lumang sarili ay bumabalik sa isang lugar, dala ay bago na nga bang pagtanaw?/ enchantedinkpot.livejournal.com

 

Medyo matagal ang the making ng nasabing lathalain… Tatlong beses kong dinalaw ang nasabing avenues para sa sanaysay. Pag sa kasalukuyan titingnan, parang ang weird… Maluho at makain sa oras ang bumalik sa isang lumang lunan – para tahiin muli sa alaala ang dati pang panahon at pangyayari – para ikumpara sa anong meron sa ngayon. Ang unang punta, sinadya talaga, haha. Ang ikalawa at ang huli – galing sa ibang lugar, hindi dapat doon mismo dumaan… Pero suminsay nga at nagmasid – sa magka-krus na panulukan – dinama ang paligid, minasdan ang mga tao roon at kinapa ang sariling pakiramdam.

Isa roon, galing ako sa probinsya. Pagdaan sa lugar, umupo sa Little Hollywood restaurant at um-order ang inyong lingkod ng kape. Hindi lang dahil sa mahilig sa kape, haha, pero kailangan ko ng masusulatan, hihi. So, nagkape nga, kahit kainitan – para maka-avail ng table tissue o napkin, susulatan ng observations. Whehe, aliw na buhay ng isang aspiring writer… So, ayon, sa magaspang na tissue ng kainan naisulat ang notes para sa Sa May Kanto ng Avenida at Recto, ahaha. Classic? Mahigit dalawang linggo sa bag ang kumpol ng papel, dala ko yata maski saan. Kainaman na…

 

Image of a painting of a frontyard of a house

Ang istorya ay maaring mangyari at umikot sa isang tagong pook, sa isang munting sulok/ howtoplanwriteanddevelopabook.blogspot.com

Pag tayo ay lumilikha o nagsusulat ng sentimyento natin para sa isang pook, alin-alin ang isinasali, inaalis at iniiwan?  Sabi, mas impressions na lang ang practical na itala at ihayag sa ngayon.. Capture the scene in that one moment, we are in a constant flow. Sabagay, mahigit 20 taon na rin… May masasabi pa kayang bago, may maidadagdag pa sa mga naihayag at naitala na ng iba, may bagong liwanag pang magpapakita muli sa nasabing lunan? Ang lugar ay minsan pang silipin, masdan, i-appreciate at damhing may pagkukuro… Paano magka-ugnay ang lugar at ang nagsusulat – napadaan lang, sadya dating pinupuntahan o naligaw lang? Paano ipapaabot sa mambabasa ng isang nagsusulat o lumilikha ang damdamin niya para sa isang lugar?

 

Sa nakaraang post, naikwento ko si Eudora Welty, tanyag na regional writer na tumanggap ng Pulitzer Prize. Kilala siya sa husay niyang maglarawan ng lugar sa panulat. Sabi niya, kung wala raw lugar sa sulatin, walang kwento… Ang galing niya sa pagbibigay-buhay sa lunan ang pinilit gayahin o higitan pa, ng manunulat na si Alice Munro. Kakaibang mag-render ng isang pook sa panulat si Munro, tila bawat isang sulok doon ay iniilawan… Ang kapansin-pansin, matingkad ang elemento ng panahon sa kanyang writings – time element. Habang binabasa, mararamdamang ang characters ay nanghihinayang, nagugulat o, nagmamadali, para habulin – ang sandali – lipas na o papadating pa lamang?

Matingkad rin sa sulatin ng iba pang mga manunulat ang lugar sa kwento – ang setting… Nakilala ang mga panulat ni Miss Read sa Inglatera dahil sa kanyang fictional village – ang Thrush Green. Sa America, napamahal naman sa laksang tao sa maraming dekada ang manunulat at radio talent na si Garrison Keillor dahil sa kanyang fictional suburban community – ang Lake Wobegon. Tinanghal sa buong mundo ang galing ng panulat ni John Steinbeck dahil sa kanyang fictional na pamayanan – ang Salinas Valley. Sa kanilang mga sulatin, binuhay ng mga may-akda ang mga pangyayari at tauhan – sa isang tiyak na setting – pinuntahan, ginalugad at tinuklas din sa imahinasyon ng milyong mambabasang napukaw.

 

Image of a painting of an old kingdom in a distant place

Noong unang panahon, sa isang malayong kaharian…./ englit-debs.blogspot.com

 

Kung ilang ilang dekada na ang layo natin sa mga nabanggit na authors. Isandaan hanggang 150 ang nakakaraan, popular ang nobela bilang anyo ng panulat at babasahin. Sa ngayon, mas coffee table books na … Kadalasan, binabasa na lang sila mula sa Kindle o sa tablet, tinitingnan na lang sa gitna ng paghihintay — sa meeting, sa sasakyan o sa in-order na inumin at pagkain. Mas maiksi at papalit-palit na rin daw ang attention ng mga nagbabasa, sabi… Bilang mga taga-kwento at tagagawa ng istorya, mahalaga pa ba sa atin ngayon ang lugar sa panulat? Paano natin iyon ipanapaloob sa entries – kuhang larawan man, tula o sanaysay – taglay ang mga payak nating iniisip at pakiramdam, pagkukuro at kapirasong pagkamalikhain? Paano natin hinahabi ang kamunting kwento, magpapasabi sa titingin o babasa, “Ay, gusto ko ryan. May naalala ako bigla…” 😉

 

Buhay nga naman…

 

Hinto lang po sandali, magpapasalamat lang sa Reblogging feature ng WordPress. Thank you! 🙂

 

Ka-blogs, napansin nyo, madalas nasa itaas ng most viewed post rito ang Sa May Kanto ng Avenida at Recto? Opo, medyo bumibida rito ang nasabing sulatin. Isa pala yo’n  sa blog entries na medyo pinaghirapan, pangalawang attempt na i-showcase ang lungsod ng Maynila… O, e, di ang saya?

 

Image of the corner intersection of Recto Avenue and Rizal Avenue in the city of Manila

Kuhang larawan ng kanto ng mga panulukan ng Recto at Avenida sa kasalukuyan/ theparadoxicleyline.blogspot.com

 

Ay, alam nyo pala ba’t ito leading sa Google search? Dahil sa Dilson theater/Dilson cinema/sinehan sa Recto, ahaha. Akala ko pa naman, akala ko, marami ang maku-curious sa ‘king pagpipinta sa lumang kalye ng Azcarraga, hihi… O, di kaya, sa heydays ng panulukan ng Avenida, hakhak. Asa pa… 😉

 

Image of Dilson theater from the outside

Kuhang larawan ng Dilson Theater sa Maynila, sa may kanto ng Recto Avenue at Avenida (Rizal Avenue) sa makabagong panahon/ dennisvillegas.blogspot.com

Ayon, balak ko, pagluwas ni younger brother, aayain ko sya sa Dilson. Aalamin namin ang misteryo sa loob ng nasabing sinehan, hehe. Many years ago, pumasok kami ni brother sa Gala Theater, haha. Interesting ang mga tao sa loob ng lumang movie theater, di nga… At, ang lagkit ng sahig, hohoho… 🙂

 

Seriously, noong araw, naisip ko, pwedeng mag-top ang blog entry na Recto-Avenida, maski kayhaba, dahil sa Manila Grand Opera House. Kako, baka maraming maghahanap ng update – andoon pa ba ang nasabing historical landmark? Sikat daw yaon sobra, noong unang panahon… O, di kaya, dahil sa Odeon, puntahan daw ng mga tao noon, pagkakalabas ng opisina. Ay, sows, mas sikat pala ang Dilson, hahaha… 😉

 

Masayang mga araw ng tag-ulanan sa inyo! 🙂

 

Sa Likod ng Quiapo

 

Manigong Bagong Taon sa lahat! Mgakapatid, ka-blogs, ito ang unang pagtatangka ko rito sa SSA na gumawa ng mahabang sanaysay ukol sa lugar sa Maynila. Ire-reblog ko para sa mga hindi pa nakabasa. Kumusta, sana kayo ay nasa mabuti… 🙂

sasaliwngawit

 

Dalawang araw ang karaniwang inaabot ng pagdiriwang ng pista ng Nazareno sa Quiapo. Petsa otso ng unang buwan ng taon, sa bisperas at sa mismong araw, sa ika-9 ng Enero. Pero ngayong 2012, inabot ng tatlong araw ang celebration dahil hindi raw makausad-usad ang prosesyon. Ang di-kagandahang nangyari roon ay nasira raw ang tatlong gulong ng karosa o float sa early part pa lang ng procession, sa bandang Quirino pa lang.

 

Naalaala ko pa namang noong isang linggo, iyon ang highlight sa balita. Idine-demo noong architect kung gaano at paano medyo mas hi-tech, mas state of the art, ang karosa ngayong taon. Custom-built daw para kung dumugin man daw ng devotees sa parada ang imahe ng Nazareno, mas kayang mag-endure noong sasakyan. Anyway, hindi rin. Hindi rin daw kinaya, sabi.

E, siyempre, huwag na nating pag-usapan kung paano nagiging enthusiastic ang mga Pinoy pagdating sa pahiran ng panyo…

View original post 1,065 more words

Ang lumang kalye ng Arroceros

 

Ang lumang kalye ng Arroceros sa Maynila ay may bago nang pangalan – Villegas Street. Sa ngayon, mas alam ito ng mga tao bilang kalsadang bungad o pasukan ng SM Manila… Pero bago ang pagkakaroon ng nasabing mall, Arroceros ang tawag sa kalyeng iyon – bago pa man ako ipinanganak. Pag galing sa Mendiola Area, ito ang kalye pagkababa ng Ayala Bridge, pakanan. Pag dineretso ito ng lakad, ang dulo ay ang City Hall ng Maynila, palabas na sa pinakapangunahing kalsada ng lunsod ng Maynila, ang Taft Avenue. Sa kanto naman ng Ayala Bridge mismo, San Marcelino Street ang kalyeng nag-i-intersect sa Arroceros, kalsadang kinatitirikan ng Philippine Normal University (PNU) at sa banda roon pa, ng Adamson University.

 

SM Manila is located at corner Concepcion and Villegas streets. The latter was formerly known as Arroceros.

Ang higanteng mall sa Maynila ay nasa kanto ng dating Arroceros Street at Concepcion Street, lakad lang mula sa LRT Central Station/ skyscrapercity.com

 

Kilala ang Arroceros noong araw pa man. Una, dahil katabi ito mismo ng munisipyo ng punong kapital ng bansa. Ikalawa, sa kalyeng ito andoon noon ang headquarters, gym at recreation center ng YMCA, kahilera mismo ng Manila City Hall. Katapat naman ng YMCA building, punong tanggapan ng GSIS. Dalawampo’t limang taon na ang nakakaraan o mas maaga pa, pag-aari na ng GSIS ang building na pinag-oopisinahan nito ngayon sa Pasay at kinalalagyan din ng Philippine Senate. Pero, sa Arroceros Street nag-o-opisina noon ang GSIS, sa kung anong dahilan. Bukod sa may mga nagtitinda ng binalatang hilaw na mangga, banana que at nilagang mais sa Arroceros Street, may Ever Department Store din noon sa lugar, oo.

 

Image of Arroceros Street corner San Marcelino, in Manila

Ang San Marcelino ang unang intersection sa Arroceros Street, bago pa ang kanto ng Concepcion Street na kinatatayuan ng SM Manila ngayon/ panoramio.com

Iyon yata ang pinakamaganda at medyo sosyal na Ever na nakita ko, hahaha. Doon iyon noon sa kantong-kanto mismo ng Arroceros, pagkaliko galing sa Ayala Bridge. Pataas o elevated ang nasabing department store, pagkapasok sa establishment ay may escalator na bubungad sa shopper para makaakyat para magtingin o mamili. Dahil medyo kubli at may mga tanim na halaman sa palibot, parang pribado at ekslusibo ang ambiance ng Ever-Arroceros. Mukhang mga maykaya at may sinasabi rin ang marami sa mga namimili roon noon. Paglabas naman ng Ever, lakad-lakad ng kaunti paunahan, GSIS building na…

 

Noong panahong bagong salta ako sa punong lungsod, ang mga kapatid kong mas matatanda, sa Sta. Mesa pa nakatira. Pag hindi sa Cubao o Greenhills ang punta namin, ahaha, puro pa-Maynila na ang mga lakad – Recto, Sta. Cruz, Quiapo at Arroceros. O, kaya, sa Harrison Plaza o sa Quad Mall sa Makati – parehong sa Manila area pa rin ang daan – dadaan ng Quiapo o kaya Arroceros. Kaya, medyo buo pa sa isip ko ang itsura ng huli. Tanda ko pa ang mga nagtitinda ng sedula pagkalampas na pagkalampas ng YMCA building. Pero higit pa, tanda ko ang Arroceros dahil may dalawang taong naglalagi ako noon sa YMCA, kasama ang mga unang kaibigan sa Kamaynilaan. Naglalaro kami ng bowling doon. Duckpin pa, ahaha. Oo, ‘yong pins at bola na mas maliit. Pag baguhan nga pala sa larong ito, mas mainam mag-umpisa sa bolang magaan.

Ang YMCA ang isa sa natatandaan kong maganda sadyang laruan ng bowling. Ilan na rin lang noon ang establishments na duckpin pa ang bowling  – sa Farmers sa Cubao, sa lumang building ng UP Alumni Association sa loob ng Diliman campus at sa Discovery building sa Sta. Mesa. Mayroon din yata sa Pasay, pero di ko lang napupuntahan at napaglalaruan. Ang mga mas kilala at mas may pangalang laruan gaya ng Celebrity Sports Plaza sa Diliman, tenpin na noon ang gamit. Pati ang mga andoon sa Timog, Katipunan at sa Greenhills. Mas mura din nga pala ang bayad sa duckpin dahil ang turing ay laro ito ng amateurs. May bowling lanes nga pala sa siyudad sa lungsod namin sa probinsya, pero wala pa kaming budget sa recreation noong andoon pa ako. Pagtuntong sa malaking lunsod, noon ko medyo sinulit, haha – sa UP Alumni at sa Arroceros…

 

Arroceros then and now look almost the same. The present mall at the area must have taken over where the old YMCA building was located.

Halos ganito na rin ang itsura ng Arroceros, 25 taon ang nakakaraan. Kung di ako nagkakamali, nasakop ng mall ang lugar na dating kinatititrikan ng YMCA building/ skyscrapercity.com

 

Madalas kami ng mga kaibigan kong makikita noon sa YMCA. Pag weekdays, ang nakakalaro namin sa bowling, judges sa Manila Regional Trial Court, haha. Siguro, nagsasawa rin sila minsang  sila-sila lang ang magkakalaban kaya pinapatulan nila ang mga baguhan sa laro. Mababait sila sa amin, mga neneng kaming mapuputla at payat, hihi… May ilang pagkakataon ding ang kalaban namin, ang grupo nina Dindo Fernando, bago siya pumanaw. Si Dindo pala, drama king sa pelikulang Pilipino, 80s. Siyempre, noong una, starstruck pa kami sa kanya. Noong madalas na namin syang nakikita, di na kami naiilang. May isang beses palang natalo namin ang grupo nila, hihi. Inilibre kami ni Dindo, ang saya… Iyon ang kalakaran noon sa YMCA – ang matalo, manlilibre ng Sprite. Kami na ang nailibre ng artistang pagkaganda ng mata, hihi… 😉

 

Image of a part of Arrceros Park, a few steps from the LRT central station and a short walk fro the mall

Kuha ng isang bahagi ng Arroceros Park, ilang hakbang mula sa LRT Central Station at kaunting lakad mula sa SM Manila/ flickr.com

Anyway, may LRT Central Station na rin noon sa lugar, katatayo lang nang time na ‘yon. Andoon na rin noon ang Arroceros Park pero iba pa ang itsura nito sa ayos ngayon. Dati, medyo parang munting gubat lang ang parke (hindi maintained) at may mga parte namang imbakan at tapunan ng mga katabing tanggapan. Pagdaan ng mga taon, magkakaroon ng isyu sa lungsod ng Maynila kung aalisin ba ang park at iko-convert na lamang sa pagiging commercial land. Sa pagkaalam ko, marami ang tumutol. Noon nakilala ang “ladies” ng Maynilang  nag-depensa sa parke. Nagkaroon ng resolusyon ang lungsod para panatilihin ang kapirasong gubat sa gitna ng lungsod. Kaya hayon, sa ngayon, nadidiligan at naaalagaan  ang Arroceros Park, ang immediate view sa likod ng Metropolitan Theather sa Lawton.

 

Hindi ko alam kung kailan eksaktong napalitan ang pangalan ng kalye ng Arroceros at naging Villegas Street. Siyanga pala, si Antonio Villegas ay dating mayor ng lungsod mula 1962 hanggang 1971, sakop ang panahong itinuturing na golden age ng Maynila. Sa kanyang panunungkulan naipatayo ang Quiapo at Lagusnilad underpass, ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila(PLM), ang Ospital ng Maynila at maging ang rebulto ni Andres Bonifacio sa Plaza Lawton.

 

Image of the old Arroceros street in Manila during the Spanish period

Ito ang imahe ng kalye ng Arroceros sa lunsod ng Maynila noong panahon ng mga Kastila/ tumblr.com(old manila’s account)

 

Mga kapatid, from memory lang itong kwento ko. Dagdagan nyo sana, kung may alam din  – luma man o bago… Maraming salamat sa pagdalaw.  Magandang pasko sa ating lahat! 🙂

 

Sa Mabini Tayo Pumadpad

image of establishments in Burgost Street in Makati City

Bago pa itong Burgos Street, ilang dekada munang sa Mabini St. makikita ang ganitong tanawin/ burgosstreet.net

 

Lungga ng mga Magdalena, lugar ng mga kalapating mabababa ang lipad – iyan ang reputasyon ng kalye ng Mabini sa lungsod ng Maynila sa matagal na panahon. Marami-raming taon din akong naging saksi ng pamamayagpag ng Mabini bilang sentrong aliwan o red light district sa Kamaynilaan. Seedy, sleazy and dirty, ilan sa mga salitang madalas gamitin ng marami para ilarawan ang nasabing lunan.

 

Bagong salta ako noon sa malaking lungsod at hindi ko pa alam kung ano ang ibig sabihin ng red light district. Sabagay, ano ba ang alam ng isang probinsyanang bagong salta sa mga ganoon kung lalabing-anim na taong gulang  pa lang? Practically, wala… Anyway, ang Mabini ay sakop ng Ermita. Ang Ermita district sa kabuuan ang may kwestyunableng reputasyon na kung ilang dekada nang nakadikit, kung tutuusin. Hindi nga ba at may joke at kabastusang nakadikit sa kalye ng Adriatico, dating kilala bilang Dakota? Ayon, sa Mabini lang ang lundo, ang sentro ng business sa Ermita, kumbaga.

 

map of Burgos street  in Makati City

Malapit sa Makati Avenue ang Burgos Street sa Makati/ moonlighthotel.com.ph

Kung nadadaan kayo sa Burgos Street sa Makati, medyo parang ganoon ang itsura ng Mabini noon. Except mas de-klase, mas malinis at mas tamed ang Burgos kaysa sa Mabini. Mas maiksing strech din ito kung ikukumpara at mas contained, ‘ika nga ang business. Mas regulated sa Burgos, sa isang banda.

Pero, marami silang pagkakahawig. Maraming kumukutitap na malalanding ilaw, hili-hilera ang mga inuman at may sangkaterbang dayuhan o foreigners na naglipana sa kalsada – out to have a good time. With drinks and women, of course. Ganoon ang eksenang matatagpuan sa parteng iyon ng Maynila, late 80s hanggang sa late 90s yata.

 

Mahaba-haba ang street ng Mabini bilang isa sa mga kalyeng parallel ang takbo sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Nag-uumpisa ito sa may intersection ng T.M. Kalaw hanggang doon na sa may Remedios Circle sa Malate. Isa itong panulukang binubuo ng mahabang serye ng bars, lounges at mga kainan. May mga hotel din at motels, pension houses at convenience stores.

 

image of Burgos Street in Makati City

Makulay, puno ng ilaw at aliw ang  karaniwang matatagpuan/ flickr.com

Pag andoon ka, mapapansin mong neon lights ang kadalasang panulat ng pangalan ng establishments. Tapos, ang mga ilaw sa loob, iyong dimmed na tinatawag. Sa labas, may podium kung saan nakapwesto ang ushers cum bouncers. Sa paligid nitong podium tumatambay ang mga babaeng taga-aliw pag wala pang gaanong customers. Doon din nagtatanong ang mga parokyano saka, nakikisindi ng yosi.

 

Sa lugar na iyon, nangingibabaw ang kulay na pula – pula ang marami sa mga patay-sinding ilaw, pula ang maiiksing palda ng mga kababaihan at pula rin ang kanilang mga lipstick. Karamihan sa mga taga-aliw o guest relations officer (GROs) ay pitis ang mga suot, mapang-akit kundiman mahalay, ang mga gayak at, naka-kolerete ang kanilang mga mukha. Scantily dressed, fully made up at handang rumampa, ‘ika nga.

Pag hindi sanay ang napadaan, maninibago siya, malamang. Ang lugar ay tila isang jungle na para ring entablado na para rin namang karnibal.  Makulay iyon, maingay at matao. Sa loob ng bars, karaniwan ay puno ng mga nag-iinuman, nagkakantahan at naghuhuntahan. Sa second floors ng mga gusali, madalas ay mayroong loge o mga kwartong may cubicles. Maraming mga dayuhan – mga Puti, mga Negro at may ilang mga Asyano – Hapones, ganyan. Gumigimik sila, handang gumastos para maaliw. Sa Mabini.

Pag nagawi ka noon sa lugar pag bandang hapon, makikita mong busy ang pawnshops, money exchangers at mga meryendahan. Sa mga bars, masisilip mo ang mga lalaking nagpapatas o nagpapasok ng beers at softdrinks, may mga nagba-vacuum ng tiles at may mga babaeng nagtutupi ng table napkins. May mga gumagala na ring mga bugaw o pimps sa oras na iyon, nagtitingin-tingin ng prospective customers at may mangilan-ngilang Puting umiinom sa mga patio. Ang iba naman, gumagala sa mga tindahan ng antiques at paintings, marami rin nyan sa area.

 

image of Ermita by daytime, snapshot taken in 1988

Sa gabi ang saya sa bandang Ermita. Sa hapon, nilalamnan pa lang ang bituka, nililinis ang mga suka/ http://dickheadley.blogspot.com/2005/02/ermita.html

 

Doon sa kalye ng Padre Faura, malapit na malapit sa  kahabaan ng Mabini, may bookstore doon – La Solidaridad ang pangalan. Pag-aari raw iyon ng manunulat na si F. Sionil Jose. Oo, siya iyong sumulat ng The Pretender at ng My Brother, My Executioner. Maliit lang ang bookstore na iyon. Natatandaan kong ang baba ng kisame roon at ang stocks ng libro, nasa isang parang loft na masasagi na halos ng ulo mo pag ika’y sa loob nagtitingin-tingin. Madalas ako noong gumawi sa La Solidaridad.  Pero, isang beses lang yata akong nakabili, haha. Magaganda ang titles at marami roong Filipiniana publications pero ayon, medyo mahal…

Ilang hakbang mula sa La Solidaridad, Mabini Street na. Makakakita ka na ng mga batang babaeng edad 12 to 15, malalaswa ang pananamit, inaakbayan o hawak sa puwit habang naglalakad ng mga higanteng Puti. Minsan, isang foreigner, apat na batang babae ang kasama. Lalo na pag gumabi, on na ang night life ng lugar – dumadagundong ang tunog ng speakers. Full tilt ang happenings, eksenang red district talaga.

 

Mabini, at least labinlimang taon ang nakakaraan…

 

Bonus Track: Shooting ng The Bourne Legacy sa Sta.Mesa

image of Jeremy Renner for the movie, The Bourne Legacy

Tough guy na hinahabol sa isang Third World country si Bourne/ thewutzup.com

Akalain nyong sa mismong linggo matapos kong isulat at ilathala ang article tungkol sa lugar ng Sta. Mesa sa Maynila, noon pa mismo nag-shooting doon ang prod team ng The Bourne Legacy? Talk about paglalagay ng Sta. Mesa sa mapa, ahaha… 🙂

 

Siyanga pala, noong 2010, may nag-shoot sa Sta. Mesa ng isang full film tungkol sa lugar. Yes, isang US-based na Pinoy ang nag-direct ng indie film, ang istorya ay umiikot sa vicissitudes of life, ‘ika nga, sa Sta. Mesa… Ang title ng movie? Santa Mesa mismo. Yes, you heard it right. Sa riles ng tren kinuhanan ang maraming shots ng pelikula, noong bago inalis ang mga bahay sa tabi nito. Batang lalaking Amerikano ang bida sa movie. Ron Ramirez naman ang pangalan ng indie film director. Hindi ko lang alam kung ipinalabas din itong indie film sa Maynila… 🙂

Kung sa pagsusulat naman about Sta. Mesa, may nauna na rin. Dito sa WordPress mismo, oo. Ang blogger na si urbanroamer, pirming may dalang camera at nagpi-piktyur-piktyur ng mga eksena sa Kamaynilaan. Tapos,  ipino-post nya ang mga bunga at ebidensya ng kanyang interesting forays, ahaha. ^^  Ayon, doon sa site nya ako namingwit ng ilang pics at doon ko rin yata nalamang ang Sta. Mesa ay isang settlement  ng mga obrero o workingmen, maski noong noong araw pa. Medyo ma-English si urbanroamer, tunog urbanite, ahehe. But he’s telling his stories with less words and more pics, yown. 🙂 Maraming salamat sa kanya at sa informative and interesting site niya.

 

Anyway, tungkol sa kwentong shooting natin. Dalawang beses nag-shoot sa Sta. Mesa area ang The Bourne Legacy. Una, noong February 4 and 5 at nitong huling weekend, Feb. 11 and 12, 2012. Pasensya na, out of town ako nitong mga huling araw kaya luma na ang kwento ko, haha. Pero, ayon nga, nakanood ako ng shooting noong kabilang linggo. Ako na ang usi …

Noong weekend na ‘yon, may okasyon kami sa pamilya, ginanap sa isang restaurant sa bandang E. Rodriguez Ave. Ang nangyari, ‘yong isang niece ko, late na kai-kainaman. Sa bandang Sta. Mesa kasi ang daan nya at naipit sya ng husto sa traffic dahil sa shooting. Eh, shaks na malagkit, na-excite ako pagkarinig ko no’n. Pauwi na sana kami sa bahay ng sister ko for the party after the party, haha, nang maisip kong bumaba ng sasakyan para maki-usyuso, siyempre. Hinatak ko si pamangking na-traffic, para anuman, may kasama ako sa makulit na adventure, haha.

 

Punta nga kami. Sa kagustuhan kong masilip maski batok man lang ni Edward Norton, kesehodang i-declare kaming missing in action ng mga kamag-anak, haha… Si pamangkin palang nahila, may dalang T-square noon, habang ako nama’y may bitbit pang sombrerong Barney at balloon, haha. Btw, children’s party po ang aming okasyon. Si balloon ay naharang ni Manang Guardia sa LRT2 V. Mapa station, hindi raw pwedeng iakyat sa train platform. Ayaw nya ring paiwanan sa deposit desk, baka raw sumabog (?*!<). Pero, pinilit ko pa ring iwan, ahaha. Tip naman ni Manang na nagtitinda ng adobong mani, andoon daw sa perimeter si Edward Norton. Excited me much, as in…

So, ayon, nakipaggitgitan kami sa iba pang mga usisero, pumasok sa loob ng cordon ng production staff ng Bourne at nakipag-Jaworski sa kung sinu-sino para first hand and up close naming ma-witness ang pagsu-shoot. Owkey naman. Wagi kami, nakahanap ng magandang pwesto sa Lumanog Store, along R.M.Magsaysay, bago mag-V. Mapa. Napanood namin ang shooting, kami na ang determined, ahaha. Btw, kayrami ng miyembro ng production staff, sindami yata ng mga usisero’t usisera. At sabi ko nga, “keraming ‘Merkano,” haha, Caucasians na mukhang babad sa outdoors, haha.  Siyanga pala, car chase ang Sta. Mesa scene ng movie, para sa mga di updated sa chizmax, haha.

 

image of Ramon Magsaysay Blvd cor. V. Mapa in Manila

Ilang hakbang una rito ang umpisa ng car chase scene ni Bourne/ .panoramio.com

 

Ang ginawa ng prod team doon, kinuha at inilibre for the shoot ang isang lane ng avenue o boulevard. Mula iyon doon sa may SM Centerpoint (kabilang side) hanggang sa Nagtahan Bridge. Mahaba-haba nga naman ang stretch  na ‘yon. Anyway, sabi nga ng mga nakaranas ng aberya sa byahe that weekend at pati ng mga nag-post tungkol sa shooting, nagka-windang-windang ang totoong traffic sa area. Rerouted ang mga sasakyan. Ang ginawa nga pala ng prod,  tinakipan ang V. Mapa and Stop and Shop intersections para magmukhang isang dire-diretsong kalsada lang ang R.M. Magsaysay, ang kulit… 😉

 

Image of men conferring about the space that would be taken up in  the car chase scene of The Bourne Legacy

Men from the movie production team, a police officer and locals confer about the space that would be traversed by Bourne’s motorbike in the car chase scene/ ph.omg.yahoo.com

Doon sa nasabing boulevard nakikipaghabulan ang bida, si Jeremy Renner, bilang character na si Bourne. Sakay siya ng isang motorsiklo. Tapos, ganoon pala ‘yon, as in, the production simulates the real traffic of the place. Bale, may sari-saring sasakyang nagda-drive sa kalsada – may mga kotse, may delivery truck, may vans at may jeepneys –  umaandar sila habang kinukunan si Bourne sa kanyang pakikipaghabulan. Choreographed lahat ng movements, siyempre. Parang ang hirap gawin kasi, ang dami ng mga sasakyang nasa eksena at kailangan magmukhang totoo ang daloy ng trapiko, hehe. Ang trabaho ng directorial team, parang nagpapasayaw sa sangkatutak na tao, mapwera, mga sasakyan ang participants, haha. Sukat ang distances ng bawat kasali, siyempre, pati ang speed ng driving.

 

Tapos, ayon, paulit-ulit palang kinukunan ang gayon. Kailangan daw mailarawan ang parehong eksena mula sa maraming anggulo. So, pagkakasulong ng mga artistang sasakyan, haha, maya-maya, uurong uli sila ng isa-isa. Tapos, sulong uli, action na naman. Ang kulit tingnan, as in, mukha lang silang matchboxes. Toy cars, kumbaga. Parang silang mga salagubang na ihinihilera at nilalaro ng isang bata. Except ang naglalaro ay directors, foreign and local, na tila baga hindi makuntento sa bawat takes, haha. So, kasunod ang sangkatutak na cameras, mga kable, sari-saring tools, paulit-ulit nilang kinukunan ang eksena. Ang mga tao naman, panood na mai-maigi, haha. 😉

In between takes, makikita lang na palakad-lakad ang mga artista ng pelikula.   Anyway, eto, wala roon sa shooting si Papa Edward Norton, shaks na ‘yan! Hindi lang sa nanghahaba ang leeg ko ko noon para makita si idol, talagang tinatalasan ko ang pakiramdam. Ayon, wala sya… Wala naman yata kasi syang parte sa eksenang ‘yon, kainis lang. Andoon si Rachel Weisz, oo. Maganda sya, pero di ko gaanong natitigan ang mukha nya. Mas sa gilid at likod namin sya nabistahan. Mabalakang syang ale at may pwet, haha. Btw, hindi naman pala sya ganoon kalaki, pag sa malapitan… Sa tv o sa big screen kasi, parang ang laki nyang babae, di ba? 🙂

 

Ang nakita namin ng maraming beses na malapitan at nakuhanan ko pa ng video sa cellphone camera, ang bida mismo, si Jeremy Renner.  Hmmn, hindi sya ganoon ka-papa, haha. Medyo maliit sya, for a white guy. Cute naman sya pero, marami nga kasing mga Amerikano sa shooting at ang iba sa kanila, mukhang mga artista rin, haha. Magaganda ang kanilang mga katawan, parang nagwo-work out at kako nga, tanned, haha. So, kung hindi mo alam na si Jeremy ang bida, hindi mo sya gaanong mapapansin. Sa akin, ha? Peace. 🙂

 

Image of Jeremy Renner walking on the street of R.M. Magsaysay in Sta. Mesa in between film takes

Plakad-lakad lang sa kalye ng R.M. Magsaysay sa Sta. Mesa si Jeremy Renner pag walang take sa The Bourne movie/ http://www.popsugar.com

Anyway, ang striking dito sa lead actor, sobra syang malikot. Pag walang rolling na camera, lakad sya ng lakad at kausap ng kausap ng directors, staff at utility men. Tila nagko-confer sila kung paano makukuha ng mas maganda ang eksena. Tapos, muwestra ng muwestra ang kamay nitong bida, para syang Italian. Akala mo’y kiti-kiti itong si Jeremy Renner. Bitbit ang windbreaker at helmet, paparoo’t paparito siya. Pag kinukuhanan ko sya ng litrato, about ten steps lang ang layo, ha, pagpindot ko ng cam, nakaharap pa sya. Paglabas ng still image, nakatagilid na sya o nakatalikod, haha.  He just kept on moving, as if he’s sizing up and feeling every step of the way. So, iyon naman, mukha siyang mahusay na aktor at wari’y ninamnam nya talaga ang karakter na ginagampanan nya.

 

Mukhang exciting talagang i-shoot ang ganoong eksena. Well, for one, may LRT2 sa itaas. Nai-imagine namin ng pamangkin ko, ang ganda noon pag sa movie na – may car chase sa ibaba ng kalsada tapos, may speeding train sa itaas. Parang magra-rush talaga ang adrenalin ng mga manonood ng pelikula, haha. Kaya lang, paano ika-capture lahat ‘yon on cam – mula sa Third World ambience ng Sta. Mesa main road, hanggang sa emotions ng bida at hanggang sa nuances ng traffic na maiistorbo ng habulan. Naku, the devil is in the details nga siguro. Siyempre, masusungit ang tunog ng nagdi-direhe sa  eksena, lalo na ang mga punong abalang Pinoy, haha. Siyempre, kayo na ang mag-coordinate ng ganoon ka-metikolosong logistics and techniques, kainaman. 🙂

 

image of a store selling guitars along R. Magsaysay cor. V. Mapa in Manila

Andito sa may Magsaysay kanto ng V. Mapa ang mga tindahan ng gitara/ reuters.com

So, ‘yon, for the first time, makikita ng buong mundo sa isang big time movie ang isang mahalagang parte ng Sta. Mesa sa Maynila – live, up close and larger than life, haha. Hindi ko lang alam kung mahuhuli sa film ang music stores na nakahilera sa boulevard. Oo, iyon ang nalimutan kong i-discuss sa Sta. Mesa post, ang corner V. Mapa at R.M. Magsaysay na hub ng musical instruments stores – bilihan ng gitara, ukelele at score sheets dito sa Kamaynilaan. Sana nga, maisali ang detalyeng ‘yon. Pero, baka hindi rin. Doon kasi naka-pwesto ang mga pasaway na manonood, gaya namin, haha.

Anyway, na-miss ko ang shoot nitong last weekend, sayang. Mas sa bandang Nagtahan Bridge na raw ang take noon, magpapasabog ng sasakyan. Haha, iba na lang siguro ang magkukwento, ‘yong mga nakapanood mismo.

 

Trivia – doon sa napanood naming shoot, may dalawang jeepneys (na may pasahero, siyempre), byaheng Munoz-Remedios Circle at byaheng Rosario (Pasig) – Cubao yata. Ha, ha, parehong out of line ang Philippine symbol. Hala, hindi na siguro iyon mapapansin sa pelikula. Sa dami raw ng mga tao’t sasakyang kailangang kunin ng casting staff, random na rin ang mga nakuha’t naisali. Anyway, salient feature kasi ng Sta. Mesa traffic ang mga “patok” na dyip byaheng Cogeo at Antipolo – mga sasakyang sobrang makukulay ang designs, blaring ang music at daredevil magmaneho ang mga tsuper, haha. Mas maganda siguro kung patok mismo ang nakuha nila para sa pelikula… 🙂

 

Anyway, piniktyuran ko ang isang kulay ubeng Honda Jazz na kasali sa eksena, haha. Titingnan ko kung mahuhuli at lalabas iyon sa final version ng The Bourne movie, ang kulit lang. 🙂 🙂

 

Image of Jeremy Renner and Rachel Weizz riding a motorbike in the streets of Manila

Kuhang larawan ng car chase scene sa ikaapat na installment ng The Bourne Legacy series/ http://www.pinoyshoutouts.com

 

Mga dagdag na impormasyon —

 

Para sa info ukol sa pelikulang Santa Mesa –

http://www.answers.com/topic/santa-mesa

Para masilip ang site ni urbanroamer  –

http://urbanroamer.wordpress.com/

Para sa isa pang write-up ukol sa Sta. Mesa – http://officiallyphilippines.com/article/27-mrt2-v-mapa-the-treasure-trove-that-is-v-mapa

 

* Maligayang araw ng mga puso sa lahat ng mga kapuso, kapamilya at kapatid! Happy Valentines! 🙂

 

Ibang Silip sa Sta. Mesa, last part –

image of LRT Line 2, plying the route of Sta. Mesa in Manila

Naging modern kahit paano ang Sta. Mesa sa pagkakaroon ng LRT2/ freezeurmind.blogspot.com

As a place, maari sigurong ihalintulad ang Sta. Mesa sa isang downtown noong araw – puntahan ng mga tao kapag tapos na ang pasok o pasyalan mismo, kapag walang pasok. Sa Sta. Mesa magliliwaliw, magtingin-tingin at magpapalipas ng oras. Kahit pa kung tutuusin, noong mga panahong iyon, hindi pa rin  mismo ako ipinapanganak, wala pa naman talagang gaanong magaganda’t malalaking commercial establishments sa lugar – bazaars pa lang o kaya ay stalls. Iyong tipong may eskaparate pang bubog sa mga tindahan at ang stocks ng sapatos o damit ay nasa mezannine at ihinuhulog sa isang butas sa kisame pag magsusukat ang costumer? Iyon, gayon… Noon yata nakilala ang Sta. Mesa at ang Stop and Shop.

Ang malaki-laking pamilihan noon sa lugar ay andoon sa ilalim ng tulay ng Sta. Mesa mismo, sa nililikuan ng mga pampasaherong dyip dati. Pagkatapos ng kanto ng Altura, iyon, palengke na. Kahawig sa palengke ng Quiapo ang set-up doon. Bale, pagbaba ng mga pasahero, diretso na sila sa pamilihan sa ilalim ng tulay – may mga pwesto roon ng prutas, gulay, isda at karne – galing Divisoria at Quiapo ang mga paninda. Maputik, malansa at makulay ang palengke. Masasaya ang mga nagtitinda. Naka-shorts naman at naka-tsinelas lang ang marami sa mga namimili. Dalawampong taon rin sigurong naging sikat na pamilihan ang lugar na iyon…

 

Doon sa RM Magsaysay corner Stop & Shop, may parte roong pataas mula sa kalsada, matarik. Elevated part talaga iyon, dati pa. Sa ngayon, ang pahilig na lupang iyon ay pinuno ng mga bato, tinaniman ng ilang halaman at mukhang seryosong abutment na, haha. Site iyon ng Sta. Mesa Post Office noong araw. Medyo madilim at maruming tingnan iyon, sa mahabang panahon, excuse me po…  Sa tuwing magpapalit ng mayor ang lungsod dati, asahang maiiba ang itsura ng dahilig, haha. Nitong huli’y parang permanente na ang pagkakagawa. May pagka-anomaly pa rin ang dating, ewan ko,  pero, mas maganda na, haha.

Sa likod noong elevated abutment, Sta. Mesa pa rin, Sta. Mesang ang mga kalye ay pangalan ng mga prutas – Mangga, Pinya, Santol at iba pa. Ha, ha, oks ba? Mas maaayos na ang mga tirahan sa gawing ‘yon – may rows ng apartments, may condos at may buildings na tipong series ng studio-type units. Generally, residential area na itong bahaging ito ng Sta. Mesa. Tipong middle class, lower middle class pa rin ang mas marami, pero mas serene na itong parte ng lugar, kumbaga.

Pag doon, parang hindi ka na gaanong kakabahan sa peace and security mo, haha.  Sa bandang ito,  iba-iba na ang ambience kumpara sa Stop and Shop, haha. Isang sakay ng tricycle mula roon, maari nang makarating sa E. Rodriquez, ang daan ay sa pa-PCSO o di kaya naman, papunta sa SM Centerpoint, para mag-shopping o mag-grocery. Kalimutan mo muna ang mga eksena sa may Teresa o ang traffic sa may V. Mapa. Ang kulit lang…

 

Tatlong bloke ang layo mula sa ilalim ng tulay, malapit sa kanto ng Santol, andoon dati ang Discovery, isang building na may beerhouse at kainan sa ibaba at sa second floor naman ay isang malaking bowling alley. Sikat iyong gusali noong araw dahil maganda ang bowling lanes. Nakapag-bowl rin ako roon ng kung ilang beses. May kalapit ang building na iyong fruit stand corner, para siguro sa mga nakatira sa condo sa di-kalayuan.

Tapos, may isa pang maliit na palengke nearby, Sta. Mesa Market yata ang tawag. Ito ang isa sa natatandaan kong wet market na dry, haha. Andoon pa rin yata ‘yon sa ngayon. Siyanga pala, matagal-tagal na ring naipagiba ang Discovery, ang nakikita ko na lang sa gawing ‘yon ay ang Bible House at saka Calvary Church, magkatabi. For some reason, madilim ang stretch na ito, mula sa gasolinahan sa may kanto ng V. Mapa hanggang sa kanto ng kalyeng Santol.

 

Ang isa pa nga palang landmark sa Sta. Mesa dati, ang Unciano Paramedical College sa Guadalcanal corner Victorino Mapa Street. UP Sta. Mesa ang joke na tawag ng mga tao, Unciano naman para sa mas marami. School ito para sa mga nag-aaral maging x-ray technician, nursing aid, midwife at iba pang auxiliary health practitioners. May mini-hospital din yata sa loob ng compound nito. Hindi ko lang alam kung bukas pa ito sa ngayon, parang hindi na. Pag minsan, may mga nakikita pa rin ako roong mga estudyanteng naglalakad, naka-uniporme ng puti. Pero, wala na yata sa V. Mapa ang Unciano, ang eskwelahang parang ang liit, pero parang ang daming mag-aaral.

 

Malapit sa V. Mapa, pag diniretso ang lakad pagawing Cubao, andoon ang SM Centerpoint, also known as SM Sta. Mesa. Noong unang limang taon ng mall na ito, medyo pinasikat nito ang lugar ng Sta. Mesa. Iyon kasi noon ang mall na naging puntahan ng halos lahat ng kalapit – mula sa  mga kabataang nag-aaral sa katabing UERM at CCP, maging ng mga estudyante sa UST at sa iba pang unibersidad at kolehiyo sa kahabaan ng University Belt.

Maski ang nearby Quezon City residents at mga taga-San Juan, doon din ang punta dati. Doon yata lahat nagkikita-kita para sa pasyal at panonood ng sine. Wala pa noong SM Manila at wala pang SM San Lazaro. Sa pagkakaroon ng SM sa lugar, tila sandaling naiba ang reputasyon ng Sta. Mesa. Medyo naging glossy ng konti, kumbaga. Naging in, haha.

 

image of a mall in Sta. Mesa

Nakadagdag din sa kinang ng Sta. Mesa ang pagkakaroon ng mall dito/ skyscrapercity.com

 

Ang SM Centerpoint, nasa kabilang side ng San Juan River, isa sa tributaries ng Pasig River. Geographically, ang lupang kinatatayuan nitong mall ay mukha namang karugtong ng Sta. Mesa area sa Maynila. Tila nga…  Pero, sa tax declaration, nasa QC jurisdiction ito. Ironic lang, in a way. Bakit kaya hindi sakop ng Maynila ang nasabing mall? Parang kailangan ko ng mapa, ahaha…

So, ‘yon nga. May SM Sta. Mesa na katabi ng LRT2 V. Mapa Station, pero hindi raw naman sakop ng Sta. Mesa, Maynila. Pero, kahit paano ang presence nito, nagpa-iba sa tunog at dating ng Sta. Mesa.  Iyon lang, luma na rin ngayon ang SM Centerpoint at ang Sta. Mesa ay nangangailangan na ng bagong luster, kumbaga. Kamakailan, may itinayong apat na condo towers ang SM, sa kanto ng Aurora Boulevard at Araneta Avenue. A stone throw away lang ‘yon mula sa nasabing mall, pero, Q.C. na talaga ang ginamit na address – ginawang parte ng Sta. Mesa, Q.C.  Hindi na nadawit ang Sta. Mesa, Manila, shaks na yan.

 

Anyway, a few years back, may itinayo namang isang condo ang isa pang real estate company, sa may pagliko matapos ang V. Mapa. Kalye ng P. Sanchez na yata ang nakakasakop nito, doon sa bago mag-Kalentong sa Mandaluyong, kahilera ng Lourdes Hospital. Tapos na ang construction nitong condo last year at aliw ang building – napapalibutan ng asul na ilaw. Kitang-kita iyon sa malayo pag gabi. Iyon din mismo ang pangalan ng gusali – maliwanag – kung ita-translate natin sa Tagalog, haha. Maganda naman, nasilip na rin namin minsan noong nag-inquire kami ng unit, haha.

Matapos ang construction nitong condo, mapapansing medyo nag-commercialize ang strip na ito ng Sta. Mesa. Kung ilan ang itinatayong bagong establishments sa area. Since nag-privatize na ang Lourdes Hospital, ipina-renovate, medyo gumandang tingnan ang hilerang iyon. Doon ‘yon, sa bago sapitin ang Bacoor, isang parte ng Sta. Mesang hindi ko gaanong na-explore. Ang Bacoor, by the way, nasa border na ng Maynila at Mandaluyong. Residential area din ito, nasa may likod ng Lourdes. Ang nasa harap naman ng ospital, Bagumbayan area ang tawag. Ito ‘yong Sta. Mesang ang mga kalsada ay madamdamin ang mga pangalan, haha. May kalye roong ang pangalan ay Salamisim. Haha, oks ba?

 

Kung tutuusin, ang Sta. Mesa ay isang bahagi rin ng Lumang Maynila. Old Manila, as people are fond of saying. Ang Maynila bilang isang lungsod ay mahigit 400 taon na ang edad. Isang siyudad na matagal nang past its prime., ‘ika nga. Napaglipasan, malaon nang naabot ang lundo at humahapay na sa ilang bahagi – ganyan ang madalas na mababasa nating paglalarawan sa Maynila. Marami na raw itong kulubot, bali-bali na ang ilang parte at may amoy na, amoy ng isang matanda.

Napakarami na raw ng mga kakilala at estrangherong nagpalipas ng mga gabi sa kanyang piling – mga anak na sumubok ng kapalaran at di-nagtagumpay, mga panauhing nakitulog at di na umalis, at mga kriminal na doon naghanap ng mapagtataguan at katagalan, doon na rin humimpil. Doon na lahat sila sa lunsod nagsipamuhay. Ganyan ang siyudad ng Maynila, to put it graphically and dramatically.

Sa ibang bansa, pag ganyan na ang sitwasyon ng lungsod, ang mga tao’y karaniwang nanawagan ng city or urban renewal. Usually, ang ganito,  isang socio-civic, long-term campaign – to decongest and to allow the city to take another breath and to regrow its resources, kumbaga. Ginagawa ang ganito kalahok ang policy makers, city and national planners, local executives at siyempre, ang mga naninirahang maapektuhan.  Wari ay kailangan na rin ng Maynila ang ganyang the moves. Ahaha, nakiki-opinyon lang po…

 

Sa Sta. Mesa yata makikita ang marami sa signs and symptoms ng isang aged city. Sa biglang tingin, pangita agad sa lugar ang tinatawag na pathos of development – mga sakit ng pag-unlad. Andyan ang mga nakatambak na basura sa bawat kanto, ang mga karinderyang inokupa na ang sidewalks at ang mga sirang sasakyang nakahimpil sa pwesto ng tatlo, lima o pitong taon na. Di man lang naalaala o pinaglalakasang-loob na alisin o i-tow, maski pa nakakaabala sa traffic. Sabihin pa, masakit din sila sa mata. Parang fixtures na ang ganyang mga tagpo, mga eksenang one has got to live with, ‘ika nga.

 

Ang bulto ng ganitong pangitain, doon makikita sa Old Sta. Mesa, iyong area bago ang tulay na matagal na pinaniwalaang historical at pinag-umpisahan daw ng Digmaang Pilipino at Amerikano. Mahabang kalye talaga ang Old Sta. Mesa, nag-uumpisa sa hangganan ng Maynila at San Juan, sakop ang parteng nag-i-intersect sa V. Mapa, tuluy-tuloy sa may Stop & Shop. Pakisilip nyo na lang sa mapa… Ang lugar na iyon, tila Tondo sa Maynila, tila Bahay-Toro sa Quezon City at tila Payatas bago nag-landslide ang bundok ng mga basura, hindi nga… Karamihan sa mga bahay doon, gawa sa makeshift na lumang tabla at yero. Anong dami ng mga tao sa lugar, parang mga langgam!

 

image of clothes hanged in front of a house in Sta. Mesa

Parang mga banderitas na nakasabit sa kawad ng koryente ang mga damit/ panalongkuha.wordpress.com

Ang mga naninirahan doon, sa labas ng bahay naglalaba, naliligo at nagsasampay ng mga damit. Sa kalye nagluluto ang mga nanay, naglalasing ang mga tatay at sa kalye rin naglalaro ang mga bata. Parang pista lagi ang ambiance. Maski saan ka sumuling, may nagtatawanan, may nagmumurahan at may nagsisingilan, haha. Parang doon magandang mag-OJT ng street lingo at kumuha ng lesson para maging street smart, hihi. Pwera biro, very colorful, festive and intense ang setting. Ire-rekomenda ko ito sa mga artists at artistic souls na naghahanap ng inspirasyon at variety, ahaha. Anyway…

 

So, ano nga uli ang kwento natin? Kung may masisilip bang iba sa bandang Sta. Mesa sa kasalukuyan bukod sa unbelievably cleaned up na ang tabi ng riles? Meron bang bago bukod sa balitang mas maganda ang LRT2, plying the route ng Sta. Mesa, kumpara sa LRT1? At iyong pangyayaring ang LRT2 ay kulay purple? Ahaha, lumang balita na rin ‘yon, pramis. Bago pa ang LRT2 noong nag-shoot si Judai doon ng isang indie film, yong liberated woman ang character nya (di ko maalaala ang pamagat). Matagal na ‘yon, mas recent pa yong nag-shoot sina John Lloyd sa may Pureza, para yata sa eksenang kumain ng fish balls, ahaha.

 

image of an Sta. Mesa strio, with Makati City as background

Sta. Mesa ang bahayan sa harap, siyudad ng Makati ang background/ blogster.com/rica/photo-life-in-contrast

Wala naman yatang bago, to be honest. Kung tutuusin, ang Sta. Mesa ay isang lugar na daanan. Nakarinig na ba kayo noong lunang hindi destinasyon kundi passageway, a way thru, kumbaga? Ganoon ang Sta. Mesa. Isa siyang mahalagang ugat ng lungsod ng Maynila, daanan mula sa inner city of Manila patungo sa mga kalapit na lungsod — pa-Quezon City, pa-Marikina, pa-San Juan, pa-Mandaluyong, pa-Makati, pa- Pasig at papuntang Rizal. Daraanan din ang lugar na ito pag papunta sa mas matataong parte ng mismong siyudad  – Divisoria, Quiapo, Dapitan at Tayuman – mga sikat na pamilihan sa lungsod ng Maynila.

 

May sangkatutak na mga estudyanteng nag-aaral sa Recto, Espana, Intramuros at Taft Avenue na ang pinagmumulan at inuuwian ay Pasig, Marikina, Taytay at Quezon City. Sa Sta. Mesa dumaraan ang karamihan sa kanila, sa halos araw-araw. Ganoon din ang ponglibong kawaning pumapasok sa iba’t ibang tanggapan sa Maynila. Isa pa, sa Sta. Mesa rin ang likuan ng kakaraming pampublikong sasakyan. Sa Stop & Shop karaniwang nagga-gasolina ang daan-daang tsuper ng dyipni – dyan din sila humihinto para kumain, magpa-vulcanize ng gulong o kaya, simpleng mag-recharge ng lakas. Sa Sta. Mesa ginagawa ng marami ang kanilang unfinished business – para makatuloy pa – sa lugar na sadya nilang pupuntahan.

 

image of PUP Main campus entrance in the present

Pinaganda na rin ang pasilidad ng PUP Main campus/ urbanroamer.wordpress.com

 

So, hindi kagandahang stop-over ang Sta. Mesa. Isa itong lugar na abala, matao, at marumi, sabihin na natin. Pero puno ito ng pakinabang, ng saysay at ng buhay – para sa maraming Manilenong dito nakatira, nag-aaral at naghahanapbuhay. Gayundin, para sa milyong sa tuwina ay nakikiraan dito.

 

Ibang Silip sa Sta. Mesa, part two –

image of PNR lines, along Sta. Mesa area, before said lines were cleaned up

Home along the Riles ang karaniwang tawag sa mga ganito/ nl.wikipedia.org

Ang mga tao sa Sta. Mesa, combination ng old Manilenos at mga promding bagong-salta sa lunsod. Ang dami kong kakilalang nagsasabing ang breaking-in nila sa Kamaynilaan ay dito nangyari, sa vicinity ng Sta. Mesa. Dito sila unang natutong mamalengke sa Maynila, mag-date, madukutan, mapaaway – lahat na. Dito sila pumirmi habang nag-a-apply ng eskwelahan sa kolehiyo at dito rin, habang naghahanap pa ng trabaho. Lagi pa ring puno ang simbahang Katoliko roon sa Sta. Mesa church pag may misa, sari-saring klase ng taong lungsod ang makikita mo roon.

 

At ang isa pang nasilip ko, noong bandang 2010 yata, ang likod pala ng mga bagong-tayong commercial buildings sa kalye ng Teresa ay slum na slum pa rin ang itsura at lagay. Iskwater, sabihin na natin. Patatawarin… As in, pag pumasok ka pala sa mga pasilyong makikipot roon, putikang kai-kainaman pa rin at talagang sub-standard housing at pamumuhay ang babati sa iyo, hindi nga… Ang dumi pa rin, ang daming batang naglipana at siksikan, maski saan ka tumingin. Ayon, medyo window-dressing din pala ang commercialization na nangyari, sa medyo low-end nga lang na setting. Iyon.

 

Noong araw, isa sa famous landmarks ng Sta. Mesa ay ang Famous. Laundry Shop ito along Ramon Magsaysay. Kulay dilaw ang signage, itim naman ang kulay ng mga letra ng pangalan ng establishment. Andoon na ito sa pwesto nya, 30 years ago, munting bata pa lang ako noong nag-aaral ng  elementarya sa probinsya. Pag iniluluwas ako no’n ng mga ate ko, pag nakita ko na itong laundry shop, sinasabi ko sa sarili kong malapit na kami, haha. Malapit na nga.

Anyway, andoon pa rin until now ang Famous. Sikat pa rin syang palabahan and dry cleaning shop. Pero, ang signage nito, suggestion lang, haha, could really use a replacement. Kumbaga, may pagka-institusyon na ang dating nito para sa mga sanay sa Sta. Mesa. Doon ito sa bago umakyat ng flyover ng Sta. Mesa, pag galing ka sa bandang Nagtahan o Quiapo, sa kabilang side. Yown.

 

Pasensya na kayo. Medyo nangangahas akong magsalita kasi, apat na nakatatanda kong kapatid ay sa Sta. Mesa nag-aral at tumira. Ako, nakatira rin dyan sumandali, kulang-kulang isang taon siguro. Pero doon na ako sa malapit sa R.M. Magsaysay, doon sa parteng hindi masikip at matao. Hindi sa mismong bituka ng Sta. Mesa, kumbaga. Nang makailan, lumipat na rin kami lahat ng tirahan, hindi na sa siyudad ng Maynila. Kaya siguro, kahit paano, may comparison, may appraisal – kung paano sa Maynila at paano sa hindi Maynila.

Hindi sa hindi na ako, kami, nagagawi sa Sta. Mesa. Madalas pa rin kaming dumaraan doon. Pero iyon, daan lang. Hindi talaga humihinto. Pag pauwi kami sa probinsya, kadalasa’y may dalang sasakyan, doon pa rin kami lumulusot sa isang hotel ng Sta. Mesa, sa driveway kung saan magbabayad ka ng piso para makatawid papuntang kalsadang didiretso sa “Bagong Tulay,” tulay na bago pa rin ang tawag makalipas ang dalawampo o higit pang taon.

 

image of Pandacan Oil Depot, view from a vehicle passing thru Sta. Mesa bridge

Daan muna sa bituka ng Sta. Mesa bago ang tulay patungong South SuperHighway/ recordzholder.blogspot.com

 

Sa tulay na nasa ibabaw ng Pandacan Oil Depot, ang tamang pangalan yata ay Zamora Bridge, magandang pagmasdan ang paglubog ng araw sa Kanluran. Gayundin, ang kapiraso ng artery ng Pasig River, ang mga tangke ng langis ng The Big Three companies at ang mga bahay ng mga taga-Pandacan na nakatayo sa paligid nito.  Iyon ay bago ninyo salubungin ang di-kaluwagang trapiko sa may bandang Plaza Dilaw, papunta sa Quirino Avenue para makarating sa South Super Highway.  Sa Sta. Mesa kami dumaraan madalas, para sa ika nga’y short cut.

 

Pero, kailan lang, bumaba ako sa bandang V.Mapa para doon mag-abang ng masasakyan, sa pag-aakalang doon maraming taxi. Mali pala. Hindi rin. May sakay na yata lahat ng dumaan. Kaya pinili kong maglakad at umikot sa lugar ng mga motel, papuntang Teresa. Baka sakali, mas madaling makasakay doon. Habang naglalakad, kinansela ko na ang aking appointment at ini-reset iyon para sa susunod na linggo.  Tapos, ginawa ko nang medyo leisurely ang pace ko, pamasid-masid sa paligid.

Sinubukan kong ikumpara ang itsura ng iba’t ibang driveways sa bawat  motel na aking nadaraanan. Ahaha, mas maunlad ito ng kaunti sa kinasanayan kong kakulitan dati – tandaan kung alin sa establishments na ganito ang may libreng fried chicken at alin ang may libreng crispy pata, ahaha. Pag Econo-room at pag room na pang- quickie, walang libre, haha.

 

Pagtingala ko sa kabilang parte ng kalsada, natanaw ko ang isang kakaibang establishment, ang Concordia Children’s Services. Isa itong shelter para sa mga bata – ampunan o tipong halfway house – para sa mga batang pinabayaan, iniwanan o tinampalasan. Katabing-katabi ito ng isang hotel, as in, close sila, haha. Motel na malaki naman ang halos katapat ng Concordia, doon na ito halos sa may pagliko papuntang Teresa area.

Naalaala ko tuloy na sa papuntang Greenhills, sa may Pinaglabanan, may ganito rin, ‘yong White Cross naman. Pero mas malaki ang White Cross at maari ring sabihin, mas well-funded and better-situated, kumbaga. Tulad ng Concordia, mga madre rin ang nag-umpisa at nagpapatakbo ng ampunang iyon. Hindi ko alam, pero naaliw ako noong masilip ko itong Concordia, parang eyesore na hindi mo mawari, sa gitna ng mga motel at hostels. Haha, kainaman.

Paglakad ko pa ng konti, bago ko marating ang Chowking sa may harap ng Pureza, nakita ko naman ang signage ng Gloria Dei. At ilang hakbang pa, ang Lutheran Center naman. Hindi ko akalaing kung ilan pala ang religious centers sa lugar ng Sta. Mesa. Dati, ang alam ko lang, may simbahang Katoliko nga, nakasimba na ako roon ng kung ilang beses.

 

Tapos, ang alam ko pa, nasa Sta. Mesa rin ang compound ng Communication Foundation for Asia o CFA. Malaki ito  – ang isang entrance, nasa bandang Ramon Magsaysay. Ang isa namang pasukan, nasa bandang Old Sta. Mesa, tipong grand and magnificent ang gate, haha, very imposing, paakyat sa matarik na driveway, papasok ng compound. Nakapasok na ako sa CFA, siguro, 20 years ago pa, nag-solicit yata kami ng sponsorships sa ilang opisina roon. Anyway, ang alam ko, bukod sa evangelization and fellowship, charity rin ang isa sa mga layunin nitong CFA.

At iyon, pumasok sa isip ko ang isang posibilidad – na maaari ngang ang Sta. Mesa ay isa sa mga lungga o sentro ng tradisyunal na charity missions ng religious groups and formations, maski noong araw pa. Bilang isa sa mga kilalang depressed areas, dito nga naman matatagpuan ang malaking bilang ng mga taong marginalized o iyong nabubuhay sa gilid-gilid, sa mga lusak at pagbabasura, sa pagpuputa o pagpapalimos, sa pagnanakaw at pagbibili ng mga ninakaw.

 

image of two children living in a depressed area in Manila

Ganito ang imahe ng tirahan sa likod ng commercial buildings/ manila.tumblr.com

Naandito nga pala sa Sta. Mesa ang mga kabataang maliliit pa ay nalisya na ang buhay. Naandito ang maraming nangangailangan ng kalinga at tulong sapagkat sa lipunang abala at ang mga tao’y laging naghahabulan at naggigitgitan, madali na ang ilagay na lang sila at ang mga tulad nila, sa tinatawag na stereotypes. Sila ang mga nakakasulukasok na elemento, mga elementong mas mabuting iwasan at mga elementong tila ang buhay ay walang patutunguhan.

Ganito rin ang plight ng marami sa bandang Leveriza sa Pasay at gayundin sa sikmura ng Tondo, dalawang lugar kung saan naroroon din ang maraming charity missions, mga kanlungan at takbuhan para sa mga kabataang naliligaw. Nakarating na ako noong araw sa parehong lugar – sa Tondo at Smokey Mountain dahil sa immersion programs noon sa aming religious org., noong ako’y estudyante pa, at sa Leveriza naman, dahil iyong isang klase namin noon, naki-party  sa loob ng isang araw sa isang shelter doon. Shelter iyon para sa mga batang ginahasa.

Mga outreach programs, iyong activities na ang reaksyon mo pagkatapos ay manlumo at maalibadbaran kaya una, ang gusto mong gawin ay maligo at mag-party, haha, magpakabango at magpakasaya. O, kaya pangalawa, magalit sa sarili sapagkat naramdaman mong kulang ang isa, dalawa o tatlong araw ng pakikisalamuha para meron kang maiambag, kahit paano para pagaanin ang sitwasyon ng iba na ang layo sa iyong kinamulatan at kinasanayan. Iyong biglang nag-hit sa iyo –  shaks, may gano’n pala!

 

Howkey, enough of bleeding heart sentiments… Sa kasaysayan, naks, may kasaysayan talaga, na-feature itong Sta. Mesa dahil ang isa sa mga radio stations na nag-broadcast laban kay Marcos ay andoon sa Sta. Mesa, sa R.M. Magsaysay.  Manood kayo ng tv features tungkol sa EDSA I, naando’n. Nagkukwento ang isang journalist kung paanong sila ay on air pa, habang alam nilang andyan na’t papakyat sa tower ng istasyon ang mga pwersang magti-take over, para hindi na sila makapag-broadcast. Yown! (may karugtong)

 

Ibang Silip sa Sta. Mesa

image of train lines where improvised trolleys ply their routes

Mahirap ihiwalay sa imahe ng Sta. Mesa noon ang riles/ yapakyakap.blogspot.com

Sa usual connotation, ang Sta. Mesa sa lungsod ng Maynila ay ang PUP, ang riles ng tren pa-Bicol at ang bottleneck ng traffic sa may bandang Stop & Shop. O, di kaya naman, ‘yong biglang-liko sa may V. Mapa, doon sa cluster ng motels and hostels, sa may likuan ng mga dyip galing Quiapo papuntang Pasig at galing Marikina, ikot sa Stop & Shop.

Ako, I’d go further and earlier, doon sa panahong ang PUP ay hindi pa unibersidad kundi mas kilala pa bilang Philippine College of Commerce o PCC. Noon, mas kilala ang Sta. Mesa bilang aliwan, hindi nga. Doon kasi sa isang strip ng Sta. Mesa, along R.M. Magsaysay, sa may bandang kinatatayuan ngayon ng Pureza Station ng LRT 2 at saka sa kabila nito, iyong kahilera ng NSO Statistics Board building, panay beer gardens at joints ang nakatayo noon. Hilera bale ‘yon ng patay-sinding ilaw, ahaha. Parang little Mabini Street? Ayon…

 

Noon ‘yon, noong ako’y bagong salta pa sa Maynila. Ang gaganda ng mga pangalan ng establishments doon sa strip na ‘yon, haha. Paano ba? Parang ‘yong nasa may Arayat sa Cubao, after ng MRT Cubao Station, may warehouse-type beer garden do’n dati – ang pangalan, Alibangbang. Parang mga ganoon ang pangalan nila, hi,hi… Saka, talagang kaleidoscopic ang itsura ng mga inuman noon sa R.M. Magsaysay. Literal na may patay-sindi, ahaha. Maliliit lang sila, parang hole-in the-wall types, pero sunud-sunod, kabit-kabit…

Tapos, at almost anytime of the night and even day, may makikita ka roong mga lalaking lango, parang mga wala pa sa huwisyo. Pero noon, wala ka roong makikitang bar girls na nasa labas. Siyempre, teenager pa lang ako noon, curious akong makita kung ano ba ‘yong pinapasok ng mga parokyano, haha. Walang nagtatawag sa labas, bale. Unlike sa Mabini St. na nasa labas ang mga babaeng naka-mini, naka-display ang mga hita at dibdib, doon sa Sta. Mesa, hindi. Nasa loob lamang ang entertainers. Hindi ko lang alam kung discreet ang conduct ng business nila roon, ahaha. Anyway, ganoon dati ang ambience ng Pureza, mahigit 20 taon.

 

Tapos, ang isa pang stereotype sa lugar ng Sta. Mesa, iyong NDC compound, yong area mismo sa likod at tabi ng PUP building sa ngayon along R.M. Magsaysay. Squatters area iyon noon at pati rin yong kalsada bago at pagkatapos ng PUP Main gate – isang mahaba at magkaharapang stretch ng pinagtagni-taning shacks o kubol, sa Tagalog.  Ang itsura noon dati, talagang high-density informal settlers area, kung pagagandahin natin ang tawag. Kabit-kabit na improvised na mga bahay, ang daming bata sa kalye at susme, ang daming sinampay, haha.

 

Ganoon yata nakaukit sa marami ang imahe ng Sta. Mesa – matao, masikip, magulo and in a sense, malaswa. May sangkatutak na squatters, sandamakmak na kainan sa gilid-gilid ng kalsada at maraming kapira-kapirasong food cart business, kumbaga. Sa personal experience, dyan ako sa Sta. Mesa nakaranas na ma-snatch-an ng sunglass at saka sombrero (hat, may isang panahon dating nauso ang pa-cute na saklob sa ulo), habang suot ko mismo, haha. Nasa loob ako no’n ng dyip at walang nagawa ang bagets kong kagandahan kundi magulat sa bilis ng mga pangyayari – pati pala sombrero, ninanakaw din? Apparently, sa Sta. Mesa, oo.

Kung meron mang isa pang tumatak na simbulo ang Sta. Mesa, ito siguro ay ang Fernando’s. Kilalang supermarket ito noong araw, in existence for several decades, ahaha. Ang pwesto nito, doon sa kinatatayuan ngayon ng Mighty Mart at Jollibee sa kantong-kanto, likuan ng dyip papuntang Pasig. Maraming taga-Maynila ang nakakaalaala nito. Hindi ko  lang alam kung dahil ba sa Fernando’s kaya tinawag na Stop and Shop ang kantong iyon ng Sta. Mesa, gayong ang pangalan talaga ng kalyeng iyon ay Old Sta. Mesa. Yown…

 

Matagal-tagal na rin. Nagkaroon na ng LRT Line 2 at inalis na ang beer joints sa strip na ‘yon bago mag-Vicente Cruz pag galing kang Cubao. Nagbawas rin yata  ng mga residente sa NDC compound, pati sa kalye bago dumating sa PUP at pagkatapos nito, in preparation ‘yon sa pag-a-upgrade ng facilities and service lines ng PNR. Inalis, bale, ang informal settlers sa may riles ng Sta. Mesa. Dati, ang dami pa namang nagawang tv features tungkol sa trolley o improvised trensikel sa riles, isa sa mga patunay ng ingenuity ng mga Pinoy, ahaha.

Medyo nagbihis na rin ang nasabing lugar. Ipinagawa ng City Hall ng Maynila ang maraming sidewalks sa area, nagkaroon ng espasyo para lakaran. Nilagyan ng mga ilaw ang sidewalks at unti-unti, ang mga dating improvised business centers papuntang PUP – may xerox service, pa-type-an ng papers, computer shops at mga kainan –  giniba, pinalitan at ni-rebuild to give way sa mga concrete, low-rise buildings sa Teresa Street sa Sta. Mesa.

Ang mga building na ‘yon, karamihan ay commercial shops sa ibaba hanggang second floor tapos, boarding houses naman sa itaas. Iba na sila kaysa sa dating mga upahan  ng estudyante sa lugar. Dati, mga lumang wooden-type houses ang mga iyon, nilagyan lang ng partitions. Iyong residences na kailan lang itinayo, konkreto na ang structures and in a sense, medyo spruced up na, kumbaga.

 

Sa Stop & Shop area, dumami ang branches ng iba’t ibang bangko, maging ng pangunahing kompanya ng botika at ilang fastfoods din ang itinayo roon, may Chowking at iba pa. Over the years, dumami rin ang franchised beauty parlors. Sentro pa rin ang lugar ng pinakamurang computer, printing and photocopy services. Ang sabi-sabi, lahat daw ay kayang pamurahin at gawing affordable pag sa bandang PUP, naman.

 

image of Stop &Shop signage in Sta. Mesa, Manila

May parte ng Sta. Mesang ganito, may parteng mas commercial na/ okayukay.blogspot.com

 

Pero ganoon pa rin ang ambiance ng Sta. Mesa – low-end, high traffic at ang bulk ng komersyo at movements ay umiikot sa pagkakarami nga namang estudyante ng PUP. Malalakas pa rin ang benta ng murang lugaw, murang burger at murang computer shops and gaming centers, ahaha. Idagdag pa ang mga tusok-tusok – kwekkwek, fishballs at kikiam – na ikinamangha ko kailan lang, kung paano na-sytematize ng vendors doon ang paggawa, packaging at pagbebenta, haha. Basta, standardized ang istilo, hindi simpleng cart na petty livelihood, ahaha. Parang sa mga palengke sa China ang sistema nila, akalain nyo.

Marami pa ring mga suluk-sulok doon ay amoy-ihi, kinumpu-kumpuni lang ang stalls o pwesto at luma pa ang mga kahoy at yerong ginamit, kundiman talagang in a state of disrepair o pagkabulok.  Ang dami pa rin ng mga lumang bahay sa lugar, mga tirahang panahon pa ng Kastila itinayo – kapis ang bintana, maarte ang pagkakagawa ng bungad at bakod, nilulumot ang mga pader (may karugtong).