Ang Pulubi at ang mga Dumaraan

 

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa pulubi sa panulukanumaamot ng gatiting na pansin sa mga dumaraan, umaasang kahit sandali titingnan siya sa mata at babahaginan ng kamunting pag-unawa? Andito ako, tumingin ka sa gawi rito, ipaling mo sandali ang iyong ulo, huwag kang lumampas, huwag… Higit sa panlabas na anyo, bukod sa daing na namumutawi sa bibig, lampas sa karaniwang paghuhusga, masdan mo ako ng saglit at bigyan ng pagsasaalang-alang. Ako ay tao rin – umiiral, may pakiramdam, pana-panahon, mayroon ding  hiya… Ako ay ikaw rin. Pag minsan, ikaw man ay andito – humihingi ng habag, nakikiusap, pinagdaramutan… Ngumingiti matapos ang pang-aalipusta, pagtataboy at panlalait ng kaharap – parang walang narinig. Anupa at may darating, may daraan muling kasunod – mas may pakikipagkapwa. Harinawa…

 

Image of a young beggar in the Philippines

Tapunan sana ng isang tingin, pahingi ng konting limos/ 500px.com

 

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa sira-ulong nagbabalita sa paparating na katapusan? Kumpleto ang custome, may paraphernalia, may bitbit na krus at banal na aklat… Matatas at tuluy-tuloy ang sinasabi – May panahon pa, umpisahan na natin ang pagsisisi, itakwil ang mga maling gawi at magtika sa mga nagawang kasalanan… May araw ng pagkukwenta at paniningil, pagbabayaran ang lahat, gugunawin ang mundo… May pagmamahal sa puso ng tao, tiyakin ang kaligtasan at huwag kaligtaan ang mga nalalabing araw para magwasto. Iligtas mo ang iyong sarili sa kasamaang bumabalot, sa kadilimang nakakabulag at sa mga anasan ng mga sinusunog na nakabibingi… Humayo ka sa tamang landas, damhin mo ang pagpapala at tahakin ang tamang daan. Ang kaligtasan ay nasa pagtalima sa tuwid na landas, huwag mong hayaang mahuli ang lahat. Halina…

 

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa putang nangangako ng ligaya at sandaling tamis? Subukan mo ang aking kandungan, kalimutan muna ang mga alalahanin at magtuwang tayo sa lugod at kasiyahan… Tutulungan kitang isantabi ang mga pait, itakwil ang mga sakit at daramhin natin ang kakaibang timpla ng landi at paglimot… Pupunta tayo sa lugar kung saan di ka mahahabol ng mga suliranin, titikman  natin ang mga bawal at magpapakalango kita sa mga inumin ng tuwa at aliw. Magsasanib ang ating mga katawan at diwa sa piging na tanging kita lamang ang inanyayahan at magsasalo, sapagkat tayo lamang ang nakakaalam. Ipagsasawalang-bahala natin ang mga unos, ang mga siphayo ng kahapon at mga hiling ng bukas. Mag-uulayaw kita sa ngayon, sa ngayong kita ang magkadaup-palad at walang ipinapangako, tanging sarap ng kasalukuyan…

 

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa naglalako ng produkto, nag-aalok ng kalakal? Bilihin mo ito, ito ang solusyon sa malaon mo nang problema, padadaliin nito ang iyong buhay. Karapatan mong makaranas ng gaan at alwan sa pang-araw-araw, oras nang tapusin ang pagtitiis, narito at abot-kamay na ang lunas sa pakikipaghamok. Hindi masama ang maghanap ng mga bagong kaparaanan, ang gumamit ng mga bagay na makabago at umangkop sa modernong panahon. Hindi ba ikaw ay minsan at dating nangarap? Nakiliti ang munting imahinasyon sa bukas na di tigib ng dusa at paghihirap? Hindi ba at minsan mong initsurahan sa isip at pakiramdam ang buhay na malaya, may pagkakataong magliwaliw at may puwang para sa ibang intindihin? Naito na ang sagot sa matagal mo nang tanong. Ang noon ay posibilidad lamang, maari na ngayong  hawakan, gamitin at subukan. Malaking halaga ang kapalit, kapatid, subalit…

 

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa paring nangangaral sa pulpito? Ang kawan ay kailangang bantayan, siguruhing nakakain at itawid sa mga daraanan ng di napapahamak o naliligaw. Bago makarating sa langit, marapat munang tahakin ang buhay sa lupang tigib sa pasakit, luha at ligalig, dala ng pagiging makasalanan at imbi. Ang pagkakasala ay di maiiwasan ng tao, ngunit dapat niyang hanapin ang pagpapatawad at pagbabalik-loob sa grasya… Malakas ang tawag ng laman, layaw at sarap. Madali ang sumuko sa kumakaway na luho, bisyo at pagpapabaya, ang magpakawala ng damdamin at sundan ang bawat pita. Subalit, matapos ang pagkadarang, ang tao ay aangat upang mamasdan ang tuyong paligid at mapagtanto –  said na ang diwa. Anupa at dapat punuin muli ang sisidlan ng mabuting gawi at kabutihan. Tanging sa pagwaksi ng makalupang sarili, makakamit ang susi sa pinto ng langit. Kapatid, ano ang iyong hinihintay?

 

Image of hands planting

Tila ang blogger ay isa ring magtatanim/ http://www.dilg.gov.ph

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa isang magtatanim? Matiyagang naghahawan at naglilinang ng lupa para mataniman ng mga punla at buto – isang araw ay sisibol at lalago? Masipag na nagtatanggal ng mga ugat, naggagamas ng mga damo at tahimik na nagdidilig sa umaga at hapon? Matamang nag-aalis ng mga uod at pesteng kulisap, nagtataboy sa mga mapanirang ibon palayo sa sakahan? Masusing nagbabantay sa mga pagbabago ng klima at panahon, nagbabanghay ng bakod at gumagawa ng mga pilapil na daanan? Ah, anong hirap ng magsaka! Palaging banat ang likod at mga gulugod sa kayuyuko, nangingitim ang balat sa bawat araw na nakabilad at tila walang masilungan pag dumarating ang sakuna… Salat sa pagkain sa pang-araw-araw, kapos sa mga pangangailangan at balot lagi ng pangamba sa paparating na bagyo at tagtuyot. Tanging buwan ng tag-ani ang sa tuwina ay nagbibigay ng pag-asang ang lupang kinalinga – isang araw ay magdadala ng pakinabang at di magdaramot… 🙂

 

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

 

Ka-blogs, ang sulatin sa itaas ay isang halimbawa ng pointed na panulat. Napansin ko, sa kasalukuyan, uso ang short, crispy and pointed writings. Gayundin, tila fashionable ang hindi na magpaliwanag. Pag nagpaliwanag, parang uncool, ahaha. Hindi ko itatanggi, may mga naisulat sa sites na papasok sa kaparehong kategorya tulad ng Pagpapanday ng Katotohanan at Walang Bukas. Posts silang  wari, nagtulak sa marami-raming ka-blogs para magbasa at magmasid lang mula sa malayo, hoho.

Bagaman maaring sabihin, halimbawa sila ng kasanayan sa pagsusulat at kayang gawin sa ilalim ng payong ng malayang paghahayag at pagkamalikhain, tila di mabuting dalasan ang paglalathala ng kapareho. Bakit? It seems we live in uncertain and jittery times and peoples’ beliefs tend to be polarized. Tila pag sa extreme ends ng diskurso tayo nag-umpisa ng usap, interesting at nakakatawag-pansin, oo, pero ang laki ng tendency na magdala ng sigalot at di-pagkakaunawaan – sa bahagi ng nagsulat at mambabasa at sa hanay mismo ng mga mambabasa.

 

Paalalahanan nyo ang lola nyo rito pag napapadalas ang pagsusulat ng kaparehong sulatin, ha… Salamat sa inyong pag-unawa at pagtangkilik… 🙂

 

Advertisements