Nalilito, Nagugulo

 

ang gapatak mong pansin

wari’y isang dagat na sa akin

ang mumunti mong hiling

tila  pagpapala mandin.

 

larawan ng isang batang babaeng nalilito

Kung nalilito at nagugulo, ba’t panay ang ngiti mo? Ang gulo! / dslrfilmmaker.com

 

ang kapiraso mong himutok

para namang sinlaki ng bundok

ang pagpapalit ng gupit ng buhok

akala mo naman, kung anong pagsubok.

 

ay, ay, ang iyong bawat ngiti

nagpapaalis ng laksang dalamhati

sa bawat lumbay na iyong pinapawi

paniwala ako,  sa buhay makakabawi.

 

nililito mo ang aking pakiramdam

ano’t ginugulo mo, itong abang isipan

dati’y puno ng lungkot ang kaibuturan

ngayo’y tigib ng sigla, anuman ang masdan.

 

larawan ng batang pag-iibigan

Sa tuwing ikaw ay ngingiti, lungkot ay napapawi / deadlydollies13.deviantart.com

 

sabi nga nila, mahina akong umintindi

hindi yata pwede, sa sabay-sabay at marami

sa tuwing ngingiti ka, habang katabi

animo’y namili lang ng tuwa, dyan sa palengke. 😉

 

 

* Ito pong habi ay munting supling ng tulang Salansan, kamunting suloy, ‘ika nga… Inilalathala po ito sapagkat walang ibang mapagpasyahang ilimbag at walang panahon para magsulat ng bago bilang halimbawa ng komposisyong walang editing. Naisulat po ito sa loob ng dalawang minuto at ang draft o borador ay ito na rin mismo.

Ibig sanang ipakita sa akda ang pagkakaiba ng work na walang edit doon sa dumaan sa kung ilang rounds ng editing. Silipin lamang ang mga tulang nasa kategoryang Hagod sa Taludtod, kung nais ninyo silang pagkumparahin. Welcome kayong mag-comment, magbigay ng observations o anumang puna, mga kapatid. Maraming salamat… Cheers! 🙂

 

Advertisements

Katutubong Wika sa Katutubong Awit

 

Bilang pagpupugay sa buwan ng ating wika, nais ko sanang magsulat ng ukol sa ugnayan ng wika at pagkabansa, kung paano ang wika ay mahalagang instrumento sa pagbubuklod ng sambayanan at paanong kasabay itong umuunlad ng mamamayang binibigkis nito. Subalit, kulang ang panahon at mahirap pumalaot sa ganoong paksa ng walang pagsasaliksik.

Sa gayon at ipagpaumanhin ninyo, minarapat ko na lamang na ilarawan ang husay at ganda ng ating wika sa mga awitin ng tinaguriang Superstar ng pelikulang Pilipino na si Nora Aunor. Siyanga pala, sa kanyang boses at pagkanta siya unang tinanghal bago pa ang kung ilang dekada niyang pangunguna sa pinilakang tabing. Naririto ang tatlong awitin niya sa wikang sariling atin – Buhat, Ikaw at Dahil sa Iyo.

 

 

Ang buhat ay salitang Filipino na nangangahulugang umpisa nang o since sa English. Maaari rin namang ang ibig sabihin nito ay from.

 

Ang tulutan naman ay nangangahulugan sa English na to let or to allow.

 

 

 

Nora Aunor fan ba ang inyong lingkod? Hindi at oo. Hindi dahil noong teenager pa, karamihan sa mga napanood kong pelikula ay pinagbibidahan ni Vilma Santos, haha. Hindi rin niya ako solid fan, pero maraming pelikula ni Ate Vi ang napanood ko at medyo mas nasubaybayan ko rin kung paano siya gumulang bilang isang aktres. Sa kabilang banda, ilan lang ang pelikula ni Norang pinanood ko sa big screen –  The Real Life of Pacita M., Sidhi at Naglalayag. Ang iba pa tulad ng Himala, Minsan, May Isang Gamu-gamo at Bona ay napanood ko na lamang sa telebisyon.

Naikwento ko sa inyo sa isang lumang post na ang Inay namin ay mahusay kumanta at marami ang nagsasabing kaboses raw niya si Nora Aunor. Kaya hayon, lumaki kaming naririnig ang ina naming laging kumakanta ng mga kanta ng Superstar. Sa isip namin, magaling kumanta si La Aunor dahil halos lahat ng kanta niya, inaawit rin ng Inay, haha. Pero bilang aktres, hindi namin siya gaanong pinapanood. Siguro dahil karamihan ng tinatangkilik ng mga taong artista nang panahong iyon ay mapuputi, mga mestisa at mukhang mga taga-alta sosyedad, haha. Samantala, si Ate Guy naman ay maitim, pandak at baduy. Mukhang katutubong Pilipina, ‘ika nga… ^^

 

Pero noong 1991, nakapanood ako ng The Real Life of Pacita M. Ang M nga pala ay nangangahulugan ng Macaspac, apelyido ng karakter sa pelikula. Si Pacita M ay isang inang nagdurusa dahil ang anak niya (Lotlot de Leon) ay nakaratay dahil sa karamdaman. Walang gaanong dialogues ang pelikula at doon ko nasaksihan – ang husay nga palang gumanap ni Nora Aunor. Parang medyo nakanganga lang naman ako pagkalabas ko ng sinehan, hihi. Ganoon pala siya kagaling umarte, parang hindi umaarte maski kaunti. Iyon ay bukod sa ang husay pa niyang kumanta.

 

Nais ko nga palang pasalamatan ng lubos ang lahat ng kasamahang bloggers na masigla at bukas sa pusong lumahok sa pagsasalin sa Pilipino ng tulang Casting a Spell ni Elizabeth Jennings bilang pagtataguyod ng buwan ng wika noong nakaraang taon, sa luma pang site. Maraming maraming salamat, mga kapatid. Mabuhay kayo. 😉

 

Maligayang buwan ng wika sa ating lahat! 🙂

 

sa mga panahong naiinip ang puso…

 

sa mga panahong pagal at naiinip ang puso

bakit kaytagal dumating ng tamang pagsuyo?

sinusubukan ang tatag ng damdamin at binibiro

ikaw ba, pag-ibig, sadyang nagpapakalayu-layo?

 

cartoon image of a young woman waiting

Ang bilin ay maghintay. Di yata nasabi kung gaano katagal/ temiville.wordpress.com

 

saang kaharian, pinili mong maglalaboy

saang pamayanan, sigla ay iyong isinasaboy?

saang kainan naghahapunan, saka mananaghoy

nilulunod sa alak ang sariling nais – makapagpatuloy.

 

sa mga panahong balais ang naiinip na puso

tanong ay bakit, ang iba’y mabilis makatagpo?

may mga pangarap daw, payak ngunit di makuro

paano nangyayari, may mga pagsintang gumuguho?

 

image of a woman and a man, both waiting at a stop

Madalas ding may mga magkalapit ngunit magkalayo/ boston.com

 

may mga puso nga ba, sa pader ang gawa at yari?

o, di kaya, sa asero –  pag nilapita’y sunog at banli.

may mga puso nga bang nakagapos at nakatali?

kailangan pang pakawalan – anong dami ng pasubali!

 

sa mga panahong puso ay naiinip, puno ng lumbay

nagtatangkang silipin mga sagot – sa tanong ng buhay

kailan kaya darating, magiging kakampi at kaagapay?

isang payak na natatangi – inspirasyon, kapit at gabay.

 

image of a young woman leaning on a wall while waiting

May mga pagkakataon nga namang nakakainip din ang maghintay/ lunar.lostgarden.com

 

sa kasabihang Pilipino, kalabaw lang ang tumatanda

ang puso, isip at damdamin – pirmi lagi ang sigla at bata

sa araw-araw, sa tabi-tabi at sa babasahin, di nawawala

mga signos at bulong ng pag-ibig – maski niyong di makata.

 

kahit pa tag-ulan, ang mga ulap dagling nagpapakita

di rin naglalaho – ang bughaw na langit sa tuwi-tuwina

laging may paalala ng bukas, mga pagkakataong sumaya

may ngiti sa labi ng mga bata – sabi’y magandang umaga.

 

sa mga pagkakataon, tila naiinip yaring puso

wari’y gustong itangis,  buhay na tigib ng siphayo

bulong ay huwag bitawan, pananalig o, huwag isuko

bagkus manampalataya,  pag-asa’y naririyan at buo.

 

sabi ng paham, sa bawat isa ay mayroong nakalaan

may kapareha raw, ang bawat puso at nilalang

mahirap din minsang paliwanagan, itong pusong ilang

sabi’y baka wika lang ‘yan – noong taong di pa nag-aagahan. 😉

 

image of a young girl sending message to the wind

Tularan daw ang batang masaya habang naghihintay/ ladyfish.deviantart.com

 

Manalig ka, puso. Bawat pintig ay pag-ibig.

 

 

* Mga kapatid, itong tula ay munting handog sa mga ka-blog na masiglang lumahok sa mga talakayan sa love posts na nailathala dito sa SSA.

Ito ay karugtong o parang sequel ng Tinanong Mo Ako Kung Bakit. Ahaha, naalala nyo ‘yon? Oo, iyong tula ukol sa singlehood na nakaaliw sa marami-rami, kainaman… ^^

 

Tinatangka rin nitong sagutin ang pasaway na tanong, “Pag single ba at lampas na sa kalendaryo, ibig sabihin, nag-give up na sa usapang pag-ibig?” Naman… 😉

Ang nag-inspire nito ay ang ang post ni Mrs. GBP, tungkol sa shortage ng kalalakihan na inilathala kailan lang at buo ang loob na nanawagan ng kapareha para sa mga kaibigan nyang singol, shaks… Haaayy, ewan ko lang kung may nasilo na ang desperado, errr, daring and ingenious  nyang bitag, ahaha. ^^ Ay, mali, adverts pala ‘yown… Oo, adverts nga, sus. 😉

Nakatulong din ang pagkadaan  sa Video City minsan isang gabi at mahigit tatlumpong minutong pagtitingin-tingin ko ng cover ng DVDs ng Disney movies gaya ng Mulan, Pocahontas, Aladdin atbp. Favorite ko lagi, ang scenes para maghanap o papunta sa taverns, hihi. ^^

 

Maitatanong nyo, bakit pag-ibig sa buwan ng Agosto? Ba’t nga? Anim na buwang advanced para sa susunod na February, ahihi… Wala naman, pasaway lang ang mga ka-blogs na readers, parating interesado sa usapang pagsinta, as in…  ^^

 

Nais kong pasalamatan ang mga mama at aleng dumadalaw dito sa site. Malaking Thank You, the best kayo, as in… 😉  At the same time, gusto kong hingiin ang inyong pahintulot na mag-break muna. Marami akong kailangang intindihin at ayusin – mga utang na dapat bayaran, mga sulat na dapat ipasa at sagutin at mga files na kailangang ayusin, as in… Higit pa ryan, binaha kami ng husay na husay nito lang, haha. Mga isang taong linisan siguro, mga kapatid, kainaman. Ayon, I need time, kumbaga…

Gusto ko rin sanang magkapanahon para sulatin ang mga gusto ko talagang isulat. Gusto ko sanang makagawa uli no’ng parang Sa Mabini Tayo Pumadpad, Ibang Silip sa Sta. Mesa o Sa May Kanto ng Avenida at Recto. Pero, tungkol sa kalye ng Nakpil sa Maynila o di kaya sa isang mataong lugar gaya ng Cubao ang inaambisyon ng lola nyo ngayon… ^^

Oo, e, medyo kailangan ng time and concentration sa mga ganoon… Parang nagpipinta, tipong collage, ayon… ^^

 

Tuluy-tuloy pa ring maglalathala ng posts dito. Maaari at welcome kayong mag-comment sa mga sulatin at ipa-publish ang mga iyon, naman… Di ko lang tiyak, mga kapatid,  kung makakatugon agad…

 

Maraming maraming salamat sa inyong pagtangkilik. Mabuhay kayo! 🙂

 

Wala kang binitiwang pangako

 

Hindi mo sinabi ni minsan

ang salitang magpakailanman

Hindi mo winikang

ika’y di magpapaalam.

 

image of wild flowers saying that life makes no promises

Sa buhay na di-tiyak, dapat bang ang tao ay mangako?/ crinago1172.blogspot.com

 

Hindi ka sumumpa

sa liwanag ng buwan

Ang taong minsan, iyong dinatnan

Hindi mo pinangakuang di iiwan.

 

Hindi mo inalam, aking nakalipas

Ano ang dahilan, paano ako tumakas

Hindi mo binanggit ang salitang bukas

Wala kang binitawang lantay at wagas.

 

Hindi nagtagal,  usapan sa kahapon

Wika mo’y limutin na, mga bagay noon

Ang mahalaga kamo’y  pumaroon

Isipi’y pasayahin, ating maghapon.

 

Hindi mo inalam – aking mga pangarap

Kung minamasdan, paglalaro ng mga alapaap

Hindi ka nag-alay hawiin, yaong mga ulap

O, punasan mga luha, sa matang umiiyak.

 

Hindi ka nangakong di ka aalis

Kamo sa akin, buhay napakabilis

Walang panahon, para manangis

Kamo sa buhay, mahirap magmintis.

 

Hindi ka madalas magsabi, ako ay iyong mahal

Paminsan-minsan lang, pag banayad ang buhay

At sa pagkakataong hawak mo, aking kamay

Iyo’y para alamin, kung sinabi ko’y tunay.

 

Hindi mo itinuring, pagtatangi ko ay totoo

Kamo lagi, walang katiyakan sa mundo

Maging masaya, habang magkasama tayo

Ang suliranin, huwag gawing komplikado.

 

Hindi mo pinaghandaan, isang araw

Lilisanin mo ako’t lalayo sa pananaw

Sabi mo pa rin, sadyang ganyan ang buhay

Mang-iwan o iwanan, saklap ay pantay.

 

Hindi mo kaya,  makitang ako ay lumuluha

Lalo’t mabatid ang dahilan, iyong pagtatwa

Nais mo lamang, simpleng pag-unawa

Ginawa ang bagay na matuwid, at sadya.

 

image of rocks by the seashore

Ang paglalayo raw ay isang bagay na sadyang laging nagaganap/ http://www.flickr.com/photos/yaragad/

 

Hindi mo sinabing may tayo sa dulo

Madalas mong wikain, buhay ay di piho

Humangin ng malakas, dumating ang bagyo

Walang bagay managhoy, bagkus ngumiti  tayo.

 

Hindi mo sinabing lalagi ka riyan

Hindi mo inaring banal ang pagmamahalan

Hindi mo ibinukas ang saradong pintuan

Tingin mo’y walang pag-ibig, na di bulaan.

 

ulan sa puso at iba pang mga tila walang saysay na panimdim

 

Hello, mga ka-blog… Kumusta kayo? Kumusta matapos itong bagyuhan ng mga nakaraang araw? Humigit-kumulang, dalawang linggo na halos na tuluy-tuloy ang buhos ng tubig, parang walang puknat ang mga patak. Hala, hindi pa tapos magpatuyo o magpagpag man lang ng mga nabasa, hayan na naman, bubuhos uli… 😉

 

image of a woman walking in the flood

Isang kakaibang karanasan palagi ang tag-ulan sa Pilipinas/ updatednews.ca

Mahilig ba kayo sa ulan? Ako, oo. Sobra… Pero, siyempre, di ko rin gaanong gusto ang inconveniences na dala nito, hihi. Mahirap kaya laging mag-byahe basta tag-ulan? Tapos, nakakabasa pa – sapatos, damit, likod… Tapos, ang buhok, parang sa basang sisiw lang, as in… At, higit sa lahat, mabagal ang daloy ng trapiko, parang di umuusad.

Ganoon pa man, mahilig pa rin ako sa ulan. Sa akin, lagi itong may may dalang  sayang di ko mawawaan, di-mailugar… Siguro, natutuwa ako sa pangyayaring dinidilig nito at ginagawang parang bago ang mga damo, mga halaman at mga puno. Nagagawa nitong sariwa ang mga bagay na may buhay. Nalilinis din nito ang paligid. Ang sarap masdan ng mga kalsada pagkakatapos ng ulan – para silang naligo, parang nakasingaw at kapag sila’y natuyo na, para ang mga yaong binihisan, ahaha.

 

Pero, kung tutuusin, ako rin ang taong mahilig sa tag-araw. Gusto ko rin ang summer maski pa mainit. Gusto ko yaong nasisikatan ng sinag ng ginintuang bolang pagkalayu-layo ang bawat kaliit-liitan at katagu-taguang mga sulok, ang pagmukhaing tila anong liwanag ng lahat at para bang ang mga suliranin ay kayang hanapan ng lunas – sapagkat andiyan ang araw.

Tila ayaw niyong umalis, walang puknat ang init at walang patawad kung suminag si haring araw kapag tag-araw… Iyon lamang, bago pa ng isa maisingit ang mga binalak gagawin at pupuntahan sana, ayan at andyan na pala ang ulanan sa mga hapon. Nagsasalubong ang init at ambon kapag buwan ng Mayo.

 

Kung minsan, iniisip ko, mahilig lamang talaga ako sa kalikasan, sa nature. Laki kasi akong probinsya, nagkaisip sa isang liblib na baryong laging mahamog at maginaw sa umaga. Mahangin din doon sa lugar namin at berde pa, maski saan ka tumingin. Hindi kalbo ang mga bundok na natatanaw sa di-kalayuan.

 

image of a creek where floodwater is flowing

Karaniwang sinusundo muna ng ulan ang tubig sa sapa/ flickrhivemind.net

Isa pang naaalala ko kapag ganitong ulanan na, nabubuhay ang sapang malapit sa amin, nagkakatubig. Siguro, mga pitong daang metro ang layo ng sapang iyon sa bahay namin. Lalakad muna ang pupunta roon sa patag, bago bababa sa may agbang. Ang agbang ay ang natural na daanan ng tubig-baha mula sa mataas na lugar, pababa. Nasa pinaka-ibaba ng bangin ang sapa. Sa mga unang buhos ng ulan, baha pa ang dadaloy sa sapang iyon – may kulay ang tubig na umaagos… Makalipas ang ilang linggo, malinaw na at hindi na sa ulan galing ang tubig – sa sapa na mismo.

Parang sinusundo lang ng ulan ang tubig na nasa ila-ilalim at gilid ng sapa. Nakatago sa likod ng mga pilang bato at sa mga ugat ng mga halamang nakatanim sa paligid. Sa sandaling luminaw na ang tubig sa sapa, parang himalang may lumalabas na rin doong maliliit na mga isda, mumunting talangka at sangkatutak na palaka. Pag ganitong panahon, buhay na buhay na ang sapa… Tamang tama namang nahihinog na ang mga bunga ng punong lansones na nakatanim sa dahilig ng sapa. Pag nagsisipatakan na ang mga bunga, sa agos ang kanilang tuloy, haha. Doon sila magbabagsakan, aanurin, kasama ng mga nalalaglag na dahon…

Isa sa masasayang naaalala ko noong mga bata pa kami, ulang-ulan, tatakas kaming magpipinsan – papunta sa may sapa. Makikipaghabulan kaming tila mga walang bait sa mga lansones na nangalalaglag. Takaw-disgraya  ang gawaing ‘yon – madulas, madilim ang lugar at matarik ang kinatataniman ng mga lansones. Pag may nasaktan, walang makakarinig sa amin. At siyempre, hindi pwedeng sabihin sa matatandang andoon kami para- sa- dakilang- mithing- lansones – uunahan namin sa paggulong bago pa makapatak sa sapa, patatawarin.

 

Walang ilog sa lugar namin. Sa dalawang magkatabing baryo, wala. Wala lalong dagat. Sa kasunod na bayan, mayroon. Pero, lalakad pa ng malayu-layo tapos, sasakay ng dalawang beses, saka lalakad uli. Saka pa lang makakaramdam, makakaamoy at makakasilay ng dagat… Pero, isandaang metro mula sa bahay namin, tanaw sa malayo ang mas malaking dagat, ang bay sa aming probinsya, nasa unahan at binabakuran ng isang blue green mountain range. Dalawang oras mahigit ang byahe paparoon kaya hindi karaniwang pinupuntahan ng mga taga-amin ang dagat ng lalawigan. Tinatanaw lang naming mga bata iyon, tumatayo kami noon sa kalapit na patuto o slope…

Hayon, mula noon hanggang ngayon, pag isang kilometro na ang lapit sa dagat, kahit saan yatang dagat, nararamdaman kong tumatalon na ang aking dugo, may nag-iiba sa pakiramdam. Sa mga pagkakataong nasa sasakyan, parang gusto kong bumaba na agad – tatakbuhin ko na lang at sasalubungin ang hanging-dagat. Tila isang taong matagal na nakakulong, lalaya…

 

Pero sa bayan namin, may ilog… Sa bayan, mismo. Malaking Tubig ang tawag ng mga tao. Doon iyon andoon sa may tulay, sa pagitan ng munisipyo at ng palengke. Noon, hanggang maari, pag pumapa-bayan kami, humihiling ako sa kasama ko, sa sinasamahan ko, maglakad na lang kami papunta sa palengke  – para matanaw kong maigi ang ilog sa bayan.

May hawig din ang ilog na yaon sa sapa namin, kung tutuusin. May tanim ding mga lansones sa gilid, haha. Marami ring mga punong sobrang lalaki at lulusog ng mga dahon at ang mga ugat nila ay kadalasang nakalitaw, haha. May munting eco-sytem din doon ng mga lamang-dagat, kulisap at hayop na nabubuhay sa paligid. Halos pareho rin…

 

image of a Philippine river

Medyo hawig sa nasa larawan ang ilog sa bayan namin, mas madilim nga lang/ joanphils.0catch.com

Mas malaki at mas marami nga lamang ang tubig na dumadaloy sa ilog. Mas malakas din ang lagaslas ng tubig doon. Isa pa, sa parte ng ilog na matining ang tubig, malalim. Mas malalim, alam namin, kaysa sa sapa naming pitong piye lang ang pinakamalalim na bahagi… Hindi ko naranasang tumuntong sa malalim na parteng iyon ng sapa, sa bahaging mga tatlong piye lang ang lalim o mas mababaw pa – doon kami noon dumadayong maglaba, magtampisaw at maglaro… Ang pinakapaborito ko, pag maglalakad na kami ng patalon-talon sa ibabaw ng mga malalapad na bato sa sapa – pagalingan kaming hindi mahulog o madulas. Ginagawa namin iyon noon, kapag tapos nang maglaba…

 

Magkakarugtong ang mga tubig, iyon yata ang isang kaalamang sa buhay at hindi sa eskwelahan ko natutunan. Ang sapa sa may amin, tutuloy at dudugtong sa pinakamalapit na ilog. Ang ilog naman, dudugtong sa pinakamalapit na dagat. Mula sa dagat, matapos humampas sa dalampasigan o sa mga batong pinagpatung-patong, ang mga alon ay babalik muli sa mga pinanggalingan – sa mga ilog at sa mga tributaries nito – hanggang makarating muli sa mga mumunti at hamak na sapa, gaya ng kung anong mayroon sa may amin.

Iikut-ikot lang ang tubig, maghahanap lagi ng  kanyang daanan. Nililinis at binubuhay nito ang bawat madaanan. Hinahaplos… Pinapaalalahanan sila marahil – ang tubig ay nangangahulugan ng buhay o ang buhay ng mga nilalang sa tuwina, nasa tubig.

 

Noong nag-aaral pa sa kolehiyo, mas hilig kong pumasok pag tag-ulan, haha. Pag papasok kasi sa U.P. campus, makalampas ng checkpoint o iyong kung tawagin ay Tatsulok, may mahaba-habang strip doon ng damuhan sa kanang bahagi ng kalsada, tuluy-tuloy iyon hanggang sa makakanan na ang dyip o sasakyan sa may University Avenue. Ang ganda ng tubo ng mga damo roon – pantay-pantay, berdeng-berde at pag tag-ulan, napakalamig sa mata ng tanawing iyon. Anong inam pagmasdan! Subukan ninyong dumaan sa lugar – mga alas-otso ng umaga matapos makaulan-  iba sa pakiramdam, nakakahalina…

 

Alam nyo pala kung bakit Diliman ang tawag sa Diliman area? Di nga, seryosong tanong yaan… Ahaha, madilim kasi talaga ang lugar na iyon, ang kapatagan sa ibaba ng Marikina – mula sa Ateneo grounds, sakop ang campus ng Miriam College hanggang sa stretch ng Katipunan Avenue pagawing Ayala Village hanggang sa may Commonwealth Avenue, hanggang sa may Shell na elevated papuntang Philcoa, rounding up sa circumference ng C.P. Garcia Avenue. O, basta, alam ng mga taga-roon at ng mga nagda-drive sa area ang buong coverage ng Diliman…

Bakit madilim? Sapagkat sa napakahabang panahon, ang lugar ng Diliman ay gubat o lush forest…Pansinin nyo, mapuno talaga ang lugar, parang sa gubat, oo. Siyanga pala, ang kinatatayuan ng Technohub sa ngayon,  15 years ago pabalik, declared bilang last rainforest daw sa Kamaynilaan. Ang tawag naman namin noon sa lugar na iyon ay Itlog, haha. May hugis-itlog na structure o building doon, katabi ng Technohub. Research lab iyon ng physicists, doon sila nagbi-break down ng atomic particles o molecules  baga? Basta, matagal na panahong ang Itlog ang pansing istruktura sa gitna ng sinasabing last rainforest, haha.

 

Sa Diliman, maraming kakatwang pangyayari, totoo… Doon kayo makakakita noong sa kinaroroonan ninyo, mainit at may araw. Tapos, wala pang dalawandaang hakbang ang layo, umuulan ng malakas, buhos na buhos, as in… Nasa iisang lugar, oo. Pero, magkaiba ang mga pangyayari, ahaha. Kumbaga, nature doing what it knows best – ang gulatin, tudyahin at manghain lagi ang mga tao. Nakakabigla, nakakabaliw pag minsan, at sa pangkalahatan, nakakatuwa… 😉

 

image of children out playing in the street during rain

Pinasasaya, pinalulungkot at kung minsan, binabagabag ng ulan ang ating mga damdamin. Sari-saring saloobin at panimdim ang binubuhay nito sa atin/ abscbnnews.tumblr.com