Parang wala lang…

 

Naisip ko lately, lumalala na ang reputasyon nitong site na ang bibigat raw ng laman – seryoso ang mga sinasabi at kaylalalim ng Tagalog, as in… As in, may mga nagsabing pwede raw palang ma-nosebleed kahit sa Tagalog? Shaks, gusto ko silang sagutin, “Oo, kaya? Noong estudyante pa ako, parang mas mahirap pa sa foreign language ang Filipino, lalo na ‘yong may morphemes-morphemes?” Siyempre, di ko sinabi, nahiya naman ako. Parang ang tanda ko, mababait na tao ‘yong bloggers na nagsabi. Saka, may point kaya sila? Doon yata ‘yon sa KM3 post…

 

Ano ba? Hmnn… malalim nga ang KM3 post na ‘yon, oo. Kasi ba naman, kahit ako, first time ko rin yatang nagamit in written form ng mga salitang gumugurlis, sumasargo at ‘yong salitang tanan, hahaha.  K, k, fine, guilty nga po…    Ganire, sakaling may di nakakaalam, ang gurlis ay ang ginagawa ng manok na isinasabong – ginugurlisan nya ang kalabang manok gamit ang tari. Sinusugatan, kumbaga. Shaks, di nyo rin alam ang tari? Palagay ko, hindi nagsasabong ang Tatay nyo, joke!  Ang tari, bakal na matulis na ikinakabit sa paa ng manok na isinasabong para deadly ang tama pag nag-strike sa kalaban. Yown.

 

Ang sumasargo naman, ‘yong blood o dugong nag-i-spurt. O, di ba, ang cono ng dating? Parang wala lang, spurt… Pag halimbawa, tumama sa katawan ng manok ang tari, malamang sasargo, as in, dadaloy pataas ang dugo, parang fountain. Yown… Teka, background muna. Sa lugar namin, sports and hobby ng kalalakihan ang sabong. Halos lahat yata ng sambahayan – may Tatay, kapatid, Tiyong nagsasabong. Kumbaga, parte na ng buhay ng mga kalalakihan doon sa amin and necessarily, ng kababaihan na rin, haha, ang manok. At kahit ang gaya kong against na against sa sabong, alam din ang tungkol sa tari-tari, kainaman..

 

image of Francisco Baltazar or Balagtas, author of the epic poem, Florante at Laura

Malayo na rin nga tayo sa panahon ni Balagtas/ pinoypanitikan.wordpress.com

Tanan na, tanan. Hehe, hindi tahan, tanan. Ang tanan ay isang lumang salita, tama kayo. Ang pagkagamit ko sa KM3 post, “may susupil sa tanan.” Palagay ko rin nga, may winindang akong mga kai-kailan lang ipinanganak na tenga  sa sinulat kong ‘yon, pasensya naman… Ang pagsupil ay repression sa salitang English. Shaks, kahit nga pala sa English mabigat din. Hoho nga? Parang gusto ko na rin yatang i-protesta ang site ko – masyadong adult ang content, pang-olden days, haha. So, yon, susupilin daw ang tanan. Ano nga ang tanan? Tanan is mass or masses.  So, repression of the masses ang sinasabi sa post na hindi nagpakali at tumuliro sa mga nakabasa, ang kulit lang.

 

Violent ba ang post na iyon? Ewan ko…  Nasa babasa, actually (Yes, may actually…)  kung ano ang images na mabubuo sa isip nya habang nagbabasa. Imagery and rhyming nga pala ang techniques na ginamit sa komposisyon. Imagery na manggagaling sa mga tunog, ingay at boses at ang rhyming habang binabasa ang mga salitang ginamit. In fairness, may mga natuwa sa rhyming, haha. Parang trick of the tongue na sinasabayan ng pakikinig ng nagbabasa. Bale, may reader’s participation sa akdang  ‘yon, pasensya naman. Hindi lang kailangang basahin at intindihin iyon ng babasa, kundi pakinggan at itsurahan pa ang mga sinasabi sa akda. Sawi o wagi? Hindi, k.s.p. at maarte lang, feeling ko…

 

Ang ginawa ko ro’n, naglista lang muna ng mga salitang related sa sound and voice. Parang nag-ipon lang muna. Around 8pm ko yata ginawa, kulang-kulang isang oras. Tapos, lumabas ako para sa errands, bumalik ng bahay, kumain, nagpakain ng iba pang mga dapat pakainin, haha, at nagligpit. Entonces, past 11 na uli ako nakaharap sa computer para buuin ang kung anu-anong mga salitang ipinaglilista ko at ni hindi ko rin naman alam kung saan ko pinagkukuha, haha. Past 1130 na yata bago ako nagka-ideya kung ano ang pwedeng running theme ng komposisyon, kung paano ito magmumukhang hindi lang mga salitang pinagtitirintas.

 

Ang dapat sisihin, sa totoo lang ay ‘yong nagpakontes. Taon-taon nyang ginagawa ‘yan – ang mambulabog ng mga tao, ipaalalang noong araw ay may isang wika raw na nagbigkis sa ating lahi (Linya nya yan, maniwala kayo…) at dapat daw alalahanin ang mga manunulat na tulad nina Lope K. Santos, Amado V. Hernandez at Rogelio Sikat. Ang nakikita kong paliwanag sa kakaibang tendency ng taong ito ay malamang, nabuhay siya sa parehong panahong buhay ang mga nasabing Filipino writers. Oo, pramis, masayang masaya at giliw na giliw sya pag nakakarinig, nakakabasa at nakakapagsulat ng mga malalalim na Tagalog, as in… So, nandaramay lang siya. Kahit i-check nyo pa, di nga…

 

Actually, sumilip ako noon sa sites ng mga maaagang naglathala ng entries para sa patimpalak. May mga nakita na akong malalalim ang salitang ginamit, as in. Merong komposisyong may salitang duhagi. Duhagi, as in… Nagulumihanan ako sa sarili ko nang mabasa ‘yon. Parang alam ko ang salitang ‘yon pero parang hindi? Parang maganda ang ibig sabihin, pero hindi ako sigurado… Ang pumasok sa isip ko, despondent. Yun, malalim uling English, panalo!  Anyway, medyo ganoon naman nga yata, pagiging dusta ang ibig sabihin ng duhagi. Actually, napabilib ako sa nagsulat kasi, elementary pa yata noong nakasalubong ko ang salitang duhagi. Sa isip-isip ko, kainaman na ang may pakontes na ‘to – kung saan-saan at kung sa anu-ano itinutulak ang mga tao, as in..

 

image of a hand writing on a paper

Mas upbeat at makabago na ang mga sulatin sa panahon ngayon/ pinoypanitikan.wordpress.com

 

Anyway, saan nga ako? Ayon, doon sa ang seryoso ng site at ang lalalim ng Tagalog. Nga pala, doon sa post na Madali raw magsulat?, naisiwalat kong ang isa sa panuntunan ko ay ang paggamit ng tuldok. May mga nag-react palang ka-blogs kasi di nila kabisado ang paggamit ng tuldok. Ei, mga kabayan, mga kapatid, pasensya naman. Di ko kayo pinariringgan sa tuldok at punctuations. Rule ko ‘yon sa sarili ko. That time, hindi ko naisip kung ano ang inyong panuntunan o practice sa pagsusulat. Ang mas naalaala ko, ‘yong kapatid kong kuwit naman ang paboritong gamiting punctuation. Kung meron man siguro akong argumento, para sa kanya, haha, tipong – in defense of the period as a good enough punctuation. Yown.

 

Anyway, ano bang gusto kong sabihin? Wala lang… Sabado ng madaling araw at naiwan akong mag-isa sa bahay. Ang kapatid ko ay nasa abroad at ang dalawa kong pamangkin ay umuwi sa probinsya – ang isa ay para makipaglibing sa Lola nya sa tuhod sa kabilang side. Yong isa naman, wala lang… Actually, gusto ko lang sabihing gumagaralgal ang electric fan dito sa tabi ko kaya pinatay ko na lang muna. Parang kailangan yatang i-oil ang makina, kailangan yatang dalhin sa shop bukas… Parang wala naman talaga akong gustong sabihin. Parang wala lang… 😉

 

Advertisements

Buti Pa, Buti Nga

image of lovers about to go their separate ways

Maraming dahilan para di magpansinan/ goten-courtney.deviantart.com

Buti pa noon, walang araw ang lumilipas

Na di mo sinasambit, pag-ibig na wagas

Abot hanggang langit at kamo’y di kukupas

Lumindol o bumagyo, mundo man ay magwakas.

 

 

Buti nga ngayon, kita’y pinalalampas

Istilo mo’y bulok, panay ang iyong iwas

Walang kadahi-dahilan, ‘ka’y kumakaripas

Sa FB nakatutok, naglalagay ro’n ng angas.

 

 

Buti pa dati, di ko ang gan’to nararanas

Ang maghintay na parang wala’t nababanas

Gusto ko yatang magwala at magwasiwas

Ng gulok na inihasa, para ipantabas.

 

 

Buti nga’t pasensya ko’y mataas ang patas

Ang mga palusot mo’y para lang sa batas

Damdamin ko’y nilalaro mo, ng walang habas

Pasensyahan tayo, pag pasensya ko’ng nangalas.

 

 

Dalawang linggo, dalawang araw at oras

Ano’t nagpakita ka ng ganitong dis-oras?

Dinaig mo pa,  isang presong takas

Tapos na kaarawan ko, pati bisperas.

 

Buti pa, magpahangin ka muna sa labas

Ilalagay ko sa kusina, suhol mong prutas

Mag-i-FB rin sandali,  para sa pahimakas

Ilalagay ko’y paalam sa iyo – wagas na wagas. 😉

 

 

image of cross rails of a rail line in Colorado

May bahagi ng linyang ang dalawang riles ay nagsasalubong at mayroon ding naghihiwalay/ flickr.com

* Sa mga hihiram ng munting tula, paalalang kilalanin itong source site at maglagay ng URL/link pabalik dito, sa inyong post. Marami pong salamat. 🙂

** Pasasalamat kay Ginoong Gary Granada, ang kwelang singer-songwriter. Istilo nya ang ginaya ko rito. Huwag nyo akong itatanong sa kanya, wari ko ay ni hindi nya tanda ang aking pangalan, haha. Pero, kilala nya ako sa mukha. Maraming pagkakataon na rin kaming nagkasama nitong mamang ‘to. Wala lang, usually, audience nya ‘ko – tagapakinig, taga-tawa, ganyan…

Sa pagkaalala, natatandaan nya ako bilang isa sa pinakatangang aleng nasalubong nya, haha. Dati kasi, may bago syang release na CD and DVD, lecture kunwa-kunwarian, haha, pieces of wisdom ng isang Gary. Sa NGOs at bars na tambayan ng mga taga-NGO ang bentahan ng produkto, hihi. At siyempre, sa mismong backpack ng mamang musikero, parang busker na singer lang ang dating, haha. Pagkatapos ng isa nyang performance, nag-alok na siya ng CD sa mga nandoroon sa venue. E, di bumili me, apat na DVD yata at tatlong CD, panregalo. Kulang ng P300, baka kako pwede saka na lang ibigay. Pumayag sya, siyempre, ang iba naman yatang kumuha, payable in the future din.

Nagkita uli kami, mga tatlong linggo na ‘ata pagkatapos. Parang meeting ‘yon, legislative chuvah-chuvah ng isang advocacy na hindi ko na matandaan. Palabas na ako ng venue, paalis, nasalubong ko sya – papasok naman. So, hinarang ko ang mama at iniaabot sa kanya ang balance na P300. Ni-remind ko sya, para saan. Pagka-recall nya, bumunghalit sya ng tawa. Tuwang-tuwa, hinahampas-hampas ako sa likod. Kakaiba raw, ako lang daw na-meet nyang gano’n – nagbayad pa, gayong pwede na raw na hindi.

At hindi pa sya nasiyahan, hinila pa ako papasok at ipinakilala sa mga tao, sus. Nagbayad raw ako sa kanya, halos lahat daw ng iba ay lista na sa tubig, haha. Ayon, ang smart ko lang, sa paningin nya. … Hindi kami close, as I said, pero sa pagkaalam ko, masayahing tao si Ginoong Gary Granada in person. Mahilig siyang humagikgik, pasimple ang mga hirit at nakakabilib sa sinulat nya dating libretto ng musicale na Lean, Lean.

 

Andoon  sa librettong yon ang formal na Gary, ang titser na Gary, iba ng konti sa unassuming na  Gary na pwedeng masalubong mo lang, naglalakad – sa may UP Shopping Center. Siya ang isa sa kilala kong manunulat na mahusay sa paglalarawan ng maliliit na pangyayari, maliliit na tao at maliliit na pakiramdam. Everyman’s writer, kumbaga. 🙂

 

 

 

Mga Tahi at Paso – panauhing lathala mula sa Doon Po sa Amin

gravatar image of the site, Doon Po sa Amin (Where I Come From)

Ang Doon Po sa Amin ay site sa WordPress ukol sa buhay kanayunan/ http://en.gravatar.com /may11apr1940

Mahirap ding magpagaling ng sugat. Pag nasusugatan kasi, ibig sabihin, mayroong nasisira sa katawan. Iba- ibang klase rin. May sugat na lilinisin lang, pahahanginan at makalipas ang sandaling panahon, magaling na. Mayroon namang kailangang operahan, tahiin ang mga gilid at i-therapy pa, bago maghilom at bumalik sa dati. Taon ang bibilangin bago manag-uli. May sugat na mababaw, may sugat na malalim. May sugat na kayang-kayang indahin at sabi nga’y malayo sa bituka. May sugat na kahit matagal na,  pana-panaho’y may dala pang sakit, delikado pa rin at maaring ikamatay.

Ganoon din naman sa paso. Pag bigla tayong napapahawak o napapadikit sa bagay na mainit o di kaya ay napapatakan o nabubuhusan ng mainit, nalalapnos ang ating balat. Kaagad dadaloy ang tubig papunta sa parte ng balat na nainitan para kontrahin ang epekto ng pagkapaso. Kaya nagkakaroon ang balat ng lapnos. Isa raw self-preservation mechanism ang pagkakaroon ng lapnos, paliwanag ng agham.

 

image of a hand burnt by industrial glue

Napakasakit ng mapaso/ firstaid.about.com

Iba-ibang degree rin ang pagkapaso. Pag unang degree lang, makalipas daw ang sandaling panahon ay nanunumbalik na sa dati ang balat. Pag sa ikalawang degree naman, nagkakaroon na ng paltos o blisters. Hindi agad naghihilom. Kung malaking parte ng balat ang naapektuhan, matagal-tagal na gamutan daw ang kailangan. Napapagaling daw naman ang ganito at nagagawan ng paraang hindi gaanong halata.

Pag sa ikatlong degree na, alanganin. Malamang ay bubuka ang balat, mai-expose ang bahagi ng katawang tinatakipan nito at maaaring magkaroon ng infection ang katawan. Kadalasan, kailangang operahan at i-graft na ang skin para palitan ang nasirang sapin at magkaroon muli ng proteksyon ang katawan. Kung hindi raw magagawa ang ganito, ang balat na nakabuka ay magnanaknak at ang sugat ay maaaring ikamatay ng may katawan.

 

image of a sutured wound

Naghihilom ngunit nag-iiwan ng peklat/ en.wikipedia.org

Kung ang sugat ay may dala laging hapdi at kirot, ang sunog o paso naman ay kadalasang may dalang trauma sa nakakaranas. Naririndi raw ang taong napapaso ng matindi, nasa-shock siya lalo na kung mukha at kamay ang napipinsala at matapos, ito’y nagreresulta sa matinding pagkatakot ng biktima at pag-iwas niya sa mga bagay na maaring makapaso. Mas madalas, ang sugat ay nag-iiwan ng marka sa balat o peklat – paalaalang minsan, may karahasang naganap. Mayroong napunit, may nasira at may nasaktan. Ang pagkapaso naman ay madalas may iniiwang mensahe – hindi na muli, hindi na mauulit pa ang ganoong sakit.

 

Habang ang tao raw ay tumatanda, unti-unti, nababatid niya ang mga bagay na nakakasugat at nakapagdudulot ng paso. Marami sa mga iyon ay kanya nang naiiwasan. Nalalaman nya na ang mga bagay na nakakatusok at nakakasakit. Nalalaman nya na ang mga bagay na maiinit at sobrang lamig. Natututo syang mag-ingat sa katawan. Natututo siyang magtantya, manimbang at kumuha ng tiyempo para iligtas ang sarili mula sa kapahamakan.

Subalit sa kaparehong panahon, kung kailan ang mga sugat ng pagiging bata ay peklat na lamang, kung kailan ang mga paso ay napawi na, noon naman naipakikilala ang tao sa mga sugat at pasong hindi physicalMga sakit, hapdi at pasong sa damdamin tumama at nagmarka. Mga karanasang nag-iwan ng kaba, takot at pagkaligalig na walang panlabas na anyo – tanging ang mga nakakaranas ang nakababatid. Maaring sa biglang tingin, ang mga iyon ay tila gasgas lamang at galos. Maaring tila mumunting daplis na pansamantalang nilagyan ng band-aid – maya-maya lang ay ayos at magaling na. Ngunit hindi pala.

 

image of a wounded child

Habang tumatanda, natututong umiwas sa sugat at paso/ whattoexpect.com

 

Kadalasan ay hindi. Naroroon pa rin ang hapdi at pangamba – natatakpan lamang. Nagagawan ng paraan ng may katawang pagmukhaing hindi halata. Parang wala lang. Parang hindi sila nangyari. Ngunit naroroon – nakabaon, nakaukit. Sa mga biglaan at di-inaasahang pagkakatao’y nanariwa. At nabubuhay muli ang kaba, tahimik na dumadaloy ang mga luha at muli, bumabalik ang mga hinagpis at agam-agam ng kahapon. Naisisiwalat sa mga lumalapit. Ah, ang taong ito pala ay sugatan!

 

Saan galing ang mga sakit at pag-iwas? Sa mga sakuna at bigwas ng kapalaran, sa mga pagpapasyang mabibigat, sa mga pangarap na tinangka at di-naabot? Sa mga di-napaghandaang paglalayo,  sa mga kahihiyan at kabiguang dinanas, sa mga pagkakait at pagkasiphayo? Sa mga pag-asam na di-nabigyang katuparan, sa mga pagkasabik na di-natuldukan, sa mga damdaming di-nakatagpo ng katapat?

O, roon sa sinasabing mga pagmamalupit ng tadhana? Sa mga hidwaang di-naresolba, sa pagmamalupit ng iba o sa paninikis ng sarili? Sa mga impit na daing na walang nakarinig, sa mga panalanging di na nausal, sa mga pahimakas na di na nabigkas?

 

image poster of Amigo, a ilm about the Filipino-American War of 1889-1892

Maraming mga tao raw ang pinaghihiwalay ng gera/ cfaff.org

 

Bibihira raw ang taong walang kinikimkim. Lagi, may bahagi ng pagkatao ng taong huwag lang di masaling ay kikirot. May sensitibo siyang bahagi. May parte ng siyang bibigay sa kaunting sagi. At hindi raw laging may lunas na maaapuhap, hindi laging may lilim na masisilungan at hindi laging malapit ang lugar ng kaligtasan. Hindi rin daw madaling makatagpo ng uunawa. O, handang umunawa. Lalo’t higit, iyong taong kayang tumanggap – ito ang mga bahaging mahahapdi, mga depekto, mga ekis ng katauhan.

 

Pagkakatapos raw ng gera, badge kung ituring ang mga tahi at paso. Alalaon baga, iyo’y mga bagay na iginagalang sa loob ng tahanan, naipagmamalaki sa mga inuman at kasiyahan, at, kapagkaminsan, kinikilala at pinararangalan pa ng pamayanan.

 

Ngunit ngayon ay payapa. Walang sigalot na humahati ng matindi sa mga mamamayan. Walang nangagkalat na mga armas na maaring makasakit. Walang mga pagsabog na maaring kumitil ng buhay o mag-iwan ng trauma. At least, wala sa malapit sa atin. Sa gabi, ikinakandado natin ang ating mga bahay at natutulog tayo ng mahimbing.

 

image of outdoor or jungle cooking

Gagawa at gagawa ang tao ng paraan para mabuhay/ survivalfoodlist.com

Subalit ang araw-araw na pamumuhay raw ay tila walang-katapusang pakikihamok. Isa raw itong tuluy-tuloy na pakikibaka laban sa pagkainip, sa paulit-ulit na paghabi ng parehong disenyo ng buhay at walang-humpay na pagsalag sa mga hambalos ng kapalarang tila ayaw magbigay maski isang pulgada.

Anupa’t tila isa itong laban sa pamumuksa ng talaksan ng mga detalyeng nag-uunahan sa ating pansin, ng isang libo’t isang impluwensyang nais humubog sa ating mga pagkatao at ng daluyong ng mga pagbabagong nagsasabing sila’y ating yakapin bago pa man tayo maging handa. Ano nga ba’t tila isa itong digma – para sa ating katinuan, katatagan at kakayahang kumilos at magpasya. At pana-panahon – nagugurlisan pa rin tayo, o, nasusugatan mismo ng malalim, nalalapnos pa rin ang ating mga balat at sumisibol pa rin sa ating mga dibdib ang takot.

 

image of a woman walking away

Nais nating lumayo sa lugar ng kalituhan at gumawa ng mga bagong padron/ datingish.com

Ngunit pinipilit nating maging masaya. O, higit pa riyan, pinipili natin ang maging masaya. Tinitipon natin ang mga piraso ng buhaghag na sarili, kinikimpal ang mga iyon, nilalagyan ng hugis, hinihipan at pinaandar. Pinagagalaw natin ito at binibigyang-buhay. Ginagatungan natin ng pag-asa – may pundasyon man o wala. Gumagawa tayo ng mga bagong padron – maliliit man o malalaki. Nilalagyan natin ng kulay ang mga araw. Binibihisan natin ang mga sarili at ginagawang disente. Kahit pa batid nating ang nasa loob ng mga iyo’y katawang may mga sulsi, may mga tagpi at may mga naiwan pa roong mga pekas. Kahit sabihin pa, ang nasa ilalim niyon ay katauhang may mga tahi at paso.

 

At naniniwala at umaasa tayong tayo ay gagaling ng lubusan. Na anuman ang mga karanasang lumatay,  ang mga pait na dinanas at ang mga pagkabigong minsan ay nagpahina at nagpayupyop sa ating mga pagkatao – ang mga ito ay ating mapapangibababawan. Na kung hindi man kayang pawiin ang mga peklat, kaya namang hagkan paalis ang mga sakit at takot na dala nito. Na kaya nating humakbang palayo sa landas ng pagkalito.

 

At bubukas tayo muli sa mga posibilidad. Na bubuti pa rin ang buhay. Na kaya pa nating magmahal at maaari pa rin tayong mahalin. Na kaya pa nating gumawa ng mga bagong salansan at bumanaag ng bagong bukas. Na kaya nating muling yakapin ang mundo at intindihing kabahagi tayo sa pag-ikot nito. Na kaya nating magluwal ng bagong pag-asa – para sa iba at para sa sarili.

 

Tayo ang mga naiwanWe are the survivors.

 

image of people running in a secondary rainforest

Nasa instinct ng tao ang ipaglaban ang karapatang mabuhay sa mundong puno ng sakit/ healthmad.com

 

* Ang sanaysay na ito ay impluwensyado ng mga sinulat nina Johann Wolfgang von Goethe (partikular ang Candide), Mary Shelly (Frankenstein), Ralph Waldo Emerson (Self- Reliance and Other Essays) at Henry David Thoreau (Walden). Sa limitadong antas, impluwensyado rin ang sulatin ng akda ni Stendhal (The Red and the Black) at ng ilang sanaysay ni Jonathan Swift.

 

** Ang mga ideya ukol sa gera ay impluwensyado pangunahin ng battlefield scene sa Les Miserables na sinulat ni Victor Hugo, isang kinikilalang literary figure sa Romantic Literature at sa maliit na antas, ng For Whom the Bell Tolls ni Ernest Hemingway, isang nobela ukol sa Spanish Civil War. Kapwa binasa ng may-akda ang dalawang aklat 23 na taon na ang nakakaraan, ahaha. Ang ideya naman ukol sa pagsasarado ng pinto sa gabi ay galing sa concept ng security sa International Relations (IR)  –  lock and bolt the door, build fences and, have weapons ready all the time. Humiram din sa ideya ni Thomas Hobbes na life in state of nature is solitary, poor, nasty, brutish and short. Sa charge na malalalim ang pinaghuhugutan, guilty po, mga kapatid. 😉

 

*** Ang sanaysay ay isang pagtatangkang magtalakay sa sinasabing kalagayan ng tao o the human condition – mag-isa, walang-katiyakan at nabubuhay sa lugar na tigib ng mga panganib at sakit. Sa panitikang romantiko, ang kaligtasan ng tao ay nasa kanyang kakayahang makipag-ugnayan, magmahal at mahalin din. Ang kakayahan niyang iyon ang magbibigay sa kanya ng lugar at pagkilala sa mundong puno ng ligalig at kalungkutan. Sa personal na pagtingin ng may-akda, ang Frankenstein ni Shelley at ang Les Miserables ni Hugo ang dalawa sa pinaka-romantikong nobelang naisulat. 

  

**** Ang ideyang nag-trigger ng komposisyon ay ang nobelang Tomorrow They Will Kiss, na binabasa ng may-akda ng panahong iyon at hanggang ngayon ay di pa nya natatapos, haha.  Tungkol ito sa Cuban factory workers sa Amerika. Ang bida sa nobela ay babaeng mahilig manood ng telenobela at gabi-gabi ay inaabangan ang palabas para hintayin ang eksenang halikan. Ang orihinal na konsepto nitong akda ay nabuo noong huling bahagi ng Oktubre, 2011, sa salitang English at may temporary title na That Life Will Be Good.

 

***** Ang sanaysay na ito ay isinulat bilang All Soul’s Day post sa site na Doon Po sa Amin (http://may11apr1940.wordpress.com) noong ika-3 ng Nobyembre, 2011  bilang pagtataguyod sa konseptong celebration of the human life, para sa mga naiwan ng yumao. 


Madali raw magsulat?

 

Talaga? Di nga?… ^^

 

May nabasa akong blog post dati, tila may inirereklamo ang isang blogger na ka-blog. Kesyo sabi raw ng kapwa blogger, madali lang magsulat. Tapos, nag-rant na si blogger ukol sa mga hirap nya bago maisulat ang kanyang posts. Pinagbubuhusan nya raw ang mga iyon ng pagod, oras, talino at iba pa kaya sigurado raw siyang mahirap na gawain ang pagsusulat. Parang sinasabi nya sa kanyang rant post, “Pwede ba, kung madali lang sa ‘yo, pwes, sa ‘kin hindi!”

Siyanga pala, mahusay magsulat ang blogger na ‘yon, sa pagkakatanda ko. Madamdamin ang kanyang mga panulat, with feelings, ‘ika nga. Nakailang dalaw na ako sa site nya dati, noong aktibo pa ang aking suspended site. Nagla-like ako roon. Nag-iwan na rin ako roon ng comments. Pero, wala akong natatandaang instance na sumilip o dumalaw sya sa site ko. Kalaunan, nagsawa na rin akong pumunta sa bahay nya, ahaha. ^^

 

image of a hand writing on paper using a pencil

Ang pagsusulat ba ay madali o mahirap?/ definitelyfilipino.com

Madali nga bang magsulat? Sino’ng may sabi? May mga kaibigan akong dating editors sa campus papers na kalaunan, mga naging manunulat at editors din sa mga dyaryo at magazines. Hindi ko sila narinig magsabing madali lang ang pagsusulat. Iyong authors na binasa ko ang marami sa mga nobelang naisulat, binasa ko rin ang interviews sa kanila – ukol sa kung madali ba ang magsulat. Kabaligtaran ang karaniwan nilang sinasabi. Marami raw munang pagsubok, pagkabigo, pagbabasa at pagsasanay magsulat bago nila nagamay ang craft.

 

Higit na marami raw muna ang pagkadapa, panlilibak at pagtitiis nilang nakamit bago nila nakuha iyong sinasabing “hulog” o bago sila naging in their element magsulat. Dumaan muna sila sa maraming mga taon ng pag-aalinlangan sa sarili at sa kanilang kakayahan bago nila nakapa ang bahagi ng pagkataong mangangahas magsulat at magsulat kahit anupa ang mangyari, kahit anupa ang sabihin ng ibang tao. Siyanga pala, iba pa iyong phase na naka-breakthrough sila sa paglilimbag o publication ng kanilang mga sinulat. Ibang pakikihamok raw iyong how to get oneself published. Ayon…

 

May kapatid akong mahilig magpasulat sa akin ng kung anu-ano, haha. Noong araw, letters sa opisina, ganyan, o kaya, excuse letters ng mga anak sa eskwela. Katagalan, speech ng asawa nya sa civic clubs at iba pang engagements tapos, business letters naman. Ang nakakainis sa kapatid kong ito, sinasabi nya laging madali lang daw. O, ay kako, baka maaring kayo na ang gumawa, kapatid, madali lang naman pala… E, hindi raw, madali lang daw para sa akin kasi, ako raw ang marunong magsulat. Siyanga? Kailan pa kako naging madali ‘yon? Basta raw…

Minsan, magkasama kami sa loob ng sasakyan, ipinaliwanag ko sa kanyang hwag syang gayon, hindi madali ang magsulat kahit pa ‘yong mga piyesang mabilis ko lang naisulat. Hindi kako ‘yon parang naghulog ka lang ng coins sa jukebox tapos, may kanta nang tutugtog.” Talaga?,” sabi nya habang hindi nya ma-contemplate sa buhay nyang may hirap daw ‘yon para sa akin. Kasi raw, kahit bigyan daw sya ng isang linggo, hindi pa rin nya maisusulat ang ganoon. Since daw naisusulat ko sa loob ng isa o dalawang araw matapos nya akong “abalahin,” (pestehin) ibig sabihin daw, madali. Hanggang ngayon, hindi pa rin nya naiintindihan, dose-dosena na ang naipasulat nya sa akin sa kauuto sa aking madali lang daw, sige na.

 

Sa usapang iyan, ang posisyon ko ay gan’to – kayang pabilisin ang pagsusulat pero kahit kailan, hindi siya madaling gawain. Paano ang sinasabi ko? Dito sa blog, karamihan ng naisusulat kong hindi umaabot ng limang pahina ang haba, isinusulat ko lang sa loob ng tatlo, lima o pitong minuto.  Ganoon kabilis. Pero, wari ko, hindi naman ako mag-isa sa ganyang feat o kakayahan. Ilan din ang kakilala kong bloggers na ganyan din ang speed pagdating sa pagsusulat at may mas mabibilis pa nga. Ang kaibahan, kung may kaibahan mang masasabi, matagal ako sa post-production, as in. Ang isinulat ko sa loob ng limang minuto ay karaniwang umaabot ng limang oras ang fact-checking at editing, kasama na ang oras sa paghahanap ng larawang ikakabit.

Sobrang laki ba ng pagkakaiba ng una kong naisulat sa final version na inilimbag? Kung sa mga salitang ginamit, ang sagot ay hindi. Halos iyon na rin, magdagdag-bawas lang siguro ng lima hanggang sampong salita. Asan, kung gayon, ang pagkakaiba? Sa pagkakasunud-sunod, sa pagkakasalansan ng mga ideya at salita. Ang sequencing na iyon ng logic at ordering ng thoughts ang malakas komunsumo ng oras at pagod na rin, haha. Para sa akin, iyon din ang nag-i-spell ng difference ng isang tight and effective na sulatin, mula roon sa hindi. Kumbaga, pag nagsusulat, hindi lang nagkakabit-kabit ng mga salita kundi tinatahi mo sila sa paraang maide-deliver mo ng epektibo ang mensaheng gustong ipaabot sa babasa.

Ilan na rin ang nagtanong sa akin kung anu-ano raw ba ang mga alituntunin sa pagsusulat na sinusunod ko. Para namang meron, ahaha. Actually, meron din naman nga. Dalawa lang, so far, sa pagkaalam ko. Una, iwasan hanggang maaari ang mag-ulit ng salita sa komposisyon. Hanggang maaari… Ikalawa, gumamit ng tuldok. Ang pag-iwas na mag-ulit ng salita ang nagtutulak sa aking magpayaman ng talasalitaan, to build vocabularies as wide and as varied as possible. Ang paggamit naman ng tuldok ang naglalapit sa akin sa mga paalala lagi sa pagsusulat – simplicity, brevity and clarity. Idagdag na rin ang readability ng sulatin. Isa pa, mahirap panghawakan ang compound and complex sentences, lalo na kung hindi gamay ng nagsusulat ang paksa. Kumbaga, pinakaligtas pa ring panuntunang ihayag ang isang ideya gamit ang isa lamang pangungusap.

 

Parang ganito yata iyan – mas madalas kang magsulat, mas dadami ang alam mong isulat at pati ang paraan ng pagsusulat. Mas marami kang nabasa, mas marami kang nakaimbak na ideyang pwedeng paghanguan ng material na gagamitin sa sulatin. Mas marami kang observations o pagmamasid sa paligid, mas yayaman ang lalamanin ng sinusulat mo. Mas marami kang karanasan, mas mahigpit mong mahahawakan ang paksang tinatalakay mo sa write-up. Kaya ayon, pagsasanay magsulat, pagbabasa lagi, pagmamasid sa paligid at pagdanas o pamumuhay ng aktibo ang ilan sa time-tested na paraan para pag-igihin at pabilisin ang kakayahan ng isang taong magsulat. Walang instant formula para makapagsulat. Palagay ko, matagal nyo na rin ‘tong alam… Para naman ito’y mapabuti, ang daming paraan.

 

image of a hand reaching out

Ang pakikipag-ugnayan sa mambabasa ay mahalaga sa blogging/ mindthebeginner.net

Sabi, ang pagsusulat daw ay paramihan ng ideas – mas maraming idea, mas maraming maisusulat. Siguro nga, maari nga. Pero gan’to, kung pagsusulat sa blog, ang sabi ay ang paghusay ng blog, hindi  nasusukat sa dami o originality ng nilalaman ng blog posts. Sabi, ang content daw ng blog ay pangatlo lang yata sa isinasaalang-alang sa blogging. May nauuna pa – ang pagpupundar daw ng relasyon sa mga mambabasa at sa mga sumusunod sa site at ang personalidad ng blogger na nasa likod nitong site. Bale, parang sinasabi, maski hindi kasama sa liga ng pinakamagagaling magsulat ang isang blogger pero masipag naman siyang makipag-relate sa readers and followers at lalo pa kung palakaibigan ang kanyang personality, malamang na maging matagumpay at manguna ang kanyang site.

 

Tulad rin naman ng merong bloggers na ang huhusay magsulat pero hindi gaanong nakikipag-ugnayan at nakikipagmabutihan sa mambabasa at sa kapwa blogger kaya posibleng katamtaman lang ang bilang o kakaunti mismo ang following at influence ng kanyang blog at ideas. Sa English sites, ilan ang nakikita kong parang ganyan – brilliant ang ideas na inilalagay ng bloggers sa posts nila pero, hindi bukas ang comment section. Ang iba naman, bukas nga sa comment pero hindi naman sinasagot ang mga komento. Mayroon ding sites na ang huhusay nga ng laman pero hindi nakikipangapitbahay ang may-ari, hindi nagba-bloghop, as in… Bale, talo pa ang site nila noong nangongopya lang ng contents o kaya ay nagre-reblog lang madalas ng posts ng iba, pero masipag at mahusay makipag-relate sa mambabasa at ka-blogs.

So, ayon. Wari ko, pareho lang halos ang tsansa sa blogging ng mga dati pa at marurunong nang magsulat at noong mga babago pa lang at nangangapa pa kung magsulat. Katunayan, ang laki ng room for improvement ng mga baguhan dahil kadalasan, mas masipag pa silang makipangapitbahay at sa gayon ay matuto sa pagsusulat ng blog, mula sa iba. Pero, mas gaganda pa rin ang kanila o inyong laban kung sila o kayo ay magsasanay, magbabasa at mag-integrate ng observations and life experiences sa mga sulatin. Ang laki ng promise ng isang blogger na gustong paunlarin pareho ang ugnayan niya sa mambabasa at ka-blogs at maging ang content ng kanyang mga likhang-sulatin sa blog.

 

Mabalik tayo sa usaping nilalaman ng akdang-likha at kung madali nga bang mag-ipon ng ilalagay sa sulatin. Doon sa lumang suspended na site, may naisulat akong ukol sa ritwal nating mga Pilipino at ang ating pagiging makabansa. Ang pamagat noon ay Ipamahagi ang mga Tuwa at Sakit, isang mahabang sanaysay na nag-guest post sa Blog ni Lolo noong Disyembre ng nakaraang taon. Pagkalabas nito, marami-rami raw ang ka-blogs na natakot sa akin, haha. Ang dami ko raw content at ang lalim ko raw magsulat, nagmukha yata akong phantom na galing kung saan, haha. At dapat na iwasan, patatawarin. Madali kanyo? Labing-anim hanggang labingwalong taon ang data gathering para sa akdang iyon. 16 to 18 years ng pangangahoy, kumbaga. Fair enough, mga kapatid?  ^_^

Kung sa ngayong uso na ang mabilisang pagsusulat at paghahayag ng saloobin, medyo kakaiba nga o out of place siguro ang mga sulating kaytagal ng the making, ahaha. Pero, pagbigyan nyo na ako, nauna akong ipinanganak, hihi. Katunayan, may naisulat akong sanaysay na mas matagal pa ang pagkakalap ng material na ginamit – 24 na taon, hakhak lang. Di nga… Di ako nagbibiro. ^^ Tungkol iyon sa romantic thoughts, isang pagtatangkang buuin at ilarawan ang romanticism sa panitikan gamit ang wikang Tagalog. Kaya yon, todo na,  haha – lahat yata ng romantic novels, movies and kwentuhang pag-ibig sa madaling-araw na nasalubong ko, nagamit para mabuo ang nasabing akda. At isang araw nga, naisulat iyon ng mabilis lang, parang dumating lang.

Mga Tahi at Paso ang pamagat niyong likha. Iyon din ang huli kong post sa lumang site na sabi nga ng Automattic, na- virus daw. Iyon yata ang ipinagmamalaki ko sa lahat sa aking mga naisulat na sa blog…

 

Gusto nyo bang mabasa ang Mga Tahi at Paso? Gusto nyong isang araw ay mag-guest post dito si Doon Po sa Amin? 😉

 

gravatar image for http://may11apr1940.wordpress.com

Doon Po sa Amin website at WordPress

 

liwanag, lugod at ngiti

 

 

Maligayang kaarawan sa iyo, K.T.! 🙂 Ahaha, ayan umabot ako. Noong nakaraang taon, nahuli ang bati, pasensya na… Ang tagal kong naghanap ng Youtube entries ng mga kantang gusto mo, wala akong nakitang maganda o malinaw. Ito na muna, mahilig ka namang tumawa at ngumiti, haha. Saka, iyon ang natatandaan ng mga tao sa ‘yo – ang sarap mo raw tumawa. Ikaw na… 😉

 

Ang kwento ko sa ‘yo, medyo matagal nang walang Bay Walk, ‘yong madalas nating puntahan natin noon? Andoon pa rin naman ang lakaran pero wala na ‘yong mga kainan, inuman at tugtugan. Sayang, ‘no? Anyway, naaalala mo ang kainang may videoke sa bandang Maynila? Oo, doon sa pinagbibiritan mo ng mga kanta nina Anthony Castello at Basil Valdez? Ayon, andoon pa rin siya, pareho pa rin ang itsura, as in… ^^

Naalala kita tuwing nadaraan ako ro’n. Doon ka sobrang nag-i-enjoy, patatawarin. Siyanga pala, liwanag, lugod at ngiti ang title ng post para positive, parang ikaw lang, ahaha. Hamo, iisipin ko lagi ang mga salitang iyan para madala ko sa makalawahan, haha. Araw-araw sana pero susko, ayokong mangako, haha. Pipilitin ko, pramis. ^_^

 

O, sya, sana’y happy ka at marami kang kahuntahan. Sana ay may lapis at papel, videoke at beer dyaan, saan ka man naroroon… ^^

 

Happy, happy birthday! Mwah! Sa kabila pa… Mwah! Labyu 😉

 

KM3: TINIG (Kaninong Tinig ang Pakikinggan?)

 

May kaluskos, may lagaslas at may lantay na di-mawawaang ingay. May nagsasapawan, may nag-uunahan at may nagsasalimbayan. Nakabibingi.

 

May dumadagundong, may dumadaluyong at may sumasadsad. May gumuguhit, may sumusugat at may gumugurlis.  May sumasargo, may bumubuhos at may tahimik na dumadaloy.

May gumigibik, may nanangis at may nagngunguyngoy. May nakikiusap, may nagmamakaawa at may nananalangin. May sumisigaw, may humihiyaw at may nagpapapalahaw.

May dumaraing, may humihiling at may tila nangingilin. May humihimig, may naghehele at may marubdob na umaawit. May nagtutungayaw, may pumupukaw at may nag-aapoy ang bitaw.

 

May matinis, may mababa at may katamtaman. May gumagaralgal, may nag-aantabay at may  sumasalipawpaw. May paputul-putol, mayroong tuluy-tuloy at may tila nanghihingi ng abuloy.

May mabini, may malamyos at may malambing. May parang nandadagit, may tila lamang paningit at may pabulong ang banggit. May nanlalandi, may nanlalansi at may simpleng nananaghili. May nakayayamot, may nagpapalimot at mayroon ding nagpapatulog.

May kapos, may paos at may kung bumigkas ay tagos. May nangangapa, may naninimbang at mayroong may katiyakan. May parang inaanod, may tila nakalulunod at may waring nag-aalis ng pagod. May nagdadala ng hapis, mayroong  singlinaw ng batis at may nagpapabaon ng tamis.

 

May kaiga-igaya, may kahali-halina at may kaaya-aya.  May nag-aanyaya ng pagtalima, may humihikayat magpakumbaba at may humihimok na mag-aklas. May nanlilinlang, may naggagahis at may nananakop. Mayroong ang dala ay ligalig, may tila payapang hangin ang hatid at mayroon ding puno ng himig ng pag-ibig.

 

May babagtas sa dawag, may susupil sa tanan at mayroon daw, gagawa ng bagong bukas. May maghahati, may magdadala ng pighati at may sasalikop sa mga damdaming tuliro, watak at sawi. Alin kaya ang magwawagi?

 

 

Tinig – tunog na galing sa loob. May saysay, may salansan at may palaman. Gagamitin ng nilalang para magpahayag, magpaabot at maghatid  ng pang-unawa sa loob at sa kapwa.

Kailan kaya – diwa at tinig ay magsasanib? Kailan matatanggal ang bikig? Malaki ba ang maitutulong ng bibig o ng panitik? Kakayanin bang humimig sa gabing walang katarungan, pusakal at pusikit?

 

Nasaan ang tinig na maghahatid ng lugod at kapayapaan sa mga damdaming pinaglayo at nasasabik? 😉

 

Mga kwento sa likod ng kwentong tag-araw

 

Kumusta kayo? Tag-ulan na, mga kapatid… 🙂

 

Image of rains falling on a window

Tapos na yata ang tag-init, tag-basa naman/ footage.shutterstock.com

 

Dati, naikwento ko sa inyong may posts akong maymai – may mailagay lang, ahaha. Pero meron pang isa, ang kwentong daya. Daya – ‘yong kwentong singit lang, kunwari lang may sinasabi pero humuhunta lang naman talaga, hihi. Ganitong klase itong meron tayo sa ngayon, pasensya na. Kukwentuhin ko kayo tungkol sa kawalan ko ng kwento nitong huling tag-araw, shaks na ‘yan… Totoo, kakaunti lang ang naisulat ko nitong summer, mapa-blog man o hindi. Ang dahilan, mainit kasi at nahihirapan akong kumuha ng concentration sa pagsusulat. Kaya sa pangkalahatan, naghahabi lang ng kung anu-ano (ang sama ko yata) o kaya, inilathala ko ang mga dati pang nasulat.

Pwede naman, di ba? 😉 Paanong gagawin? Kailangang may bagong mailimbag kahit wala namang bagong isisiwalat o naisulat, kainaman.  Kaya ‘yon, may posts pa rin. Parang aktibo pa rin ang site kahit sisiyap-siyap lang naman, hihi. Bibigyan ko kayo ng halimbawa. Para sa buwan ng Marso, ang gusto ko lang talagang sulatin noon ay ang kwento ukol sa lugar ng Mabini sa Maynila. Matagal na ‘yon, buong Pebrero ko pa binalak. Pero hindi ganoon kadali ipinanganak ang komposisyon, medyo matagal kong nilimliman…

 

Samantala, nagsulat muna ako ng tungkol sa Maraming Salita, Lagi mo rin ba akong mamahalin? at Sa mga siwang at pagitan. Fun pieces ang mga ito, for me. Naaliw ako habang sinusulat ko sila – maymai pero wari ko, pwede na. May ilan din namang nagbasang natuwa. Love ang topic ng dalawang huli at sa karanasan ko, napupukaw ang interes ng bloggers-readers sa tuwing iyan ang usapan, hihi. At any rate, ano ang nangyari sa kwentong Mabini? Interesting na lugar – red-light district ng Maynila. Pinilit kong gawing makatarungan ang pagsusulat, as vivid as possible, as exciting, kumbaga. Hayon, hindi siya mabentang kwento, whehehe. Ilan lang ang nag-like, iilan ang nag-comment at mas kakaunti sa karaniwan ang nag-view nito noong linggo kung kailan ito inilathala. Bakit kaya, sa tingin ninyo? 🙂

Para sa buwan ng Abril, apat na posts rin ang aking inilimbag – Hindi Na Kita Mahal, Awit at Lipunan, Minsan pa,  sa tag-araw…  at  Saan napunta ang mga pangarap? Hihi, siyempre, nag-react ang ka-blogs sa Hindi Na Kita Mahal. Ang reflex question ng mga tao, sino raw ang aking pinatutungkulan, ang saya lang. O, sya, sasagutin ko, para happy tayo. 😉 Para iyon sa isang taong present sa buhay ko 15 to 20 years ago, mga kapatid. Ancient na, archaic and definitely past, sorry naman sa mga gusto akong gawan ng lablayp. 😉 Pero natuwa akong marami-rami ang naka-identify sa sentimyento ng unrequited love or love gone sour, kumbaga. Asus,  hindi yata kumukupas ang sama ng loob sa gano’ng sitwasyon, hihi. Lahat yata tayo, dumaan sa ganyan, at one time or another… 😉

 

Ang Saan napunta ang mga pangarap? ay sinulat in reaction sa lahok-panulat ni bagotilyo sa isang patimpalak. Na-touch ako sa piyesa niya, kumbaga, at ako ‘tong si manggagaya, gumawa rin ng sariling version, haha. Hindi  malinaw sa akin noon kung ilalathala ko ba ito o hindi at kung sasali rin ba ako sa patimpalak o hindi. Mabilis ko lang yaong nahabi, tatlong araw yata pagkabasa ko ng piyesa ni ka-blog bagotilyo. Iyon ang halimbawa ng komposisyon that seems to have written itself. Gumawa ako ng note kay ka-blog asking him if I should join. Sabi nya, oo. Madali lang nya akong nakumbinsi dahil mutual admiration society kami, hihi. ‘Yon lang, nagkaroon ako ng munting dilemma – paano ang ending ng akdang sanaysay? Mag-iiba kasi pag for public consumption na ang sulatin.

Pinag-isipan kong i-revise ang dulo, gawing mas magaan sana. Gamitan ng play with words para tabasin ang seemingly matalas na conclusion,  para mas marami ang maka-identify at maging feel good ang komposisyon sa pangkalahatan. Ganoon din, huwag mag-full disclosure sa nilalaman tutal, panandalian lang naman marahil ang interes ng marami sa magbabasa. Inisip kong alisin na ang ilang parte ng akda. Baka kasi, sa halip na makadagdag ang ibang impormasyon sa bilang ng mga susunod at magbabasa sa site, makabawas pa, shaks. Iilan-ilan na nga lang sila, maiilang pa… 😉

 

Kaya inisip kong palitan ang conclusion. Kumbaga sa kanta, gawing falsetto sa parteng mataas ang pitch. Chances are, ilan lang naman ang posibleng makakahalata, ahaha. Kung itu-tweak ko ng konti, baka nga, marami pa ang matuwa dahil may mga mga sulatin tayong nababasa that make us uncomfortable, ‘ika nga. Mas madalas, hinahangaan natin ang ganoon, pero sa malayo, may distansya. Dangan kasi, inconvenient truths ang laman, mas mabuti nang iwasan para hindi masira ang ating araw, ahaha.

Mahigit tatlong linggo sa drafts folder ang akda, binibisita ko pag minsan para hindi amagin. In the end, I decided to publish the same and to join the contest, isang araw bago ang deadline. Hindi ko binago. Ang napagpasyahan ng kapiranggot kong isip na tila natutunaw sa init noon, iyon ang hinihingi ng patimpalak – bagsik ng panitik. Kailangan, consistent ang logic ng komposisyon, ma-maintain ang pitch – kung crescendo, crescendo through to the end – at dapat ay mai-deliver ang pangakong binitawan ng akda sa panimula ng komposisyon.

Dahil bet ko ang lahok ni bagotilyo at bet raw naman nya ang lahok ko, haha, pustahan kami. E, di, ang saya, talo ang mokong. 😉  Sya na ang original, ayaw pang maniwala. Hindi naman sya being falsely modest, sa palagay ko… At that age, posibleng hindi pa ganoon kalalim ang tiwala nya sa sarili in terms of kakayahang magsulat. Sa sariling karanasan, it would take a few more years past that age, bago ako naniwalang ‘Oo, nga, kaya ko naman palang magsulat.‘ Iyon ay kahit nagsusulat na ako noon, noon pa. Ang pinagkatapusan – nanalo sa patimpalak ang piyesa ni bagotilyo boy, ikalawang karangalan, nanalo ako sa pustahan (paalala lang) at higit sa lahat,  alam kong hindi ako nagkamali ng pinagkopyahan, ahaha. 😉

 

Para sa buwan ng Mayo, apat rin ang nailathala kong posts  – Kanya-kanyang Kaadikan, Sana ay masaya at maganda ka pa rin, Tinanong Mo Ako Kung Bakit at Eksenang Kalye. Zoom in tayo sa Tinanong Mo Ako Kung Bakit dahil ito ang tila naging kontrobersyal so far, ahaha, sa mga naisulat dito sa Sa Saliw ng Awit. Maraming-maraming salamat sa mga nagbasa, sa mga nag-like at lalo pa, sa mga nag-iwan ng comments. Mabuhay kayo! 🙂 Na-shock at na-curious ba kayong may isang tula ukol sa mahapding usapin ng singlehood? Ahaha. At siyempre, ang malaking tanong, para kanino ba ang shaks na tula? Sino ang nagtulak o nag-prompt sa abang blogger (pa-aba epek lang) na magsulat at talakayin ang gano’ng paksa? 😉

 

image of a calm sea, cover of Tag-ulan, Tag-araw record by Hajji Alejandro

Payapa ang mga alon sa dagat kapag buwan ng Hunyo/ wn.com

 

Kung tama ang recall ko, lima yata ang bloggers na nakapagtanong na nyan sa akin – “Ba’t ako singol?” May mga nagtanong sa chat, meron sa emails. Sa pangkalahatan, understandable namang matanong ng gano’n, parang ASL lang, hihi. Saka, sweeping lang naman ang pagka-phrase nila ng tanong, parang getting to know you, kumbaga. Maliban sa isa. Lalaking blogger ito, sa email niya ako tinanong at medyo makulit, haha. Sinagot ko na nga sya, as honest as I could muster, may follow-up questions pa, kainaman. 😉 Sabi ko noon sa sarili ko, ‘Aba, okey ang mamang ito, pambihira.‘ 🙂

O, bago umandar ang aktibo nyong imagination (haha), walang namamagitang anuman sa amin nitong si ka-blog, ha? Kulitan lang kami noon, kwentuhan sa emails. Nothing amorous, huwag kayong pasaway, ahaha. Dahil nakulitan ako, nakapagsulat ako no’n ng isang sanaysay, ba’t mo nga ako iniwan? ang pamagat. Inilathala ko ‘to, doon sa lumang (suspended) site. Alam ni ka-blog, ‘yong kakukulit nya ang dahilan ba’t naisulat ‘yon, sinabi ko sa kanya sa email. A woman’s point of view ng isang naiwan ang laman ng akda. Gusto ko sanang gumawa ng isa pang komposisyon na man’s point of view naman, sa usapang iwanan, haha. Hindi ako nagtagumpay, sadly.

 

Sa halip,  naisulat ko noon ang isang tula, Kung sa iyong Pag-iisa ang title (nailathala na rin ito sa dating site, male point of view nga pero di exactly kapareho ng tinatalakay) . Naisulat ko rin noon itong Tinanong Mo Ako Kung Bakit. In short, humigit-kumulang isang taon na itong akda at nailimbag lamang dahil wala akong mailagay na post recently… Sabi ni Ren sa comment, poem of love and despair daw. Heart-wrenching, sabi nya. Sabagay, parang ganoon naman nga, mala- laslas-pulsong saloobin, ahihi…

So, ano’ng punto ko  sa shaks na tula? Na hindi madaling sagutin ang mga tanong ni ka-blog, na it’s like opening old wounds. Na sa tinakbo ng pagkikilanlan at tsikahan namin sa email, may isang antas na wari ko’y nag-intrude siya sa privacy ko. Mas maganda sana, mas ideal, kung hinayaan niyang i-volunteer ko ang mga impormasyong iyon. Ayon. ^^ Anyway… so, ano’ng nangyari? As things would go, magkakaroon kami ng isyu-isyung dalawa. Eventually, mapi-piss off ako sa kanya, ahaha,  sa mga kilos at sabi nya.

 

Anyway, hindi ko naman pa talaga kilala si ka-blog, sa totoo lang, sa comment section at sa emails lang kami nagkakapalitan dati. Sa pagkaalam ko, maraming buwan na siyang hindi nagsusulat ng posts. Sa unang taon ko ng pagba-blog, napansin kong isa siya sa pinakamahuhusay sa pagsusulat at sa paglalarawan. Masisining ang mga komposisyon nya. Kayraming ka-blogs ang dumadalaw at nagko-comment sa mga sulatin nyang malalandi, haha. Parang tease sya – sa creations nya at sa pagkatao rin, possibly. Hula ko lang naman ‘to… 🙂

Anyway, ang kwento, binasa nya ang post kong  Saan napunta ang mga Pangarap? at ni-like nya ‘yon. Btw, hindi pa kami bati, open-ended pa ang usaping ‘yon. Wari ko, hindi naman kami saradong ayusin, na isang araw ay mag-uusap uli kami. Pero, napansin kong ni-like nya ang post, something na hindi nya ginawa sa ibang entries sa patimpalak.

Btw, nanalo rin pala ang gaya-gayang komposisyon – pampito. Masarap sanang mag-reklamo at magtungayaw, sabihin sa sponsor na, ‘Kapatid, ano ba ang depinisyon ng panitikan? Ano ba ang ibig sabihin ng mabagsik?‘  Pero, sa kabilang banda, magkakaiba ng pamantayan ang mga nagsusulat at lalo’t higit, ang mga hurado. Kaya, kahit hindi ako magalang na tao (oo, irreverent talaga ako), igagalang ko ang hatol. Nanalo naman ang bet kong lahok ni bagotilyo at ni-like nga ni ka-blog ang aking patimpalak post.

 

Palagay ko,  okey na sa akin. Magagaling ang dalawang ito pareho, mababagsik magsulat. 🙂

 

image of a boy playing with a lamp post while raining

Malamig kapag tag-ulan, ginaw na lang ang poproblemahin/ duking.wordpress.com

 

Ahaha, sana ay nakarating kayo sa dulo nitong walang wentang mga wento at sana, nasa maigi ang inyong lagay, mga ka-blog… 🙂 Huwag sanang bumaha ng matindi sa mga darating na araw at buwan, susmaryosep.  Maligayang tag-ulan sa ating lahat! ^_^