Salansan

 

maayos na sana – ang salansan

nitong mga buhay nating hiram

kung hindi nga lang nakialam

‘tong makulit na si kapalaran.

 

image of a cluster of neat desks

May mga salansan na raw na nakasanayan ang bawat tao/ housingtouri.com

 

gigising sa umaga, araw paghahandaan

papasok sa eskwela, dili kaya, sa tanggapan

matapos ang ilang hikab, manananghalian

uupo uli sa hapon, hanggang sa uwian.

 

walang ibang bago, iyon pa rin ang meryenda

kung may tsismis, tungkol sa politiko’t artista

walang ikinatatakot, wala rin namang kaba

maliban sa trapik at kung mahaba kaya ang pila.

 

image of traffic in a street in Makati City

Problema sa araw-araw ang trapiko sa lungsod/ infohiway.net

 

ngunit isang araw, bigla kang dumating

simpleng pagbati, iyong ipinarating

ngiti ang nakita, sa pag-angat ng tingin

‘yon na pala ang umpisa, ano’t di napansin?

 

bakit walang nagsabi, buhay maaring guluhin?

ng kapirasong kaway o mumunting bilin

bakit walang nagpayo, yaring puso’y pigilin?

tuluy-tuloy sa bitag, diretso kamo sa bangin.

 

ayan na nga po, puso’y humihiling

ako sana, ako sana – ang iyong piliin

ang iyong mga mata, sa akin ipaling

pagsuyo ko’y wagas at pagkalalim-lalim.

 

namamalikmata ba ako, sa aking nakikita?

pagtatangi mo’y sa akin, hindi para sa iba

buhay kong nagulo, eto at anong saya

di na bale, nakakasuya man – meryenda.

 

tila bigay ng langit ang mahabang pila

oras para sa kwentuhan, mga biro at tawa

magpakilala sa iyo, makilala rin kita

maghawakan ng kamay, dalawang magsinta.

 

image of two young lovers dreaming

Pinag-uusapan ng magkasintahan ang bukas na sila ay magkasama pa rin/ grayowlpoint.com

 

may mga panahong tayo’y nangangarap

kung ano na ang bukas, atin ang hinaharap

kasama pa rin kita, tayo’y magsisikap

umulan man o umaraw, dumilim man mga ulap.

 

ngunit isang araw, suliranin ay dumating

walang pasintabi, gulong ay napakatulin

sinalikop tayo, niyong malakas na hangin

mahina pala ang hulog – ng pag-ibig natin.

 

naiwan akong nakatungo, umiiyak ng taimtim

mabibigat ang iyong hakbang palayo sa akin

ang pagmamahalan pala, kahit ano’ng gawin

bibigay rin ang tikas – pag takda na at taning.

 

image of a not so neat office desk

Mahirap rin nga bang guluhin ang nakasanayan na?/ ehow.com

 

naiinip ako sa babasahing binubuklat

buhay ng politiko’t artista ang isinisiwalat

iniisip ko – kung di ka dumating at lahat

trapik lang kaya, ang problemang mabigat? 😉

 

* Mahigpit na tagubilin para sa mga hihiram at kokopya nitong tula (buo man o bahagi lamang) para sa online publication (Facebook, Tumbler, StumbleUpon, Twitter at iba pa) na kilalanin at ilagay ang pangalan nitong source website at maglagay din ng link o URL pabalik dito. Para naman sa mga nagnanais hiramin, kopyahin at/o ilimbag ito sa hindi online na media, mangyaring sumulat muna sa sasaliwngawit@yahoo.com.

Ang piyesang ito ay Copyrighted. Ipinapaalala rin, masamang ugali ang magpalabas at magpalusot ng sulatin bilang sariling gawa gayong hiniram, pinitik o ni-nenok lang sa iba, ahaha. 😉

 

** Ang tula nga pala ay handog sa mga ka-blogs na mahihilig at mahuhusay na gumawa ng mga sulating – sanaysay man o tula – ukol sa buhay pang-araw-araw. Everyday scenes, kumbaga – mga istoryang pantabi-tabi, pangkaraniwan at tipikal, ‘ika nga. May  twist ng pag-ibig para may konting kilig, ahihi… ^^

 

*** Mga kapatid, may tanong tayong malupit , “Ano nga ang nagagawa ng pag-ibig?” 😉

 

hawi sa tabing ng mga tula

 

Pagbati, mga kapatid! Kumusta kayo matapos ang bagyo at ulanan?  Sana ay ayos lamang… 🙂  Sa lugar namin ay mga kapitbahay pa lang ang binaha. Ilang ulan pa siguro at aabot na sa may amin, parang…  Dalawang pares pa lang ng sapatos ang casualties sa bahagi ko, ahaha. ^^

 

cartoon image of curtains

Kaunting hawi para masilip natin ang mga tulang pinagpipilian/ tony4greathomes.com

 

Marami-rami na ang bomoto sa mga nakahanay nating tula. Salamat sa mga bomoto, nagbasa at pati sa mga sumilip – salamat… Ang nangunguna sa botohan, so far, ang tulang Salansan. Sa mga may nais, maaari pa kayong bomoto, kung napapa-ibig. Tumungo lamang sa post na Kayo po ang pipili at ilagay sa comment section nito ang inyong pahabol na boto… 🙂

 

Samantala, naririto ang kapiraso, mga unang lupon ng taludtod ng mga tulang nakahanay. Poetry of love and despair ang mga ito, sa mga kapatid na babagong naligaw dito sa pahina… Hindi ko na pala isinama ang patikim sa Salansan dahil nga ito ang leading sa tally, so far. Pwede pang humabol ang mga may gusto…

 

 

Labis ang pangamba

 

Labis ang pangamba

malaman mong mahal kita

Labis ang paghiling

iyo sanang mapansin.

 

 

namumulot sa kawalan

 

Bakit ko binibilang

ang mga araw, minuto at sandaling

wala ka?

Wala na, di na babalik –

Wala kang iniwang pangako.

 

 

Wala kang binitiwang pangako

 

Hindi mo sinabi ni minsan

ang salitang magpakailanman

Hindi mo winikang

ika’y di magpapaalam.

 

 

Sa sangandaan ng buhay

 

Sa sangandaan ng buhay

kita’y nagsalubong

Binati mo ako

ng tawang malutong.

 

 

Sa mga panahong naiinip ang puso…

 

sa mga panahong pagal at naiinip ang puso

bakit kaytagal dumating ng tamang pagsuyo?

sinusubukan ang tatag ng damdamin at binibiro

ikaw ba, pag-ibig, sadyang nagpapakalayu-layo?

 

 

Yakap sa kupas na alaala

 

tulad din ng maong na isinuot, nilabhan, kunuskos ng paulit-ulit

ang pagmamahalan natin ay niluma, nanlabo at kumupas

kahit pa libong beses kong suyuin sa pakiramdam at sa isip

balik-balikan, alalahanin – huminto rin, tumigil at wika nga’y lumipas.

 

Salamat uli, have a great week! 😉

 

Ika-24 ng Hulyo, 2012

Sa saliw ng Awit

 

Isang Biyernes ng hapon

 

Makulimlim ang hapon at kapag dumungaw ka sa bintana ay makikita mong may ilang bahagi ng langit na maliwanag samantalang ang ibang mga ulap ay nagkukumpulan sa dilim. Nagbabadya na namang uulan…* May mapupuntahan kaya ngayong Biyernes – may tatawag para mag-ayang gumimik, may mag-iimbita para magkape o uminom o magkakasya sa makikipaghabulan sa sasakyan, bubunuin ang trapik ng Biyernes? Pagkatapos, sa bahay para magbanlaw ng damit, magluto, pupunta sa drugstore tapos, manonood ng Bubble Gang? Alin kaya?

 

image of a highway in the Philippines during the rainy season

Makulimlim na ang mga hapon kapag tag-ulan at madilim naman ang mga kalsada kung gabi/ article.wn.com

 

Noong Lunes ng gabi, habang nasa may labas kami ng pinto ng bahay ng Ate namin, nasabi ng nakababata kong kapatid, walang kamukat-mukat – patay na raw si Maita Gomez, ‘yong beauty queen na namundok. Atake raw sa puso. ‘Bata pa sya, ah?’ Yon lang ang aking nasabi. Sumagot ang kapatid kong oo, 50s lang daw… Mukhang sa balita sa cellphone nya nakuha – sa Twitter o sa Yahoo News. Medyo napatanga ako.

 

image of Maita Gomez in the late 60s, a Filipina beauty queen

Matangkad siyang babae, pronounced ang bibig at malalalim ang ukit ng mukha/ pageant-mania.ephpbb.com

Naalala ko si Maita, una ko syang nakita  sa UP Manila, sa Padre Faura campus sa Maynila. Bumalik yata siya noon sa pamantasan para mag-aral. Year 2000 na no’n o, mas late pa. Andoon ako no’n sa campus, dumadalaw sa mga kaibigan at ilang kakilala. Enrolled daw si Maita, that time. Sa malayo ko lang sya no’n namasdan – matangkad na ale, maputi at mukhang poised. Beauty queen nga ang itsura ng Miss, ibang magdala ng sarili… Gano’n lang ang una kong impression sa kanya. Nanay sya ni Melissa Perez Rubio, one time sweetheart ni Richard Gomez…

 

Ilang taon ang makalipas, masasalubong ko siya uli, malapitan na… Ang alam ko, naka-graduate na siya noon sa college at nagma-Masters na yata. O, tapos nya na ang Masters niya noon?.. Na-engkwentro ko siya sa isyu ng Freedom of Information Act (FOI), 13th Congress. May grupo sila noon, isa sa mga masisidhing nagtutulak na maipasa na ang bill. Ang boss ko noon, advocate ng trasparency in governance kaya kasali ang tanggapan niya sa mga ganoong simulain. Hindi ko na matandaang maigi, pero ang grupo yata nina Maita ang nakipag-set ng meeting sa opisina namin para i-discuss ang agenda nila. Ako ang naatasang dumalo. So, na-meet ko si Maita Gomez at ang mga kasamahan nya.

 

Starstruck ba ako? Medyo siguro… Ang tangkad nya at mestisa sya, oo,  iba ang mga ukit ng mukha. Saka, maganda siyang maglakad. Medyo may edad na rin syang tingnan, pero pagtingin mo, parang alam mong siya iyong aleng pagkakaganda noong araw, haha. No’n, naalala ko si Heber Bartolome – medyo maiksing mama, kulay kape ang balat at native na native ang features, haha. ^^ Ang salbahe ko… Pero, gano’n nga yata, napaisip ako kung ano ang misteryong naglapit sa dalawa. ^^

 

image of Maita Gomez, former beauty queen turned rebel turned activist

Sa pagkaalala ko, makwento syang ale at puno ng energy kung makipag-usap/ remate.ph

Sabi ng ibang taong nakadaupang palad na dati ni Maita, kadalasan daw ay tahimik ang aleng makisig magdala ng bestida… Pero ang na-meet ko, medyo makwento, medyo agresibo at oo, may pagka-gregarious. Siya ‘yong tipong kukulitin kang maigi, parang “Let’s move this,” ganyan… Kung magtalakay siya ng mga bagay-bagay, may pagka-exuberant. Sa isang banda, parang nakakamangha ang enthusiasm nya…

 

Noong time na ‘yon, ang Freedom of Information bill, alam ng mga gaya naming tagapagpastol ng mungkahing batas, medyo malayo pa sa ma-a-aprubahan o maipapasa. Pero parang kay  Maita, hala, parang makakalusot na ito agad, ahaha. Natatandaan ko ring kinuha nya agad ang cellphone number ko, ibinigay sa ‘kin ang sa kanya at sa isa pang kasamahan nya. Two days later, tatawagan nya ako at kukulitin, para bang ako ang nagpapatakbo ng Kongreso ng Pilipinas, haha. Nag-meet pa kami uli nina Maita ng dalawang beses yata, pagkatapos – sa isang meeting tungkol sa FOI pa rin at sa isang symposium sa Crowne Hotel ba sa Galleria o doon sa katabi? Basta…

 

 

Noong Lunes ng gabing iyon, masasaya kami – isa sa masasayang pagtitipong nare-recall ko ngayong taon. Andoon kami sa bahay ng pangalawa kong kapatid, ang kapatid naming pinakamatagal na dito sa Kamaynilaan. Dumating kasi ang panganay naming kapatid na sa probinsya naninirahan, kasama ang panganay niyang anak at ang panganay naming apo sa pamangkin. Itong una naming apo, sa Europa na nakatira. Limang taon na siya roon at doon na rin siya nag-aaral. Ibang lahi ang Nanay nya, hihi (nagkataong ang panganay naming pamangking saksakan ng itim, mahilig lagi sa mga mestisa). Umuuwi si apo rito sa Pilipinas tuwing Hulyo, summer sa kanila at bumabalik sa Europe tuwing August. Masaya kami kasi unang pagkikita-kita namin ngayong taon noong Lunes ng gabi. Shaks, dalaga na siya – magti-thirteen this year. Baby ko ito noong araw, as in…

 

Tanda pa nya ang kanyang Tagalog, nasasabayan pa nya lahat naming usapan. Pero hindi ko na siya mapakanta ng kanta ni Carol Banawa, ‘yong may “iingatan ka, aalagaan ka.” Apat o tatlong taon ang nakakaraan, napapabirit ko pa sya no’n…  Siyanga pala, mas tumangkad na siya, isang inch na lang, kapantay ko na. At may mascara ang mga mata ng bruha! Sabi naman nya, hindi raw siya naglalagay ng ganoon sa school, ayon…

 

image of our eldest grandniece with her friend

Ang apo namin, nasa kanan. Kaibigan nya ang kasama sa larawan. Mas simple syang gumayak sa pang-araw-araw (pam-Facebook shot ‘to, hihi).

Tinanong ko kung nagli-lipstick na sya – kung blue o black, haha. Di raw. Di pa raw… Ay, nakahinga kami ng maluwag. Iyon kasi ang malaki naming fear, baka Gothic na ang precious naming apo, haha. Pero, di pa naman. Pink na pink ang mga pisngi nya, kamukha na sya ng mga kalahi nya, shaks. Iba rin nga pag nahahanginan ng bundok ng Alps, haha. Dati kasi, kitang-kita pa ang Pinay features nya. Di na gaano, sayang…

 

Medyo fluent siya sa English at maging sa lenggwahe ng mga Nanay nya. Tapos, tinanong ko kung may French lessons sya. Oo, raw. E, di, pinagsalita namin siya ng French, trip-trip. Maalam nga… More than 20 years ago, nag-aral din ang lola nyo ng French sa loob ng isang taon, non-credit units. Ahaha, partida ‘yon, French talaga ang teacher namin, visiting professor na lagi naming kinukulit. Pero, since sobrang tagal na, di na ako marunong ng tamang pronounciation, shaks. Tunog Tagalog ang French ng lola nyo, as in…

 

Pero ‘tong si apo, marunong… tama ang grammar, ang pagbigkas at ang diction – kaloka. Tapos, ako naman ang pinagtawanan, feeling nya, saan ko nakuha ang French na pambundok? Ang bruha lang ng bata… Pero, baby pa rin sya – nagpasubo pa sa kapatid ko noong kumakain. Tapos, nagpabalat pa sa ‘kin ng santol. Saka kami umakyat para ipakita nya sa ‘min sa YouTube ang friends nya at ang kanyang “special friend,” haha. Ang laki ng buntong-hininga ng Tatay nya nang marinig na friend at hindi boyfriend si special friend, haha.

 

 

May nabasa akong English blog ng isang American citizen kanina. Tipong musings sa buhay-buhay… Sabi nya, kahit saan daw sya pumunta, she is being marketed to. Parati raw syang pinabibili ng kung anu-ano. Lagi raw sabi ay bumili ka nito kasi ito ang produktong may lifestyle, ito ang kahulugan ng quality life. Bakit daw sa bawat sulok halos na puntahan nya ay inaalok siya ng Coach bag? Hindi raw nya alam kung ano ang simulaing sinusuportahan nya sa bawat produkto o serbisyong binibili nya.  May payo siya, siyempre, na hanggang maari, i-restrain ang sarili sa pagbili-bili.

 

image of a poster saying what will carry humanity through

Mapagbigay raw na puso, mabait na pangungusap at buhay na laan para maglingkod ang magre-renew sa humanity / ashwinikartike.blogspot.com

 

Tapos, sabi nya, matanda na sya (40s) at alam nya nang ang daming mali sa mundo. Na kailangan ay bawasan ang galit at dagdagan ang compassion. Na dapat nating maintindihan na pare-pareho tayong mga tao, magkakaiba lang sa klase ng misery na pinagdadaanan – starvation, psychological isolation o depravation. Sabi nya, she eats way too much daw, she thinks unkind thoughts. Medyo pagod na raw sya, parte marahil ng kanyang moral outrage. Baka raw hindi nya na gustong baguhin ang mundo one person at a time, baka raw gusto na lang nyang maraming makasamang fellow sufferers –  gazing inside and out, para makita gaya ng nakikita nya, nothing but pain and beauty and mystery. Sabi iyon no’ng blogger… ^^

 

Magandang Biyernes ng gabi sa inyong lahat! Happy weekend… 😉

 

* Ahaha, di nga pala simpleng ulan – bagyong may kai-kainamang ulan ang dumating, hanggang sa sumunod na araw.  ^_^

Kayo po ang pipili

 

Hello, mga ka-blogs!  Kwento ko sa inyo… dito na sa blogging na-revive ang interest ko sa tula-tula. Oo, noong early 20s ang lola nyo, isang daang taon ang nakalilipas, hehe, 18 years ago, hilig kong gumawa ng tula-tula sa Tagalog.

 

image of the poet, Rainer Maria Rilke, known for his imagery and diction

Maraming mga kabataan noon sa pamantasan ay nagbasa ng mga sinulat ni Rilke/ paratheatrical.com

Ang uso ng panahong iyon ay sina Pablo Neruda, isang Chilean poet na sikat at Rainer Maria Rilke, isang German poet na mahusay sa imagery and diction. Maraming estudyante at kabataan no’n, nagbabasa ng Rilke at may mga dala-dalang libro ni Nerudang Twenty Love Poems and a Song of Despair.  Saka, ang iba noon, may casette tape pa ng recorded reading ng mga tulang iyon. Haha, oks ba?

 

So, nakikibasa rin ako ng Rilke, haha. Cool no’n ang magbasa ng German authors – kaylalalim. Tapos, ang mga tula naman ni Neruda, ginagawan ko ng sariling version, ahihi. Ambisyosa ba? Medyo nga… Ang katwiran ko, di naman ipa-publish – sa mga kaibigan ko lang ipapakita. Ganoon nga ang nangyari. Pana-panahon, kukulitin ko ang mga kaibigan kong walang magawa kundi pagbigyan ako, haha.

 

image of the Chilean poet, Pablo Neruda

Madadamdamin ang mga tula ni Pablo Neruda kaya mabilis makahatak sa mga kabataan/webdesignstuff.co.uk

Mga dalawang taon siguro ‘yong ewan kong attempts. Marami-rami rin yata ang naisulat. Pero, ilan lang ang mga kopyang nag-survive…  Tapos, naging magulo na yata ang buhay ko, haha. Basta, kinalimutan ko muna ang pagtula-tula. At least, ‘yong ganoon ka-conscious na pag-upo at seryosong pagsusulat ng mga tula.

 

May ilang pagtatangka pa rin naman within 16 years, siguro… May taong makakagawa ng tatlo hanggang limang tula, may mga taong maski isa, wala. Walang output. Nada, as in… May limang taon pa yata roong wala talaga. Di ko maalaala kung busy ba ako noon talaga, sa buhay kong liko na pilit itinutuwid, haha, o wala lang…

 

Basta, dumaan sa feeling ko, mahirap ang tula bilang isang anyo ng sulatin. Di siya kagaya ng prose o essay na sandaling panahon lang, kinakayang makapaghabi agad kahit paano. May mga panahon pang inisip kong wala na talaga – di ko na maibabalik ang kakayahang tumula gaya noong early 20s. Frozen ability na, kako. Medyo ganoon ko siya itinuring…

 

image poster saying poetry is hard and sometimes could be pulled off by rhyming

Dumaan din sa mga panahong tila walang matinong taludtod na maisulat/ mysterywritersunite.blogspot.com

 

Noong bandang huli ng 2010, blogging na ang lola nyo – naalala uli ang paggawa ng tula. Nakakakita kasi ng ka-blogs na may posts na tula. As in, tula! So, sumubok uli ang inyong abang lingkod… Himalang nakagawa, yehey! For some reason, hindi yata gaanong mahirap. Parang natural na dumadaloy ang mga taludtod, ewan ko… ^^ Tapos, ayon, nagtuluy-tuloy na. Simula late 2010 hanggang ngayon, nakagawa na rin ng ilang dosena. Sa Tagalog ang mas marami.

 

image of rain droplets symbolizing the writer's ideas for poems

Kung minsan ay mas madalang pa sa patak ng ulan ang pagdating ng mga ideya/ damiengwalter.com

 

Naging in touch yata ako sa poetic side of me, nyehehe… Basta, naaaliw din akong nakakabuo na pala ng mga komposisyon sa paraang patula.  Isinusulat ko sila sa papel, gamit ay lapis, ahihi… Kaya ayon, medyo itinuturing kong miracle na naihatid pabalik ng blogging ang interest kong humabi ng mga tula.

 

image of two chickens talking about poetry

Hindi rin yata tuwid at makinis ang daan pabalik sa bahagi ng sariling tumutula/ hispirits.blogspot.com

At least one-third yata ng mga naisulat kong tula, nailathala na bilang blog posts. Noong una, hindi ko talaga sila balak ilathala, pansarili pa rin lang sana. Lalo na ang mga tulang ukol sa love realized at piyesang dreams come true? Nakow, gusto kong itago at ipagbabaon, haha…  Pero, nakakatuwa  ring medyo marami naman yata ang nakaka-appreciate ng love poems na inilathala dito sa blog.

 

Ayon, may ilang pamagat ng tula akong ihahanay dito. Love poems, siyempre. Iyong malulungkot at mapapait para windangers ng konti – ang sama… 😉 Actually, mayroon ding hindi love poems sa imbakan.  Pero, sus, mas gusto nyo ang may himig at tinig ng pag-ibig, patatawarin…^^  Kaya ayon, mga kapatid,  ang hiling ko, kayo sana ang pumili kung alin ang ililimbag natin ngayong buwan. Isa lang ang pipiliin, ang makakuha ng pinakamaraming boto, siyang ilalathala –

 

namumulot sa kawalan – inspired ito no’ng Korean film na may lake. ukol ito sa pag-ibig na di kayang ibalik, huhu. nananaghoy ang drama ng mga taludtod. ang take-off  ay ang tulang Nananawagan na inilathala sa suspended site.

 

Sa sangandaan ng buhay – sa tunog pa lang, halatang serendipity ang plot nito, haha. chance meeting na tumuloy sa naging sila. sa dulo, hindi na rin sila.

 

yakap sa kupas na alaala – pagbabalik sa mga pasaway na alaala ng pagmamahalang akala ay panghabambuhay ngunit hindi rin naman pala.

 

sa mga panahong naiinip ang puso – pagtatangkang ilarawan ang pakiramdam ng isang naghihintay na naiinip, ng isang nagnanais makatagpo at matagpuan.

 

Wala kang binitiwang pangako – isang pag-iibigang nakasulat sa kasaysayang isang araw ay mabibigo, tutuloy sa hiwalayan.

 

salansan – tungkol ito sa buhay-buhay sa araw-araw na minsang dinalaw ng makulit na pag-ibig upang sa huli, ibalik  sa dati – loveless. shaks…

 

labis ang pangamba – isang paglalarawan paano ang batang pag-ibig, anu-ano ang dinaraanan nito at paano ito dinadala. lumang tula pa itong medyo ni-retouch lang. ‘yon lang, di ko sure kung maganda ang kinalabasan, haha.

 

Pili kayo ng isa lang, mga kapatid. Ang pinakamarami ang makuhang Ayiii! iyon ang ililimbag natin. Pakilagay sa comment section ang pamagat ng tulang inyong napupusuan. Maraming salamat po. 😉

 

Kwentong Tabi-tabi

 

Kwento ito tungkol kay Teh. Si Teh na kung tutuusin, mukhang mas bata sa akin ng mga sampong taon, haha. Nakiki-Teh lang,  subok lang… Anyway, na-engkwentro ko si Teh noong kabilang Sabado, galing ako no’n sa talipapa, malapit sa amin.

 

Mag-a-alas otso siguro ng gabi noon. Pauwi ako ng bahay galing sa talipapa, lakad lang at bitbit ang pinamiling dalawang supot na plastik ng mga pagkaing panluto ng gabing iyon at para sa kinabukasan, Linggo. Two blocks siguro bago ang sa amin, may nakita akong tindahan. Ordinaryo – mga isang dipa kwadrado ng mesh wire na may mga nakasabit na tsitserya sa loob – yon. Ang kaibahan, may bangkong maliit sa gilid, ahaha.

So, ‘yon, tamang-tama, mainit at ako no’y pinagpapawisan. Ika nga’y time for happiness, haha. So, bili ako ng 8 ounce na softdrink at bonggang in-avail ang munti at natatanging bangko. Tambay-tambay, inum-inom at nood-nood ng mga dumaraan sa main road. Itinabi ko muna sa gilid ang mga pinamili.

 

image of a typical sari-sari store in the Philippines

Anu-ano nga ba ang mga batayang pagpapahalagang dapat ituro sa bata?/ mytripolog.com

 

Makaraan ang mga dalawang minuto siguro, may dumating. Isang aleng naka-fuchia blouse, black bloomer-type shorts and yes, tama ang hula nyo – rebonded ang kanyang buhok.  Oo, medyo isini-sway, sway nya ‘yon patagilid, every so often. Gano’n talaga, kayo naman… Medyo mataray syang tumingin pero, hindi rin naman masyado. Tipong five seconds lang at d-in-issmiss nya na akong di katingin-tingin, haha.

May kasama nga pala syang bata, babae. Medyo cute, bata, e. At least, mas cute kesa doon sa Nanay, sure ako. Mga mag-a-apat na taong gulang siguro yong bata. Oo, nga pala, si Teh na nga ‘yang adult, oo. At saka, may dala nga pala syang cellphone na pinipindot-pindot nya habang tumitingin sa harap ng tindahan ng kung ano’ng pwedeng bilhin. Tapos, display sya ng expressiong parang bored, haha. Oo, gano’n si Teh, pramis…

Anyway, after a while, parang wala syang na-decide na bibilhin so, bigla syang dumaan sa harap ko, papasok doon sa pinto ng bahay (ang tindahan ay tipong nasa loob ng bahay, sa may harap ng pinto nito nakapwesto ang aking happily-found bangko). Sunod bigla sa kanya si maliit, nagmamadali, bitin sa shorts ni Mama. Parang bigla lang silang nag-dash sa may harap ko…

Paghakbang ni Teh sa loob ng bahay (elevated ng one foot  ang platform), parang medyo naihagis  ng humahangos nyang bewang ang anak nyang nakabitin nga pala sa kanya. Parang natapon patagilid ang bata, swak ang isang paa nya sa pinamili kong nanahimik sa sulok. Haha, ang saya ba? Oo, medyo mabilis ang pangyayari, mga kapatid. Lahat kami – si Teh na nasa loob na ng bahay noon, ang bata na in mid-step, ang aleng may-ari ng tindahan at ako – medyo na-shock kami lahat, haha.

Inihakbang na ng bata papasok sa loob ang isa pa nyang paa. Iwan sa loob ng plastik ang tsinelas na pink, yong mabigat… Tapos, ang bata, nabigla – mukhang iiyak. Tumitingin siya sa Nanay nya, tapos sa tsinelas, tapos sa ‘kin. Inalis ko ang tsinelas, iniaabot ko sa kanya, ayaw tanggapin ng batang anghel. Hinihila nya ang shorts ni Teh tapos, medyo umiiyak na. Inilagay ko muna ang tsinelas sa lapag, sa tabi ng plastik, saka ko in-inspect ang loob ng supot. Ma-tsek kung ano ang naapakan o naipit doon.

Ang worry ko, baka iyong isang piling na saging o kaya, iyong ipinadaing kong bangus. Pero, hindi naman pala. Ang nakawawa ay ang supot ng itlog, haha. Gan’to, bumili ako ng mga itlog, ipanto-torta ko sana sa almusal kinabukasan. Pag-angat ko ng plastik nito,  ahaha – pisak ang mga kawawang itlog – as in… Pati ang aleng may-ari ng tindahan, napatawa. Nanonood pa pala noon ang bata at pati si Teh. Umiyak bigla ang bata. Si Teh naman, walang sinasabi o ano. Naghihintay yata kung magagalit ako. Pero, bored pa rin ang kanyang expression. Saka, nasabi ko bang medyo mataray sya? Ahaha, oo, ‘yon…

Sa kabilang banda, habang ibinabalik ko sa supot ng pinamili ang mga bagay na napisak, nakikiramdam din ako kung magso-sorry si Teh, maski kapiranggot. Kahit pabalat-bunga sana, slight lang, kumbaga… Wala. Itinabi ko na sa mas gilid pa ang mga supot. Dinampot uli ang pink na tsinelas at iniaangat ang tingin. Ibinibigay ko uli sa bata ang pink na mabigat. Ayaw nyang kuhanin, panay ang hila nya sa shorts ni Mommy.

Takot ang bakas sa mukha ng bata, alam nya na sigurong may kasalanan sya. Nakita nya ang nadurog na mga itlog… Feeling ko, naghihintay syang may isang magalit – si Mama nya o ako. Si Teh, deadma look, as in… Ako, parang di ko naman maisip na pagalitan ang bata, halata namang aksidente ang nangyari. Pero, oo, nasabi ko na bang for a moment there, nag-wish akong mag-sorry ng konting-konti si Teh? ‘Yong kahit pa-pleasant effect lang? Hahaha.

Hila pa rin ng hila sa shorts ang bata, mukhang guilty. Walang effect kay Mama, parang tumapang lang ng konti ang expression ng mukha, haha. Hindi sya nagsasalita… Tapos, umiyak uli ang bata. Yumayakap na sa isang hita ni Mommy. Nagpipiksi lang si Teh. Matapang lang ang itsura ng mukha nya tapos, mukha pa ring bored, as in… Pumasok sya sa loob ng bahay ng may-ari ng tindahan at iniwan ang batang guilty sa harapan ko.

Binaitan ko ang expression ng mukha ko, haha, at sinenyasan ang batang okey na. Iniaabot ko uli ang tsinelas. Nag-hesitate sya sandali tapos, tinanggap din. Huminto na siya ng iyak pero, parang pigil lang. Parang tuliro pa rin. Kawawa naman, actually… Medyo sumisinok-sinok pa rin ang bata at medyo bewildered pa rin ang kanyang expression. Pero, isinuot naman nya uli ang tsinelas. Pareho na kaming happy, haha.

Si Teh, di pala nagtagal sa loob ng bahay. Lumabas din agad at bumalik uli sa harap ng tindahan, sa may harapan ko. Nagpipindot-pindot siya uli doon ng cellphone. Nilapitan siya uli ng anak. Parang may left-over ligalig pa yata si bunso. Hinihila na naman ng pakonti-konti ang shorts ni Mommy at umiiyak ng mahina lang. Sabagay, makabasag ka nga naman ng isang supot ng itlog tapos, walang nagalit sa iyo? Deadma si Teh, pindot pa rin sa cellphone nya.

Nakatingin na lang ako noon sa mag-Nanay, less than half na ang Coke na iniinom ko…  Bigla kanyong nagsalita si Teh, “Heh, hindi ako lumabas ng bahay para mainis lang, ‘noh?” Parang sa batang anak nya ‘yon sinasabi, pero parang sa may-ari din ng tindahan… Actually, parang ipinaparinig nya rin ‘ata sa akin? Hahaha, ang taray ng expression ng mukha nya. Pero, mukhang bored pa rin, ahihi… Siyanga pala, mga 4’10” siguro si Teh, medyo may itsurang ale at bilugin.

 

Ay, teka…  ginisang gulay at pritong isda nga pala ang ulam namin nang gabing ‘yon. At saka, marami-raming pritong itlog. 😉

 

Walang bukas

 

There is no tomorrow. Iyan ang motto ng isang fraternity na nakasulat sa mga kalsada ng Kamaynilaan mahigit dalawampong taon ang nakalilipas, noong ako’y babagong salta pa lang sa Maynila. Nag-marka ang pangungusap sa batang maputla’t payating nag-aalam pa lang noon kung saan-saan ang mga kantong sakayan ng bus at dyip sa pinakamalaking lungsod. Ano kaya ang ibig sabihin? Bakit kaya ganoon ang kanilang paniniwala sa buhay? Wala nga bang bukas? Puro ngayon lang? Naitanong ko sa sarili at sa iba pang tao, nang magkaroon na ako ng mga kakilalang laking Kamaynilaan mismo.

 

image of a wall with same writings all over

Bali-balita, paulit-ulit lang daw ang bukas. Siyanga? / janchristensen.org

 

Marami raw iyong ipinapakahulugan, sabi. Maaari raw na ang ibig sabihin ay malupit ang mundo, tila isang gubat, kaya walang dapat na asahan. Maaari rin daw  namang ang ibig sabihin ay gawin na natin ang lahat ngayon, sapagkat ang bukas ay di sigurado. Pangungusap rin daw iyon ng kawalang-pag-asa o iyong sinasabi sa English na despair. Pero ang tanong ko sa kakilala kong mamang late 20s na, “Bakit, mukhang bata  pa naman sila?” Ang tinutukoy ko ay ang mga kabataang miyembro ng fraternity na iyon, na nakikita kong madalas ay nagkukulumpon noon sa mga kanto-kanto ng komunidad o kaya ay sa gilid-gilid ng mga campus, madalas ay nakasuot sila ng damit na kulay-itim.

 

Ano kaya ang dahilan para sila ay maging desperate? Kung titingnang maigi, mas marami  nga sa kanila ay tila laking-mahirap at mula sa sinasabing urban poor communities. Maiilap lagi ang kanilang mga paningin, iyon ang isa pang bagay na napansin ko sa mga kasapi ng organisasyong iyon.

 

Huling mga taon ng dekada otsenta noon, ilang taon matapos umupo ang bagong gobyerno, ang kapaligiran ng Kamaynilaan ay may kakaibang sigla. May kung anong panibagong enerhiyang gumagatong sa mga tao, tila nagsasabing masarap mangarap at mayroon noong – bukas. Iba ba ang mundo ng mga kabataang nakasuot ng itim? Wala nga bang bukas para sa kanila? Sino ang nagkait sa kanila ng hinaharap at bukas? Hindi ba maaring hingiin o kunin muli o agawin kaya? O, baka hindi lamang nila iyon makita, baka pwede silang paliwanagan o papaniwalain? Kapatid, bansa natin ito, dito tayo ipinanganak at lumaki, sama-sama tayo ritong gagawa ng bagong bukas…

 

Pero, kako nga, maiilap ang kanilang mga mata. Hindi sila basta-basta nakikipag-usap. Lalo na, kung ang pag-uusapan – ang paksang bukas.

 

image of a young person who isn't hopeful about tomorrow

Mayroon din nga bang bukas para sa kabataang tila tinakasan na ng pag-asa?/ blackroseanarchy.wordpress.com

 

Siyanga pala, hindi ko na nakakakitang nakapinta sa mga sahig at gilid ng kalye ng Kamaynilaan ang motto ng nasabing organisasyon ngayon, pati na ang kanilang logo. Natagpuan na kaya ng mga kabataang iyon ang bukas o tama kaya sila – wala talaga nito? 😉

 

Kasya Kaya? (reblog)

 

Bilang pagbibigay sa hiling ng isang ka-blog, ilalathala natin ito muli bilang related post sa lathalaing buwan ang saksi… Mas masaya kung magko-comment kayo, mga kapatid. 😉 Tulad ng dati, salamat…

sasaliwngawit

Kulang ang mga salita para ilarawan ang aking nadarama

Kulang ang mga bituin para sa iyo’y ialay

Kulang ang lamlam ng buwan para tanglaw sa ‘ting pagmamahalan

Kasya kaya ang langit, para balutin ako ng iyong pag-ibig? 😉

View original post