sasamahan mo ba akong magbilang ng mga bituin?

 

Kung aking sasabihin, mga sakunang dumating

Iyo bang wiwikain – o, sinta, sumandal ka sa akin?

Malumanay ang bitiw, magiliw ang paling

Matatas ang tinig – iyong lungkot, dito ihabilin.

 

Kung masakit na kahapon, ako’y biglang dalawin

Kamay ko ay hahawakan at lubos na diringgin?

Tahimik na maglalakbay, sa ibang papawirin

Wika ay sasamahan kita – sa iyong paninimdim?

 

Image of lovers under the moonlit sky

Ako ba ay iyong mamahalin, mula sa buwan, mga bituin at pabalik? 😉 / quoteko.co

 

 

 

 

 

 

 

 

Kung aking ihahayag, binabatang mga suliranin

Matamang makikinig, mapang-unawa mga tingin?

May pagsuyo ang haplos sa tulirong damdamin

Magalang na wika – dusa mo giliw, anupa’t akin din?

 

Kung isa-isahin, mga pangarap na ibinulong sa hangin

Mga hinagpis ng buhay, mga bigwas na anong tulin

Sasabihin ay hwag mag-alala, malamyos na sasabihin

Irog ko – ika’y sasamahan, magbilang ng mga bituin?

 

Kung ipapaabot sa mga ulap, mga munting hiling

Sa langit ibubulong, yaong kapirasong dalangin?

Nawa’y magkaroon ng katuparan, mga nais at ibigin 

Ng sinta kong tangi, magkayakap – atin silang tutupdin. 😉

 

Advertisements

Walang pamagat

 

Sa mga daang tinahak, kayraming nakahandusay na pangarap 

Nagpipilit gumaod, anumang bangis – mga alon sa dagat

Kakayanin pang maghawan ng daan, tungo ro’n sa hinaharap?

Kaylayo ng tatawirin – ilang bundok, kaparangan at labak.

 

Pagod ang panulat, damdamin ay salat

Wala nang tinta – himig wari, namamalat…

Itabi muna ang pluma, iligpit mga kalat

Ihimlay ang pakiramdam, unan ay mga ulap. 😉

 

Image of a young girl observing clouds

Maglaan ng panahon para masdan ang mga ulap../ learningdevelopmentactivities.blogspot.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Para sa Minsa’y Naroroon

image of a house fence overlooking a mountain view

Tatawid ng mga bayan, ilog at mga bundok para makamit ang hangad/ http://www.123rf.com

 

 

 

 

 

 

 

Kung para sa pag-ibig, binagtas mo ang limang kilometro

Sa gitna ng ulan at mga paghuhuramento ng kulog

Nagngangalit ang langit, tila mga ulap, pinupunit

Sa maputik na daanan sa isang tagong kabukiran

Kung para sa pag-ibig, tinawid mo ang humuhugos na ilog

Patalun-talon sa mga higanteng batong-buhay

Umakyat ng tatlong bundok

Na nagwawalay sa bahay ng kanyang ama

Mula sa lansangang hintuan ng bus sa isang bayang patay

Kung para sa pag-ibig sa kanya, nagtiwala ka sa di-kilala

Lango sa tuba, siyang sa iyo ay naggiya

Nagbitbit ng iyong bag, kapalit ay munting salapi

Habang suot ng iyong mga kamay, sapatos na sapin

Noong isang hapon ng kawalang-katiyakan

Habang papagapang na ang gabi

At di mo alam kung may hahapunanin

(Kung wala, magpapalala sa asim ng sikmurang sadyang karamdaman)

Sino’ng makapagsasabi

Kung iyon ay katapangan o kawalan ng ingat? 

At hindi mo kayang kalasin

Tulad rin ng pagtandang di kayang pigilin

Ngumiti ka, talos ang pagpaparaya ng panahong nagpapalimot

Anuman yaong labas sa pag-ibig na pumukaw sa iyo

At sa bundok na niyayapakan ng iyong mga paa.

Nilupig ng ulan ang alikabok ng tag-araw

Malugod mong tinanggap maging ang pangangaligkig ng katawan

At kung saan ang hapong kalamna’y dapat mamahinga

At damhin ang kaigayahan

Ng isang larawang kalahati pa lamang ang hugis,

Ang diwa ay marapat na magpatuloy

Sundan ang katotohanan hanggang sa dulo ng bangin – at malaman:

Wala siya sa tahanan ng kanyang ama.

Ang umuugong at nag-aalburutong ulan

Marahil ang nagsabi sa iyo

Ang paghihintay ay mauuwi sa wala,

Subalit hinintay mo siya ng buong gabi.

Ang iyong nalinlang na paghahangad

Pinagkamalan ang bawat hampas ng ulan

Na tunog ng kanyang mga hakbang.

Sa dilim ng gabi, wari

Ay pagaspas yaon ng saya niyang basa ng tubig

Mula sa mga sangang ipinugong ng gabi

Ang pormal at malinaw ang matang kwago

Nag-anunsyo noong pagdatal ng sandali.

Naiwan kang tanging labi ng baga ng pangarap ang kapiling

Upang noo’y mabatid, kasabay ng ulan

Ang pagtatapos ng takas na tag-araw. 🙂

 

image of sun rising by early morn

Darating ang mga sinag ng umaga, matapos ang nagpupuyos na ulan ng gabi/ zzanyy.blogspot.com

 

 

 

 

 

 

 

 

– Ika- 4 ng Hunyo 2013

Salin ng tula, To One Who Was There

ng makata, Ginoong Anthony Tan

 

* Ang tula ay unang isinalin at inilathala ni thoughtpick o LJ de leon sa kanyang blog noong ika-9 ng Mayo 2013, may pamagat na Para sa Minsa’y Naroroon. Nabasa yaon ni ssa at hiniling niya kay ka-blog, ilathala rin sana niya ang orihinal na English version…

Nang mailathala ni ka-blog ang sipi ng To One Who Was There, nabasa ni ssa at naisipang gumawa rin ng sariling salin, hala pa… Nagawa naman (ang kopya ay nasa itaas). Ayon lang, ang layo sa ganda at husay ng original, ahihi. Paanong gagawin? 🙂

At, di hamak, mas mahusay ang salin ni ka-blog LJ. Mas maalam tumula ang ka-blog na ito sa ‘kin, sabihin ko sa inyo. Siya na ang nakakaalam – ano ang desire, hihihi. Di nga, pansinin at pagkumparahin ang dalawang translation, lalo sa bahaging pagaspas ng saya, ahihi.

Mas maganda ang kanyang salin. Mas alam niya, sya na… At kung tutuusin, iyon wari ang heart ng composition –  Paano ang pakiramdam ng isang naghahangad? Tila lahat ng bagay ay pumapatungkol sa iniibig. 😉

 

Maligayang Buwan ng Wika, mga kapatid, ka-blogs, kababayan… 🙂

 

 

 

Sa sangandaan ng buhay

 

Sa sangandaan ng buhay

kita’y nagsalubong

Binati mo ako

ng tawang malutong.

 

image of a car in a crossroad

Sa sangandaan ng buhay, kita’y nagsalubong. Ikaw ay laging pasulong/ birchcreektrading.blogspot.com

 

Munting pangungumusta

buhay nasaan na?

Magkikita tayo muli

pupuntahan kita.

 

At ang mga munti mong kaway

tanong sa buhay-buhay

Ikinasiya kong tunay

tila baga, mga munting alay.

 

Tayo’y magtatawanan

magkukwentuhan

Malayo sa hinagap

isang araw – may iwanan.

 

image of a couple in deep embrace

May kakaibang lugod at saya ang magmahal at mahalin din/ bethtrissel.wordpress.com

 

At kung paglalayo

sing-ilap din ng pagtatagpo

Hindi akalain o kinuro

sandaling ikaw – maglalaho.

 

Ano nga ang sabi

ang dakilang aral?

Ang magmahal

ay para sa hangal.

 

Ang umasa ng kapalit

para lang sa iilan.

Hindi patas ang laban

kaya nga, may digmaan.

 

Tinatanong sa sarili

ang umasa ay anong silbi?

Babalik ba ang dati

ang doon ay paparini?

 

Itataboy na lang ng hangin

mga lungkot at panimdim

Tatanungin ang buwan

kung tunay ang damdamin.

 

Sa sangandaan ng buhay

kita’y nagsalubong

masigla ka’t parang pasulong

animo’y sasakyang de-gulong.

 

Maya-maya ika’y nagpaalam

mag-aayos kamo ng bubong

Dagli akong sumang-ayon

kahit  di pa naman – tag-ulan noon.

 

Image of two roads intersecting

Pagkakataon ang dahilan ng pagtatagpo. Pagkakataon din ang dahilan ng paglalayo?/ http://www.visualphotos.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Sa sangandaan ng buhay

kita’y nagsalubong. 🙂

 

Gumuguho

 

May mga mundong gumuguho

may mga kahariang nawawasak

may mga pangarap na naaanod

may mga prinsipyong isinusuko.

 

image of ruins in the Corregidor Island in Bataan, Philippines

Anuman daw tibay ng istruktura ay tinatamaan din sa gera at iginugupo ng panahon/ members.virtualtourist.com

 

May mga destinasyong di nararating

may mga kahapong di mabalik-balikan

may mga kasalukuyang di-mapanghawakan

may mga bukas na di-maaninag.

 

 

 

May mga buhanging hinahabi

may mga sinulid na tinutuntungan

may mga islang pinagkakabit-kabit

may mga tulay, para raw malayo’y lumapit.

 

image of the Buntun Bridge in Cagayan province in Northern Philippines

May mga tulay para ang malalayo ay mailapit/ pinoyadventurista.com

 

May mga taong para laging may hinahabol

mayroon ding sa maghapo’y sapat na ang isang sakol

may mga di humihinto at di lumilingon

may nagmamaang-maangan, di raw alam saan paroroon.

 

 

Ang lasing ay nagwawala sa daan, gumegewang-gewang

nagsusulat naman ng mensahe iyong taong hangal

ang baliw na si Sisa, palaging ginagawang bida

natuloy ba ang piging na marangya, inilibing ba si Ibarra?

 

image of a drunk man swaying on the street

Gumegewang ang lakad ng lalaking lasing sa daan/ blogs.thenews.com.pk

 

Nalilito, Nagugulo

 

ang gapatak mong pansin

wari’y isang dagat na sa akin

ang mumunti mong hiling

tila  pagpapala mandin.

 

larawan ng isang batang babaeng nalilito

Kung nalilito at nagugulo, ba’t panay ang ngiti mo? Ang gulo! / dslrfilmmaker.com

 

ang kapiraso mong himutok

para namang sinlaki ng bundok

ang pagpapalit ng gupit ng buhok

akala mo naman, kung anong pagsubok.

 

ay, ay, ang iyong bawat ngiti

nagpapaalis ng laksang dalamhati

sa bawat lumbay na iyong pinapawi

paniwala ako,  sa buhay makakabawi.

 

nililito mo ang aking pakiramdam

ano’t ginugulo mo, itong abang isipan

dati’y puno ng lungkot ang kaibuturan

ngayo’y tigib ng sigla, anuman ang masdan.

 

larawan ng batang pag-iibigan

Sa tuwing ikaw ay ngingiti, lungkot ay napapawi / deadlydollies13.deviantart.com

 

sabi nga nila, mahina akong umintindi

hindi yata pwede, sa sabay-sabay at marami

sa tuwing ngingiti ka, habang katabi

animo’y namili lang ng tuwa, dyan sa palengke. 😉

 

 

* Ito pong habi ay munting supling ng tulang Salansan, kamunting suloy, ‘ika nga… Inilalathala po ito sapagkat walang ibang mapagpasyahang ilimbag at walang panahon para magsulat ng bago bilang halimbawa ng komposisyong walang editing. Naisulat po ito sa loob ng dalawang minuto at ang draft o borador ay ito na rin mismo.

Ibig sanang ipakita sa akda ang pagkakaiba ng work na walang edit doon sa dumaan sa kung ilang rounds ng editing. Silipin lamang ang mga tulang nasa kategoryang Hagod sa Taludtod, kung nais ninyo silang pagkumparahin. Welcome kayong mag-comment, magbigay ng observations o anumang puna, mga kapatid. Maraming salamat… Cheers! 🙂

 

sa mga panahong naiinip ang puso…

 

sa mga panahong pagal at naiinip ang puso

bakit kaytagal dumating ng tamang pagsuyo?

sinusubukan ang tatag ng damdamin at binibiro

ikaw ba, pag-ibig, sadyang nagpapakalayu-layo?

 

cartoon image of a young woman waiting

Ang bilin ay maghintay. Di yata nasabi kung gaano katagal/ temiville.wordpress.com

 

saang kaharian, pinili mong maglalaboy

saang pamayanan, sigla ay iyong isinasaboy?

saang kainan naghahapunan, saka mananaghoy

nilulunod sa alak ang sariling nais – makapagpatuloy.

 

sa mga panahong balais ang naiinip na puso

tanong ay bakit, ang iba’y mabilis makatagpo?

may mga pangarap daw, payak ngunit di makuro

paano nangyayari, may mga pagsintang gumuguho?

 

image of a woman and a man, both waiting at a stop

Madalas ding may mga magkalapit ngunit magkalayo/ boston.com

 

may mga puso nga ba, sa pader ang gawa at yari?

o, di kaya, sa asero –  pag nilapita’y sunog at banli.

may mga puso nga bang nakagapos at nakatali?

kailangan pang pakawalan – anong dami ng pasubali!

 

sa mga panahong puso ay naiinip, puno ng lumbay

nagtatangkang silipin mga sagot – sa tanong ng buhay

kailan kaya darating, magiging kakampi at kaagapay?

isang payak na natatangi – inspirasyon, kapit at gabay.

 

image of a young woman leaning on a wall while waiting

May mga pagkakataon nga namang nakakainip din ang maghintay/ lunar.lostgarden.com

 

sa kasabihang Pilipino, kalabaw lang ang tumatanda

ang puso, isip at damdamin – pirmi lagi ang sigla at bata

sa araw-araw, sa tabi-tabi at sa babasahin, di nawawala

mga signos at bulong ng pag-ibig – maski niyong di makata.

 

kahit pa tag-ulan, ang mga ulap dagling nagpapakita

di rin naglalaho – ang bughaw na langit sa tuwi-tuwina

laging may paalala ng bukas, mga pagkakataong sumaya

may ngiti sa labi ng mga bata – sabi’y magandang umaga.

 

sa mga pagkakataon, tila naiinip yaring puso

wari’y gustong itangis,  buhay na tigib ng siphayo

bulong ay huwag bitawan, pananalig o, huwag isuko

bagkus manampalataya,  pag-asa’y naririyan at buo.

 

sabi ng paham, sa bawat isa ay mayroong nakalaan

may kapareha raw, ang bawat puso at nilalang

mahirap din minsang paliwanagan, itong pusong ilang

sabi’y baka wika lang ‘yan – noong taong di pa nag-aagahan. 😉

 

image of a young girl sending message to the wind

Tularan daw ang batang masaya habang naghihintay/ ladyfish.deviantart.com

 

Manalig ka, puso. Bawat pintig ay pag-ibig.

 

 

* Mga kapatid, itong tula ay munting handog sa mga ka-blog na masiglang lumahok sa mga talakayan sa love posts na nailathala dito sa SSA.

Ito ay karugtong o parang sequel ng Tinanong Mo Ako Kung Bakit. Ahaha, naalala nyo ‘yon? Oo, iyong tula ukol sa singlehood na nakaaliw sa marami-rami, kainaman… ^^

 

Tinatangka rin nitong sagutin ang pasaway na tanong, “Pag single ba at lampas na sa kalendaryo, ibig sabihin, nag-give up na sa usapang pag-ibig?” Naman… 😉

Ang nag-inspire nito ay ang ang post ni Mrs. GBP, tungkol sa shortage ng kalalakihan na inilathala kailan lang at buo ang loob na nanawagan ng kapareha para sa mga kaibigan nyang singol, shaks… Haaayy, ewan ko lang kung may nasilo na ang desperado, errr, daring and ingenious  nyang bitag, ahaha. ^^ Ay, mali, adverts pala ‘yown… Oo, adverts nga, sus. 😉

Nakatulong din ang pagkadaan  sa Video City minsan isang gabi at mahigit tatlumpong minutong pagtitingin-tingin ko ng cover ng DVDs ng Disney movies gaya ng Mulan, Pocahontas, Aladdin atbp. Favorite ko lagi, ang scenes para maghanap o papunta sa taverns, hihi. ^^

 

Maitatanong nyo, bakit pag-ibig sa buwan ng Agosto? Ba’t nga? Anim na buwang advanced para sa susunod na February, ahihi… Wala naman, pasaway lang ang mga ka-blogs na readers, parating interesado sa usapang pagsinta, as in…  ^^

 

Nais kong pasalamatan ang mga mama at aleng dumadalaw dito sa site. Malaking Thank You, the best kayo, as in… 😉  At the same time, gusto kong hingiin ang inyong pahintulot na mag-break muna. Marami akong kailangang intindihin at ayusin – mga utang na dapat bayaran, mga sulat na dapat ipasa at sagutin at mga files na kailangang ayusin, as in… Higit pa ryan, binaha kami ng husay na husay nito lang, haha. Mga isang taong linisan siguro, mga kapatid, kainaman. Ayon, I need time, kumbaga…

Gusto ko rin sanang magkapanahon para sulatin ang mga gusto ko talagang isulat. Gusto ko sanang makagawa uli no’ng parang Sa Mabini Tayo Pumadpad, Ibang Silip sa Sta. Mesa o Sa May Kanto ng Avenida at Recto. Pero, tungkol sa kalye ng Nakpil sa Maynila o di kaya sa isang mataong lugar gaya ng Cubao ang inaambisyon ng lola nyo ngayon… ^^

Oo, e, medyo kailangan ng time and concentration sa mga ganoon… Parang nagpipinta, tipong collage, ayon… ^^

 

Tuluy-tuloy pa ring maglalathala ng posts dito. Maaari at welcome kayong mag-comment sa mga sulatin at ipa-publish ang mga iyon, naman… Di ko lang tiyak, mga kapatid,  kung makakatugon agad…

 

Maraming maraming salamat sa inyong pagtangkilik. Mabuhay kayo! 🙂