Saan napunta ang mga pangarap?

 

Saan nga ba? Tinangay ng hangin? Niluma ng panahon? Inanod ng mga suliranin? Naiwala sa agos ng kasalukuyan? O, isinubi, dala ng takot sa di-maaninag na bukas? Kaya bang hanapin muli, hulihin, bigyan ng bagong buhay? Kayang sumakay muli sa likod ng pag-asang kaybilis dumating at maglaho?

 

Magkaminsan, sa gitna ng pagmumuni-muni – sa pagitan ng pag-iling-iling at pagyuko – bahagyang sumasagi sa diwa ang panahong musmos pa ang  edad at pag-unawa. Noong isang panahong walang nagagalit o nagtataka kapag pinili kong humiga sa damuhan para panoorin ang paglakad ng mga ulap at pagdaan ng eroplano sa asul na langit. Noong ang bukas ay isang maliwanag pang larawang ako ang magpipinta. Ako ang pipili ng paksa, ako ang magguguhit ng mga karakter at ako ang maglalagay ng background. At ang aking kapatid, pinsan o kalaro, walang magagawa kundi sumang-ayon – sumang-ayon mula sa pagkakahiga rin sa berdeng sahig. Sapagkat kung hindi, hindi ko pakikinggan ang kanyang version ng bukas.

Gaano nga ba kalayo ang kahapon sa ngayon? Isang malalim ngunit tila walang saysay na tanong. Gaano kalapit ang bukas? Paano napagdurugtong ang mga panahon? Hinahabol tayo ng mga alalahanin,  mga agam-agam at ng mga pangambang walang pangalan. Hindi na lamang sa presyo ng galunggong sa pamilihan o kung bakit walang ibang kulisap sa lungsod, maliban sa lamok at ipis. Marami pang ibang kaba at pagtutumpik-tumpik. Natanggap ko na bang walang tutubi sa Kamaynilaan, na ilang taon na akong hindi nakakakita ng alitaptap at dapat ko bang ipagpasalamat na minsan, may naliligaw pang paru-paro sa aming halamanan? Alin-alin sa mga wala at sa mga mayroon ang kinasanayan ko na? Alin-alin doon ang kaya kong panghawakan?

Napakatagal na niyon – noong ang mga kapatid kong lalaki ay nagpapalipad ng saranggola sa palayang bagong araro at wala pang tanim. Lalapit ako para makihawak sa lapnis na nakakabit sa pinapalipad na papagayo (iyon ang tawag sa amin). Titimplahin ko ang luwag o higpit ng tali, animo ako ay marunong din. Kahit hindi naman, hindi talaga. Ngunit sa loob ng limang minuto, tatakbo rin akong bitbit ang mahabang sinulid, natitisod sa mga tigkal ng lupang nakausli, upang kahit sandali, maging bahagi ng paglipad at pagiging malaya – sa mga tag-araw na wala pa sa hinuha ang hirap at bigat ng buhay. O, maaring andoon na, subalit tila manipis na hibla pa lamang – maari pang palisin, hawiin o huwag pansinin.

Ang mga araw noon ay ginugugol sa paaralan – tinuturuan ng gurong magkwenta, ipinakikilala sa katutubong panitikan at kinukwentuhan ng buhay ng mga bayani.  Inisip ko rin ba noong gusto kong maging bayani? Inisip ko bang makagawa rin ng kakaiba para sa nakararami? Inisip ko bang kaya kong magsakripisyo ng walang kapalit? Hindi ko alam. Ang alam ko, ang natatandaan ko pa, madalas ako noong mumulot ng mga kalat na balat ng kendi at supot sa school grounds. Marahil, inakala ng mga guro at ka-eskwelang iyon ay kabutihan o pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba. Sa ganang akin,  nais ko lamang panatilihin ang ganda ng paligid  – walang dumi at mabini sa paningin sapagkat iyo’y luntiang malinis.

Ang mga libreng oras ay inuubos ko noon sa silid-aklatan para namnamin ang mahika ng mga nakalimbag na salita.  Sa bawat paglipat ng pahina ay kaakibat ang kabatirang may bagong mundong natuklasan, may bagong linangang natawid at may bagong bukas na maaaring tanawin at puntahan. Ang mga hapon naman pagkakauwi ay para sa pagtulong sa mga gawaing-bahay, paggawa ng mga takdang-aralin at pakikinig sa mga sermon ng magulang, sermong paulit-ulit. Ang gabi bago matulog ay para sa mga huntahan, bangayan at usapang katatakutan – mga kwento ng paring pugot ang ulo, maligno sa may igiban ng tubig sa gawing pagubat at mga lalaking nangunguha ng batang makukulit, sobrang daldal at ayaw sumunod sa nakatatanda.

Ilang dekadang singkad na ang dumaan? Nakatapos na ako sa pag-aaral, may diploma na at larawan ng pagtatapos na naisabit sa dingding. Nakapag-trabaho na rin sa mga tanggapan at kagawaran, nakapagsulat ng mga papel na tinalakay ng mahahalagang tao at nakapag-organisa na ng mga proyektong panlipunan. Nakasalamuha na ang kung sinu-sino, nakarating na sa kung saan-saang lugar. Naging bahagi na ako ng pagbubuo at pagre-rebisa ng mga patakarang pambansa. Libong aklat na ang aking nabasa. Nadagdagan ba ng mga iyon ang aking dunong? Naiba ba ng mga iyon ang aking paggagap sa mga bagay-bagay at pangyayari? Nagawa ko bang higitan ang dati kong sarili? May nabago ba ako o ako ang binago ng aking mga pinagdaanan?

Naipakilala na ako sa mga pait at kabiguan ng buhay. Alam ko nang ang ikot nito ay hindi laging balanse at pantay. Batid ko nang hindi ito puro paglalaro at tag-araw – may mga panahon ding kailangang salagin ang mga hampas at daluyong ng malupit na tag-ulan, tulad rin ng may mga pagkakataong dapat munang sumilong. Alalaon baga, batid ko na rin ang tamis at sayang dala ng pag-ibig, nalubos man iyon o hindi, sinuklian man  o tinanggihan. Taos ko nang kaya akong tikisin at pagmalupitan ng aking mga mahal sa buhay, gaya rin ng alam ko nang mahilig makialam ang mga kamag-anak. Iniiwan ka ng mga kaibigan, sa mga panahong higit silang kailangan. May mga sandali ring ikaw ang nang-iiwan at hindi ka maayos na nakakapagpaalam. Mas mabuti ka bang tao sa ngayon? Naitatanong mo sa sarili kung minsan.

At ang lipunan? Ang lipunang minsan mong inisip na walang pakundangan, na maraming ipinagkakait, na may inaasahan sa iyong sabi mo ay kaya mong ibigay ngunit ayaw mo lamang? Ang lipunang sabi mo dati ay kailangan at marapat na baguhin subalit hindi mo tiyak kung paano – paano mo tiningnan ang lipunan at paano ka itinuring nito? May naibigay ka ba sa lipunan, nakapaglaan, nakapaglingkod? Ito yata ang parteng malabo. Kinalinga ka ba ng lipunan, inunawa o hinusgahan? Binigyan ka ba ng nito ng lugar? Hindi ka sigurado. Tila ang lipunan ay nanunukat, pirming umaasa at mas madalas, mapanlait. Noong bata ka pa ay inisip mong kaya mong languyin ang dagat ng lipunan. Buo ang loob mo noong ika’y makakarating sa pampang.

Matagal nang lumipas ang aking kamusmusan,  hindi ko alam kung kasabay noon ang paglayo sa mga pangarap. Bibihira na ang pagkakataong nakapagmamasid pa ako ng langit at nakakapanood sa laro ng mga ulap. Batid ko nang hindi pirmi ang bukas, ngunit ako pa rin ang hinihinging magpinta nito – sa kabila ng kawalang-katiyakan. Sa pakikinig at pagmamatyag, napag-alaman kong ang ibang tao – kapatid, pinsan, dating kalaro, kaibigan, mga kakilala at hindi –  may mga pangarap din. Maaaring  magkakaiba sa mga paraan, sa pagguhit at pagtatangkang ang mga iyon ay makamit. Subalit, unti-unting luminaw sa akin, magkakahawig kami sa mga paghahangad at naisin.

Tulad rin ng pagkamulat sa katotohanang papaunti na ng papaunti ang mga kabukirang mapagpapaliparan ng saranggola, napagtanto ko na ring hindi lamang sa silid-aklatan matatagpuan ang sagot sa mga tanong. Alam ko nang mahirap magpakabayani tulad rin ng katotohanang hindi sapat ang diploma para tiyakin ang lugar ng tao sa lipunan. Alam ko nang sa ilalim ng berde at malambot na damuhan ay ang matigas at malamig na lupang tinutuntungan ng tao habang nangangarap ng kapayapaang tulad ng sa langit. At mayroong mga hindi pagkaka-intindihan, may galit na namumuo at pana-panahon, may mga hidwaang sumasabog. Ang nasa gitna niyon ay ako, ako at ang iba pang mga taong pilit yaong inuunawa, kinakaya at nilalampasan.

 

At maaaring sabihing sa pagtanda, mas marami ang mga kabiguang nasasalubong, may mga pangarap na naiwawaglit at may mga hiling na sa hangin na lamang naibubulong. At kung ang mga pagnanais at ambisyon man ng musmos na isip ay hindi lahat naisakatuparan, masasabi ko namang tinahak ko ang landas na hindi pinili ng marami, binata ko ang mga pagsubok na higit sa karaniwan at sa mga panahong kinailangan, pinili ko ang maglaan sa iba. Siguro nga, hindi ang mga iyon maihahanay sa tradisyunal na pakahulugan ng pagtatagumpay sa lipunan. Subalit,  hangga’t kaya kong sabihing tinanggap ko ang mga pagsubok at hamon at wala akong pinagsisihan, masasabi ko pa ring ako ay nagwagi.  Sa bandang huli, ang pagtanggap sa mga kabiguan ay hindi pagiging talunan. Ito marahil ang aking puhunan sa paghabi ng mga bagong pangarap.

 

What happens to a dream deferred?

Does it dry up

like a raisin in the sun?

Or fester like a sore—

And then run?

Does it stink like rotten meat?

Or crust and sugar over—

like a syrupy sweet?

Maybe it just sags

like a heavy load.

Or does it explode?

– Langston Hughes, “Harlem” from Collected Poems. Copyright © 1994 by The Estate of Langston Hughes.

* Ito ay inilalathala bilang lahok sa “Bagsik ng Panitik” contest sa damuhan dot com.

Minsan pa, sa tag-araw…

 

Minsan pa, sa tag-araw, hayaan mong balikan ko ang mga nagawa mo sa aking buhay…

 

image of a beach resort in Northern Philippines during summer

Sa maliwanag at maalinsangang tag-araw, wari'y tinatawag tayong mamasyal/ flickr.com/photos/twistedhalo/168021185/ Original photo by twisted halo

 

Pinatawa mo ako uli. Tila bago ka dumating, ano’ng hirap gawin nitong munting pangkaraniwang bagay. Anong dali noong magkunwaring nakikinig, nakikisaya kahit hindi naman at naglalagay ng bakanteng expression sa mukhang nasanay nang kakaunti ang lugod na natatagpuan. Sa iyong pagdating, lahat sila ay napalis. Lantay na galak ang iyong ipinalit.

Pinangiti mo ako ng madalas. Mga ngiting hindi kailangan ng paghahanda sapagkat kusang umuusbong sa mga labi, kusang naglalandas sa bibig, pisngi at mga mata. Bakit nga ba ang simpleng malamang andyan ka ay nagdadala agad sa akin ng ngiti? Tiyak ako, hindi lamang sa akin. Kung tutuusin, hindi ka madalas ngumiti dati. Pero napapangiti ako habang  inaantay kong ika’y magbahagi ng kapirasong ngiti.

Tinuruan mo akong humalakhak muli. Mga halakhak na pumapawi ng pagod sa mga sandali, araw at buwan. Saang tabi ko nga ba naipatong ang kakayahang humalakhak dati? Hindi na siguro mahalaga iyon. Ang mainam ay nagawa mong bawiin sa pagkalimot ang kaakuhang sadya nga palang masayahin at may pakundangan sa iba. Ang tumawa ng malakas at walang agam-agam, ibinalik mo sa akin…

Binawasan mo ang mga kunot sa aking noo. Oo, ikaw na siyang bihasang kumunot at magduda sa paligid. Ikaw na suri ng suri sa kung ano at silip ng silip sa halos lahat ng sulok. Ikaw na matagal bago magtiwala sa tao. Madali ka bang makalimot o kailangan lamang na ika’y paalalahanan lagi? Na ako ito, na siya iyon at ikaw pa rin iyan – at magkausap at magkasama tayo noong isang linggo. At habang iniisip mo pa kung sino nga ba ako at ako ba’y iyong papansinin at kakausapin, kukunutan mo muna ako ng noo, bagay na labis kong ikinatutuwa.

Tinuruan mo ako uling maging payak. Pinasimple mo lang ang equation – ang mahalaga ay magkasama tayo at binibigyan kita ng oras at atensyon. Ang mainam ay sa oras na iyon, ako ang pinili mong makasama – hindi ang iba. Ako ang tutugon sa iyong mga hiling, ang pirming hahabol sa iyo at pirming magrereklamo kung bakit ganyan ka kakulit. At dagli mo akong iiwan sa sandaling maalaala mong may iba nga palang bagay at taong mas nakakatawag-pansin. Tinuruan mo akong maging payak sa mga dapat kong asahan.

Pinagagaan mo ang mabibigat. Pinalilipas mo ang mga oras ng di ko namamalayan. Inaaliw mo ako sa mapagtanong mong mga tingin, sa mga salita mong wala halos akong nawawawaan at sa mga kilos mong tila nagsasabing wala kang pakialam, bata ka pa naman. Bata ka pa naman talaga. Pero dahil sa iyo, tila nag-iba ang timbangan. Wari ikaw ay sariwang hanging dumarampi sa likod sa mga hapong kainitan.

Kinukulayan mo ang mga sandali. Sinliwanag ng sikat ng araw sa panahon ng tag-init, ganyan ang kasiyahang isinisabog at ibinabalot mo sa bawat makadaupang-palad. Malikot ang iyong diwa, malulutong ang iyong mga tawa at walang  pag-aalala sa hinaharap ang iyong mga kilos. Isa ka yatang handog para sa mga tulad kong marami na ang nilakbay, tinangka at tila ayaw nang balikan.

Dumating ka bago ang tag-araw, wari ay doon sa yugtong madidilim ang mga nakalambong na ulap. Dumating ka ba ng may abiso? O, nabalitaan ko na lang na andyan ka na? Ikaw pala ang papawi sa aming kalungkutan, ang magtuturong  lumakad muli ng mabilis at walang pag-aalinlangan at maghahatid ng pag-asa sa panahong tila kayhirap muling umaninag ng bukas. Hindi ko pa kayang eksaktuhin ang lugar mo sa mundo ko at sa mundo ng iba pa. Ang tiyak ko lamang, mula noong ikaw ay andiyan,  nag-iba ang ikot nito at naging mas makulay. Ang makasama ka sa tuwina, tila baga pamamahinga sa lilim, sa hapon ng tag-araw.
Ano nga uli ang sabi? Ang mga tulad mo ay paalalang sa kabila ng walang-tigil at gabundok na mga dusa at sakit, ang buhay ay patuloy na pipintig at marapat lamang na ipagpatuloy… 🙂
image of our grandniece, newly-awaken from deep sleep

Ang ikatlo naming apo sa pamangkin, bago siya magsampong buwang gulang/ personal files

 

Awit at Lipunan

 

Mainit na pagbati sa inyong lahat! Saksakan ng init… 🙂

 

Isa lang itong singit na post para ipaalam sa inyong magdaragdag ako ng dalawang kategorya sa site. May Kinalaman sa Kanta ang isa, bilang pagsunod at paninindigan sa pangalan nitong bahay, hihi. Tulad ng naikwento ko na dati, wala akong gaanong kwenta pagdating sa kantahan. Hindi kagandahan ang boses ko, ang baba pa. Second voice ako sa choir noong high school. Kumakanta kami noon sa Cathedral kapag weekends, sa plaza kapag may mga pagtitipon sa lungsod at sa school kapag may program. Ayon, masipag ako noong um-attend ng practice at tuwang-tuwa ako pag nagbi-blend ang aming mga boses pag serious mode na, haha.

Ang pagiging choir member ko noon ang isa sa pinakana-enjoy ko sa high school, sunod sa pagiging mabuting member ng Girl Scout, ahaha. Pinaka-hate ko naman ang CAT at ang CMT (officer ako, required sa matatangkad, haha). Anyway, sa pagiging choir member, ang dami kong natutunan – pasensya, kooperasyon at pag-abot sa mahihirap na notes. Kumbaga, doon ko natuklasang ang bagay na mahirap sa umpisa, unti-unti ring nakukuha kapag pinagsumikapan. At ang sarap ng pakiramdam kapag maayos ninyong nai-deliver o nai-render ang piyesa. Tinuruan din kami roon na intindihin ang kahulugan ng kanta para mas ramdam ang pag-awit. Iyon siguro ang ibabahagi ko rito, ang pagsilip sa kahulugan ng ilang piling kanta. Ayon naman…

 

Ang ikalawang kategoryang napagpasyahan kong idagdag ay ang Aralin Natin ang Lipunan. Hindi na siguro ito bago sa inyo, may ilang post na akong nagawang papasok sa kategoryang iyan. Iyon nga lang, pahapyaw lang sa Social Studies ang naging treatment ko sa mga iyon dahil mas ang intensyon ko pa roon ay  mag-feature ng city sights and sounds, mga paglalarawan ng mga pangitain sa lungsod. Dito sa iniisip ko ngayon, mas magiging marked ang Social Science, haha, bilang pagkilala siguro sa disiplina ko bilang A.B. graduate. Ang magiging itsura malamang noon, gagamitan ng sociological approach, kaunting Philosophy, ilang patak ng Anthropology at bahagya rin ng Economics at Political Science. Ayan, nosebleed na ba agad? Ahaha. Hindi naman… 😉

Ang Social Science, para sa mga hindi pamilyar, ay isang disiplinang ang inaaral ay ang lipunan at ang mga taong kabilang dito. Bagaman at hindi siya kasing-eksakto ng tinatawag na hard sciences, mayroon din ritong hinihinging rigour at scientificity, mula sa nilalaman at maging sa pamamaraan o method ng pag-aaral. In short, hindi rin pwedeng tsika lang o opinyon lang o bola-bola lang. May proof ding kailangan. Ang accuracy ng pag-aaral na ito, di kasing-taas ng sa quantitave sciences. Ang paliwanag, kasi, tao ang inaaral at hindi bagay o kaya ay figures kung saan halos lahat ay pwedeng ipirmi o gawing constants. Mas marami ang variables kapag tao, lalo na kapag taong maramihan na. Ayon.

 

Sa ganitong mga karagdagan, mas seseryoso pa ba kaysa sa dati itong site? Ahaha, hindi naman siguro. Pinipilit ko naman laging pagaanin ang paksa – hanggang kaya. Kung iniisip nyong ang bibigat ng mga nabasa nyo na rito, mas mabibigat ang  pinaghalawan ng mga iyon, mas serious. Medyo kailangan ko ring ibagay ang pagsusulat sa edad ko, karanasang pinagdaanan at mga ideyang naaral na. Gustuhin ko mang magpabata rito, magpaka-delingkwente at light, may hangganan din kung hanggang saan ko pwedeng gawin ‘yon. Isa pa, hindi talaga naka-format itong site bilang talaan lamang ng mga personal na pangyayari sa buhay ko, haha. Hindi kasi ako masyadong interesting na person, haha. Maingay na boring lang, gano’n.  ^_^

Ganoon pa man, nanalig pa rin akong may dadalaw at magbabasa rito. Maaaring hindi kasing-dami at kasing-dalas kung formatted ito ala-Facebook or Multiply blog. Pero mayroon, haha. Tingin ko, marami pang kulang na online materials na nakasulat sa Tagalog. Isa pa,  pinipilit kong buuin ang mga ideyang ibinabahagi ko rito, isang pagtatangkang maaaring lumabas na ibang flavor, kumbaga. Sa ngayon kasi, mas marami sa online information ay pira-piraso o fragmented, kung hindi man dala ng outbursts o kaya ay paglalayong makabenta ng produkto o serbisyo. Wala namang masama sa mga nabanggit at pare-pareho namang may lugar ang mga iyan sa internet. Pero sa hula ko, posible pa ring may tumangkilik sa mga sulating gaya ng matatagpuan dito.

 

Ang pagsusulat ay isa sa pinaka-conscious na activity ng tao. Maganda kung spontaneous at creative ang likha, siyempre. Pero kung matagal-tagal na kayong nagba-blog, siguro ay alam nyo na ring lampas dyaan ang hinihingi ng pagsusulat sa blog. May hinihingi itong kalinawan, sinop ng pagkakasalansan at tibay ng istruktura ng likha. Kaya may edit features itong ating blog, may comment section at may kate-kategorya pa. In short, hindi ito laru-laro lang. Higit pa ryan, napansin nyo na rin marahil na mas spontaneous at mas creative lumalabas ang akda kapag gamay ang paksang sinusulat, mas pinaglaanan ng panahon sa post-production at ginawa hindi simpleng para may maihirit lang. Basta, alam nyo ‘to… 😉

Marami-rami rin ang effort at dedication na hinihingi ng pagsusulat. Kailangan, pirming magsanay at pirming magbasa para humusay pa lalo ang mga sulatin. Kung depende lang sa mood ang paghabi at pagsusulat at hindi talaga paglalaanan ng oras, hindi rin gaanong aandar ang imahinasyon at kalaunan, ang blogger ay manghihinawa. Kung magkakagano’n, sayang. Ngayon lang kasing blog age nagkaroon ng ganito ka-dynamic na platform para magkausap-usap at magkapalitan ng kuru-kuro ang mga nagsusulat – baguhan man o datihan. At kung tungkol man sa pagdidilig ng halaman kaninang umaga o tungkol sa awit na naulinigan, o, kaya tungkol sa lipunang kaykunat ng pagbabago – ang gusto mo o kong talakayin – dito sa blog iyon ay pwede at kay inam gawin. Ayon naman…

 

Maligayang tag-araw, mga ka-blog! 🙂

 

Hindi Na Kita Mahal

 

Hindi na kita mahal

masaklap ‘tong balita

Hindi na kita mahal

di ko sinasadya.

 

image of a blue sea from the distance

Sa mga alon ibinubulong ang pahimakas sa pag-ibig/ mobileapples.com

 

Hindi na kita mahal

wala na ‘kong tiwala

pagtatangi’y iyong niyapakan

at ipinagsawalang-bahala.

 

 

Hindi na kita mahal

kay tagal ko ring naniwala

sa ‘yo’y uusbong ang damdaming

tatapat sa aking pagkalinga.

 

image of a melancholic girl

Kung minsan ay walang katapat ang pagsuyo/ weheartit.com


Hindi na kita mahal

ang hirap na muling tumaya

paggalang at pagmamahal

paglalarua’t dadalhin sa wala.

 

 

 

Hindi na kita mahal

huli ko nang nabatid

ang nais mo lamang, makapanlupig

di alintanang ako’y manlimahid.

 

Hindi na kita mahal

tama na ang pasakit

pagsuyong walang kapalit

‘sang iglap, iyong iwinaglit.

 

Hindi na kita mahal

sapat nang minsan ako’y hangal

kung pakatutuusin

bakit ko pa pinatagal?

 

Hindi na kita mahal

mas masakit sa akin

sa umpisa pa lamang

wala ka nang pagtingin.

 

Hindi na kita mahal

sinasabi kong nakatunghay

pag-ibig na lubos

sa iba na iaalay.

 

a poster explaining imbalance in love equation

Pagtagal, natutunan din ang aral ukol sa unrequited love/ brucemctague.com

Hindi na kita mahal

Hindi na.