impluwensya ng ka-blogs sa panulat

 

Kumusta kayo? Ang tagal ko palang nawala – kumusta naman daw yon? 😉

 

Napaka-dynamic at interactive na platform ng blog, wari ko… 🙂 Tinginan at palitan tayo parati rito ng lungkot, saya, hinagpis, pagtataka, pagdurusa, karunungan, kababawan, tsika-chenes,  katatawanan at pagkamalikhain. Silipan tayo ng silipan kung ano ang mga pwedeng sabihin, isulat, talakayin at ihapag sa isang forum na ang daming taong pwedeng makakita, makabasa at makarinig sa pinagsasabi natin. Hihi, tayo na…

Siyempre, madalas nating bitaw, wala lang tayong magawa. Blog tayo ngayon, haha. Kunwari ba, may ginagawa na tayo pag naka-blog na? Hihi, ang sama… Siguro, pag nagsusulat tayo sa blog, kinukumbinsi natin ang mga sarili – may maaari pang magawa… Hindi puro pagmamaktol o puro pagpapapansin o puro paglalabas lamang ng sama ng loob. May naayos din, may inaabot, kahit paano, ang mga kadaldalan natin dito,hihi… May nasisinop na salansan, may naiiba at pana-panahon, may napapalitan. Maski sa sarili man lang natin – may nababago tayo.

 

At the least, nakakapaghayag tayo. Nakakapagsanay na mag-isip at magsulat. Naipapaskil natin sa madla ang mga kaganapan sa ating munting mundo, naipapaalam nating buhay pa tayo, hihi at nakakapag-isip pa, haha. Hindi nga lang parating diretso ang ating naiisip. Yon. Mas madalas, maraming liko, patawing-tawing sa kung saan-saan at pahinto-hinto – sa mga tabing-daan at sulok. Kung minsan, naliligaw. O, napapatid, nadudulas. Nasasaktan din, umaaray at napapamura. Nagugumilahanan, nalilito, nalalabuan… Pero, nag-umpisa tayong naghahanap ng linaw. Naghahagilap ng mga sagot. Gayong di tayo sigurado – may sagot nga ba, o, kung dapat pa bang itanong. Hihihi…

Nag-i-inspire daw tayo pag nagsusulat, senga? Sarili ba natin ang ating ini-inspire sa mga isinusulat natin o ang ibang tao? Pareho siguro… Ano pala ang ini-inspire natin? Hahaha. Hindi nga… Nag-i-inspire ba tayo ng saya, tuwa, kagalakan? O, kaba, galit, takot – sa nakakabasa ng ating mga sulatin? Kahihiyan, nag-i-inspire tayo nito? May mga ipinapaalala tayo sa iba sa simpleng pagbanggit ng isang bagay o, sa paglalagay ng isang larawan sa post, at mayroon tayong binubuhay – akala ng nagbabasa – patay na, dati pa, hihi… Sa blog, tila inaayos natin ang magulo. Pero, ginugulo rin yata natin ang mga bagay at usaping parang ayos na, hihi. Ang gulo natin, sa totoo lang… 😉

 

image of a woman alone in an island

Ang manunulat ay nagpo-flourish, hindi sa isang isla, kundi sa isang pamayanan/ jadevarden.blogspot.com

 

Anyway, kwento ito, mahabang pasakalye – tungkol sa mga taong nanggulo sa akin, haha. Bilang blogger, akala ko noon fully equipped na sa pagsusulat sa blog. Dangan kasi,  may mga nabasa nang kung anu-ano ang lola nyo, maraming taong nakasalubong, naranasang hirap, dusa  at saya at, may mga salitang imbak sa taguan. Akala, papalaot at gagaod ako sa isperyo ng blog – undisturbed… Ay, sus, I spoke too soon, mga kapatid. Kahit pala suplada (hihi), sabihin pang may ipong bokabularyo at may attitude ang blogger, mai-impluwensyahan pa rin  ng kapwa manunulat sa blog. May epekto at epekto pa rin ang mga panulat at bigkas ng ka-blogs. Mayroon, mayroon… 🙂

 

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

 

mga panulat nina singkamas, pointless paranoia at daydreamer – early twenties na mga bata ito. oo, bata pa sila, sa tingin ko. mas sa english sila nagsusulat madalas. ang huhusay rin pala ng ilan nilang compositions sa Tagalog. oo, sila na, haha… anyway, ang gusto kong sabihin, literary silang magsulat, true. hindi ko alam kung paano at bakit at kung dapat ko pang pakialaman, gayong matagal nang di nadi-detect ang presence nila sa aking sites (haha, peace). pero, kung may nagsasabi o nagrereklamong “literary” ang mga pinagsasabi ko sa blogs, sa sites nila kayo pumunta, di nga… sila ang mas guilty dyaan, mga kapatid. sa kanila lang ako nangongopya, wari ko, ahaha.

walang particular posts akong mai-a-attribute sa kanila (maliban sa influence ni singkamas para maisulat ang Minsan, Dumating Ka sa Buhay Ko sa DPSA), pero upon reading their entries, may magli-linger sa iyong pakiramdam? parang longings of the human heart chorvah, hihihi – tahimik na kalungkutan, kabalintunaang dadalhin ng habambuhay at mga kalituhan ng pagkatao – di pa alam kung saan at paano ilulugar… yown. may pagkakataong masisidhi ang pakiramdam sa kanilang mga panulat, may panahong sumisigaw ng hustisya at mayroon, nagsasabing kakayanin ko – maski para namang hindi, haha. medyo emotional, subjective and random ang entries nila. raw na raw, kung minsan (peace!)…

pero, kung masusundan nyo ang mga panulat at angas nila sa buhay (hihi), may makikitang patterns. saka, mahuhusay silang rumamdam at kaya nilang isatitik ang mga iyon… may grammatical errors (sino ba namang wala?), pero hindi na dapat pagtuunan pa ng pansin, kung ang sukatan din lang ay originality ng point of view at husay ng rendition(naks!) nitong mga manunulat cum bloggers. palagay ko, they have influenced my writings so far, in the way that they hinted so much – doon sa mga hindi nila sinabi ng tuwiran sa kanilang panulat. sila ang magagaling sa pag-relate ng serendipity encounters. kaya nilang paitsurahan sa readers – Ano ang nadama at naisip ng character sa pagbukas o pagsara pa lang ng pinto? ayon… 🙂

 

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

 

Ka-blogs, hindi ko na kayo nasulatan sa email for the advanced notice, pasensya na. Sana, pleasantly surprised kayo, ahihi. Itanggi nyo na lang, kung ayaw nyong nababanggit ko kayo, whaha… Seriously, maari nyong ipaabot sa akin sa comment o sa email, kung nais, ilagay natin URL nyo. Pati reklamo, kung mali o kulang ang description… Am willing to revise, adjust or make changes, sabihin nyo laang… 🙂 Gan’to, balak ng lola nyo, mag-feature ng ka-blogs na nag-impluwensya sa panulat, pana-panahon. Ito ang una, yon… ^^

Ahaha, may allegation, ang inyong lingkod daw ay masyadong pormal, seryoso at literary magsulat. Pag minsan lang totoo ‘yon. Saka, anlagay ako lang? Hihi… Gusto kong magturo ng ibang suspects, peace! Mga kapatid, by their very nature, Literature in general and poetry in particular, are elite forms of art. Hindi sila na-a-arrive at, sa pagdukwang lang o pagbuntung-hininga ng isang tao… Ang pagsulat ng tula, parang pag-wring ng iron – paulit-ulit na pinaiinitan at hinuhugisan – bago mapalabas ang magandang likha…

Sa kabilang banda, ang panitikan at mga tula, hindi rin naman imposible para sa karaniwang tao. Di ko pa nakikita at naririnig itong sina ka-blogs ng harapan… Pero, pero, pakiramdam ko, noong nag-aaral pa sila, nauubusan din sila ng baon – just like anybody. Hindi sila kasama sa in crowd ng campus, sa hula ko. Nagkaroon sila noon ng crush na sinulyap-sulyapan lang nila, sa mahabang panahon (peace!), naalangan sila… All am saying, di naman sila gaanong kakaiba – sa iyo, sa akin, sa atin.

That these ka-blogs churn out “literary” pieces sa blog, sets them apart, somehow. Pero ang sisi or credit, wari, mas masipag silang magbasa kaysa sa karaniwan. Mas trying hard din silang mag-praktis magsulat. Now na accessible na sa atin ang mga tagu-tago nila noon (hihi), mas mabuti, basahin natin at tangkilikin. I-appreciate, pag sulatin ay mahuhusay at magaganda… Elegante or structured man ang sulatin nina ka-blogs, e, wari ko, marami-raming effort puhunan… Pag minsan, parang di na natin halata mga pinagtahian, hihi, pero tinyaga nila ‘yon, kinalas at binuo ng ilang ulit, wari ko.  Their writings are cool, yon… 😉

Ka-blogs, ibinubukas ko ang sites para sa guest posting, ipadala nyo lang copy ng napipisil nyong likha sa email – sasaliwngawit(at)yahoo(dot)com. Kayo na mag-edit… Isa o dalawang guest post maari nating ilathala, sa alinmang site, sa bawat buwan. Para sumaya tayo at maka-tambay rin sulatin nyo sa ibang bahay, ahihi. Hindi kelangan hifalutin’ ang paksa, basta maganda, whehe – pwedeng tungkol sa pagbili ng float sa McDo. Ta’s ililibre nyo ako ng cheeseburger, pag nagkita tayo, hakhak.  Pwede ring picture post, oo. Basta, seryosong paanyaya ‘to… 😉 🙂

 

Happy New year sa inyo! Huli ang bati banda rito, hihi… Basta, sana ay mas full of life ang 2014 para sa atin. Mabuhay kayo… 🙂

 

Ay, mabalik tayo sa usapang pinto, hihi. Sa inyo, ano ang pumapasok sa isip, pag binubuksan ang pinto?… 😉

 

Ang lugar sa panulat

 

Hello, ka-blogs… Ang tagal na, di ko pa natutupad ang pangakong magsulat uli tungkol sa isang mataong lugar sa Kamaynilaan. Ahaha, kalye ng Nakpil sa Maynila o, Cubao sa Quezon City, senga? Ayan ata ang nabanggit ko sa inyo dati, inaambisyon ko, whehe. Pasensya na, wala pa – di ko pa naiintindi… 🙂

 

Image of Mabini street in Manila

Nais nating dalhin ang mambabasa sa isang lugar, sa isang panahon at ipadama sa kanila ang ating naramdaman/ http://www.aladdin.st

Ang huli pa, yong Sa Mabini Tayo Pumadpad, sa Maynila rin… Hindi nag-click ‘yaong post sa ka-blogs, hihi. Intense yata ang naging dating sa readers? Pero, sadyang gano’n ang itsura ng Mabini noon, ganoon ang ambiance… Maraming mga sundalo roong puti, andoon pag off duty. Actually, after ko iyon i-publish, nakabasa ng ilang blogs ng mga puting madalas doon noong araw. Nahiya naman ako, ang mild ng kwento ko, hahaha. Mas makukulay ang sa kanila, di nga… Iba ang description nila — lugar daw iyon kung saan nila hinuhubad ang restraint, sabihin pa…

 

Bago iyon, naunang naisulat at nailathala ang Ibang Silip sa Sta. Mesa. Maraming salamat sa mga kapatid na matyagang nagbasa ng may kahabaang o istorya, haha. 🙂 Ang background story ng post, inilagay ko na pala mismo sa loob ng akda… Mas nauna pa roon, ang kwentong Recto at Avenida. Ang Recto, malapit sa loob ng blogger dito, true. Dyaan ako unang dinala ng ate ko pagtutuntong ng Maynila, yihee! Oo, nasa elementary pa me noon at nanood kami ro’n ng sine… Wow experience na ‘yon sa akin, that time, hihi. Ang sine? Zapped, si Ralph Macchio ang bida. Aysows, tanda pa talaga… 😉

Ang Avenida, malapit din sa akin… May dalawang ate (ibang mga ate), salesgirls sila noon ng pantalon sa Uniwide Carriedo, along Rizal Avenue. Ayon, madalas ako noong gumawi sa Avenida… Pinupuntahan ko sila, after class o basta bakante. Parang namamasyal na rin, nag-iikot sa department store, nagtitingin-tingin. Minsan, hinihintay ko sila, sabay-sabay na pag-uwi. Bonding na namin ‘yon… Working students sila – wala kaming gaanong pagkakataong magkita at mag-usap. Bale, si young sister nila ay naglilikot – habang sila, naglilista ng imbentaryo. 😉

 

Hindi ko alam kung ilang porsyento ng sarili ang interesadong balikan yaong mga lumang panulukan sa Maynila – mga landas na tinahak ng pares ng paang gala, noong unang tatlong taon sa Kamaynilaan… Ilang porsyento ang napukaw dahil sa kwentuhan namin ng isang ka-blog sa email, tungkol sa mga eksenang unang bumungad sa paningin, pagtuntong sa sentrong lungsod ng bansa… Ilang bahagi ang galing sa curiosity, ilan ang dala ng nostalgia para sa isang luma ngunit pamilyar na lugar at, ilang bahagi ang nangungulit lang, naghahanap ng updates? Hindi ko alam…

 

Image of a creek in a small, distant village

Ang lumang sarili ay bumabalik sa isang lugar, dala ay bago na nga bang pagtanaw?/ enchantedinkpot.livejournal.com

 

Medyo matagal ang the making ng nasabing lathalain… Tatlong beses kong dinalaw ang nasabing avenues para sa sanaysay. Pag sa kasalukuyan titingnan, parang ang weird… Maluho at makain sa oras ang bumalik sa isang lumang lunan – para tahiin muli sa alaala ang dati pang panahon at pangyayari – para ikumpara sa anong meron sa ngayon. Ang unang punta, sinadya talaga, haha. Ang ikalawa at ang huli – galing sa ibang lugar, hindi dapat doon mismo dumaan… Pero suminsay nga at nagmasid – sa magka-krus na panulukan – dinama ang paligid, minasdan ang mga tao roon at kinapa ang sariling pakiramdam.

Isa roon, galing ako sa probinsya. Pagdaan sa lugar, umupo sa Little Hollywood restaurant at um-order ang inyong lingkod ng kape. Hindi lang dahil sa mahilig sa kape, haha, pero kailangan ko ng masusulatan, hihi. So, nagkape nga, kahit kainitan – para maka-avail ng table tissue o napkin, susulatan ng observations. Whehe, aliw na buhay ng isang aspiring writer… So, ayon, sa magaspang na tissue ng kainan naisulat ang notes para sa Sa May Kanto ng Avenida at Recto, ahaha. Classic? Mahigit dalawang linggo sa bag ang kumpol ng papel, dala ko yata maski saan. Kainaman na…

 

Image of a painting of a frontyard of a house

Ang istorya ay maaring mangyari at umikot sa isang tagong pook, sa isang munting sulok/ howtoplanwriteanddevelopabook.blogspot.com

Pag tayo ay lumilikha o nagsusulat ng sentimyento natin para sa isang pook, alin-alin ang isinasali, inaalis at iniiwan?  Sabi, mas impressions na lang ang practical na itala at ihayag sa ngayon.. Capture the scene in that one moment, we are in a constant flow. Sabagay, mahigit 20 taon na rin… May masasabi pa kayang bago, may maidadagdag pa sa mga naihayag at naitala na ng iba, may bagong liwanag pang magpapakita muli sa nasabing lunan? Ang lugar ay minsan pang silipin, masdan, i-appreciate at damhing may pagkukuro… Paano magka-ugnay ang lugar at ang nagsusulat – napadaan lang, sadya dating pinupuntahan o naligaw lang? Paano ipapaabot sa mambabasa ng isang nagsusulat o lumilikha ang damdamin niya para sa isang lugar?

 

Sa nakaraang post, naikwento ko si Eudora Welty, tanyag na regional writer na tumanggap ng Pulitzer Prize. Kilala siya sa husay niyang maglarawan ng lugar sa panulat. Sabi niya, kung wala raw lugar sa sulatin, walang kwento… Ang galing niya sa pagbibigay-buhay sa lunan ang pinilit gayahin o higitan pa, ng manunulat na si Alice Munro. Kakaibang mag-render ng isang pook sa panulat si Munro, tila bawat isang sulok doon ay iniilawan… Ang kapansin-pansin, matingkad ang elemento ng panahon sa kanyang writings – time element. Habang binabasa, mararamdamang ang characters ay nanghihinayang, nagugulat o, nagmamadali, para habulin – ang sandali – lipas na o papadating pa lamang?

Matingkad rin sa sulatin ng iba pang mga manunulat ang lugar sa kwento – ang setting… Nakilala ang mga panulat ni Miss Read sa Inglatera dahil sa kanyang fictional village – ang Thrush Green. Sa America, napamahal naman sa laksang tao sa maraming dekada ang manunulat at radio talent na si Garrison Keillor dahil sa kanyang fictional suburban community – ang Lake Wobegon. Tinanghal sa buong mundo ang galing ng panulat ni John Steinbeck dahil sa kanyang fictional na pamayanan – ang Salinas Valley. Sa kanilang mga sulatin, binuhay ng mga may-akda ang mga pangyayari at tauhan – sa isang tiyak na setting – pinuntahan, ginalugad at tinuklas din sa imahinasyon ng milyong mambabasang napukaw.

 

Image of a painting of an old kingdom in a distant place

Noong unang panahon, sa isang malayong kaharian…./ englit-debs.blogspot.com

 

Kung ilang ilang dekada na ang layo natin sa mga nabanggit na authors. Isandaan hanggang 150 ang nakakaraan, popular ang nobela bilang anyo ng panulat at babasahin. Sa ngayon, mas coffee table books na … Kadalasan, binabasa na lang sila mula sa Kindle o sa tablet, tinitingnan na lang sa gitna ng paghihintay — sa meeting, sa sasakyan o sa in-order na inumin at pagkain. Mas maiksi at papalit-palit na rin daw ang attention ng mga nagbabasa, sabi… Bilang mga taga-kwento at tagagawa ng istorya, mahalaga pa ba sa atin ngayon ang lugar sa panulat? Paano natin iyon ipanapaloob sa entries – kuhang larawan man, tula o sanaysay – taglay ang mga payak nating iniisip at pakiramdam, pagkukuro at kapirasong pagkamalikhain? Paano natin hinahabi ang kamunting kwento, magpapasabi sa titingin o babasa, “Ay, gusto ko ryan. May naalala ako bigla…” 😉

 

mahahabang maiikling kwento

 

Sa ganyan siya nakilala, sa kanyang mahahabang maiikling kwentong nakakapukaw, set sa isang county sa Southern Ontario. Si Alice Munro ang aking tinutukoy, Canadian short story writer, itinanghal na Nobel Prize Winner for Literature, 2013.  Ahaha, sobrang tuwa ko nang unang mabasa ang balita. As in, feeling ko, kapamilya ko ang nanalo, hihi. Hindi naman niya ako kilala, ahihi… Isa lamang ako sa daang libo niyang tagahanga. Kung kilala ko sya? Konting-konti siguro, sa kanyang mga panulat… ^^

 

Image of Nobel Prize for Literature 2013 winner, Alice Munro

Si Alice Munro, isang magaling at bihasang kwentista/ http://www.npr.org

May pagka-pribado syang tao. Iyan din ang sabi tungkol sa kanya ng mga nailathalang features at panayam. Isa raw si Alice Munro sa relatively famous authors na sobrang maingat sa pribadong buhay, iwas sadya sa limelight. May asawa siya at tatlong anak (apat, pero namatay ang isa). Katagalan, naghiwalay sila at muling nag-asawa si Ms. Munro. Napakadalang niyang magpa-interview at sinisikap nya, walang camerang nagbabantay sa kanyang mga kilos. Mayroon nga pala siyang bookstore na ilang dekada na at andyan pa rin, ahaha. Marami na si Alice Munrong napanalunang writing awards at pinakasikat yata siyang contemporary writer sa Canada nitong huling dalawang dekada…

 

Ang swerte ko, ang una kong nabasa sa mga akda niya, ang una rin niyang aklat na nalimbag, Dance of the Happy Shades, collection of short stories. Ang ganda no’n! I mean, seriously, nabasa ko rin ang mga sumunod niyang likha. Hindi pa lahat, pero karamihan… Para sa akin, pinakamaganda ang una niyang libro – isa sa mga nabasang di ko malilimutan. Wow na panulat, as in, wow… Hindi ako sing-smitten sa mga sumunod nyang likha, for some reason. Pero, ang gagaling din, andoon pa rin ang kakaibang touch niya bilang author. Na para sa akin, parang walang katulad. May mga kahawig marahil, pero walang katulad, ahaha.

Maiiksing kwento ang sinusulat ni Alice Munro, iyon ang distinct sa panulat nya. Puro short stories, ahaha. Nakaka-curious – bakit maiiksing kwento lang, walang nobela?  Marami na rin ang nagtanong. Hindi ko maalaala ang sagot, sa totoo lang… Pero, dati, sabi-sabi, ang isang libro nya, nobela. Bilang fan, excited akong makahanap ng kopya… Tapos, tapos, noong makakita na at makabili, binasa ko agad, ahihi. Aba, wari ko,  di pa rin iyon nobela. Short story pa rin, mahaba nga lang, kaysa sa mga dati nyang naisulat, ahihi…  Yon, sabi sa mga nabasa ko later, erroneous PR lang daw ang balita. Short story collection pa rin ang nasabing aklat. Ang saya… 🙂

 

Ang husay-husay sa paglalarawan ng panulat ni Alice Munro. Halimbawa, sa kwento nya, ang setting ay sa bakuran ng bahay, ikukwento nya, ano ang mayroon sa yard – mga halaman, damo, sampayan, mga ipit ng damit, bangkong lumang-luma na, mga nakatambak na gulong sa sulok, scarf na naiwan sa may hagdanan at paano ang slant ng araw, ahaha. Tapos, ang galing din ng pag-ugnay niya ng slant ng araw sa expression ng mukha ng character sa kwento, paano nag-react ang bida sa pagkakita, halimbawa, sa mga gulong na nasa sulok. O, di kaya, sa lumang bangko. O, sa mga ipit sa sampayan, ahaha. Gaano man kaliit ang detalye, may connect sa istorya, ganoon siya magsulat…

 

Sabi ni Ms. Munro, si Eudora Welty raw ang author na nag-impluwensya ng mahigpit sa kanyang panulat. Regional writer si Welty, American, awarded ng Pulitzer Prize, nabuhay at nagsulat two decades earlier kay Munro. Southern rich ang pamilya ni Eudora Welty. School teacher ang ina niya, tulad rin ng school teacher ang Nanay ni Ms. Munro… Noong nakabasa na ako ng apat yata sa books ni Alice Munro, na-curious na ako sa buhay ko, haha, nagbasa na ako ng works ni Eudora Welty. Mahusay si Ms. Welty, astute magsulat… Pero, mas nagagalingan ako kay Munro, ahihi. Ang style ng idol ni Alice, parang photographic ang panulat, parang snapshots ang kanyang mga kwento sa mga nobela nya. Sa totoong buhay, journalist at photography enthusiast si Welty at mahusay siya sa kanyang larangan.

Pero para sa akin, mas may kurot ang mga kwento ni Ms. Munro at mas rounded yata? Ewan ko lang kung dahil Nanay si Alice at si Eudora ay single, ahaha. Pero, for some reason, parang matitigas ang istorya at pati ang point of view ni Ms. Welty? O, di kaya, dahil upper middle class si Welty, habang rural poor naman ang background ni Munro, farm girl na naging middle class suburban wife? Ahaha, hindi ko lang alam… May hawig, kahit paano, ang point of view and treatment ni Welty sa kanyang mga nobela sa panulat ni Virginia Woolf, isa pang astute na babaeng author at aristocratic din or well-off ang background. Hindi ko sadya alam, sa pakiwari ko lang…

 

Ang isa pang natatangi sa panulat ni Alice Munro, ang mga kwento nya ay umiikot sa isang dekada lamang, dekada kung kailan siya ay teenager sa farm na kanyang nilakihan. Sa isang interview, tinanong na siya tungkol dito, bakit… Sabi niya, iyon daw period na iyon ang kaya niyang i-illustrate ng may katarungan at iyon din ang malapit sa kanyang isip at pakiramdam. Ayon, ang characters sa kanyang mga akda, nabuhay at pumalaot sa iisang panahon, ahaha. Pero, pag binasa nyo, modern and contemporary na rin ang dating ng mga akda nya, marami na rin ang aspetong makabago… Iyon lang, may mga kwento pa siya sa pag-i-skin ng hayop – hanapbuhay ng ama niya noon sa rural Canada.

 

Hindi ko lang alam kung nasa lugar akong magsabi, pero ang author na nakikita kong malapit o hawig kay Alice Munro ang mga likha, sa women writers, si Grace Paley. May pagkakapareho ang ilang gawa nila, lalo sa pagkapa sa pakiramdam ng tao – kung ano ang nangyayari sa loob ng pagkatao ng tao, habang ganito o ganyan naman ang kanyang ikinikilos o sinasabi sa labas o sa publiko. Pero si Grace Paley, American modern writer (pumanaw kai-kailan lang), mahusay at nakilala sa iba’t ibang anyo ng panulat – nobela, maikling kwento at mga tula. Si Munro, pirming maikling kwento lang ang anyong ginamit at nakasanayan. Realism ang genre ni Paley, hindi malinaw kung realism rin bang matatawag ang mga sulatin ni Alice Munro. Parang hindi…

Mas sharp din yata ang mga likha ni Grace Paley, lalo pa at lantad siyang feminist. May panahon din, naging bahagi siya ng kilusang sosyalista. Walang markadong political involvement si Alice Munro, sa kabilang banda. Hindi ko alam kung may sinalihan o pinanigan siyang kilusan o samahan at kung may itinaguyod siyang pampulitikang paniniwala. Parang wala… In this sense, kakaiba si Ms. Munro. Karamihan sa mga manunulat na gumawa ng pangalan at nag-iwan ng marka sa panitikan, in one way or another, nakisali at nakialam sa panlipunang issues. Na, sa isang banda, nakatulong para ma-formulate ang kanilang mga paniniwala sa buhay, siya nilang ibinahagi sa publikong mambabasa.

 

Hindi ko masabi kung writer for writing’s sake ang liga ni Alice Munro. O, kung importante pa bang ilagay siya sa isang kahon o kategorya… May mga manunulat at kritikong nagkukumpara sa kanya kay Anton Chekhov, Russian author. Si Ginoong Chekhov, prolific writer at kilala sa istilong napakahusay sa pag-recreate ng mood at atmosphere sa kwento. Playwright, novelist at short story writer siya at isang medical doctor… Sabi ng mga kilala ring Canadian writers, si Alice Munro raw is the Canadian Chekhov. Parang ganoon nga ang kanyang panulat – kaya niyang dalahin ang mambabasa sa isang malayong panahon at ipanood at ipadama sa kanila ang mga pangyayari – parang andyan lang, nangyayari sa harapan.

Sabi ng mga pumili sa kanya para sa Nobel Prize, master of fiction daw si Ms. Alice Munro. Parang angkop na angkop ang paglalarawan sa kanya. Sa mga akda niya, makikita mo ang layers ng human interaction, ang daming ambiguities at very complex ang portrayal niya sa human nature. Iyong parang indirectly, sinasabi niya – hindi tayo pwedeng magkahon? Marami sa mga bida sa kanyang mga kwento ay babae at iyon din ang napapansin ng marami sa kanyang mga likha – very nuanced at may depth daw ang kanyang pagbibigay-hugis sa katauhan ng babae – ang babaeng napakaraming roles sa buhay. Sa maiikling kwento niya, hahanapin mo palagi at aabangan ang revelation, ang realization at ang irony, feature parati ng mahuhusay na short stories.

 

Para sa akin, writer’s writer si Alice Munro… Hala pa, basahin nyo works nya. 🙂 😉

 

Ang Pulubi at ang mga Dumaraan

 

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa pulubi sa panulukanumaamot ng gatiting na pansin sa mga dumaraan, umaasang kahit sandali titingnan siya sa mata at babahaginan ng kamunting pag-unawa? Andito ako, tumingin ka sa gawi rito, ipaling mo sandali ang iyong ulo, huwag kang lumampas, huwag… Higit sa panlabas na anyo, bukod sa daing na namumutawi sa bibig, lampas sa karaniwang paghuhusga, masdan mo ako ng saglit at bigyan ng pagsasaalang-alang. Ako ay tao rin – umiiral, may pakiramdam, pana-panahon, mayroon ding  hiya… Ako ay ikaw rin. Pag minsan, ikaw man ay andito – humihingi ng habag, nakikiusap, pinagdaramutan… Ngumingiti matapos ang pang-aalipusta, pagtataboy at panlalait ng kaharap – parang walang narinig. Anupa at may darating, may daraan muling kasunod – mas may pakikipagkapwa. Harinawa…

 

Image of a young beggar in the Philippines

Tapunan sana ng isang tingin, pahingi ng konting limos/ 500px.com

 

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa sira-ulong nagbabalita sa paparating na katapusan? Kumpleto ang custome, may paraphernalia, may bitbit na krus at banal na aklat… Matatas at tuluy-tuloy ang sinasabi – May panahon pa, umpisahan na natin ang pagsisisi, itakwil ang mga maling gawi at magtika sa mga nagawang kasalanan… May araw ng pagkukwenta at paniningil, pagbabayaran ang lahat, gugunawin ang mundo… May pagmamahal sa puso ng tao, tiyakin ang kaligtasan at huwag kaligtaan ang mga nalalabing araw para magwasto. Iligtas mo ang iyong sarili sa kasamaang bumabalot, sa kadilimang nakakabulag at sa mga anasan ng mga sinusunog na nakabibingi… Humayo ka sa tamang landas, damhin mo ang pagpapala at tahakin ang tamang daan. Ang kaligtasan ay nasa pagtalima sa tuwid na landas, huwag mong hayaang mahuli ang lahat. Halina…

 

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa putang nangangako ng ligaya at sandaling tamis? Subukan mo ang aking kandungan, kalimutan muna ang mga alalahanin at magtuwang tayo sa lugod at kasiyahan… Tutulungan kitang isantabi ang mga pait, itakwil ang mga sakit at daramhin natin ang kakaibang timpla ng landi at paglimot… Pupunta tayo sa lugar kung saan di ka mahahabol ng mga suliranin, titikman  natin ang mga bawal at magpapakalango kita sa mga inumin ng tuwa at aliw. Magsasanib ang ating mga katawan at diwa sa piging na tanging kita lamang ang inanyayahan at magsasalo, sapagkat tayo lamang ang nakakaalam. Ipagsasawalang-bahala natin ang mga unos, ang mga siphayo ng kahapon at mga hiling ng bukas. Mag-uulayaw kita sa ngayon, sa ngayong kita ang magkadaup-palad at walang ipinapangako, tanging sarap ng kasalukuyan…

 

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa naglalako ng produkto, nag-aalok ng kalakal? Bilihin mo ito, ito ang solusyon sa malaon mo nang problema, padadaliin nito ang iyong buhay. Karapatan mong makaranas ng gaan at alwan sa pang-araw-araw, oras nang tapusin ang pagtitiis, narito at abot-kamay na ang lunas sa pakikipaghamok. Hindi masama ang maghanap ng mga bagong kaparaanan, ang gumamit ng mga bagay na makabago at umangkop sa modernong panahon. Hindi ba ikaw ay minsan at dating nangarap? Nakiliti ang munting imahinasyon sa bukas na di tigib ng dusa at paghihirap? Hindi ba at minsan mong initsurahan sa isip at pakiramdam ang buhay na malaya, may pagkakataong magliwaliw at may puwang para sa ibang intindihin? Naito na ang sagot sa matagal mo nang tanong. Ang noon ay posibilidad lamang, maari na ngayong  hawakan, gamitin at subukan. Malaking halaga ang kapalit, kapatid, subalit…

 

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa paring nangangaral sa pulpito? Ang kawan ay kailangang bantayan, siguruhing nakakain at itawid sa mga daraanan ng di napapahamak o naliligaw. Bago makarating sa langit, marapat munang tahakin ang buhay sa lupang tigib sa pasakit, luha at ligalig, dala ng pagiging makasalanan at imbi. Ang pagkakasala ay di maiiwasan ng tao, ngunit dapat niyang hanapin ang pagpapatawad at pagbabalik-loob sa grasya… Malakas ang tawag ng laman, layaw at sarap. Madali ang sumuko sa kumakaway na luho, bisyo at pagpapabaya, ang magpakawala ng damdamin at sundan ang bawat pita. Subalit, matapos ang pagkadarang, ang tao ay aangat upang mamasdan ang tuyong paligid at mapagtanto –  said na ang diwa. Anupa at dapat punuin muli ang sisidlan ng mabuting gawi at kabutihan. Tanging sa pagwaksi ng makalupang sarili, makakamit ang susi sa pinto ng langit. Kapatid, ano ang iyong hinihintay?

 

Image of hands planting

Tila ang blogger ay isa ring magtatanim/ http://www.dilg.gov.ph

Ano kaya ang pagkakaiba ng blogger sa isang magtatanim? Matiyagang naghahawan at naglilinang ng lupa para mataniman ng mga punla at buto – isang araw ay sisibol at lalago? Masipag na nagtatanggal ng mga ugat, naggagamas ng mga damo at tahimik na nagdidilig sa umaga at hapon? Matamang nag-aalis ng mga uod at pesteng kulisap, nagtataboy sa mga mapanirang ibon palayo sa sakahan? Masusing nagbabantay sa mga pagbabago ng klima at panahon, nagbabanghay ng bakod at gumagawa ng mga pilapil na daanan? Ah, anong hirap ng magsaka! Palaging banat ang likod at mga gulugod sa kayuyuko, nangingitim ang balat sa bawat araw na nakabilad at tila walang masilungan pag dumarating ang sakuna… Salat sa pagkain sa pang-araw-araw, kapos sa mga pangangailangan at balot lagi ng pangamba sa paparating na bagyo at tagtuyot. Tanging buwan ng tag-ani ang sa tuwina ay nagbibigay ng pag-asang ang lupang kinalinga – isang araw ay magdadala ng pakinabang at di magdaramot… 🙂

 

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

 

Ka-blogs, ang sulatin sa itaas ay isang halimbawa ng pointed na panulat. Napansin ko, sa kasalukuyan, uso ang short, crispy and pointed writings. Gayundin, tila fashionable ang hindi na magpaliwanag. Pag nagpaliwanag, parang uncool, ahaha. Hindi ko itatanggi, may mga naisulat sa sites na papasok sa kaparehong kategorya tulad ng Pagpapanday ng Katotohanan at Walang Bukas. Posts silang  wari, nagtulak sa marami-raming ka-blogs para magbasa at magmasid lang mula sa malayo, hoho.

Bagaman maaring sabihin, halimbawa sila ng kasanayan sa pagsusulat at kayang gawin sa ilalim ng payong ng malayang paghahayag at pagkamalikhain, tila di mabuting dalasan ang paglalathala ng kapareho. Bakit? It seems we live in uncertain and jittery times and peoples’ beliefs tend to be polarized. Tila pag sa extreme ends ng diskurso tayo nag-umpisa ng usap, interesting at nakakatawag-pansin, oo, pero ang laki ng tendency na magdala ng sigalot at di-pagkakaunawaan – sa bahagi ng nagsulat at mambabasa at sa hanay mismo ng mga mambabasa.

 

Paalalahanan nyo ang lola nyo rito pag napapadalas ang pagsusulat ng kaparehong sulatin, ha… Salamat sa inyong pag-unawa at pagtangkilik… 🙂

 

Salamat sa mga sumisilip

 

Hello, ka-blogsJust taking the time para pasalamatan ang mga sumisilip sa sites, pero di nag-iiwan ng bakas through the like and comment features. Salamat. 🙂

 

Image of a dog taking a glimpse inside from a fence

Tingin lang, walang sasabihin, di magpaparamdam/ http://www.flickr.com

Sa mga sumisilip para okrayin ang posts at ang blogger dito, salamat din. Salamat sa curiosity and the efforts. Nag-aabala pa kayo, sus… 🙂 Ay, senga pala, bukas ang comment section, sakali, may gusto kayong itanong at alamin mula sa nagsusulat, welcome kayo, di nga… Ilagay nyo lang, kapatids,  pipiliting sagutin sa abot ng kaya…

 

Seryoso yata ang mga nakaraang posts, pasensya na. True, feeling ko, pati ako, napagod, kainaman na… O, di ba, may emotional reserve na hinihingi ang pagsusulat at pagbabasa? Nararamdaman nyo ‘yon, yong pagkatapos isulat at ilathala ang post, parang mixture ng pagod at relief? Oo, ahaha, may gano’n… 😉

 

Pasensya na kayo, mabibigat ang menu na nai-serve nitong mga huling araw. Susubukan ko, i-minimize na… Anyway, ka-blogs, may posts dito, medyo mataas ang views from fellow bloggers. Nagtataka ako bakit, as in… Paningit na posts lang sila nang isinulat at ilathala. Pero, since rumi-rating, i-a-ask ko sana sa inyo – bakit, ano ang mayroon sa mga iyon…

Hahaha, marami-rami  ang sumisilip sa kanila, pero di nadadagdagan ang likes or comments. Baka, kako, may kung ano sa mga ito, sa inyo ko mismo itatanong –

 

Maraming Salita

Mga kwento sa likod ng kwentong tag-araw

Katutubong Wika sa Katutubong Awit

Babatiin ko ng Ngiti

 

Sakaling makakuha tayo ng sapat na bilang ng feedbacks or responses (medyo makatarungan at believable, ha, kapatids, hihihi), ilalathala natin ang isa sa tatlong natitira pa sa pitong poems enumerated sa Kayo Po ang Pipili. Tanda nyo pa? Oo, may tatlo pa sa imbakan, madadrama at pa-comedy effect din, hihi.

Or, pag marami sa mga nagbasa ng alinman sa apat na posts ang nagbigay liwanag sa misteryo, haha, baka ma-excite ang lola nyo rito (am pretty excitable, hakhak) at ilathala natin ang isa pang tula sa imbakan. Ay, pasaway title, hala…

 

May Mahika Nga Ba ang Pag-ibig? 😉

 

Image of the statue of Julius Caesar

Sa lahat ng kapanalig, pati kapwa maliligalig,  ahaha… ;)/ mawdizzle.com

May katagalang panahon na rin naisulat ang poem,  di ko sana balak i-publish… Pero, in the spirit of camaraderie and fun, am willing to be convinced, hakhak. Biro lang,  mga kapatid… Ano rin, nagkukwento kasi at nagpahiwatig  lately about romanticism, romantic thoughts and related ideas, bumubukas ako sa possibility – may ilang na-curious sa mga pasaway na hirit sa paksa….

 

So, friends, Romans, countrymen, lurkers, lovers and foes alike, hinihikayat ko kayo, mag-comment at magbigay sana ng feedbacks. Your time and thoughts will be much appreciated. Thanks. 🙂

 

Have a good week ahead… ^_^

 

Late daw sina Rizal

 

Hello, ka-blogs! Sabi ng isang ka-blog, nauubusan na raw sya ng paksang maiisulat sa blog, nagkukudkod na raw sya ng tutong, ahaha. Scraping the bottom of the barrel pala, in English ang blog nya, hihi… Sabagay, totoo ang sabi nya, hindi naman palaging may maiisulat. Minsan, marami man tayong gustong isulat, di natin alam ang handle na gagamitin sa kwento o istorya, paano iyon gagawing interesting at kapani-paniwala …

 

Image of a man whose head is at the bottom of the barrel

Nasasaid raw ang pinagkukunan ng isang lumilikha, hanap sa gilid-gilid at ila-ilalim/ http://www.forum.exscn.net

Sa kabilang banda, si ka-blog  itong mahusay mag-handle ng online conversations at magaling magkawing ng ligaw na impormasyon sa usapan, ahaha. Ang miscellaneous topics, naiuugnay nya ng maayos sa huntahan, hindi off… Maraming pumupunta sa site nya, nagkukwento at nagsi-share do’n ng opinyon, kabilang na ako, hihi… Masaya si ka-blog kakwentuhan, medyo strong ang opinions nya and pala-palagay. But then, graceful syang magdala ng palitan. Sya na… 🙂

 

So, naniniwala ba ako sa sabi nya, nagkukudkod na sya ng tutong o hindi? Ahaha, oo at hindi. Oo, kahit iyong mga nabibilang pa sa pinakamagagaling, dumarating din sa punto – nakakanto, nabubunggo at nauubusan… Si Truman Capote, mahusay na author, pagkaraming taon ng kanyang writer’s block… Si John Kennedy Toole, iisa ang naisulat na nobela (picaresque novel, parang Don Quixote de la Mancha), pagkatapos, nag-suicide na, di nga… 11 years later, inilimbag ang kaisa-isa niyang work. Nang sumunod na taon, nanalo iyon ng Pulitzer Prize for Fiction, ahaha. O, di ba? Kasama pala sa listahan ng modern classics ang kanyang nobela.

Hindi ko na sasabihing weird na tao ang mga nagsusulat, hihi. Alinman sa alam nyo na ‘yon, ayaw paniwalaan o ikinalulungkot, hala pa… Ay, mga kapatid, mahirap na. Sa panahon ngayon, uso ang ideya – ang isang writer ay well-adjusted, successful, popular at self-aware, ahaha. Bukod pa sa mataas ang sales ng kanyang mga libro, ahaha… Sa pagkaalam ko, iilan lang ang authors na nakaabot sa gano’n… Mas marami pa rin ang mga manunulat na gumapang muna sa lusak at gumagapang pa rin ang marami, ahaha. Saka na tayo magkwentuhan sa personal na paggapang sa lusak, ha… Hindi  pati ‘yon interesting basahin, asus…

 

Image of Rimbaud in teenage years

Sinuwag ni Rimbaud ang mga panuntunan sa lipunan at ini-stretch kung ano ang katanggap-tanggap at hindi/ superdemokraticos.com

Anyway, habang nasa paksa pa rin tayo ng ka-weirduhan ng mga manunulat, dapat yata isali si Arthur Rimbaud. Notable figure siya sa history of Literature, notorious… Katunayan, ilang pelikulang ang ginawa tungkol sa kanya – sa pinakahuli, si Lionardo DiCaprio ang bida. Total Eclipse pala ang pamagat… Si Rimbaud ay isang French libertine, restless na tao and bading, pero napakahusay magsulat… Unstable ang kanyang character, malimit magwala at yon, kawawa ang kanyang nanay… Paniniwala ni Rimbaud, para maging makata, kailangan sa ibabang ibaba ng existence – base, vile and low… Do’n sa movie, may linya, “I want the sun. I want the sun!” Emote na emote si Leonardo… 😉

 

Asan na nga tayo sa kwentuhan? Ahaha, kung nauubusan ba ng susulatin ang isang manunulat? Oo naman… Ayun, mahigpit ang impluwensya ni Rimbaud sa artists at manunulat ng sumunod na periods. Kabilang sa kanila sina Pablo Picasso, Dylan Thomas, Arthur Miller, at Jim Morrison. Medyo big time si Rimbaud… Pero, ang catch, mula 15 taon hanggang 20 lamang siya nagsulat. Pagdating ng 20, nagpaka-dekadente na lang siya at nagbyahe-byahe sa tatlong kontinente. Simula noon, writer’s block ang peg ng papansing manunulat… Napaka-non-traditional niya at kakaiba. Gayunpaman, tumatanaw ng utang na loob kay Arthur Rimbaud ang Symbolist, Dadaist and Surrealist movements. Siya na… 🙂

1854 to 1891 nabuhay si Rimbaud. Nagsulat siya, dalawang dekada matapos ang tinatawag na Romantic period sa kasaysayan ng Europa. Unconventional siyang tao, artistic to the core at kulang sa atensyon… Well, hindi loving ang household niya, maaga silang nilisan ng ama at very rigorous ang early education na kanyang natanggap. Infant terrible, kung tawagin siya sa saloons at receiving rooms sa Europe… Si Rimbaud ang totoong embodiment ng tinatawag na pasaway. Hindi lang niya binali ang values ng lipunan noon, dinuraan pa niya at inihian – literally and figuratively. Sinukahan at sinuway niya ang mga alituntunin ng respectable societies. Ayon, maaga siyang namatay… Pero, sabi, siya raw itong manunulat na nangahas i-explore ang romanticism – to its logical conclusion…

 

Image of the Philippine national hero, Dr. Jose Rizal

Galing sa nakakaangat na pamilya, ipinadala si Rizal sa Europa para makapag-aral muli/ en.wikipedia.org

Si-segwey pala muna sa mismong paksa, ahihi… Sina Jose Rizal and contemporaries, nasa Europe ng 1880’s, panahong nasa Africa si Rimbaud, ahaha. Kung papansinin, Romantic and Nationalist movements ang impluwensyang nasagap nina Rizal noon. Sila na ang tambay sa saloons at cafes – sa Madrid, Paris, Brussels, at Berlin – sila na… Pero, yun, late ang philosophical thoughts na na-absorb nila, ahaha. 1850, bago ipanganak si Rizal, demise na ng Romantic movement sa Europa at lumang ideya na noon ang Nationalism. Ahaha, luma, in the sense, hindi na leading philosophical thoughts, kumbaga… Early Realism na ang trending that time – sina Stendhal (sumulat ng The Red and the Black) at ang painter na si Goya ang leading advocates…

 

Well, maaring sabihin – relevant and applicable pa sa pinanggalingan nina Rizal, Lopez-Jaena at del Pilar ang nationalistic ideals noon… Pero sa Europa, declining in popularity na ang thoughts espoused by Johann Wolfgang von Goethe, Jean Jacques Rousseau (Pre-Romanticism philosopher, playwright and musician), Madame de Stael, William Wordsworth, Nathaniel Hawthorne, Edgar Allan Poe at Richard Strauss (musician, late Romanticism). Sakali, maiging basahin ang libro ni Arthur Lovejoy, Essays in the History of Ideas… Maari ring tingnan ang sulatin ni Isaiah Berlin, Against the Current: Essays in the History of Ideas… Ang Romanticism as a movement – sa sining, musika at pilosopiya – ang diin ay sa personal na boses ng naghahayag. Isa itong pagri-rebelde sa “rationality” or “reason” ng naunang panahon, Age of Enlightenment. Ayon, late sina Rizal:  Wala pa noong Twitter. 😉

 

Caspar Friedrich's Wandered Above the Sea of Fog

Pagbabalik sa kalikasan at pagkatagpo ng pag-ibig, ilan sa laman ng pilosopiyang Romantiko/ en.wikipedia.org

 

Sooo, rumi-realism na noon ang Europa, nag-u-umpisa pa lang mag-aral ng Romanticism sina Rizal, shaks lang… At, formative stage pa lang noon ang counterpart nitong nationalist movement – sa grupo ng islang later, tatawaging Filipinas (later, later pa ang spelling na Pilipinas, with a P). Shaks, late tayo? Or, late ang representatives natin – sina Rizal? Kumpara sa Europe, oo… Pero sa Asia, tila ahead na… Si Mahatma Gandhi, lider ng nationalist movement sa India, kasabayang dekada ni Rizal nang ipinanganak – 1869. Pero ang “passive resistance” ni Gandhi, nag-umpisa lang ng 1915 – matapos ang matagal niyang pagtigil sa Africa, bilang licensed barrister sa London…

 

Image of Dr. Sun Yat-sen

Si Dr. Sun Yat-sen ang namuno para mabuo muli ang Tsinang pinaghati-hatian ng mga nanakop na bansa/sembury.weebly.com

Si Dr. Sun Yat- sen naman, nationalist leader, kinikilala bilang founder ng bansang Tsina (Republic of China), ipinanganak noong 1866… Naging magkaibigan daw sina Mariano Ponce at Sun Yat-sen sa Japan, by late 1890s. Tumulong pa si Dr. Sun sa laban ng mga Pilipino versus the Americans… Anti-imperialism ang peg nila noon, hihi. Pero, ang efforts for reunification of China ni Dr. Sun, magsisimula officially noong 1917 pa lamang… Kaya, in another sense, maaring sabihin, bandang 1890’s, trending na si Lolo Jose among intellectuals of the period, hihi… Bukod, sa kanyang pagiging Math wizard, polyglot, athlete at dashing debonaire (maayos lagi ang Amerikana at may bowler hat, haha) na mahusay mambola ng women and men admirers, ahihi…

 

Anyway, ang layo na ng tinakbo ng ating kwentuhan, pasensya na… Ang point yata, maraming pasaway sa mundo at buhay, ahaha. May mga manunulat at may artists, may kinilala at hindi, may maagang namatay at may nabuhay ng matagal (78 si Gandhi nang pumanaw). Ang usapan – kakayahang mag-break ng traditions and conventions ng mga manlilikha ng sining and philosophers. Karaniwan, may tinatawag na classicists – nag-aral, nagsanay at sumunod sa klasikong turo… Mayroon ding trendsetters and original na mga nilalang… May classicists na katagalan, naging mga rebelde. Halimbawa, si Oscar Wilde, parang sina Rizal, nag-umpisa as a classicist. Kilala siya bilang Irish playwright, notable sa kanyang wits and sarcasm at magarbong pananamit… Nag-asawa si Wilde at nagkaroon ng dalawang anak, bago nagkaroon ng homosexual affairs.

 

Image of Oscar Wilde

Makisig manamit at tanggap si Wilde sa alta sosyedad ng Europa/ http://www.peoplesniper.com

Pasaway at papansin si Wilde, pero well-received siya sa saloons noon. Mahilig siya sa luho at creature of comfort, sabi… Si Rimbaud na napag-usapan natin kanina, discredited saan man – sinasadya niya raw maging marumi at mababang tao. Curiously, tulad ni Rimbaud, hindi rin maganda ang ending ng buhay ni Wilde… Nakulong si Oscar and later, namatay na naghihikahos. Pareho sina Wilde at Rimbaud – trendsetter ng “avant-garde ” na sining at paniniwala. Kapwa sila malikhain at malalakas ang loob… Kay Rimbaud, tanging sa pag-disorganize ng self mapapalitaw ang tunay at lantay na sining. Kay Wilde – may duplicity ang tao, masakit ang katotohanan at marapat itong bihisan ng maganda. May pagkilala si Wilde sa conventions and respectability, si Rimbaud ay wala.

 

Sa usapang pag-i-scrape ng bottom of the barrel sa pagsusulat, marami sigurong matutunan kina Rimbaud at Wilde … Sa mga Pilipinong kinilala,  si Nick Joaquin ang isa sa mahusay na naglarawan sa “decadence.” Marami-rami ang naisulat niya sa paksa… Ano ang culture of decay? Bakit marami ang artists and writers na nabibighani rito? Sabi, hindi lamang daw sa tema at istilo ng pagsusulat, sa artworks, sa attitude at sa pananamit ang pagkabulok. Isa raw itong way of life… Ang lumilikha raw, darating sa punto – physically, intellectually and emotionally poor. Sayad na sayad siya sa sahig, gumagapang at walang-wala na… Sa ganoong kalagayan, doon daw lalabas ang individuality ng artist – resource, reserve and artistry niya – para makalikha ng magaganda, malikhain at orihinal.

Ka-blogs, bago ko pala makalimutan, ang major works ni Jose Rizal, Noli Mi Tangere at El Filibusterismo, romantic thoughts ang laman, yown… Doon inilagay ng ating Renaissance man ang mga natutunan niya sa pag-aaral, pakikisalamuha at pakikipagkwentuhan sa cafes at pati sa boudoirs. Ay, kasali ang boudoirs or private rooms learnings niya, ahihi… Alam nyo bakit? Sapagkat, ang romanticism as a philosophical thought, going back to man’s basic sentiments and feelings… Kaya, may trek back to nature (may eksenang ilog, di ba?) at maraming pag-explore sa senses sa mga nasabing akda, ahaha. Si Rizal, a man of reason, very celebral na tao – matapos mag- ikot sa cosmopolitan centers ng mundo – nagbabalik sa katutubo niyang lupa at inaalam ang kanyang mga sentimyento sa mga nobela niya. Noli Mi Tangere is about decadence, remember? 🙂 Hala, ang dami ng wento, susme.

 

Image of Noli and Fili, Rizal's major novels

Ang unang nobela ni Rizal ay ukol sa pagkabulok ng ating lipunan sa pagtatapos ng siglo/ http://www.tumblr.com

 

About 20 years ago, may mga nasalubong – mga taong Dadaists at Surrealists daw… Sa mas madali, Dadaism, yong art-art na may toilet, ahaha at ang Surrealism, yong dark-dark, mga sining na galing sa bangungot, yon yata… Ay, wala pa rin akong alam noon sa art-art, babago pa lang nagbabasa-basa ng Philosophy at nagtataka lang ako sa buhay ko – Bakit ang we-weird nila, ahaha… Matagal na rin, di ko na sila napagkikita… Nitong mga huling taon, ang  “unconventional” na lang na nasasalubong – mga taong mahihilig  sa reggae music, corn row ang hairdos  pag minsan, at mahihilig  sa surfing at usapang iskwater and pubhouse, hoho… Pero, parang malilinis at maseselan naman sila? Ahaha, artsy silang tao, though… Nag-iba na kaya ang philosophy of decadence? O, iba na rin pakahulugan dito sa ngayon? Naitatanong lang… 😉

 

Sa akin, parang matagal pa bago mauubusan ng paksa si ka-blog, ahaha. Hindi sa binobola  o pina-patronize ko sya. Mukha syang taong curious. Pag curious daw, hindi madaling maubusan ng creativity, sabi… Tapos, ang bata pa nya, parang ang layo pa sa end of her ropes, ang dami pa niyang pwedeng i-explore at tuklasin – sa blog man o hindi… 😉

 

Itinatala, para sa bukas

 

Sa blog, inilalagay natin ang mga tungkol sa kanina at kahapon. Iginuguhit natin at isinusulat ang mga pangyayari, ngayon. Para saan? Para sa mga babasa at titingin, mamaya at bukas.

 

We record things for posterity. Nasalubong nyo na ang huling salita? Future-oriented daw masyado ang mga tao sa kasalukuyan. Siyanga ba? 😉 Hala pa, maski saan na yata ako magpunta- may Ipad, Ipod, camera at cellphone akong nakikita  – parating may taong kumukuha ng larawan, may nagtatala…

 

Noong araw, ang mga nagtayo ng malalaki at matitibay na gusali at cathedrals, visionaries daw. Ang mga nagpundar daw naman ng villages, subdivisions at mga bayan, pioneers at mga haligi ng lipunan, sabi. Nakini-kinita raw nila ang pamayanan ng hinaharap… Iilan-ilan pa lang sila noon, iyon yata ang kaibahan…

Ngayon, wari, halos lahat yata, abala sa pagdo-dokumento, patatawarin. Masyado nga kayang mabilis ang mga nangyayari? Lahat nga kaya tayo, nag-i-struggle against impermanence? Mga makukulit na tanong lang…

 

 

O, baka, excited lang tayong gamitin ang fast and easy technologies ng makabagong panahon? Sabagay, natutuwa rin ako sa touch technology, ang bilis mag-turn, ahihi. Nakakapagtingin ako ng 30 pictures sa loob ng dalawang minuto, hahaha. Dati, bago bumukas ang isang picture, sooobrang tagal…

Hindi ako sure sa mga pinagsasabi ko, hehe. Malamang, na-trigger lang ang thought sa conversation naming magkakapatid, kagabi… Inire-reklamo sa ‘kin ni nakababatang kapatid ‘yong isang barkada ko no’ng college (na Facebook friend nya, haha). Itong ale, eventually, naging ka-close din ng ate namin. Kaharap din si ate kagabi, dalawa kaming tumatawa sa kwento.

 

Reklamo ni kapatid, “Uy, sabihan mo nga si ___. Every hour, nanghihingi sa akin ng life. Nasa meeting ako or may hinahabol na deadline, sa tuwing tutunog cellphone ko, request nya. Pambihira.” Usapang Candy Crush, hihi. Pinigil ko pagtawa ng malakas. Paminsan-minsan lang ako parang nakaka-isa kay kapatid, kagabi ang isa ro’n. 😉

May post sa DPSA, tungkol sa sabong – Manalo,Matalo. Itong si dabarkads nag-request no’n, naaalala nya raw ang Tatay nyang sabungero… Noong una, ayaw ko sanang magsulat ukol sa paksa. Naaasar ako, ang father namin, 2o years nang patay (the time na isinulat ang post), parating inuuna ang mga manok nya. Tapos, may kapatid rin kaming sabungero. Pero, pinagbigyan, kabarkada nga… Anyway, naaliw ako kagabi, hakhak.

 

Pero, dahil ang blog, naka-permalink at pwedeng mabasa sa hinaharap, di ko sure kung alin ang mas dapat kong ipag-alala –  mababasa ito ni kabarkada o ni kapatid?  Ay, bahala na bukas… 😉