Pagpapanday ng Katotohanan

 

image of a man smithing steel

Gaano kainit ang temperatura?/ mashpedia.com

Paano pinapanday ang katotohanan? Isinasalang sa apoy? Gaano kainit ang temperatura? Ilang beses minamaso, hinahampas, pinapalo? Paano ito binibigyang-hugis? May hulmahan ba? Paano ang hakbang-hakbang na proseso?

Anu-ano ang kailangan sa pagpapanday – institusyon, mga tao, mga kagamitan? Sinu-sino ang maaaring magpanday – ikaw, ako o tayo bang lahat? O, ilan lamang? Silang mga bihasa at marurunong? Para saan pala ang pagpapanday – para sa isang tao lamang, para sa iilan o para sa madla?

At pagkatapos, ang pinanday na katotohanan ba ay ipagagamit, pagmamasdan lamang o ilalagay muna sa isang tabi? Gaano katagal ang buhay ng pinanday na katotohanan? Lumilipas din ba ito, naluluma, napapanis? O, pinagsasawaan lamang?

Saan galing ang katotohanang iyong inilalako? Iyan ba’y gawa sa silong ng bahay o binili rin sa pamilihan? Ibinebenta mo ng tingi o ng maramihan?

Kung magandang klase iyang iyong iniaalok, ako ay bibili.

 

image of a peddler

Sari-sari ang katotohanang inilalako sa ngayon/ nso.wikipedia.org

 

Hello world! Kumusta kayo?

 

Isang masaya at masiglang pagbati sa inyong lahat… ūüôā

 

Makalipas ang pitong buwan ay naalaala kong wala pa nga palang laman ang Hello world section nitong Sa Saliw ng Awit. Wala akong maisip na matinong dahilan kung bakit di ko ito napunuan, pasensya na… ^^

 

Gaya ng aking naikwento na, ginawa lamang itong site noong Nobyembre, 2011 sa dahilang naisarang awtomatiko ng Automattic ang dating site, Doon Po sa Amin (DPSA), sapagkat nagka-virus daw. Ang mga ka-blog na kahuntahan ko noon ay iisa ang payo sa akin – gawa ka ng bago. Ayaw ko pa, sobrang invested ang pakiramdam ko noon sa DPSA. Pero kalaunan, habang palabo nang palabo ang tsansang maibalik ang dati, nahirati na rin akong gumawa nito nga.

 

At dahil ang DPSA ay ukol sa kanayunan, naisip ko – ano kaya at ukol naman sa kalunsuran ang SSA? Medyo ganoon nga ang nangyari – sights and sounds ng lungsod ang pangunahing mga sulatin dito sa bago. Gumagawa na rin ako ng ilang akda ukol sa lunsod doon sa DPSA dati. Pero ang mas layunin pa ng mga iyon ay para magsilbing contrast sa mga eksenang kanayunan. I-contrapose ang pagiging payak ng nayon sa pagiging komplikado ng buhay sa lungsod, ang kalinisan sa baryo kontra sa karumihang matatagpuan sa metropolis na siyudad at para ipakita ang mas maliit ngunit mas lapat na samahan sa malayong komunidad, kakaiba sa maramihan nga ngunit tila mababaw namang samahan at pakikipagkapwa ng mga tao sa sentrong lungsod na mabilis ang takbo.

 

Ang nauna kong venture dito ay ang lathala ukol sa lugar ng Quiapo na sinundan ng ukol sa Avenida at Recto bago pa ang ukol sa Sta. Mesa. Nakakatuwang well-received ang mga lathalaing ito – maging sa mga naghahanap gamit ay search engine at sa mga ka-blog na nagbabasa rin ng blogs ng iba. Ang pinakahuli ay ang sulatin ukol sa kalye ng Mabini, isang pagtatangkang masdan muli ang isang tila patay nang lugar sa kasalukuyan at silipin ito noong panahong nasa rurok pa ng kanyang pamamayagpag.

 

Sa hinaharap, nais ko sanang makagawa pa ng mga lathalaing tulad ng mga  nabanggit. Hindi lamang ukol sa mga lugar sa lungsod ng Maynila, kundi maging sa iba pang mga lunan sa Kamaynilaan gaya ng Makati, Greenhills, Cubao at iba pa. Nais ko silang ipinta gamit ay mga salita Рipakita ang galaw, ang liksi at ang mga kabalintunaang matatagpuan sa bawat sulok nila. Maipakita rin sana ang kilos at buhay ng mga nasabing lugar at paano ang mga taong nakatira, naghahanapbuhay at nag-aaral sa mga iyon ay nakikihamok para harapin ang mga hamon sa mga abalang lunan.

 

Siyanga pala, dito sa SSA, nakagawa rin ako ng ilang akda ukol sa oras – Huwag mong isiping ganoon uli, Saan Napunta ang mga Pangarap? at Para saan ang isang saglit? Kadugtong ang mga ito marahil ng isang mahabang sanaysay ukol sa context o background ng sulatin, naisulat noon pa, para sana sa DPSA. Papalayo, papalapit ang pamagat ng essay na iyon at hindi pa nailalathala hanggang sa ngayon. Isa yata iyon sa pinakamahabang essay na naisulat ko para sa blog, nagpapaliwanag kung bakit mahalaga ang context sa pagsusulat. Ang mumunting sanaysay na nasabi ay tila mga supling lamang nitong long essay. Medyo philosophical ang naging handle sa mas maiiksing sanaysay, kaya hindi na rin ako gaanong nagtatakang hindi gasino ang nag-iwan ng komento sa mga ito.

 

Tulad rin sa DPSA, may mga akda rito ukol sa pag-ibig sa paraang sanaysay at patula. Noong nagba-blog pa lamang ang inyong lingkod sa DPSA, marami-rami na ang naisulat na tula. Ngunit mas marami sa mga iyon ay hindi o hindi pa inilalathala. Nitong sa SSA na nag-blog, naipagpatuloy pa rin ang paggawa ng mga tula. Mas marami pa rin ang hindi nailalathala. Ipagpaumanhin ninyo, may mga dahilan din kung bakit hindi.

 

Una, sa blog, isang mahalagang elemento ay ang spontaneity ng mga sulatin. Bagaman at spontaneously naisulat ang mga tulang iyon, karamihan sa kanila ay dumaan muna sa kung ilang upo para sa editing. Kaya, paglabas niyong mga tula bilang lathalain, medyo kinis na. Kumbaga, as blog posts, they more or less go against the grain of blogging. Sa totoo lang, wari ko ay nakakailang sa ibang bloggers na makabasa at lalo pa, ang mag-comment sa sulating tila dumaan na sa mabusising proseso.

 

Sa simple, mas gusto at mas panatag ang ka-blogs na makabasa ng raw writings kaysa sa repinado na. Gusto kong isiping medyo nakukuha ko ang logic ng ka-blogs sa usapang ito. Iyon lang, nais ko sanang ipaalalang bilang isang sadyang nagsusulat labas sa blog, may pagka-SOP para sa gaya namin ang mag-edit. Opo, mga kapatid, medyo mahirap sa pakiramdam ang maglathala ng di ini-edit. Kahit pa, feeling ko minsan, gusto ko ring raw and spontaneous, para makahatak ng mas marami at dumami rin ang makabarkada sa inyo, ahaha. Isa pa, mas gumaganda talaga ang tulang pinino kaysa sa hindi. Para sa mga gumagawa rin ng posts na tula, palagay ko, maiintindihan rin ninyo ang ganito habang tumatagal…

 

Ikalawa, karamihan sa mga tula ay medyo mabibigat. Bilang anyo ng sulatin, mas intense reading experience ang tula kumpara sa essay. Marahil, pwedeng itulad sa pangkaraniwang pelikulang pinanood at sa isang dula o play. Ang dula ay parating mas intense na karanasan para sa manonood kung ikukumpara sa panonood ng regular na sine. Sa ganitong kadahilanan, gustuhin mang maglathala ng mga tula rito ng mas madalas, common wisdom requires na dalangan din, bilang konsiderasyon sa saloobin at pakiramdam ng mga nagbabasa. Sa gayon, pananatilihing may mga tula rito sa SSA pero, wisik o sprinkle lamang, para naman di sobrang toxic o seryoso lagi  ang epekto sa mga regular na dumadalaw dito.

 

Sa hinaharap, kung may panahon,  lakas at logistics,  balak ko sanang maglathala ng isang compilation, kundi man, isang aklat, ng mga tula. Ang tinutuntungan nito ay ang bilang ng mga tulang naisulat  na, marami-rami na rin at ang personal kong interes sa paksang romantisismo sa panitikan. Kung sa ngayon ninyo ako tatanungin, ang pagkaalam ko sa romanticism bilang isang philosophical thought at bilang isang movement o kilusan sa panitikan ay pangkalahatan pa lamang. Mas lamang pa ang knowledge ko nito sa Western setting.

 

Titingnan natin sa mga darating na araw, kung magkakaroon ng panahon para magsaliksik kung papaano ang romanticism nasalamin sa katutubong setting at sa katutubo o likas na panitikang Pilipino. Wala pa akong eksaktong maipangako sa inyo ngayon, maliban sa sabihing interesado akong buksan ang usapin at mag-explore sana sa gawing iyon. Sana ay makasama ko pa rin kayo sa bandang ito.

 

Hanggang dito na lang muna, mga kapatid… Sa mga susunod na araw, marahil, ¬†madugtungan pa ang mga kwento rito sa bahaging pagbati.

 

Maligayang pagbabasa dito Sa Saliw ng Awit.¬† ūüėČ Mabuhay kayo!

 

 

Ika-17 ng Hulyo, 2012

Sa Saliw ng Awit (SSA)