Hindi mo sinabi ni minsan
ang salitang magpakailanman
Hindi mo winikang
ika’y di magpapaalam.
Hindi ka sumumpa
sa liwanag ng buwan
Ang taong minsan, iyong dinatnan
Hindi mo pinangakuang di iiwan.
Hindi mo inalam, aking nakalipas
Ano ang dahilan, paano ako tumakas
Hindi mo binanggit ang salitang bukas
Wala kang binitawang lantay at wagas.
Hindi nagtagal, usapan sa kahapon
Wika mo’y limutin na, mga bagay noon
Ang mahalaga kamo’y pumaroon
Isipi’y pasayahin, ating maghapon.
Hindi mo inalam – aking mga pangarap
Kung minamasdan, paglalaro ng mga alapaap
Hindi ka nag-alay hawiin, yaong mga ulap
O, punasan mga luha, sa matang umiiyak.
Hindi ka nangakong di ka aalis
Kamo sa akin, buhay napakabilis
Walang panahon, para manangis
Kamo sa buhay, mahirap magmintis.
Hindi ka madalas magsabi, ako ay iyong mahal
Paminsan-minsan lang, pag banayad ang buhay
At sa pagkakataong hawak mo, aking kamay
Iyo’y para alamin, kung sinabi ko’y tunay.
Hindi mo itinuring, pagtatangi ko ay totoo
Kamo lagi, walang katiyakan sa mundo
Maging masaya, habang magkasama tayo
Ang suliranin, huwag gawing komplikado.
Hindi mo pinaghandaan, isang araw
Lilisanin mo ako’t lalayo sa pananaw
Sabi mo pa rin, sadyang ganyan ang buhay
Mang-iwan o iwanan, saklap ay pantay.
Hindi mo kaya, makitang ako ay lumuluha
Lalo’t mabatid ang dahilan, iyong pagtatwa
Nais mo lamang, simpleng pag-unawa
Ginawa ang bagay na matuwid, at sadya.
Hindi mo sinabing may tayo sa dulo
Madalas mong wikain, buhay ay di piho
Humangin ng malakas, dumating ang bagyo
Walang bagay managhoy, bagkus ngumiti tayo.
Hindi mo sinabing lalagi ka riyan
Hindi mo inaring banal ang pagmamahalan
Hindi mo ibinukas ang saradong pintuan
Tingin mo’y walang pag-ibig, na di bulaan.