Mga Tahi at Paso – panauhing lathala mula sa Doon Po sa Amin

gravatar image of the site, Doon Po sa Amin (Where I Come From)

Ang Doon Po sa Amin ay site sa WordPress ukol sa buhay kanayunan/ http://en.gravatar.com /may11apr1940

Mahirap ding magpagaling ng sugat. Pag nasusugatan kasi, ibig sabihin, mayroong nasisira sa katawan. Iba- ibang klase rin. May sugat na lilinisin lang, pahahanginan at makalipas ang sandaling panahon, magaling na. Mayroon namang kailangang operahan, tahiin ang mga gilid at i-therapy pa, bago maghilom at bumalik sa dati. Taon ang bibilangin bago manag-uli. May sugat na mababaw, may sugat na malalim. May sugat na kayang-kayang indahin at sabi nga’y malayo sa bituka. May sugat na kahit matagal na,  pana-panaho’y may dala pang sakit, delikado pa rin at maaring ikamatay.

Ganoon din naman sa paso. Pag bigla tayong napapahawak o napapadikit sa bagay na mainit o di kaya ay napapatakan o nabubuhusan ng mainit, nalalapnos ang ating balat. Kaagad dadaloy ang tubig papunta sa parte ng balat na nainitan para kontrahin ang epekto ng pagkapaso. Kaya nagkakaroon ang balat ng lapnos. Isa raw self-preservation mechanism ang pagkakaroon ng lapnos, paliwanag ng agham.

 

image of a hand burnt by industrial glue

Napakasakit ng mapaso/ firstaid.about.com

Iba-ibang degree rin ang pagkapaso. Pag unang degree lang, makalipas daw ang sandaling panahon ay nanunumbalik na sa dati ang balat. Pag sa ikalawang degree naman, nagkakaroon na ng paltos o blisters. Hindi agad naghihilom. Kung malaking parte ng balat ang naapektuhan, matagal-tagal na gamutan daw ang kailangan. Napapagaling daw naman ang ganito at nagagawan ng paraang hindi gaanong halata.

Pag sa ikatlong degree na, alanganin. Malamang ay bubuka ang balat, mai-expose ang bahagi ng katawang tinatakipan nito at maaaring magkaroon ng infection ang katawan. Kadalasan, kailangang operahan at i-graft na ang skin para palitan ang nasirang sapin at magkaroon muli ng proteksyon ang katawan. Kung hindi raw magagawa ang ganito, ang balat na nakabuka ay magnanaknak at ang sugat ay maaaring ikamatay ng may katawan.

 

image of a sutured wound

Naghihilom ngunit nag-iiwan ng peklat/ en.wikipedia.org

Kung ang sugat ay may dala laging hapdi at kirot, ang sunog o paso naman ay kadalasang may dalang trauma sa nakakaranas. Naririndi raw ang taong napapaso ng matindi, nasa-shock siya lalo na kung mukha at kamay ang napipinsala at matapos, ito’y nagreresulta sa matinding pagkatakot ng biktima at pag-iwas niya sa mga bagay na maaring makapaso. Mas madalas, ang sugat ay nag-iiwan ng marka sa balat o peklat – paalaalang minsan, may karahasang naganap. Mayroong napunit, may nasira at may nasaktan. Ang pagkapaso naman ay madalas may iniiwang mensahe – hindi na muli, hindi na mauulit pa ang ganoong sakit.

 

Habang ang tao raw ay tumatanda, unti-unti, nababatid niya ang mga bagay na nakakasugat at nakapagdudulot ng paso. Marami sa mga iyon ay kanya nang naiiwasan. Nalalaman nya na ang mga bagay na nakakatusok at nakakasakit. Nalalaman nya na ang mga bagay na maiinit at sobrang lamig. Natututo syang mag-ingat sa katawan. Natututo siyang magtantya, manimbang at kumuha ng tiyempo para iligtas ang sarili mula sa kapahamakan.

Subalit sa kaparehong panahon, kung kailan ang mga sugat ng pagiging bata ay peklat na lamang, kung kailan ang mga paso ay napawi na, noon naman naipakikilala ang tao sa mga sugat at pasong hindi physicalMga sakit, hapdi at pasong sa damdamin tumama at nagmarka. Mga karanasang nag-iwan ng kaba, takot at pagkaligalig na walang panlabas na anyo – tanging ang mga nakakaranas ang nakababatid. Maaring sa biglang tingin, ang mga iyon ay tila gasgas lamang at galos. Maaring tila mumunting daplis na pansamantalang nilagyan ng band-aid – maya-maya lang ay ayos at magaling na. Ngunit hindi pala.

 

image of a wounded child

Habang tumatanda, natututong umiwas sa sugat at paso/ whattoexpect.com

 

Kadalasan ay hindi. Naroroon pa rin ang hapdi at pangamba – natatakpan lamang. Nagagawan ng paraan ng may katawang pagmukhaing hindi halata. Parang wala lang. Parang hindi sila nangyari. Ngunit naroroon – nakabaon, nakaukit. Sa mga biglaan at di-inaasahang pagkakatao’y nanariwa. At nabubuhay muli ang kaba, tahimik na dumadaloy ang mga luha at muli, bumabalik ang mga hinagpis at agam-agam ng kahapon. Naisisiwalat sa mga lumalapit. Ah, ang taong ito pala ay sugatan!

 

Saan galing ang mga sakit at pag-iwas? Sa mga sakuna at bigwas ng kapalaran, sa mga pagpapasyang mabibigat, sa mga pangarap na tinangka at di-naabot? Sa mga di-napaghandaang paglalayo,  sa mga kahihiyan at kabiguang dinanas, sa mga pagkakait at pagkasiphayo? Sa mga pag-asam na di-nabigyang katuparan, sa mga pagkasabik na di-natuldukan, sa mga damdaming di-nakatagpo ng katapat?

O, roon sa sinasabing mga pagmamalupit ng tadhana? Sa mga hidwaang di-naresolba, sa pagmamalupit ng iba o sa paninikis ng sarili? Sa mga impit na daing na walang nakarinig, sa mga panalanging di na nausal, sa mga pahimakas na di na nabigkas?

 

image poster of Amigo, a ilm about the Filipino-American War of 1889-1892

Maraming mga tao raw ang pinaghihiwalay ng gera/ cfaff.org

 

Bibihira raw ang taong walang kinikimkim. Lagi, may bahagi ng pagkatao ng taong huwag lang di masaling ay kikirot. May sensitibo siyang bahagi. May parte ng siyang bibigay sa kaunting sagi. At hindi raw laging may lunas na maaapuhap, hindi laging may lilim na masisilungan at hindi laging malapit ang lugar ng kaligtasan. Hindi rin daw madaling makatagpo ng uunawa. O, handang umunawa. Lalo’t higit, iyong taong kayang tumanggap – ito ang mga bahaging mahahapdi, mga depekto, mga ekis ng katauhan.

 

Pagkakatapos raw ng gera, badge kung ituring ang mga tahi at paso. Alalaon baga, iyo’y mga bagay na iginagalang sa loob ng tahanan, naipagmamalaki sa mga inuman at kasiyahan, at, kapagkaminsan, kinikilala at pinararangalan pa ng pamayanan.

 

Ngunit ngayon ay payapa. Walang sigalot na humahati ng matindi sa mga mamamayan. Walang nangagkalat na mga armas na maaring makasakit. Walang mga pagsabog na maaring kumitil ng buhay o mag-iwan ng trauma. At least, wala sa malapit sa atin. Sa gabi, ikinakandado natin ang ating mga bahay at natutulog tayo ng mahimbing.

 

image of outdoor or jungle cooking

Gagawa at gagawa ang tao ng paraan para mabuhay/ survivalfoodlist.com

Subalit ang araw-araw na pamumuhay raw ay tila walang-katapusang pakikihamok. Isa raw itong tuluy-tuloy na pakikibaka laban sa pagkainip, sa paulit-ulit na paghabi ng parehong disenyo ng buhay at walang-humpay na pagsalag sa mga hambalos ng kapalarang tila ayaw magbigay maski isang pulgada.

Anupa’t tila isa itong laban sa pamumuksa ng talaksan ng mga detalyeng nag-uunahan sa ating pansin, ng isang libo’t isang impluwensyang nais humubog sa ating mga pagkatao at ng daluyong ng mga pagbabagong nagsasabing sila’y ating yakapin bago pa man tayo maging handa. Ano nga ba’t tila isa itong digma – para sa ating katinuan, katatagan at kakayahang kumilos at magpasya. At pana-panahon – nagugurlisan pa rin tayo, o, nasusugatan mismo ng malalim, nalalapnos pa rin ang ating mga balat at sumisibol pa rin sa ating mga dibdib ang takot.

 

image of a woman walking away

Nais nating lumayo sa lugar ng kalituhan at gumawa ng mga bagong padron/ datingish.com

Ngunit pinipilit nating maging masaya. O, higit pa riyan, pinipili natin ang maging masaya. Tinitipon natin ang mga piraso ng buhaghag na sarili, kinikimpal ang mga iyon, nilalagyan ng hugis, hinihipan at pinaandar. Pinagagalaw natin ito at binibigyang-buhay. Ginagatungan natin ng pag-asa – may pundasyon man o wala. Gumagawa tayo ng mga bagong padron – maliliit man o malalaki. Nilalagyan natin ng kulay ang mga araw. Binibihisan natin ang mga sarili at ginagawang disente. Kahit pa batid nating ang nasa loob ng mga iyo’y katawang may mga sulsi, may mga tagpi at may mga naiwan pa roong mga pekas. Kahit sabihin pa, ang nasa ilalim niyon ay katauhang may mga tahi at paso.

 

At naniniwala at umaasa tayong tayo ay gagaling ng lubusan. Na anuman ang mga karanasang lumatay,  ang mga pait na dinanas at ang mga pagkabigong minsan ay nagpahina at nagpayupyop sa ating mga pagkatao – ang mga ito ay ating mapapangibababawan. Na kung hindi man kayang pawiin ang mga peklat, kaya namang hagkan paalis ang mga sakit at takot na dala nito. Na kaya nating humakbang palayo sa landas ng pagkalito.

 

At bubukas tayo muli sa mga posibilidad. Na bubuti pa rin ang buhay. Na kaya pa nating magmahal at maaari pa rin tayong mahalin. Na kaya pa nating gumawa ng mga bagong salansan at bumanaag ng bagong bukas. Na kaya nating muling yakapin ang mundo at intindihing kabahagi tayo sa pag-ikot nito. Na kaya nating magluwal ng bagong pag-asa – para sa iba at para sa sarili.

 

Tayo ang mga naiwanWe are the survivors.

 

image of people running in a secondary rainforest

Nasa instinct ng tao ang ipaglaban ang karapatang mabuhay sa mundong puno ng sakit/ healthmad.com

 

* Ang sanaysay na ito ay impluwensyado ng mga sinulat nina Johann Wolfgang von Goethe (partikular ang Candide), Mary Shelly (Frankenstein), Ralph Waldo Emerson (Self- Reliance and Other Essays) at Henry David Thoreau (Walden). Sa limitadong antas, impluwensyado rin ang sulatin ng akda ni Stendhal (The Red and the Black) at ng ilang sanaysay ni Jonathan Swift.

 

** Ang mga ideya ukol sa gera ay impluwensyado pangunahin ng battlefield scene sa Les Miserables na sinulat ni Victor Hugo, isang kinikilalang literary figure sa Romantic Literature at sa maliit na antas, ng For Whom the Bell Tolls ni Ernest Hemingway, isang nobela ukol sa Spanish Civil War. Kapwa binasa ng may-akda ang dalawang aklat 23 na taon na ang nakakaraan, ahaha. Ang ideya naman ukol sa pagsasarado ng pinto sa gabi ay galing sa concept ng security sa International Relations (IR)  –  lock and bolt the door, build fences and, have weapons ready all the time. Humiram din sa ideya ni Thomas Hobbes na life in state of nature is solitary, poor, nasty, brutish and short. Sa charge na malalalim ang pinaghuhugutan, guilty po, mga kapatid.😉

 

*** Ang sanaysay ay isang pagtatangkang magtalakay sa sinasabing kalagayan ng tao o the human condition – mag-isa, walang-katiyakan at nabubuhay sa lugar na tigib ng mga panganib at sakit. Sa panitikang romantiko, ang kaligtasan ng tao ay nasa kanyang kakayahang makipag-ugnayan, magmahal at mahalin din. Ang kakayahan niyang iyon ang magbibigay sa kanya ng lugar at pagkilala sa mundong puno ng ligalig at kalungkutan. Sa personal na pagtingin ng may-akda, ang Frankenstein ni Shelley at ang Les Miserables ni Hugo ang dalawa sa pinaka-romantikong nobelang naisulat. 

  

**** Ang ideyang nag-trigger ng komposisyon ay ang nobelang Tomorrow They Will Kiss, na binabasa ng may-akda ng panahong iyon at hanggang ngayon ay di pa nya natatapos, haha.  Tungkol ito sa Cuban factory workers sa Amerika. Ang bida sa nobela ay babaeng mahilig manood ng telenobela at gabi-gabi ay inaabangan ang palabas para hintayin ang eksenang halikan. Ang orihinal na konsepto nitong akda ay nabuo noong huling bahagi ng Oktubre, 2011, sa salitang English at may temporary title na That Life Will Be Good.

 

***** Ang sanaysay na ito ay isinulat bilang All Soul’s Day post sa site na Doon Po sa Amin (http://may11apr1940.wordpress.com) noong ika-3 ng Nobyembre, 2011  bilang pagtataguyod sa konseptong celebration of the human life, para sa mga naiwan ng yumao. 


43 thoughts on “Mga Tahi at Paso – panauhing lathala mula sa Doon Po sa Amin

  1. Napakasarap basahin nito Saliw!

    Mahaba ngunit di nakakainip…^_^
    Very Intelligent
    Very Informative….
    Very True…

    Gustong gusto ko….
    Babalikan ko ito para mag comment… ng karapat-dapat sa napakagandang content….(busy lang ang utak ko ngayon sa paghahanda sa aking lecture maya-maya)

    Ngunit di ko mapigilang tumipa ng kaunti….ito na lang muna ang aking “thoughts” pansamantala…. hihihi… MAIKLI LANG…QUICK RESPONSE kumbaga…^_^

    Gusto ko yung analogy sa burns….

    Tama ka…

    Ang sugat sa ating puso at pagkatao ay parang ganyan… it undergoes the natural way of healing…

    Masakit sa una, kalaunan ang sakit na nadarama ay nawawala rin….

    First degree burn is the most painful stage as all of the nerve endings are in the skin…
    Tulad din ng abrasion o gasgas (sa open wounds naman)… ito ang pinakamasakit…

    Unang lapat ng mainit…
    Kayod ng balat sa magaspang na dingding o sahig…
    Masakit, Mahapdi…

    Mainit na tubig…
    Katumbas ng mga pangyayari sa ating buhay na hatid ay matinding emosyon.
    Nakapanghahalina ang usok, nakakatuwang pakinggan ang pagsipol habang kumukulo….
    Tamang “handling” ang kailangan, sapagkat kung ikaw ay mababanlian, sa sakit at hapdi ikaw ay mapapasigaw…mapapapalahaw….

    Kayod sa balat sa magaspang na dingding at sahig…
    Katumbas ng daang ating tinatahak….
    May bahaging maganda at makinis….
    May mga bahaging magaspang upang di ito maging madulas….
    Ngunit kung di tayo mag-iingat, sa pabigla-biglang kilos….
    Balat ay kakayod…masakit, mahapdi, parang tinutusok ng maliliit na karayom…

    Ang iyong panulat tungkol sa ating karanasang masaktan at bumangon nang may aral na natutunan, umiwas maulit ang karanasang masakit ay nagpaalala sa akin sa Theory ni Edward Thorndike (Law of Effect/ Instrumental Learning)

    Instrumental Learning o Operant Conditioning is a form of learning in which an individual’s behavior is modified by its consequences. It deals with the modification of “voluntary behavior” or operant behavior. Operant behavior operates on the environment and is maintained by its consequences.

    Ang tao parang ganyan…

    Pag nasaktan, natututong umiwas sa mga bagay o pangyayaring nakasakit sa kanya…hanggat maari…

    Happiness is a state of mind…. Sadness also is….

    Operant conditioning sa oras na kinakailangan ay makakatulong sa paghilom ng sugat sa dibdib at katauhan…

    Ang sugat, kung hindi ginamot ng maayos at ito ay maimpeksyon..sugat ay mananatiling andiyan o di gagaling…pag nagnaknak (ihalintulad natin ang nanang naiipon sa mga alaala o mga pangyayaring ayaw nating pakawalan kahit ito ay naghahatid ng kapighatiaan), mas masakit…

    Ang sugat na naghilom ng maayos sa natural na paraan ay maiiwan din ng peklat ngunit hindi ito pangit…

    Ang pait sa ating puso kung ito ay isusuko at hahayaang ang panahon ay paghilumin ito, ligaya at panibagong pag-asa ang ating madarama…

    (Ay gusto ko pang tumipa, kaya lang late na ako hihihi… balikan ko ito Saliw ^_^… Basta ang ganda ganda ng iyong katha… luvs ko ang bawat mensahe na nais ibahagi….)

    ANG GANDA NG UMAGA KO, SALIW… SALAMAT SA NAPAKAGANDANG PANULAT ^_^

    • Salamat sa mahaba at malaman mong comment, Chilled Honey…🙂

      salamat sa iyong mga papuri sa akda. that has made it worthwhile. ^_^ naikwento ko na sa previous post at sa page na Para Saan ang Awit kung paano itong akda ay huling post sa dpsa na nalagyan daw ng virus dahil sa links na naikabit. kung kaya, isang blogger lang ang nakapag-comment dito noong ito ay unang nailimbag. automatic na isinara ni Automattic, ahaha. ^^ in fairness, ang galing ng system nila sa virus detection. ang swerte lang, ahihi. ^^

      inilalathala ko uli para makakuha ng feedbacks. so far, bukod sa inyong mga nag-comment dito so far, may young blogger atang nagsabing nagpa-depress daw ito sa everybody, ahaha. ^^

      linawin ko sana, hindi iyon ang layunin nitong paksa. Mga Tahi at Paso is a piece bidding for a positive outlook in life – that life may hold dark episodes, that it may contain miseries and loneliness but in the end, it still pays to negotiate it – thorny paths, terrible happenstance and all. it maybe far from the perception of bloggers in their early 20s, who, would want to look at the world and life as bright and shiny and full of possibilities. it is, actually, for people their age. and i wouldn’t want to change or mar that for them through this post.

      hmnn… as somebody my age, somebody past her prime, i am painfully aware that the world is no longer an oyster as was once promised. it is imperfect and yet, worth living in. an adult perspective siguro ito. or, somebody na nagkukunwaring adult na, hihi. kahit hindi rin naman. ayon… ^^

      naibigan ko ng husto ang elaboration at paliwanag mo sa abrasion at banli. ahaha, hindi ko na masyadong ini-elaborate iyan dahil nahahabaan na ako, haha. itong intro for MTP na yata ang isa sa pinakamahabang intro ng paksang nagawa ko sa posts, haha. nagmamarunong kunwari sa medical/technical aspect ng balat ng tao, haha, pasensya naman. wala talaga akong alam, as in.^^

      gusto ko rin iyong sinabi mong pagsusuko ng mga pait para over time ay makapaghilom. surrender to the pains and bitterness to pave the way for healing, ang gandang concept…🙂 salamat sa mga opinyon mong ibinahagi (na bahagya pa lang, ha? hihi) at sa nagawa mong post. well-appreciated, sister. have a great week ahead!😉

      • Salamat Saliw…^_^

        Ako lamang ay nagtaka nang iyong sinabing may blogger na nagsabing ito ay nakakadepress…

        Maari ngang ang blogger ay salat pa sa karanasan upang maunawaan ang lalim ng iyong panulat…

        Ako naman ay nasa prime pa ng aking buhay (pwede pang mag ka baby girl ikanga, active pa ang matres hihihi, nangangarap lang, kung pedi nga sanang conceived by the power of the holy fafah hahahaha) ngunit maagang sinubok at siguro, marunong maghanap ng mga dahilan kung bakit minsan ay nasusubsob…

        Tulad ng iyong akda, maaring sa isang sugatan, mata ko lang ang walang latay…

        Sa dami ng pinagdaanan – sa buhay, maging sa pag-ibig, maaring sabihing bugbog sarado, samahan na ng black eye…

        Ngunit, sa kagustuhang mabigyang hustisya ang pagbibigay sa akin ng buhay ng Maykapal, sa bawat pagkasugat, ito ay isinusuko at hinahayaang maghilom…

        Napakahirap di ba, Saliw? lalo na’t may mga bagay na hindi ikaw ang nagdidikta, hindi ikaw ang may control….

        IIyak ka, hahagulgol, nanamnamin ang pait, hapdi, kirot…
        Minsan, sa kawalan ng pakiaalam ng ibang nasa paligid mo, ang sugat ay nabubudburan pa ng asin…

        Dinanas yan ng bonggang-bongga!

        Nariyang gusto mong maglaho, nariyang gusto mong ang mundo ay tumigil saglit… Nariyang gusto mong sumigaw, nariyang gusto mong ihagis ang lahat ng nasa harapan mo (na hindi ko ginagawa hihihi….bakit?… eh kasi dugo at pawis ko ang ipinambili ko sa mga gamit na yan, ba’t ko sisirain?) hahahaha….

        Minsan sa pagnanais nating mawala ang sakit, lulunurin ang sarili sa alak (haaayyy, di ko rin ito kaya)… maghahanap ng kakwentuhan hanggang umaga (eto pwede pa… kaya lang nakokornihan na ang aking mga kaibigan sa akin minsan, paulit – ulit)……..

        Minsan, hinahayaan na lang…”hayaang ang problema ang magkaproblema sa iyo”….

        Itaas sa Kanya lahat ng pag-aalala… ” And He said cast your burdens upon Me, those who are heavily laden…Come to me all of you who are tired, of carrying heavy loads……..and I will give you rest….”

        Inaawit ko yan pag nawawalan ako ng pag-asa….

        Kapag pakiramdam ko, ang mundo ay nakasimangot sa akin, kapag ang nasa paligid ko ay para bang ako ay kakainin ng buhay…, humahanap ako ng gitara, dagling tumitipa, at umaawit ng” Lift up your hands”… ^_^

        Sugat ay naghihilom. May marka man, at least wala na ang pait….

      • mas maraming salamat sa iyo, kapatid at bumalik ka ng makailang ulit, ahaha.

        siguro, baka, summarily di-nismiss as depressing piece of work kumbaga ang sulatin kasi, in their 20s, unfamiliar at malamang ay ayaw pa nilang masalubong ang ideyang ganoon kasakit ang mga hambalos at dusa ng buhay. things like pagkakasakit at pagtanda ng magulang, pagkalayo ng kapamilya sa panahong kailangang-kailangan, financial despair at iba pang mga sitwasyon sa buhay ng tao na concrete, real and happening, pero hindi pa usually nadadaanan pag 20s, e. mas features ‘yan ng buhay sa 30s, di ba? chances are, 10 years from now, mag-iiba ang opinyon noong nagsabi nyan. for now, hayaan na lang muna natin, wari ko… ^^

        ahaha, past half of my life na ako, kapatid. pwede pa naman sigurong magka-baby kung may magkakamali, haha. pero susko, hindi ganoon kalaki ang tsansa, not in the offing, yata, haha. hindi na rin ako ganoon ka-keen about it. i was 23 noong sobrang gusto kong magka-baby ng sarili, haha. that was eons ago, am afraid…😉

        medyo ganyan din yata ako… kung sa itsura, hindi naman… younger daw, sabi-sabi. pero kung age ng soul, nakow, pang-senior citizen na yata, hihi. kung ilan din ang katsikahan kong bloggers na in their 60s and late 50s na, haha. baka sila talaga ang ka-age ko, hakhak. ^^

        yes, tama ka sa ang daming di ikaw ang nagdidikta at nagko-control. may mga panahong pakiramdam mo, you are being pulled in different directions. sa amin, medyo mahirap kasi, ang dami naming magkakapatid, iba iba ang ugali, personalidad and inabot sa buhay (positive and negative). oo, may mga panahong talagang parang isinasalya ka sa pader ng mga problema, haha, merong mga pagkakataong magmamakaawa ka sa kung kani-kanino at may mga panahong lalakasan mo na lang talaga ang loob – mangangahas ka dahil wala ka na talagang option. may times din that na blank walls ang kaharap mo- sukol ka talaga, as in… ^^

        may mga pagkakataon din that you would stare death right in the eye. makailang ulit ko nang naranasan, sobrang painful. nasu-survive naman pero battered and tattered ka pagkatapos. pero ang mas mabigat doon, pag nakasalubong ka ng indifference and detachment sa mga kasamahan who are supposed to be in the same boat as you. ang bigat ng mga ganoon…

        haha, kawawa rin nga ang mga kaibigan ko sa ‘kin. minsan, ayaw ko na silang kwentuhan, haha. nagmo-mall na lang kami at nag-uusap ng mga tsismis sa showbiz habang kumakain. pero, meron sa kanilang supportive and helpful, thankfully. kumbaga, lumalabas din ‘yong mga kaibigang andyan, sasamahan at dadamayan ka maski hindi nila fully naiintindihan ang mga pinagdadaanan mo. may ibang after the rain (downpour) na nagpapakita pero, gano’n yata talaga… ^^

        hala, gusto ko rin ‘yang lift up your hands na ‘yan, hihi, maski hindi ako religious, ahaha. kinakanta ko rin lagi, pampapayapa ko sa sarili kong ambilis magulo, ahaha… ^^ salamat uli, ha, chilled honey.😉

      • ahaha, kaya ako gising, ang phone ng kapitbahay namin ay nagri-ring every five minutes at dinig na dinig dito sa ‘min. hindi ko alam ba’t nila hinayaang dis-oras ng umaga ay may tawag ng tawag sa kanila, pambihira… haha, bangag ako bukas, mamaya,haha.😉

      • Salamat “Ate” Saliw,

        Di ako magsasawang bumalik…tunay na ako ay “drawn” sa magandang panulat…

        Siguro natutuwa ako dahil mas bata man ako sa iyo ngunit ang aking “age of the soul” ay sumasabay sa iyong gulang dahil sa dami ng pagsubok na hinarap. Maaring mas interesado ako sa malalim na pagpapahayag at mas makabuluhang mensahe…

        Sa murang gulang, heto na ang nasaksihan ko…

        http://chilledhoney.wordpress.com/2012/06/17/1304/

        At sa aking buhay pag-ibig heto naman ang kwento ni Maria…

        http://chilledhoney.wordpress.com/2012/05/05/malas-ka-ba-huwag-mawalan-ng-pag-asa/

        (yung isa na mas detalyado ay “Tama Ba”, nilagyan ko ng password dahil may WP na rin ang dalawang anak ko…baka mahalungkat nila, hindi pa oras, baka di nila maunawaan…hihintayin ko na sila ay nasa takdang gulang na bago ko alisin ang password…mabasa man nila, mauunawaan nila ang mga malalalim na dahilan ng aking desisyong humiwalay sa kanilang ama…maari kong alisin ito ng pansamantala upang iyo ay mabasa, sabihan mo lang ako, ng “game na” doon sa page ko, ibig sabihin, ung oras na iyon, handa kang magbasa. At pagkatapos mo, sabihan mo lang ako ng “done” at akin na uli itong ilo-lock hihihi…Pasensya na ha? Mabagsik ang pagkakalahad, hindi pang PG kaya kailangang i-lock)

        Bits and pieces na bahagi ng aking buhay…

        Nariyang dahil ikaw ang nakaupo, sasagutin mo ang kasalanan ng iba… respondeat superior at command responsibility kumbaga…at patuloy kang maninindigan sa katotohanan… yun nga lang kung wala kang pera, mailap sa iyo ang hustisya…nakakalungkot pero ang daming buwaya at hunyango sa hanay ng ating mga korte…iyan ay naranasan… 16 days of pure hell !… tapos ang sasabihin lang sa iyo ng kalaban ng amo mo, “sorry di namin akalaing kayo ay madadamay”… p..ye…ta! The damage was done tapos sorry lang? Gusto mong pumatay!

        http://chilledhoney.wordpress.com/2012/05/13/invictus-unconquered-undefeated/

        Naisip ko lang maaring sa pagbuhos ng dagok sa aking murang kamalayan…maaring may nais sabihin ang Panginoon…

        Nabasa ko yung INVICTUS… isang napakagandang panulat ni William Ernest Henley… A week after, napanood ko naman ang movie tungkol sa buhay ni Mandela, ang title, “Invictus”.

        Timely ang pagkakabasa ko dahil nasa gitna kami ng ipo-ipo sa institusyong pinag lilingkuran ko… Di nagkasundo ang may-ari at ang kanyang partner, nagkabalitaktakan, parehong pikon, palitan ng maanghang na salita, demandahan…. sa sobrang gigil ng kalaban, pati kaming nagpapatupad lamang idinamay…(para daw maparalyze ang operations…)… Isang malaking pagkakamali niya, Saliw..

        Ako ang pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng institusyon, ngunit ako ang pinakabata, maging sa hanay ng aking pinamumunuang mga guro…Batid ng mga abogado, mas malaki ang damage na nagawa sa pagkatao ko.. at mas malaki ang laban ko pag bumuwelta ako… violated ang human rights ko, ang rights ng mga anak ko, violated ako per single parents’ act, violated ako dahil basta na lang kami dinampot nang walang due process (ni notice of complaint walang natanggap)… at dahil sa nangyari, di ko naituloy ang dissertation ko, natapos ko na sana ang pagkaduktor ko sa edukasyon that time. Malaki ang moral damages nilang babayaran sa akin pag ako ay nag-counter. It was total harassment na sa pelikula mo lang makikita, promise! bawat araw sa 16 days na iyon, parang sandstorm.. Kaya alam ko ang buhay at kalakaran sa loob, nanggaling ako doon, 16 days, pero di ko yan ikinahihiya kahit kanino dahil alam ko at alam ng Diyos, wala akong kasalanan kahit kanino…SILA ANG MAY KASALANAN SA AKIN!

        Sa “Invictus” natawag ang pansin ni Cupnoodles…(malaking pasasalamat)

        Panulat na I posted sa FB.

        Doon nya ako inanyayahang mag WP.

        Di ko pinansin nung una, kasi busy talaga ako.

        Ngunit, kumbakit naging paulit-ulit… nagpa unlak…

        Nadiscover ang isang kakayahang di alam na meron pala…

        Ang magandang nagawa ng WP sa akin, sa oras na ang pakiramdam ko ay ako ay nag-iisa at ang utak ay umaapaw sa gustong ibuhos… may avenue… di ako masisiraan ng bait…di tulad ng dati, kinikimkim… dibdib ay parang sasabog…NAKABUTI…

        Naniniwala akong may Divine intervention kumbakit ako ngayon narito sa WP.

        Di ko pa maunawaan lahat ng rason bakit, ngunit naniniwala akong meron, sa mas lalong ikatatatag ng aking pagkatao…at sa mas lalong ikatatatag ng aking pananampalataya…

        Nariyan nga lang minsan na nadadala din ng emosyon… sensya na po, tao lang (hihihi), at may kakayahang magpahalaga sa mga taong nagbibigay halaga…

        Ngunit di itinatatwa, lahat ng akda, walang kasinungalingan, walang pagkukunwari… bahala ang gustong humusga, di na nila ako masasaktan… may mas sasasakit pa ba sa aking inilahad na pinagdaanan? Isa lang ang sasabihin ko sa kanila…. PASALAMAT KAYO DI NINYO PINAGDAAANAN ANG MGA PINAGDAANAN KO…(baka di ninyo kinaya)…

        Nagkataong may matibay akong pundasyon sa loob ng tahanan at prinsipyong pinanghahawakan…nagkataong buo ang paniniwala sa Kamay na laging nandiyan upang umaalalay…

        Ang pag-agos ng luha minsan at ang pag sigaw ng hinagpis ay di maiiwasan… ngunit matapos ang “moment” na iyan, huminga ng malalim, magsuklay, maglagay ng lipstick, at magpatuloy sa buhay…

        Maari ngang iba ako sa karamihan ng babaeng nasa age range ko… dahil kakaiba ang mga hamong napagtagumpayan ko…

        Eto ako, sa ayaw at sa gusto ng mga nakapaligid sa akin….

        Matalinong makibaka, Matibay manindigan,

        Isa lang ang kahinaan….Di nag-iisip kung umiibig hahahaha, yun lang!

        Matatag ngunit vulnerable pagdating sa usaping puso, siguro dahil talagang nagnanais ring may magmahal ng totoo… aaminin ko, jan ako walang laban hihihi

        Pa-hug Ate Saliw…. ^_^

      • yes, blogging is part of a person’s bid to stay sane and afloat despite the crazy goings-on in this world, ahaha. ^^

        hmn, sana makapagbasa ako ng mas marami sa site mo para malaman ko rin kung mas matanda nga ako sa ‘yo or contemporaries lang tayo, hihi. cheers!😉

  2. Pingback: Operant conditioning (matutong umiwas sa nakakasakit sa atin) « Chilledhoney's Blog

  3. “Bibihira raw ang taong walang kinikimkim. Lagi, may bahagi ng pagkatao ng taong huwag lang di masaling ay kikirot. May sensitibo siyang bahagi. May parte ng siyang bibigay sa kaunting sagi. At hindi raw laging may lunas na maaapuhap, hindi laging may lilim na masisilungan at hindi laging malapit ang lugar ng kaligtasan. Hindi rin daw madaling makatagpo ng uunawa. O, handang umunawa.” – super tama ka Ms. SSA, sa tagal ko sa mundo, sa dami nga aking nakasalamuha at naranasan sa buhay, esp yung naranasan, umaayon ako sa iyo, bata lang ang walang kinikimkim, minsan bata pa lang sugatan na ang damdamin at mas malalim yun at mahirap gamutin.

    tunay nga na masalimuot ang pakikipagsapalaran sa mundo, siguradong minsan o malimit tayo ay mapapaso o masusugatan kaya nga meron tayong mga defense mechanisms (by nature and ginagawa natin) subali’t mabuti na rin ang nasugatan at doon nabubuo ang ating pagkatao, ang malaman ang sakit at makayanan itong harapin at paglabanan upang buuin ang isang istorya ng buhay na may kulay at kabuluhan.

    Sus! nasagi mo ang aking puso na sugatan at akala ko pa naman ay napaghilom na ng panahon, kahit ano kayang gawin ay sabi mo nga kinikimkim at pag nasaling ay parang sugat na dudugo, sugat na kahit maghilom ay may pilat na magpapa-alala ng sakit at maaring muling dumaloy at maramdaman ang kirot.

    Salamat sa post, lubos akong naa-aliw sa iyong mga akda.😀

    • Hello, Ms. SJanima,

      salamat ho sa pagbabasa at sa pag-appreciate dito sa lathalain. ayon nga ho, bahagi siguro ng pagtagal dito sa mundo ang pagkasalubong sa mga hirap at dusang kaakibat ng pagkabuhay at pamumuhay. nasusugatan ang ating mga damdamin at pagkatao – sa mga pangyayari sa pamilya, sa mga ugnayan natin sa labas o sa ibang tao, sa mga hamong dala ng pursuits natin, ‘ika nga. kako nga, hindi lang lubak-lubak ang daan, matinik din at may spots pa roong walang ilaw at hindi mo alam kung nasaang banda ka na sa iyong paglalakbay. at tama ho kayo, mayroong mga bata pa lang ay kai-kainaman na ang dinanas, tila ang hirap nang gamutin at papaniwalaing sulit pa ang mabuhay ng may saysay at tutunguhin. tama ho kayo…🙂

      at oho, masalimuot nga. kahit pa nga ano’ng ganda’t husay ng intensyon at mga plano ng isang tao o kung gaano man siya katapang at katiyaga, may mga punto sa pakikihamok sa buhay na talaga namang siya’y mapapaluhod o mapapayupyop. sobrang bigat ang ibang episodes lalo na yaong may kinalaman sa mga pagkakasakit o kamatayan o di kaya ay pagtalikod ng kasamahan – ang mga iya’y mahihirap dalahin. minsan, gaano man karubdob ang paglalayon nating magpinta ng cheerful pictures and attitudes sa araw- araw, nahihirapan tayong gawin yaan ng tuluy-tuloy…. pero, kanyo nga, at some point, nakaka-develop tayo ng defense mechanisms, despite the odds or maybe, because of the odds.

      man or the individual will triumph in the end. his quest for life and enlightenment will save the day for him. iyon din ho ang sabi sa discourse ng romantic literature – man will overcome the odds of his baleful existence. ayon… ^^ marami hong salamat, am glad na naaaliw ng sulatin ang isang gaya nyong may pagka-been there, done that, hihi. ^^ regards…😉

  4. Nakakaiyak naman ito, at grabe ang haba ng comment nila hindi ko mapapantayan yan. Hakhak.

    Habang binabasa ko ay naiisip ko kung anong klaseng tao ka. Kung anong mga napagdaanan mo. Kung gaano ka nasaktan at nanatiling survivor. Haha. Naisip kita, kung paanong hanggang ngayon e gusto mong pag-usapan, alalahanin, o ibalik sa kamuangan mo ang mga nangyaring paso at tahi. Wala lang. Napaisip lang.

    At kung naisulat mo ito noong All Soul’s Day at para sa celebration of life, papalakpakan kita. Wala lang. Ibig sabihin, nakamove on ka na at ang mga alaalang ito ay hindi naging lason sa iyong utak. HAHAHAHA. Good job!

    Nakakatuwa yung mga impluwensya mo, gusto ko ding basahin. Hakhak. Ang nabasa ko pa lang diyan ay ang Self Reliance ni Emerson. Ang henyo.

    • hello, batopik, aliw ang comment mong insecure sa haba, hakhak din. ^^ ang lone commenter nitong post sa unang pagkalimbag, blogger in her early 20s. isang kilometro rin ang haba ng comment nya, hihi. ang tuwa ko sa kanya – isang comment na well-meaning at mahaba. ^^

      anla pa naman… may May Personalan page ako rito sa SSA, basahin mo minsan, pag di ka kabusyhan, hakhak. hmnn, medyo survivor na tipo nga. marami-rami ang pinagdaanan at may kahirapng intindihin ang resume sa unang basa, lols! tanungin mo ang mga HR ng sangkaterbang opisinang nagtapon nito sa basurahan, haha. ^^

      noong araw, may motto kami ng mga kaibigan ko – “bruised and battered but whole,” ayon… may mga sugat na hindi pa lubusang napapagaling… and blogging is one of my ways (in my attempts) to be whole again. not good as new perhaps, but serviceable, ‘ika nga. sa ngayon, efficiency and efficacy ko, hindi ka-level ng dating may pagka-superwoman pa, ahaha. sabi ko nga sa isang ka-blog, itong Mga Tahi at Paso, medyo Note to Self ko, ahaha. ^^

      hmnn…past the critical points na siguro, mas marami na ang natanggap at hindi na ganoon kahahapdi pero may mga kumikirot pa. at mayroon doong wounds na sobrang lalim, kumbaga. mas ako ang nagdadala at apektado… am trying to grow scales on my back, haha and naghahanap ako ng potion that will inure me to pains, hakhak. ^^

      hala, sobrang ganda ng Self-Reliance, as in… Emerson is one brilliant writer and thinker with very fine sensibilities, ‘no? kakamangha sya, may mga tao palang gano’n, hakhak.😉

  5. ilang beses na akong nasugatan at nasaktan

    nariyang napaso, nahulog sa puno at napilayan, nahulog sa andamyo at nakaapak ng malaking pako nakausli sa tabla at halos 1/2 pulgada bumaon sa paa, nadulas sa bubong at nabiyak ang sakong sa pagkahiwa sa alulod, nasemplang sa bike at nabakbak ang tuhod… at kung ano ano pang sakit na naranasan.

    isang sakuna sa buhay ang sa palagay ko’y mahirap mapawi at makalimutang dagli ang kirot… bukod tangi at tagos ang kirot sa buong katauhan.

    ang kirot na hatid…

    ng tinik sa dibdib. 😦

    • hala, haribon, ang alam ko lang sa ‘yo ay engineer kang mahilig mag-organic farming in between your projects and assignments. di ko akalaing may pagka-clumsy ka rin pala, lols, and accident-prone, kainaman.😉 literal na literal ang ‘yong mga tahi at paso, kapatid. suki ka sa emergency room?… ^_^

      ay, sus, kirot na dala ng sakuna ng dibdib, shaks! kakasakit nga marahil. bali-balita, isa iyan sa pinakamasakit, as in… matagal din daw maghilom, sabi-sabi. ^^ ako rin, pag personal relations, usually matagal maka get-over. nadadala naman pag day time, pero may moments when they bring me down, haha. tipong nakatigalgal lang. ^^ over time nagla-lighten din naman, sa tingin ko…😉

      hellow sa ‘yo and cheers!🙂

      • karamihan sa mga pisikal na sakit, naranasan nuong kabataan at kasagsagan ng kalikutan at pag ka curious na subukan ang kung ano anong bagay… di naman life treatening, mga anti-tetanus injections lang naman katumbas hehehehe.

        pero yung iba, lalo na yung nadulas sa bubong at napako ang paa ay naganap nuong kasagsagan ng pag nanais na gawing halaman ang bubong ng aking bahay…. no regrets at all. part of the learning experiences.

        ang tinik sa dibdib, akin ng napagtanto… isa lang ang makakapag lapat ng pang matagalang lunas… ito’y ang pagpaparaya at ang pag-babalik loob sa Lumikha ng Sansinukob…

        God Bless Us🙂

      • ahaha, ikaw na ang curious, ingenious and innovative, as in. hard-earned pala ang ‘yong mga sugat at paso, kainaman. ^^

        siguro, part ‘yan noong sinasabi ni kapatid na chilled honey na surrender the pains and bitterness. hindi ako masyadong religious na tao, kapatid. pero, wari ko may spirituality pa naman, ahaha. ^^

        warm regards and have a great week. salamat lagi sa mga dalaw at pagbabahagi. cheers pa rin!🙂

  6. kahit minsan hindi natin pwedeng tanggalin ang pag-asa na bubuti din ang lahat. Magiging ok din ang pakiramdam, maghihilom din ang sugat. Sa tamang panahon.

    “yong pagkalugmok minsan na di natin pwedeng iwasan, kadalasan yon ang nagpapatibay pagkatapos nun pwede na ulit ngumiti. Mas masaya kung may aagapay at magpapangiti. Haha! parang ok na ako.🙂

    • ahaha, bilang tao, di naman natin inaalis ang pag-asa. wari ko, may situations sa buhay na ang gravity, nagpapalipad palayo ng hopes natin at ng positive vibes. kung minsan, ang taas masyado ng odds kaya naduduwag tayo. tapos, ang takot na makagawa ng malaking pagkakamali impairs our judgment of the situation and the doable moves, kumbaga. ^^

      lagi namang naghahanap ng paraan para gumaling at maghilom, kapatid. but then, minsan, may mga sugat tayong di natin ma-locate exactly. ramdam na may sakit sa loob pero clueless sa location at sa nature ng illness and pain. ah, oo, as one goes along, dumarami ang pagkalugmok na not necessarily ikaw ang nag-decide, the blow may come from anywhere, sabi nga…

      depende rin yata, kung parang moog ang tibay ng pagkakagawa mo, you can parry the slings and arrows of fortune na parang wala lang. kailangan malaki ang source ng fortitude ng isang tao, haha.

      ilang buwan mo nang laging sinasabing okey ka na, hihi. okey na nga sana…😉 o, may bago nang nagpapangiti sa ‘yo, kapatid? ^^

  7. sa rami ng mga binanggit ng mga batikang bloggero/ a…ako’y may masasabi pa bang maituturing kong akin talaga…….nakakapaso naman ang mga puna sa nakatatahing-bibig na kwentong ito……hehehe

    • Salamat sa pagdaan uli, Mang Dorong astig. Pasensya na kayo, di ho ako gaanong nakakapag-bloghop lately… :c Hayaan nyo, pag makanakaw na ng oras ay sa inyo ako sisinsay, ahaha. ^^

      Kumusta kayo at ang inyong mga mahal sa buhay?🙂 Salamat po uli sa tulong sa pagsasalin.😉

  8. naalala ko isa ito sa mga unang blog na nabasa ko sa wordpress..isang balik tanaw…hindi pa ako marunong magcomment nuon pero nabasa ko ito..katuwa, kagaling ah..ito pala ang mga nuong panulat sa doon po sa amin😉

    • hello, Myr! may comment ka pala rito, aliw naman… oo, tama nga, isa ako sa readers ng blog mo no’ng nag-uumpisa ka pa, hihi. tanong mo no’n, paano mapalagay sa pahina para sa Bagong Lathala ng WP, haha… kako, magsulat ka lang na parang walang kailangang i-please o habulin. tapos, hala, nakikita ko na nga ro’n sa pahina ang posts mo,as in…naks, ikaw na ang mahusay at mabilis…😉

      • hahaha..oo ang laking tulong mo talaga sa akin. hindi ko naman maisasakatuparan ang lahat ng iyon kundi dahil sa malaking tulong mo..dahil dun nagpatuloy ang ang aking pagsulat na labis kong ikinagagalak, isa ka sa malaking haligi ng wordpress community..magpatuloy pa rin sa na ang pagtulong mo sa ibang blogger na nagsisimula pa lang..muli isang malaking pasasalamat..:-)

      • hey, Myr, parang kailangan ko yatang magpamisa sa mga sinabi mo, as in. Thanksgiving mass, haha. No problem. Marunong ka naman talagang magsulat, mahusay kang humuli sa panulat ng mga iniisip at pakiramdam. Pag nagtagal, ang kailangan mo sigurong makasanayan pa ay ang editing. Ang paulit-ulit at OC na editing, susi para lalo pang mapaganda ang mga sinulat… Pero, in the future pa naman ‘yon. For now, sulat-sulat ka lang muna. Gow!😉

  9. nagawi na ako dati pa kapatid…

    ‘Subalit ang araw-araw na pamumuhay raw ay tila walang-katapusang pakikihamok. Isa raw itong tuluy-tuloy na pakikibaka laban sa pagkainip, sa paulit-ulit na paghabi ng parehong disenyo ng buhay at walang-humpay na pagsalag sa mga hambalos ng kapalarang tila ayaw magbigay maski isang pulgada.’ — tumatak ‘to sa isipan ko dahil nong mga panahong yun, talagang nakikibaka ako laban sa pagkainip, sa paulit-ulit na paghabi ng parehong disenyo ng buhay sa araw-araw… I couldn’t have said that better… at ang pagpili na maging masaya, minsan yun lang talaga ang kailangan para gumanda ang tila nakakabagot na araw..

    medyo na-nosebleed ako, xadong malalim ang pinaghuhugutan hehe.. very nice read though, as always..

    kudos!

  10. hehe, salamat and pasensya naman. i should think na it’d come out as nosebleed, kapatid. been wanting to write about the topic for long – took me 24 years to finally do it, ahaha. ^^

    salamat sa pagdalaw and for rereading, ha. gusto ko ang last post mo, swak…😉 regards!

  11. Pingback: Doon Po sa Amin, balik-tanaw – mga kwento at tulang pumapag-ibig | sasaliwngawit

  12. Excellent post.Specially about romance .Thankk you for liking my post. (Customized ….) Best of luck.jalal

    • hello, sir Jalal… sorry i didn’t get to see this comment earlier. am very thankful you read this one. this is my exhibition piece, sort of, in this site. really glad you took the time to peek at it. thanks for the visits and the thoughtful comments. hope things are well with you. warm regards…🙂

  13. Wala akong masabi, Ate San. Tunay na isa kang henyo ng panitik. Nababanaag ang lawak at tayog ng iyong mga karanasan sa bawat pagtipa ng salita. Ang nakatutuwa pa ay natural at walang patid ang pagkakahabi, walang punit o tastas. Napakaraming konsepto ang naipasok mo subalit iisa ang tinutumbok.
    May katotohanan ang lahat ng nabanggit mo lalo na ang pangwakas na linya na: “We are the survivors.”
    Tunay nga na dapat parangalan ang lahat ng taong bagaman sugatan at napilatan ay patuloy pa ring humaharap sa daluyong na hatid ng araw-araw na pakikibaka. Isang paalala ang lathalaing ito para sa ating lahat. Salamat Ate San. Salamat sa lahat ng inspirasyon.

    • hello, pusa… natutuwa ako, you took the time to read this. salamat. thanks also for the papuri maski sobra, hihi.🙂 hindi henyo, ano ka ba… it took me 24 years to finally get this together, kapatid. feeling ko, ang genius won’t take that long, hihi. when i finally sat down to write the piece, mabilis lang naman. but you could say that the data gathering took decades, hahaha.😉

      oo, hahaha. kamukha ni Frankenstein ang survivors ng buhay, kainaman na… sabi rito, that the human being will prevail, ahihi, no matter the odds. btw, doon sa English site, i wrote something short but culled straight also from romantic lit – wear a smile and walk in the sun ang title. basahin mo minsan, ahaha. salamat for all the kind words. hope you are alright and well. cheers!🙂

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s