Para sa Minsa’y Naroroon

image of a house fence overlooking a mountain view

Tatawid ng mga bayan, ilog at mga bundok para makamit ang hangad/ http://www.123rf.com

 

 

 

 

 

 

 

Kung para sa pag-ibig, binagtas mo ang limang kilometro

Sa gitna ng ulan at mga paghuhuramento ng kulog

Nagngangalit ang langit, tila mga ulap, pinupunit

Sa maputik na daanan sa isang tagong kabukiran

Kung para sa pag-ibig, tinawid mo ang humuhugos na ilog

Patalun-talon sa mga higanteng batong-buhay

Umakyat ng tatlong bundok

Na nagwawalay sa bahay ng kanyang ama

Mula sa lansangang hintuan ng bus sa isang bayang patay

Kung para sa pag-ibig sa kanya, nagtiwala ka sa di-kilala

Lango sa tuba, siyang sa iyo ay naggiya

Nagbitbit ng iyong bag, kapalit ay munting salapi

Habang suot ng iyong mga kamay, sapatos na sapin

Noong isang hapon ng kawalang-katiyakan

Habang papagapang na ang gabi

At di mo alam kung may hahapunanin

(Kung wala, magpapalala sa asim ng sikmurang sadyang karamdaman)

Sino’ng makapagsasabi

Kung iyon ay katapangan o kawalan ng ingat?Β 

At hindi mo kayang kalasin

Tulad rin ng pagtandang di kayang pigilin

Ngumiti ka, talos ang pagpaparaya ng panahong nagpapalimot

Anuman yaong labas sa pag-ibig na pumukaw sa iyo

At sa bundok na niyayapakan ng iyong mga paa.

Nilupig ng ulan ang alikabok ng tag-araw

Malugod mong tinanggap maging ang pangangaligkig ng katawan

At kung saan ang hapong kalamna’y dapat mamahinga

At damhin ang kaigayahan

Ng isang larawang kalahati pa lamang ang hugis,

Ang diwa ay marapat na magpatuloy

Sundan ang katotohanan hanggang sa dulo ng bangin – at malaman:

Wala siya sa tahanan ng kanyang ama.

Ang umuugong at nag-aalburutong ulan

Marahil ang nagsabi sa iyo

Ang paghihintay ay mauuwi sa wala,

Subalit hinintay mo siya ng buong gabi.

Ang iyong nalinlang na paghahangad

Pinagkamalan ang bawat hampas ng ulan

Na tunog ng kanyang mga hakbang.

Sa dilim ng gabi, wari

Ay pagaspas yaon ng saya niyang basa ng tubig

Mula sa mga sangang ipinugong ng gabi

Ang pormal at malinaw ang matang kwago

Nag-anunsyo noong pagdatal ng sandali.

Naiwan kang tanging labi ng baga ng pangarap ang kapiling

Upang noo’y mabatid, kasabay ng ulan

Ang pagtatapos ng takas na tag-araw. πŸ™‚

 

image of sun rising by early morn

Darating ang mga sinag ng umaga, matapos ang nagpupuyos na ulan ng gabi/ zzanyy.blogspot.com

 

 

 

 

 

 

 

 

– Ika- 4 ng Hunyo 2013

Salin ng tula, To One Who Was There

ng makata, Ginoong Anthony Tan

 

* Ang tula ay unang isinalin at inilathala ni thoughtpick o LJ de leon sa kanyang blog noong ika-9 ng Mayo 2013, may pamagat naΒ Para sa Minsa’y Naroroon. Nabasa yaon ni ssa at hiniling niya kay ka-blog, ilathala rin sana niya ang orihinal na English version…

Nang mailathala ni ka-blog ang sipi ng To One Who Was There, nabasa ni ssa at naisipang gumawa rin ng sariling salin, hala pa… Nagawa naman (ang kopya ay nasa itaas). Ayon lang, ang layo sa ganda at husay ng original, ahihi. Paanong gagawin? πŸ™‚

At, di hamak, mas mahusay ang salin ni ka-blog LJ. Mas maalam tumula ang ka-blog na ito sa ‘kin, sabihin ko sa inyo. Siya na ang nakakaalam – ano ang desire, hihihi. Di nga, pansinin at pagkumparahin ang dalawang translation, lalo sa bahaging pagaspas ng saya, ahihi.

Mas maganda ang kanyang salin. Mas alam niya, sya na… At kung tutuusin, iyon wari ang heart ng composition – Β Paano ang pakiramdam ng isang naghahangad? Tila lahat ng bagay ay pumapatungkol sa iniibig. πŸ˜‰

 

Maligayang Buwan ng Wika, mga kapatid, ka-blogs, kababayan… πŸ™‚

 

 

 

Advertisements