Walang bukas

 

There is no tomorrow. Iyan ang motto ng isang fraternity na nakasulat sa mga kalsada ng Kamaynilaan mahigit dalawampong taon ang nakalilipas, noong ako’y babagong salta pa lang sa Maynila. Nag-marka ang pangungusap sa batang maputla’t payating nag-aalam pa lang noon kung saan-saan ang mga kantong sakayan ng bus at dyip sa pinakamalaking lungsod. Ano kaya ang ibig sabihin? Bakit kaya ganoon ang kanilang paniniwala sa buhay? Wala nga bang bukas? Puro ngayon lang? Naitanong ko sa sarili at sa iba pang tao, nang magkaroon na ako ng mga kakilalang laking Kamaynilaan mismo.

 

image of a wall with same writings all over

Bali-balita, paulit-ulit lang daw ang bukas. Siyanga? / janchristensen.org

 

Marami raw iyong ipinapakahulugan, sabi. Maaari raw na ang ibig sabihin ay malupit ang mundo, tila isang gubat, kaya walang dapat na asahan. Maaari rin daw  namang ang ibig sabihin ay gawin na natin ang lahat ngayon, sapagkat ang bukas ay di sigurado. Pangungusap rin daw iyon ng kawalang-pag-asa o iyong sinasabi sa English na despair. Pero ang tanong ko sa kakilala kong mamang late 20s na, “Bakit, mukhang bata  pa naman sila?” Ang tinutukoy ko ay ang mga kabataang miyembro ng fraternity na iyon, na nakikita kong madalas ay nagkukulumpon noon sa mga kanto-kanto ng komunidad o kaya ay sa gilid-gilid ng mga campus, madalas ay nakasuot sila ng damit na kulay-itim.

 

Ano kaya ang dahilan para sila ay maging desperate? Kung titingnang maigi, mas marami  nga sa kanila ay tila laking-mahirap at mula sa sinasabing urban poor communities. Maiilap lagi ang kanilang mga paningin, iyon ang isa pang bagay na napansin ko sa mga kasapi ng organisasyong iyon.

 

Huling mga taon ng dekada otsenta noon, ilang taon matapos umupo ang bagong gobyerno, ang kapaligiran ng Kamaynilaan ay may kakaibang sigla. May kung anong panibagong enerhiyang gumagatong sa mga tao, tila nagsasabing masarap mangarap at mayroon noong – bukas. Iba ba ang mundo ng mga kabataang nakasuot ng itim? Wala nga bang bukas para sa kanila? Sino ang nagkait sa kanila ng hinaharap at bukas? Hindi ba maaring hingiin o kunin muli o agawin kaya? O, baka hindi lamang nila iyon makita, baka pwede silang paliwanagan o papaniwalain? Kapatid, bansa natin ito, dito tayo ipinanganak at lumaki, sama-sama tayo ritong gagawa ng bagong bukas…

 

Pero, kako nga, maiilap ang kanilang mga mata. Hindi sila basta-basta nakikipag-usap. Lalo na, kung ang pag-uusapan – ang paksang bukas.

 

image of a young person who isn't hopeful about tomorrow

Mayroon din nga bang bukas para sa kabataang tila tinakasan na ng pag-asa?/ blackroseanarchy.wordpress.com

 

Siyanga pala, hindi ko na nakakakitang nakapinta sa mga sahig at gilid ng kalye ng Kamaynilaan ang motto ng nasabing organisasyon ngayon, pati na ang kanilang logo. Natagpuan na kaya ng mga kabataang iyon ang bukas o tama kaya sila – wala talaga nito? 😉