Huwag mong isiping ganoon uli

image of tree branches, viewed from the grounds

Ano nga ba ang binabalikan natin sa nakalipas?/ atributeoflove.wordpress.com

Para ito sa mga mahihilig o kaya ay nangangahas na magbalik-tanaw. Para roon sa mga may gustong hulihin sa nakalipas. Iyong mga nagsasabing  “maski sa alaala man lang.” Maski sa alaala man lang ay makabalik, matahak muli ng minsan ang daan patungo sa kahapon o, sa kailan lang o, kaya, sa kanina. Hindi madali ang tumuntong muli sa landas patungong ibaba kung malaon nang nakarating at nanatili sa ilaya.

 

Paano nga ba ang bumalik? Saan nag-uumpisa? Sa gitna, sa dulung-dulo o sa pinakamalapit – sa kai-kailan lang? Pinipili ba ang mga bahaging babalikan? O, sinasala – iyong mga magagandang detalye lang ang isinasali? Nilalaktawan ba ang mga parteng pangit, masasakit at mapapait? O, buong pusong tumatalon, lumulusong at nagbababad sa mga iyon?

 

May taning ba ang oras? Maaari bang magtagal sa ilang sulok at mamahinga muna roon? Maglimi-limi, maglungkut-lungkutan, manangis? O, mabilisan lang silang tatahakin? Dagli, para lang pagaspas.

Nakakabihag ba ang nakaraan? Mahigpit ba kung ito’y manggapos? O, mayroon doong bitag – naiwasan dati, baka hindi na ngayon? Kaya bang kalagin ang mga lumang tali? Kayang kalasin ang mga dati pang buhol? Kayang tudlain ngayon ang mga hindi nasapol dati?

 

Sa pagbabalik, anu-ano ang doo’y masisilayan? Sinu-sino ang sasalubong? Mayroon pa kaya? Babatiin ba ang nagbabalik ng mga halakhak at yakap? O, hindi na siya kilala ng mga binalikan? O, wala na rin siyang namumukhaan? Kapwa nangangapa na lamang. Nananantya. Naputol na kaya ang mga ugat, humina na ang hawak, humulagpos na ang kapit?

 

image of wild grasses with blooms

Maaring may naglaho at may bagong tubo/ beyondthefieldsweknow.org

Sa paghakbang pabalik, maaring iba ang sa tao’y tatambad. Marami na sigurong nabago. Iba na. Mayroon doong mga namaalam na. May mga hindi na nakuhang magpaalam. May mga tumakas. May mga naiwan, naiwang nakatulala. May mga naghihintay na sila ay balikan. Mayroon doong kumupas, nanghina at may naglaho. Maaari ring may bago nang tumubo, nag-ugat at lumago.

 

Isasalarawan ba natin ang pagbabalik? Ilalagay sa dokumento? Kukunan ng larawan? Isusulat sa talaarawan? O, huwag na? Ituturing na lang nating isang adventurous meandering into the past? Pasasaan ba’t mahahanap din ang daan palabas, ang pintong puno ng liwanag ng ngayon? O, sasabihin ba nating ang pagbabalik ay isang self-congratulatory endeavor, isang pabuya sa sariling malaong nagtiis? Isa ba itong mission, isang pagsubok na kailangang malampasan bago ibigay sa marapat ang gantimpala, bago ideklara, “Oo, ikaw nga ang panalo!“?

 

Maraming dahilan kung bakit ang isang tao ay nangangahas bumalik. Maaring para doon sa nakalipas ay komprontahin ang mga sa kanya’y ayaw magpatulog. Maaring para kilalanin ang mga pangayayaring nagtulak sa kanyang paglisan o paggaod. Maaring para silipin ng minsan pa ang mga bagay at taong kanyang tinakasan sa isang lugar at panahon. Maari din namang para ipagmalaki ang kanyang mga nalampasan at tinawid. Maaari ring para balikan muli nang sa gayo’y buong tapang na masabi, ” Ganoon nga kasakit, ganoon nga kalalim, ngunit binuhay pa ako ng mga karanasang iyon.”

 

Ang pagbabalik ay isang pakikipag-tuos, an accounting of sort, so to speak. Sa kasamaang-palad, hindi lahat ng naisusulat at natutuos ay nangangahulugang nagugol ng maayos. Anupa at hindi lahat ng bumabalanse ay nangangahulugang ang nilalaman ng tala ay sulit o patas. Maaari pa ring may daya.

 

Sa kabutihang-palad, ang pagbabalik ay maaring pagtahak sa parehong landas ngunit hindi eksaktong pagtuntong sa dati at parehong mga hakbang. Karaniwan, napagtatantong iba na ang landscape ng lugar habang iba na rin ang katauhan ng taong nagbabalik. 🙂

 

image of a meadow teeming with grasses

Parehong daan ngunit iba na ang itsura ng paligid/ performancefootprint.co.uk

 

Advertisements