Ibang Silip sa Sta. Mesa, part two –

image of PNR lines, along Sta. Mesa area, before said lines were cleaned up

Home along the Riles ang karaniwang tawag sa mga ganito/ nl.wikipedia.org

Ang mga tao sa Sta. Mesa, combination ng old Manilenos at mga promding bagong-salta sa lunsod. Ang dami kong kakilalang nagsasabing ang breaking-in nila sa Kamaynilaan ay dito nangyari, sa vicinity ng Sta. Mesa. Dito sila unang natutong mamalengke sa Maynila, mag-date, madukutan, mapaaway – lahat na. Dito sila pumirmi habang nag-a-apply ng eskwelahan sa kolehiyo at dito rin, habang naghahanap pa ng trabaho. Lagi pa ring puno ang simbahang Katoliko roon sa Sta. Mesa church pag may misa, sari-saring klase ng taong lungsod ang makikita mo roon.

 

At ang isa pang nasilip ko, noong bandang 2010 yata, ang likod pala ng mga bagong-tayong commercial buildings sa kalye ng Teresa ay slum na slum pa rin ang itsura at lagay. Iskwater, sabihin na natin. Patatawarin… As in, pag pumasok ka pala sa mga pasilyong makikipot roon, putikang kai-kainaman pa rin at talagang sub-standard housing at pamumuhay ang babati sa iyo, hindi nga… Ang dumi pa rin, ang daming batang naglipana at siksikan, maski saan ka tumingin. Ayon, medyo window-dressing din pala ang commercialization na nangyari, sa medyo low-end nga lang na setting. Iyon.

 

Noong araw, isa sa famous landmarks ng Sta. Mesa ay ang Famous. Laundry Shop ito along Ramon Magsaysay. Kulay dilaw ang signage, itim naman ang kulay ng mga letra ng pangalan ng establishment. Andoon na ito sa pwesto nya, 30 years ago, munting bata pa lang ako noong nag-aaral ng  elementarya sa probinsya. Pag iniluluwas ako no’n ng mga ate ko, pag nakita ko na itong laundry shop, sinasabi ko sa sarili kong malapit na kami, haha. Malapit na nga.

Anyway, andoon pa rin until now ang Famous. Sikat pa rin syang palabahan and dry cleaning shop. Pero, ang signage nito, suggestion lang, haha, could really use a replacement. Kumbaga, may pagka-institusyon na ang dating nito para sa mga sanay sa Sta. Mesa. Doon ito sa bago umakyat ng flyover ng Sta. Mesa, pag galing ka sa bandang Nagtahan o Quiapo, sa kabilang side. Yown.

 

Pasensya na kayo. Medyo nangangahas akong magsalita kasi, apat na nakatatanda kong kapatid ay sa Sta. Mesa nag-aral at tumira. Ako, nakatira rin dyan sumandali, kulang-kulang isang taon siguro. Pero doon na ako sa malapit sa R.M. Magsaysay, doon sa parteng hindi masikip at matao. Hindi sa mismong bituka ng Sta. Mesa, kumbaga. Nang makailan, lumipat na rin kami lahat ng tirahan, hindi na sa siyudad ng Maynila. Kaya siguro, kahit paano, may comparison, may appraisal – kung paano sa Maynila at paano sa hindi Maynila.

Hindi sa hindi na ako, kami, nagagawi sa Sta. Mesa. Madalas pa rin kaming dumaraan doon. Pero iyon, daan lang. Hindi talaga humihinto. Pag pauwi kami sa probinsya, kadalasa’y may dalang sasakyan, doon pa rin kami lumulusot sa isang hotel ng Sta. Mesa, sa driveway kung saan magbabayad ka ng piso para makatawid papuntang kalsadang didiretso sa “Bagong Tulay,” tulay na bago pa rin ang tawag makalipas ang dalawampo o higit pang taon.

 

image of Pandacan Oil Depot, view from a vehicle passing thru Sta. Mesa bridge

Daan muna sa bituka ng Sta. Mesa bago ang tulay patungong South SuperHighway/ recordzholder.blogspot.com

 

Sa tulay na nasa ibabaw ng Pandacan Oil Depot, ang tamang pangalan yata ay Zamora Bridge, magandang pagmasdan ang paglubog ng araw sa Kanluran. Gayundin, ang kapiraso ng artery ng Pasig River, ang mga tangke ng langis ng The Big Three companies at ang mga bahay ng mga taga-Pandacan na nakatayo sa paligid nito.  Iyon ay bago ninyo salubungin ang di-kaluwagang trapiko sa may bandang Plaza Dilaw, papunta sa Quirino Avenue para makarating sa South Super Highway.  Sa Sta. Mesa kami dumaraan madalas, para sa ika nga’y short cut.

 

Pero, kailan lang, bumaba ako sa bandang V.Mapa para doon mag-abang ng masasakyan, sa pag-aakalang doon maraming taxi. Mali pala. Hindi rin. May sakay na yata lahat ng dumaan. Kaya pinili kong maglakad at umikot sa lugar ng mga motel, papuntang Teresa. Baka sakali, mas madaling makasakay doon. Habang naglalakad, kinansela ko na ang aking appointment at ini-reset iyon para sa susunod na linggo.  Tapos, ginawa ko nang medyo leisurely ang pace ko, pamasid-masid sa paligid.

Sinubukan kong ikumpara ang itsura ng iba’t ibang driveways sa bawat  motel na aking nadaraanan. Ahaha, mas maunlad ito ng kaunti sa kinasanayan kong kakulitan dati – tandaan kung alin sa establishments na ganito ang may libreng fried chicken at alin ang may libreng crispy pata, ahaha. Pag Econo-room at pag room na pang- quickie, walang libre, haha.

 

Pagtingala ko sa kabilang parte ng kalsada, natanaw ko ang isang kakaibang establishment, ang Concordia Children’s Services. Isa itong shelter para sa mga bata – ampunan o tipong halfway house – para sa mga batang pinabayaan, iniwanan o tinampalasan. Katabing-katabi ito ng isang hotel, as in, close sila, haha. Motel na malaki naman ang halos katapat ng Concordia, doon na ito halos sa may pagliko papuntang Teresa area.

Naalaala ko tuloy na sa papuntang Greenhills, sa may Pinaglabanan, may ganito rin, ‘yong White Cross naman. Pero mas malaki ang White Cross at maari ring sabihin, mas well-funded and better-situated, kumbaga. Tulad ng Concordia, mga madre rin ang nag-umpisa at nagpapatakbo ng ampunang iyon. Hindi ko alam, pero naaliw ako noong masilip ko itong Concordia, parang eyesore na hindi mo mawari, sa gitna ng mga motel at hostels. Haha, kainaman.

Paglakad ko pa ng konti, bago ko marating ang Chowking sa may harap ng Pureza, nakita ko naman ang signage ng Gloria Dei. At ilang hakbang pa, ang Lutheran Center naman. Hindi ko akalaing kung ilan pala ang religious centers sa lugar ng Sta. Mesa. Dati, ang alam ko lang, may simbahang Katoliko nga, nakasimba na ako roon ng kung ilang beses.

 

Tapos, ang alam ko pa, nasa Sta. Mesa rin ang compound ng Communication Foundation for Asia o CFA. Malaki ito  – ang isang entrance, nasa bandang Ramon Magsaysay. Ang isa namang pasukan, nasa bandang Old Sta. Mesa, tipong grand and magnificent ang gate, haha, very imposing, paakyat sa matarik na driveway, papasok ng compound. Nakapasok na ako sa CFA, siguro, 20 years ago pa, nag-solicit yata kami ng sponsorships sa ilang opisina roon. Anyway, ang alam ko, bukod sa evangelization and fellowship, charity rin ang isa sa mga layunin nitong CFA.

At iyon, pumasok sa isip ko ang isang posibilidad – na maaari ngang ang Sta. Mesa ay isa sa mga lungga o sentro ng tradisyunal na charity missions ng religious groups and formations, maski noong araw pa. Bilang isa sa mga kilalang depressed areas, dito nga naman matatagpuan ang malaking bilang ng mga taong marginalized o iyong nabubuhay sa gilid-gilid, sa mga lusak at pagbabasura, sa pagpuputa o pagpapalimos, sa pagnanakaw at pagbibili ng mga ninakaw.

 

image of two children living in a depressed area in Manila

Ganito ang imahe ng tirahan sa likod ng commercial buildings/ manila.tumblr.com

Naandito nga pala sa Sta. Mesa ang mga kabataang maliliit pa ay nalisya na ang buhay. Naandito ang maraming nangangailangan ng kalinga at tulong sapagkat sa lipunang abala at ang mga tao’y laging naghahabulan at naggigitgitan, madali na ang ilagay na lang sila at ang mga tulad nila, sa tinatawag na stereotypes. Sila ang mga nakakasulukasok na elemento, mga elementong mas mabuting iwasan at mga elementong tila ang buhay ay walang patutunguhan.

Ganito rin ang plight ng marami sa bandang Leveriza sa Pasay at gayundin sa sikmura ng Tondo, dalawang lugar kung saan naroroon din ang maraming charity missions, mga kanlungan at takbuhan para sa mga kabataang naliligaw. Nakarating na ako noong araw sa parehong lugar – sa Tondo at Smokey Mountain dahil sa immersion programs noon sa aming religious org., noong ako’y estudyante pa, at sa Leveriza naman, dahil iyong isang klase namin noon, naki-party  sa loob ng isang araw sa isang shelter doon. Shelter iyon para sa mga batang ginahasa.

Mga outreach programs, iyong activities na ang reaksyon mo pagkatapos ay manlumo at maalibadbaran kaya una, ang gusto mong gawin ay maligo at mag-party, haha, magpakabango at magpakasaya. O, kaya pangalawa, magalit sa sarili sapagkat naramdaman mong kulang ang isa, dalawa o tatlong araw ng pakikisalamuha para meron kang maiambag, kahit paano para pagaanin ang sitwasyon ng iba na ang layo sa iyong kinamulatan at kinasanayan. Iyong biglang nag-hit sa iyo –  shaks, may gano’n pala!

 

Howkey, enough of bleeding heart sentiments… Sa kasaysayan, naks, may kasaysayan talaga, na-feature itong Sta. Mesa dahil ang isa sa mga radio stations na nag-broadcast laban kay Marcos ay andoon sa Sta. Mesa, sa R.M. Magsaysay.  Manood kayo ng tv features tungkol sa EDSA I, naando’n. Nagkukwento ang isang journalist kung paanong sila ay on air pa, habang alam nilang andyan na’t papakyat sa tower ng istasyon ang mga pwersang magti-take over, para hindi na sila makapag-broadcast. Yown! (may karugtong)

 

Advertisements