Ang lugar sa panulat

 

Hello, ka-blogs… Ang tagal na, di ko pa natutupad ang pangakong magsulat uli tungkol sa isang mataong lugar sa Kamaynilaan. Ahaha, kalye ng Nakpil sa Maynila o, Cubao sa Quezon City, senga? Ayan ata ang nabanggit ko sa inyo dati, inaambisyon ko, whehe. Pasensya na, wala pa – di ko pa naiintindi… 🙂

 

Image of Mabini street in Manila

Nais nating dalhin ang mambabasa sa isang lugar, sa isang panahon at ipadama sa kanila ang ating naramdaman/ http://www.aladdin.st

Ang huli pa, yong Sa Mabini Tayo Pumadpad, sa Maynila rin… Hindi nag-click ‘yaong post sa ka-blogs, hihi. Intense yata ang naging dating sa readers? Pero, sadyang gano’n ang itsura ng Mabini noon, ganoon ang ambiance… Maraming mga sundalo roong puti, andoon pag off duty. Actually, after ko iyon i-publish, nakabasa ng ilang blogs ng mga puting madalas doon noong araw. Nahiya naman ako, ang mild ng kwento ko, hahaha. Mas makukulay ang sa kanila, di nga… Iba ang description nila — lugar daw iyon kung saan nila hinuhubad ang restraint, sabihin pa…

 

Bago iyon, naunang naisulat at nailathala ang Ibang Silip sa Sta. Mesa. Maraming salamat sa mga kapatid na matyagang nagbasa ng may kahabaang o istorya, haha. 🙂 Ang background story ng post, inilagay ko na pala mismo sa loob ng akda… Mas nauna pa roon, ang kwentong Recto at Avenida. Ang Recto, malapit sa loob ng blogger dito, true. Dyaan ako unang dinala ng ate ko pagtutuntong ng Maynila, yihee! Oo, nasa elementary pa me noon at nanood kami ro’n ng sine… Wow experience na ‘yon sa akin, that time, hihi. Ang sine? Zapped, si Ralph Macchio ang bida. Aysows, tanda pa talaga… 😉

Ang Avenida, malapit din sa akin… May dalawang ate (ibang mga ate), salesgirls sila noon ng pantalon sa Uniwide Carriedo, along Rizal Avenue. Ayon, madalas ako noong gumawi sa Avenida… Pinupuntahan ko sila, after class o basta bakante. Parang namamasyal na rin, nag-iikot sa department store, nagtitingin-tingin. Minsan, hinihintay ko sila, sabay-sabay na pag-uwi. Bonding na namin ‘yon… Working students sila – wala kaming gaanong pagkakataong magkita at mag-usap. Bale, si young sister nila ay naglilikot – habang sila, naglilista ng imbentaryo. 😉

 

Hindi ko alam kung ilang porsyento ng sarili ang interesadong balikan yaong mga lumang panulukan sa Maynila – mga landas na tinahak ng pares ng paang gala, noong unang tatlong taon sa Kamaynilaan… Ilang porsyento ang napukaw dahil sa kwentuhan namin ng isang ka-blog sa email, tungkol sa mga eksenang unang bumungad sa paningin, pagtuntong sa sentrong lungsod ng bansa… Ilang bahagi ang galing sa curiosity, ilan ang dala ng nostalgia para sa isang luma ngunit pamilyar na lugar at, ilang bahagi ang nangungulit lang, naghahanap ng updates? Hindi ko alam…

 

Image of a creek in a small, distant village

Ang lumang sarili ay bumabalik sa isang lugar, dala ay bago na nga bang pagtanaw?/ enchantedinkpot.livejournal.com

 

Medyo matagal ang the making ng nasabing lathalain… Tatlong beses kong dinalaw ang nasabing avenues para sa sanaysay. Pag sa kasalukuyan titingnan, parang ang weird… Maluho at makain sa oras ang bumalik sa isang lumang lunan – para tahiin muli sa alaala ang dati pang panahon at pangyayari – para ikumpara sa anong meron sa ngayon. Ang unang punta, sinadya talaga, haha. Ang ikalawa at ang huli – galing sa ibang lugar, hindi dapat doon mismo dumaan… Pero suminsay nga at nagmasid – sa magka-krus na panulukan – dinama ang paligid, minasdan ang mga tao roon at kinapa ang sariling pakiramdam.

Isa roon, galing ako sa probinsya. Pagdaan sa lugar, umupo sa Little Hollywood restaurant at um-order ang inyong lingkod ng kape. Hindi lang dahil sa mahilig sa kape, haha, pero kailangan ko ng masusulatan, hihi. So, nagkape nga, kahit kainitan – para maka-avail ng table tissue o napkin, susulatan ng observations. Whehe, aliw na buhay ng isang aspiring writer… So, ayon, sa magaspang na tissue ng kainan naisulat ang notes para sa Sa May Kanto ng Avenida at Recto, ahaha. Classic? Mahigit dalawang linggo sa bag ang kumpol ng papel, dala ko yata maski saan. Kainaman na…

 

Image of a painting of a frontyard of a house

Ang istorya ay maaring mangyari at umikot sa isang tagong pook, sa isang munting sulok/ howtoplanwriteanddevelopabook.blogspot.com

Pag tayo ay lumilikha o nagsusulat ng sentimyento natin para sa isang pook, alin-alin ang isinasali, inaalis at iniiwan?  Sabi, mas impressions na lang ang practical na itala at ihayag sa ngayon.. Capture the scene in that one moment, we are in a constant flow. Sabagay, mahigit 20 taon na rin… May masasabi pa kayang bago, may maidadagdag pa sa mga naihayag at naitala na ng iba, may bagong liwanag pang magpapakita muli sa nasabing lunan? Ang lugar ay minsan pang silipin, masdan, i-appreciate at damhing may pagkukuro… Paano magka-ugnay ang lugar at ang nagsusulat – napadaan lang, sadya dating pinupuntahan o naligaw lang? Paano ipapaabot sa mambabasa ng isang nagsusulat o lumilikha ang damdamin niya para sa isang lugar?

 

Sa nakaraang post, naikwento ko si Eudora Welty, tanyag na regional writer na tumanggap ng Pulitzer Prize. Kilala siya sa husay niyang maglarawan ng lugar sa panulat. Sabi niya, kung wala raw lugar sa sulatin, walang kwento… Ang galing niya sa pagbibigay-buhay sa lunan ang pinilit gayahin o higitan pa, ng manunulat na si Alice Munro. Kakaibang mag-render ng isang pook sa panulat si Munro, tila bawat isang sulok doon ay iniilawan… Ang kapansin-pansin, matingkad ang elemento ng panahon sa kanyang writings – time element. Habang binabasa, mararamdamang ang characters ay nanghihinayang, nagugulat o, nagmamadali, para habulin – ang sandali – lipas na o papadating pa lamang?

Matingkad rin sa sulatin ng iba pang mga manunulat ang lugar sa kwento – ang setting… Nakilala ang mga panulat ni Miss Read sa Inglatera dahil sa kanyang fictional village – ang Thrush Green. Sa America, napamahal naman sa laksang tao sa maraming dekada ang manunulat at radio talent na si Garrison Keillor dahil sa kanyang fictional suburban community – ang Lake Wobegon. Tinanghal sa buong mundo ang galing ng panulat ni John Steinbeck dahil sa kanyang fictional na pamayanan – ang Salinas Valley. Sa kanilang mga sulatin, binuhay ng mga may-akda ang mga pangyayari at tauhan – sa isang tiyak na setting – pinuntahan, ginalugad at tinuklas din sa imahinasyon ng milyong mambabasang napukaw.

 

Image of a painting of an old kingdom in a distant place

Noong unang panahon, sa isang malayong kaharian…./ englit-debs.blogspot.com

 

Kung ilang ilang dekada na ang layo natin sa mga nabanggit na authors. Isandaan hanggang 150 ang nakakaraan, popular ang nobela bilang anyo ng panulat at babasahin. Sa ngayon, mas coffee table books na … Kadalasan, binabasa na lang sila mula sa Kindle o sa tablet, tinitingnan na lang sa gitna ng paghihintay — sa meeting, sa sasakyan o sa in-order na inumin at pagkain. Mas maiksi at papalit-palit na rin daw ang attention ng mga nagbabasa, sabi… Bilang mga taga-kwento at tagagawa ng istorya, mahalaga pa ba sa atin ngayon ang lugar sa panulat? Paano natin iyon ipanapaloob sa entries – kuhang larawan man, tula o sanaysay – taglay ang mga payak nating iniisip at pakiramdam, pagkukuro at kapirasong pagkamalikhain? Paano natin hinahabi ang kamunting kwento, magpapasabi sa titingin o babasa, “Ay, gusto ko ryan. May naalala ako bigla…” 😉