ulan sa puso at iba pang mga tila walang saysay na panimdim

 

Hello, mga ka-blog… Kumusta kayo? Kumusta matapos itong bagyuhan ng mga nakaraang araw? Humigit-kumulang, dalawang linggo na halos na tuluy-tuloy ang buhos ng tubig, parang walang puknat ang mga patak. Hala, hindi pa tapos magpatuyo o magpagpag man lang ng mga nabasa, hayan na naman, bubuhos uli… ūüėČ

 

image of a woman walking in the flood

Isang kakaibang karanasan palagi ang tag-ulan sa Pilipinas/ updatednews.ca

Mahilig ba kayo sa ulan? Ako, oo. Sobra… Pero, siyempre, di ko rin gaanong gusto ang inconveniences na dala nito, hihi. Mahirap kaya laging mag-byahe basta tag-ulan? Tapos, nakakabasa pa – sapatos, damit, likod… Tapos, ang buhok, parang sa basang sisiw lang, as in… At, higit sa lahat, mabagal ang daloy ng trapiko, parang di umuusad.

Ganoon pa man, mahilig pa rin ako sa ulan. Sa akin, lagi itong may may dalang ¬†sayang di ko mawawaan, di-mailugar… Siguro, natutuwa ako sa pangyayaring dinidilig nito at ginagawang parang bago ang mga damo, mga halaman at mga puno. Nagagawa nitong sariwa ang mga bagay na may buhay. Nalilinis din nito ang paligid. Ang sarap masdan ng mga kalsada pagkakatapos ng ulan – para silang naligo, parang nakasingaw at kapag sila’y natuyo na, para ang mga yaong binihisan, ahaha.

 

Pero, kung tutuusin, ako rin ang taong mahilig sa tag-araw. Gusto ko rin ang summer maski pa mainit. Gusto ko yaong nasisikatan ng sinag ng ginintuang bolang pagkalayu-layo ang bawat kaliit-liitan at katagu-taguang mga sulok, ang pagmukhaing tila anong liwanag ng lahat at para bang ang mga suliranin ay kayang hanapan ng lunas – sapagkat andiyan ang araw.

Tila ayaw niyong umalis, walang puknat ang init at walang patawad kung suminag si haring araw kapag tag-araw… Iyon lamang, bago pa ng isa maisingit ang mga binalak gagawin at pupuntahan sana, ayan at andyan na pala ang ulanan sa mga hapon. Nagsasalubong ang init at ambon kapag buwan ng Mayo.

 

Kung minsan, iniisip ko, mahilig lamang talaga ako sa kalikasan, sa nature. Laki kasi akong probinsya, nagkaisip sa isang liblib na baryong laging mahamog at maginaw sa umaga. Mahangin din doon sa lugar namin at berde pa, maski saan ka tumingin. Hindi kalbo ang mga bundok na natatanaw sa di-kalayuan.

 

image of a creek where floodwater is flowing

Karaniwang sinusundo muna ng ulan ang tubig sa sapa/ flickrhivemind.net

Isa pang naaalala ko kapag ganitong ulanan na, nabubuhay ang sapang malapit sa amin, nagkakatubig. Siguro, mga pitong daang metro ang layo ng sapang iyon sa bahay namin. Lalakad muna ang pupunta roon sa patag, bago bababa sa may agbang. Ang agbang ay ang natural na daanan ng tubig-baha mula sa mataas na lugar, pababa. Nasa pinaka-ibaba ng bangin ang sapa. Sa mga unang buhos ng ulan, baha pa ang dadaloy sa sapang iyon – may kulay ang tubig na umaagos… Makalipas ang ilang linggo, malinaw na at hindi na sa ulan galing ang tubig – sa sapa na mismo.

Parang sinusundo lang ng ulan ang tubig na nasa ila-ilalim at gilid ng sapa. Nakatago sa likod ng mga pilang bato at sa mga ugat ng mga halamang nakatanim sa paligid. Sa sandaling luminaw na ang tubig sa sapa, parang himalang may lumalabas na rin doong maliliit na mga isda, mumunting talangka at sangkatutak na palaka. Pag ganitong panahon, buhay na buhay na ang sapa… Tamang tama namang nahihinog na ang mga bunga ng punong lansones na nakatanim sa dahilig ng sapa. Pag nagsisipatakan na ang mga bunga, sa agos ang kanilang tuloy, haha. Doon sila magbabagsakan, aanurin, kasama ng mga nalalaglag na dahon…

Isa sa masasayang naaalala ko noong mga bata pa kami, ulang-ulan, tatakas kaming magpipinsan – papunta sa may sapa. Makikipaghabulan kaming tila mga walang bait sa mga lansones na nangalalaglag. Takaw-disgraya ¬†ang gawaing ‘yon – madulas, madilim ang lugar at matarik ang kinatataniman ng mga lansones. Pag may nasaktan, walang makakarinig sa amin. At siyempre, hindi pwedeng sabihin sa matatandang andoon kami para- sa- dakilang- mithing- lansones – uunahan namin sa paggulong bago pa makapatak sa sapa, patatawarin.

 

Walang ilog sa lugar namin. Sa dalawang magkatabing baryo, wala. Wala lalong dagat. Sa kasunod na bayan, mayroon. Pero, lalakad pa ng malayu-layo tapos, sasakay ng dalawang beses, saka lalakad uli. Saka pa lang makakaramdam, makakaamoy at makakasilay ng dagat… Pero, isandaang metro mula sa bahay namin, tanaw sa malayo ang mas malaking dagat, ang bay¬†sa aming probinsya, nasa unahan at binabakuran ng isang blue green mountain range. Dalawang oras mahigit ang byahe paparoon kaya hindi karaniwang pinupuntahan ng mga taga-amin ang dagat ng lalawigan. Tinatanaw lang naming mga bata iyon, tumatayo kami noon sa kalapit na patuto o slope…

Hayon, mula noon hanggang ngayon, pag isang kilometro na ang lapit sa dagat, kahit saan yatang dagat, nararamdaman kong tumatalon na ang aking dugo, may nag-iiba sa pakiramdam. Sa mga pagkakataong nasa sasakyan, parang gusto kong bumaba na agad – tatakbuhin ko na lang at sasalubungin ang hanging-dagat. Tila isang taong matagal na nakakulong, lalaya…

 

Pero sa bayan namin, may ilog… Sa bayan, mismo. Malaking Tubig ang tawag ng mga tao. Doon iyon andoon sa may tulay, sa pagitan ng munisipyo at ng palengke. Noon, hanggang maari, pag pumapa-bayan kami, humihiling ako sa kasama ko, sa sinasamahan ko, maglakad na lang kami papunta sa palengke ¬†– para matanaw kong maigi ang ilog sa bayan.

May hawig din ang ilog na yaon sa sapa namin, kung tutuusin. May tanim ding mga lansones sa gilid, haha. Marami ring mga punong sobrang lalaki at lulusog ng mga dahon at ang mga ugat nila ay kadalasang nakalitaw, haha. May munting eco-sytem din doon ng mga lamang-dagat, kulisap at hayop na nabubuhay sa paligid. Halos pareho rin…

 

image of a Philippine river

Medyo hawig sa nasa larawan ang ilog sa bayan namin, mas madilim nga lang/ joanphils.0catch.com

Mas malaki at mas marami nga lamang ang tubig na dumadaloy sa ilog. Mas malakas din ang lagaslas ng tubig doon. Isa pa,¬†sa parte ng ilog na matining ang tubig,¬†malalim. Mas malalim, alam namin, kaysa sa sapa naming pitong piye lang ang pinakamalalim na bahagi‚Ķ Hindi ko naranasang tumuntong sa malalim na parteng iyon ng sapa, sa bahaging mga tatlong piye lang ang lalim o mas mababaw pa – doon kami noon dumadayong maglaba, magtampisaw at maglaro… Ang pinakapaborito ko, pag maglalakad na kami ng patalon-talon sa ibabaw ng mga malalapad na bato sa sapa – pagalingan kaming hindi mahulog o madulas. Ginagawa namin iyon noon, kapag tapos nang maglaba…

 

Magkakarugtong ang mga tubig, iyon yata ang isang kaalamang sa buhay at hindi sa eskwelahan ko natutunan. Ang sapa sa may amin, tutuloy at dudugtong sa pinakamalapit na ilog. Ang ilog naman, dudugtong sa pinakamalapit na dagat. Mula sa dagat, matapos humampas sa dalampasigan o sa mga batong pinagpatung-patong, ang mga alon ay babalik muli sa mga pinanggalingan – sa mga ilog at sa mga tributaries nito – hanggang makarating muli sa mga mumunti at hamak na sapa, gaya ng kung anong mayroon sa may amin.

Iikut-ikot lang ang tubig, maghahanap lagi ng ¬†kanyang daanan. Nililinis at binubuhay nito ang bawat madaanan. Hinahaplos… Pinapaalalahanan sila marahil – ang tubig ay nangangahulugan ng buhay o ang buhay ng mga nilalang sa tuwina, nasa tubig.

 

Noong nag-aaral pa sa kolehiyo, mas hilig kong pumasok pag tag-ulan, haha. Pag papasok kasi sa U.P. campus, makalampas ng checkpoint o iyong kung tawagin ay Tatsulok, may mahaba-habang strip doon ng damuhan sa kanang bahagi ng kalsada, tuluy-tuloy iyon hanggang sa makakanan na ang dyip o sasakyan sa may University Avenue. Ang ganda ng tubo ng mga damo roon – pantay-pantay, berdeng-berde at pag tag-ulan, napakalamig sa mata ng tanawing iyon. Anong inam pagmasdan! Subukan ninyong dumaan sa lugar – mga alas-otso ng umaga matapos makaulan- ¬†iba sa pakiramdam, nakakahalina…

 

Alam nyo pala kung bakit Diliman ang tawag sa Diliman area? Di nga, seryosong tanong yaan… Ahaha, madilim kasi talaga ang lugar na iyon, ang kapatagan sa ibaba ng Marikina – mula sa Ateneo grounds, sakop ang campus ng Miriam College hanggang sa stretch ng Katipunan Avenue pagawing Ayala Village hanggang sa may Commonwealth Avenue, hanggang sa may Shell na elevated papuntang Philcoa, rounding up sa circumference ng C.P. Garcia Avenue. O, basta, alam ng mga taga-roon at ng mga nagda-drive sa area ang buong coverage ng Diliman…

Bakit madilim? Sapagkat sa napakahabang panahon, ang lugar ng Diliman ay gubat o lush forest…Pansinin nyo, mapuno talaga ang lugar, parang sa gubat, oo. Siyanga pala, ang kinatatayuan ng Technohub sa ngayon, ¬†15 years ago pabalik, declared bilang last rainforest daw sa Kamaynilaan. Ang tawag naman namin noon sa lugar na iyon ay Itlog, haha. May hugis-itlog na structure o building doon, katabi ng Technohub. Research lab iyon ng physicists, doon sila nagbi-break down ng atomic particles o molecules ¬†baga? Basta, matagal na panahong ang Itlog ang pansing istruktura sa gitna ng sinasabing last rainforest, haha.

 

Sa Diliman, maraming kakatwang pangyayari, totoo… Doon kayo makakakita noong sa kinaroroonan ninyo, mainit at may araw. Tapos, wala pang dalawandaang hakbang ang layo, umuulan ng malakas, buhos na buhos, as in… Nasa iisang lugar, oo. Pero, magkaiba ang mga pangyayari, ahaha. Kumbaga, nature doing what it knows best – ang gulatin, tudyahin at manghain lagi ang mga tao. Nakakabigla, nakakabaliw pag minsan, at sa pangkalahatan, nakakatuwa… ūüėČ

 

image of children out playing in the street during rain

Pinasasaya, pinalulungkot at kung minsan, binabagabag ng ulan ang ating mga damdamin. Sari-saring saloobin at panimdim ang binubuhay nito sa atin/ abscbnnews.tumblr.com

 

Advertisements