sa mga panahong naiinip ang puso…

 

sa mga panahong pagal at naiinip ang puso

bakit kaytagal dumating ng tamang pagsuyo?

sinusubukan ang tatag ng damdamin at binibiro

ikaw ba, pag-ibig, sadyang nagpapakalayu-layo?

 

cartoon image of a young woman waiting

Ang bilin ay maghintay. Di yata nasabi kung gaano katagal/ temiville.wordpress.com

 

saang kaharian, pinili mong maglalaboy

saang pamayanan, sigla ay iyong isinasaboy?

saang kainan naghahapunan, saka mananaghoy

nilulunod sa alak ang sariling nais – makapagpatuloy.

 

sa mga panahong balais ang naiinip na puso

tanong ay bakit, ang iba’y mabilis makatagpo?

may mga pangarap daw, payak ngunit di makuro

paano nangyayari, may mga pagsintang gumuguho?

 

image of a woman and a man, both waiting at a stop

Madalas ding may mga magkalapit ngunit magkalayo/ boston.com

 

may mga puso nga ba, sa pader ang gawa at yari?

o, di kaya, sa asero –  pag nilapita’y sunog at banli.

may mga puso nga bang nakagapos at nakatali?

kailangan pang pakawalan – anong dami ng pasubali!

 

sa mga panahong puso ay naiinip, puno ng lumbay

nagtatangkang silipin mga sagot – sa tanong ng buhay

kailan kaya darating, magiging kakampi at kaagapay?

isang payak na natatangi – inspirasyon, kapit at gabay.

 

image of a young woman leaning on a wall while waiting

May mga pagkakataon nga namang nakakainip din ang maghintay/ lunar.lostgarden.com

 

sa kasabihang Pilipino, kalabaw lang ang tumatanda

ang puso, isip at damdamin – pirmi lagi ang sigla at bata

sa araw-araw, sa tabi-tabi at sa babasahin, di nawawala

mga signos at bulong ng pag-ibig – maski niyong di makata.

 

kahit pa tag-ulan, ang mga ulap dagling nagpapakita

di rin naglalaho – ang bughaw na langit sa tuwi-tuwina

laging may paalala ng bukas, mga pagkakataong sumaya

may ngiti sa labi ng mga bata – sabi’y magandang umaga.

 

sa mga pagkakataon, tila naiinip yaring puso

wari’y gustong itangis,  buhay na tigib ng siphayo

bulong ay huwag bitawan, pananalig o, huwag isuko

bagkus manampalataya,  pag-asa’y naririyan at buo.

 

sabi ng paham, sa bawat isa ay mayroong nakalaan

may kapareha raw, ang bawat puso at nilalang

mahirap din minsang paliwanagan, itong pusong ilang

sabi’y baka wika lang ‘yan – noong taong di pa nag-aagahan. 😉

 

image of a young girl sending message to the wind

Tularan daw ang batang masaya habang naghihintay/ ladyfish.deviantart.com

 

Manalig ka, puso. Bawat pintig ay pag-ibig.

 

 

* Mga kapatid, itong tula ay munting handog sa mga ka-blog na masiglang lumahok sa mga talakayan sa love posts na nailathala dito sa SSA.

Ito ay karugtong o parang sequel ng Tinanong Mo Ako Kung Bakit. Ahaha, naalala nyo ‘yon? Oo, iyong tula ukol sa singlehood na nakaaliw sa marami-rami, kainaman… ^^

 

Tinatangka rin nitong sagutin ang pasaway na tanong, “Pag single ba at lampas na sa kalendaryo, ibig sabihin, nag-give up na sa usapang pag-ibig?” Naman… 😉

Ang nag-inspire nito ay ang ang post ni Mrs. GBP, tungkol sa shortage ng kalalakihan na inilathala kailan lang at buo ang loob na nanawagan ng kapareha para sa mga kaibigan nyang singol, shaks… Haaayy, ewan ko lang kung may nasilo na ang desperado, errr, daring and ingenious  nyang bitag, ahaha. ^^ Ay, mali, adverts pala ‘yown… Oo, adverts nga, sus. 😉

Nakatulong din ang pagkadaan  sa Video City minsan isang gabi at mahigit tatlumpong minutong pagtitingin-tingin ko ng cover ng DVDs ng Disney movies gaya ng Mulan, Pocahontas, Aladdin atbp. Favorite ko lagi, ang scenes para maghanap o papunta sa taverns, hihi. ^^

 

Maitatanong nyo, bakit pag-ibig sa buwan ng Agosto? Ba’t nga? Anim na buwang advanced para sa susunod na February, ahihi… Wala naman, pasaway lang ang mga ka-blogs na readers, parating interesado sa usapang pagsinta, as in…  ^^

 

Nais kong pasalamatan ang mga mama at aleng dumadalaw dito sa site. Malaking Thank You, the best kayo, as in… 😉  At the same time, gusto kong hingiin ang inyong pahintulot na mag-break muna. Marami akong kailangang intindihin at ayusin – mga utang na dapat bayaran, mga sulat na dapat ipasa at sagutin at mga files na kailangang ayusin, as in… Higit pa ryan, binaha kami ng husay na husay nito lang, haha. Mga isang taong linisan siguro, mga kapatid, kainaman. Ayon, I need time, kumbaga…

Gusto ko rin sanang magkapanahon para sulatin ang mga gusto ko talagang isulat. Gusto ko sanang makagawa uli no’ng parang Sa Mabini Tayo Pumadpad, Ibang Silip sa Sta. Mesa o Sa May Kanto ng Avenida at Recto. Pero, tungkol sa kalye ng Nakpil sa Maynila o di kaya sa isang mataong lugar gaya ng Cubao ang inaambisyon ng lola nyo ngayon… ^^

Oo, e, medyo kailangan ng time and concentration sa mga ganoon… Parang nagpipinta, tipong collage, ayon… ^^

 

Tuluy-tuloy pa ring maglalathala ng posts dito. Maaari at welcome kayong mag-comment sa mga sulatin at ipa-publish ang mga iyon, naman… Di ko lang tiyak, mga kapatid,  kung makakatugon agad…

 

Maraming maraming salamat sa inyong pagtangkilik. Mabuhay kayo! 🙂

 

Advertisements