Mga Tahi at Paso – panauhing lathala mula sa Doon Po sa Amin

gravatar image of the site, Doon Po sa Amin (Where I Come From)

Ang Doon Po sa Amin ay site sa WordPress ukol sa buhay kanayunan/ http://en.gravatar.com /may11apr1940

Mahirap ding magpagaling ng sugat. Pag nasusugatan kasi, ibig sabihin, mayroong nasisira sa katawan. Iba- ibang klase rin. May sugat na lilinisin lang, pahahanginan at makalipas ang sandaling panahon, magaling na. Mayroon namang kailangang operahan, tahiin ang mga gilid at i-therapy pa, bago maghilom at bumalik sa dati. Taon ang bibilangin bago manag-uli. May sugat na mababaw, may sugat na malalim. May sugat na kayang-kayang indahin at sabi nga’y malayo sa bituka. May sugat na kahit matagal na,  pana-panaho’y may dala pang sakit, delikado pa rin at maaring ikamatay.

Ganoon din naman sa paso. Pag bigla tayong napapahawak o napapadikit sa bagay na mainit o di kaya ay napapatakan o nabubuhusan ng mainit, nalalapnos ang ating balat. Kaagad dadaloy ang tubig papunta sa parte ng balat na nainitan para kontrahin ang epekto ng pagkapaso. Kaya nagkakaroon ang balat ng lapnos. Isa raw self-preservation mechanism ang pagkakaroon ng lapnos, paliwanag ng agham.

 

image of a hand burnt by industrial glue

Napakasakit ng mapaso/ firstaid.about.com

Iba-ibang degree rin ang pagkapaso. Pag unang degree lang, makalipas daw ang sandaling panahon ay nanunumbalik na sa dati ang balat. Pag sa ikalawang degree naman, nagkakaroon na ng paltos o blisters. Hindi agad naghihilom. Kung malaking parte ng balat ang naapektuhan, matagal-tagal na gamutan daw ang kailangan. Napapagaling daw naman ang ganito at nagagawan ng paraang hindi gaanong halata.

Pag sa ikatlong degree na, alanganin. Malamang ay bubuka ang balat, mai-expose ang bahagi ng katawang tinatakipan nito at maaaring magkaroon ng infection ang katawan. Kadalasan, kailangang operahan at i-graft na ang skin para palitan ang nasirang sapin at magkaroon muli ng proteksyon ang katawan. Kung hindi raw magagawa ang ganito, ang balat na nakabuka ay magnanaknak at ang sugat ay maaaring ikamatay ng may katawan.

 

image of a sutured wound

Naghihilom ngunit nag-iiwan ng peklat/ en.wikipedia.org

Kung ang sugat ay may dala laging hapdi at kirot, ang sunog o paso naman ay kadalasang may dalang trauma sa nakakaranas. Naririndi raw ang taong napapaso ng matindi, nasa-shock siya lalo na kung mukha at kamay ang napipinsala at matapos, ito’y nagreresulta sa matinding pagkatakot ng biktima at pag-iwas niya sa mga bagay na maaring makapaso. Mas madalas, ang sugat ay nag-iiwan ng marka sa balat o peklat – paalaalang minsan, may karahasang naganap. Mayroong napunit, may nasira at may nasaktan. Ang pagkapaso naman ay madalas may iniiwang mensahe – hindi na muli, hindi na mauulit pa ang ganoong sakit.

 

Habang ang tao raw ay tumatanda, unti-unti, nababatid niya ang mga bagay na nakakasugat at nakapagdudulot ng paso. Marami sa mga iyon ay kanya nang naiiwasan. Nalalaman nya na ang mga bagay na nakakatusok at nakakasakit. Nalalaman nya na ang mga bagay na maiinit at sobrang lamig. Natututo syang mag-ingat sa katawan. Natututo siyang magtantya, manimbang at kumuha ng tiyempo para iligtas ang sarili mula sa kapahamakan.

Subalit sa kaparehong panahon, kung kailan ang mga sugat ng pagiging bata ay peklat na lamang, kung kailan ang mga paso ay napawi na, noon naman naipakikilala ang tao sa mga sugat at pasong hindi physicalMga sakit, hapdi at pasong sa damdamin tumama at nagmarka. Mga karanasang nag-iwan ng kaba, takot at pagkaligalig na walang panlabas na anyo – tanging ang mga nakakaranas ang nakababatid. Maaring sa biglang tingin, ang mga iyon ay tila gasgas lamang at galos. Maaring tila mumunting daplis na pansamantalang nilagyan ng band-aid – maya-maya lang ay ayos at magaling na. Ngunit hindi pala.

 

image of a wounded child

Habang tumatanda, natututong umiwas sa sugat at paso/ whattoexpect.com

 

Kadalasan ay hindi. Naroroon pa rin ang hapdi at pangamba – natatakpan lamang. Nagagawan ng paraan ng may katawang pagmukhaing hindi halata. Parang wala lang. Parang hindi sila nangyari. Ngunit naroroon – nakabaon, nakaukit. Sa mga biglaan at di-inaasahang pagkakatao’y nanariwa. At nabubuhay muli ang kaba, tahimik na dumadaloy ang mga luha at muli, bumabalik ang mga hinagpis at agam-agam ng kahapon. Naisisiwalat sa mga lumalapit. Ah, ang taong ito pala ay sugatan!

 

Saan galing ang mga sakit at pag-iwas? Sa mga sakuna at bigwas ng kapalaran, sa mga pagpapasyang mabibigat, sa mga pangarap na tinangka at di-naabot? Sa mga di-napaghandaang paglalayo,  sa mga kahihiyan at kabiguang dinanas, sa mga pagkakait at pagkasiphayo? Sa mga pag-asam na di-nabigyang katuparan, sa mga pagkasabik na di-natuldukan, sa mga damdaming di-nakatagpo ng katapat?

O, roon sa sinasabing mga pagmamalupit ng tadhana? Sa mga hidwaang di-naresolba, sa pagmamalupit ng iba o sa paninikis ng sarili? Sa mga impit na daing na walang nakarinig, sa mga panalanging di na nausal, sa mga pahimakas na di na nabigkas?

 

image poster of Amigo, a ilm about the Filipino-American War of 1889-1892

Maraming mga tao raw ang pinaghihiwalay ng gera/ cfaff.org

 

Bibihira raw ang taong walang kinikimkim. Lagi, may bahagi ng pagkatao ng taong huwag lang di masaling ay kikirot. May sensitibo siyang bahagi. May parte ng siyang bibigay sa kaunting sagi. At hindi raw laging may lunas na maaapuhap, hindi laging may lilim na masisilungan at hindi laging malapit ang lugar ng kaligtasan. Hindi rin daw madaling makatagpo ng uunawa. O, handang umunawa. Lalo’t higit, iyong taong kayang tumanggap – ito ang mga bahaging mahahapdi, mga depekto, mga ekis ng katauhan.

 

Pagkakatapos raw ng gera, badge kung ituring ang mga tahi at paso. Alalaon baga, iyo’y mga bagay na iginagalang sa loob ng tahanan, naipagmamalaki sa mga inuman at kasiyahan, at, kapagkaminsan, kinikilala at pinararangalan pa ng pamayanan.

 

Ngunit ngayon ay payapa. Walang sigalot na humahati ng matindi sa mga mamamayan. Walang nangagkalat na mga armas na maaring makasakit. Walang mga pagsabog na maaring kumitil ng buhay o mag-iwan ng trauma. At least, wala sa malapit sa atin. Sa gabi, ikinakandado natin ang ating mga bahay at natutulog tayo ng mahimbing.

 

image of outdoor or jungle cooking

Gagawa at gagawa ang tao ng paraan para mabuhay/ survivalfoodlist.com

Subalit ang araw-araw na pamumuhay raw ay tila walang-katapusang pakikihamok. Isa raw itong tuluy-tuloy na pakikibaka laban sa pagkainip, sa paulit-ulit na paghabi ng parehong disenyo ng buhay at walang-humpay na pagsalag sa mga hambalos ng kapalarang tila ayaw magbigay maski isang pulgada.

Anupa’t tila isa itong laban sa pamumuksa ng talaksan ng mga detalyeng nag-uunahan sa ating pansin, ng isang libo’t isang impluwensyang nais humubog sa ating mga pagkatao at ng daluyong ng mga pagbabagong nagsasabing sila’y ating yakapin bago pa man tayo maging handa. Ano nga ba’t tila isa itong digma – para sa ating katinuan, katatagan at kakayahang kumilos at magpasya. At pana-panahon – nagugurlisan pa rin tayo, o, nasusugatan mismo ng malalim, nalalapnos pa rin ang ating mga balat at sumisibol pa rin sa ating mga dibdib ang takot.

 

image of a woman walking away

Nais nating lumayo sa lugar ng kalituhan at gumawa ng mga bagong padron/ datingish.com

Ngunit pinipilit nating maging masaya. O, higit pa riyan, pinipili natin ang maging masaya. Tinitipon natin ang mga piraso ng buhaghag na sarili, kinikimpal ang mga iyon, nilalagyan ng hugis, hinihipan at pinaandar. Pinagagalaw natin ito at binibigyang-buhay. Ginagatungan natin ng pag-asa – may pundasyon man o wala. Gumagawa tayo ng mga bagong padron – maliliit man o malalaki. Nilalagyan natin ng kulay ang mga araw. Binibihisan natin ang mga sarili at ginagawang disente. Kahit pa batid nating ang nasa loob ng mga iyo’y katawang may mga sulsi, may mga tagpi at may mga naiwan pa roong mga pekas. Kahit sabihin pa, ang nasa ilalim niyon ay katauhang may mga tahi at paso.

 

At naniniwala at umaasa tayong tayo ay gagaling ng lubusan. Na anuman ang mga karanasang lumatay,  ang mga pait na dinanas at ang mga pagkabigong minsan ay nagpahina at nagpayupyop sa ating mga pagkatao – ang mga ito ay ating mapapangibababawan. Na kung hindi man kayang pawiin ang mga peklat, kaya namang hagkan paalis ang mga sakit at takot na dala nito. Na kaya nating humakbang palayo sa landas ng pagkalito.

 

At bubukas tayo muli sa mga posibilidad. Na bubuti pa rin ang buhay. Na kaya pa nating magmahal at maaari pa rin tayong mahalin. Na kaya pa nating gumawa ng mga bagong salansan at bumanaag ng bagong bukas. Na kaya nating muling yakapin ang mundo at intindihing kabahagi tayo sa pag-ikot nito. Na kaya nating magluwal ng bagong pag-asa – para sa iba at para sa sarili.

 

Tayo ang mga naiwanWe are the survivors.

 

image of people running in a secondary rainforest

Nasa instinct ng tao ang ipaglaban ang karapatang mabuhay sa mundong puno ng sakit/ healthmad.com

 

* Ang sanaysay na ito ay impluwensyado ng mga sinulat nina Johann Wolfgang von Goethe (partikular ang Candide), Mary Shelly (Frankenstein), Ralph Waldo Emerson (Self- Reliance and Other Essays) at Henry David Thoreau (Walden). Sa limitadong antas, impluwensyado rin ang sulatin ng akda ni Stendhal (The Red and the Black) at ng ilang sanaysay ni Jonathan Swift.

 

** Ang mga ideya ukol sa gera ay impluwensyado pangunahin ng battlefield scene sa Les Miserables na sinulat ni Victor Hugo, isang kinikilalang literary figure sa Romantic Literature at sa maliit na antas, ng For Whom the Bell Tolls ni Ernest Hemingway, isang nobela ukol sa Spanish Civil War. Kapwa binasa ng may-akda ang dalawang aklat 23 na taon na ang nakakaraan, ahaha. Ang ideya naman ukol sa pagsasarado ng pinto sa gabi ay galing sa concept ng security sa International Relations (IR)  –  lock and bolt the door, build fences and, have weapons ready all the time. Humiram din sa ideya ni Thomas Hobbes na life in state of nature is solitary, poor, nasty, brutish and short. Sa charge na malalalim ang pinaghuhugutan, guilty po, mga kapatid. 😉

 

*** Ang sanaysay ay isang pagtatangkang magtalakay sa sinasabing kalagayan ng tao o the human condition – mag-isa, walang-katiyakan at nabubuhay sa lugar na tigib ng mga panganib at sakit. Sa panitikang romantiko, ang kaligtasan ng tao ay nasa kanyang kakayahang makipag-ugnayan, magmahal at mahalin din. Ang kakayahan niyang iyon ang magbibigay sa kanya ng lugar at pagkilala sa mundong puno ng ligalig at kalungkutan. Sa personal na pagtingin ng may-akda, ang Frankenstein ni Shelley at ang Les Miserables ni Hugo ang dalawa sa pinaka-romantikong nobelang naisulat. 

  

**** Ang ideyang nag-trigger ng komposisyon ay ang nobelang Tomorrow They Will Kiss, na binabasa ng may-akda ng panahong iyon at hanggang ngayon ay di pa nya natatapos, haha.  Tungkol ito sa Cuban factory workers sa Amerika. Ang bida sa nobela ay babaeng mahilig manood ng telenobela at gabi-gabi ay inaabangan ang palabas para hintayin ang eksenang halikan. Ang orihinal na konsepto nitong akda ay nabuo noong huling bahagi ng Oktubre, 2011, sa salitang English at may temporary title na That Life Will Be Good.

 

***** Ang sanaysay na ito ay isinulat bilang All Soul’s Day post sa site na Doon Po sa Amin (http://may11apr1940.wordpress.com) noong ika-3 ng Nobyembre, 2011  bilang pagtataguyod sa konseptong celebration of the human life, para sa mga naiwan ng yumao.