Wala kang binitiwang pangako

 

Hindi mo sinabi ni minsan

ang salitang magpakailanman

Hindi mo winikang

ika’y di magpapaalam.

 

image of wild flowers saying that life makes no promises

Sa buhay na di-tiyak, dapat bang ang tao ay mangako?/ crinago1172.blogspot.com

 

Hindi ka sumumpa

sa liwanag ng buwan

Ang taong minsan, iyong dinatnan

Hindi mo pinangakuang di iiwan.

 

Hindi mo inalam, aking nakalipas

Ano ang dahilan, paano ako tumakas

Hindi mo binanggit ang salitang bukas

Wala kang binitawang lantay at wagas.

 

Hindi nagtagal,  usapan sa kahapon

Wika mo’y limutin na, mga bagay noon

Ang mahalaga kamo’y  pumaroon

Isipi’y pasayahin, ating maghapon.

 

Hindi mo inalam – aking mga pangarap

Kung minamasdan, paglalaro ng mga alapaap

Hindi ka nag-alay hawiin, yaong mga ulap

O, punasan mga luha, sa matang umiiyak.

 

Hindi ka nangakong di ka aalis

Kamo sa akin, buhay napakabilis

Walang panahon, para manangis

Kamo sa buhay, mahirap magmintis.

 

Hindi ka madalas magsabi, ako ay iyong mahal

Paminsan-minsan lang, pag banayad ang buhay

At sa pagkakataong hawak mo, aking kamay

Iyo’y para alamin, kung sinabi ko’y tunay.

 

Hindi mo itinuring, pagtatangi ko ay totoo

Kamo lagi, walang katiyakan sa mundo

Maging masaya, habang magkasama tayo

Ang suliranin, huwag gawing komplikado.

 

Hindi mo pinaghandaan, isang araw

Lilisanin mo ako’t lalayo sa pananaw

Sabi mo pa rin, sadyang ganyan ang buhay

Mang-iwan o iwanan, saklap ay pantay.

 

Hindi mo kaya,  makitang ako ay lumuluha

Lalo’t mabatid ang dahilan, iyong pagtatwa

Nais mo lamang, simpleng pag-unawa

Ginawa ang bagay na matuwid, at sadya.

 

image of rocks by the seashore

Ang paglalayo raw ay isang bagay na sadyang laging nagaganap/ http://www.flickr.com/photos/yaragad/

 

Hindi mo sinabing may tayo sa dulo

Madalas mong wikain, buhay ay di piho

Humangin ng malakas, dumating ang bagyo

Walang bagay managhoy, bagkus ngumiti  tayo.

 

Hindi mo sinabing lalagi ka riyan

Hindi mo inaring banal ang pagmamahalan

Hindi mo ibinukas ang saradong pintuan

Tingin mo’y walang pag-ibig, na di bulaan.

 

Advertisements

Salansan

 

maayos na sana – ang salansan

nitong mga buhay nating hiram

kung hindi nga lang nakialam

‘tong makulit na si kapalaran.

 

image of a cluster of neat desks

May mga salansan na raw na nakasanayan ang bawat tao/ housingtouri.com

 

gigising sa umaga, araw paghahandaan

papasok sa eskwela, dili kaya, sa tanggapan

matapos ang ilang hikab, manananghalian

uupo uli sa hapon, hanggang sa uwian.

 

walang ibang bago, iyon pa rin ang meryenda

kung may tsismis, tungkol sa politiko’t artista

walang ikinatatakot, wala rin namang kaba

maliban sa trapik at kung mahaba kaya ang pila.

 

image of traffic in a street in Makati City

Problema sa araw-araw ang trapiko sa lungsod/ infohiway.net

 

ngunit isang araw, bigla kang dumating

simpleng pagbati, iyong ipinarating

ngiti ang nakita, sa pag-angat ng tingin

‘yon na pala ang umpisa, ano’t di napansin?

 

bakit walang nagsabi, buhay maaring guluhin?

ng kapirasong kaway o mumunting bilin

bakit walang nagpayo, yaring puso’y pigilin?

tuluy-tuloy sa bitag, diretso kamo sa bangin.

 

ayan na nga po, puso’y humihiling

ako sana, ako sana – ang iyong piliin

ang iyong mga mata, sa akin ipaling

pagsuyo ko’y wagas at pagkalalim-lalim.

 

namamalikmata ba ako, sa aking nakikita?

pagtatangi mo’y sa akin, hindi para sa iba

buhay kong nagulo, eto at anong saya

di na bale, nakakasuya man – meryenda.

 

tila bigay ng langit ang mahabang pila

oras para sa kwentuhan, mga biro at tawa

magpakilala sa iyo, makilala rin kita

maghawakan ng kamay, dalawang magsinta.

 

image of two young lovers dreaming

Pinag-uusapan ng magkasintahan ang bukas na sila ay magkasama pa rin/ grayowlpoint.com

 

may mga panahong tayo’y nangangarap

kung ano na ang bukas, atin ang hinaharap

kasama pa rin kita, tayo’y magsisikap

umulan man o umaraw, dumilim man mga ulap.

 

ngunit isang araw, suliranin ay dumating

walang pasintabi, gulong ay napakatulin

sinalikop tayo, niyong malakas na hangin

mahina pala ang hulog – ng pag-ibig natin.

 

naiwan akong nakatungo, umiiyak ng taimtim

mabibigat ang iyong hakbang palayo sa akin

ang pagmamahalan pala, kahit ano’ng gawin

bibigay rin ang tikas – pag takda na at taning.

 

image of a not so neat office desk

Mahirap rin nga bang guluhin ang nakasanayan na?/ ehow.com

 

naiinip ako sa babasahing binubuklat

buhay ng politiko’t artista ang isinisiwalat

iniisip ko – kung di ka dumating at lahat

trapik lang kaya, ang problemang mabigat? 😉

 

* Mahigpit na tagubilin para sa mga hihiram at kokopya nitong tula (buo man o bahagi lamang) para sa online publication (Facebook, Tumbler, StumbleUpon, Twitter at iba pa) na kilalanin at ilagay ang pangalan nitong source website at maglagay din ng link o URL pabalik dito. Para naman sa mga nagnanais hiramin, kopyahin at/o ilimbag ito sa hindi online na media, mangyaring sumulat muna sa sasaliwngawit@yahoo.com.

Ang piyesang ito ay Copyrighted. Ipinapaalala rin, masamang ugali ang magpalabas at magpalusot ng sulatin bilang sariling gawa gayong hiniram, pinitik o ni-nenok lang sa iba, ahaha. 😉

 

** Ang tula nga pala ay handog sa mga ka-blogs na mahihilig at mahuhusay na gumawa ng mga sulating – sanaysay man o tula – ukol sa buhay pang-araw-araw. Everyday scenes, kumbaga – mga istoryang pantabi-tabi, pangkaraniwan at tipikal, ‘ika nga. May  twist ng pag-ibig para may konting kilig, ahihi… ^^

 

*** Mga kapatid, may tanong tayong malupit , “Ano nga ang nagagawa ng pag-ibig?” 😉

 

hawi sa tabing ng mga tula

 

Pagbati, mga kapatid! Kumusta kayo matapos ang bagyo at ulanan?  Sana ay ayos lamang… 🙂  Sa lugar namin ay mga kapitbahay pa lang ang binaha. Ilang ulan pa siguro at aabot na sa may amin, parang…  Dalawang pares pa lang ng sapatos ang casualties sa bahagi ko, ahaha. ^^

 

cartoon image of curtains

Kaunting hawi para masilip natin ang mga tulang pinagpipilian/ tony4greathomes.com

 

Marami-rami na ang bomoto sa mga nakahanay nating tula. Salamat sa mga bomoto, nagbasa at pati sa mga sumilip – salamat… Ang nangunguna sa botohan, so far, ang tulang Salansan. Sa mga may nais, maaari pa kayong bomoto, kung napapa-ibig. Tumungo lamang sa post na Kayo po ang pipili at ilagay sa comment section nito ang inyong pahabol na boto… 🙂

 

Samantala, naririto ang kapiraso, mga unang lupon ng taludtod ng mga tulang nakahanay. Poetry of love and despair ang mga ito, sa mga kapatid na babagong naligaw dito sa pahina… Hindi ko na pala isinama ang patikim sa Salansan dahil nga ito ang leading sa tally, so far. Pwede pang humabol ang mga may gusto…

 

 

Labis ang pangamba

 

Labis ang pangamba

malaman mong mahal kita

Labis ang paghiling

iyo sanang mapansin.

 

 

namumulot sa kawalan

 

Bakit ko binibilang

ang mga araw, minuto at sandaling

wala ka?

Wala na, di na babalik –

Wala kang iniwang pangako.

 

 

Wala kang binitiwang pangako

 

Hindi mo sinabi ni minsan

ang salitang magpakailanman

Hindi mo winikang

ika’y di magpapaalam.

 

 

Sa sangandaan ng buhay

 

Sa sangandaan ng buhay

kita’y nagsalubong

Binati mo ako

ng tawang malutong.

 

 

Sa mga panahong naiinip ang puso…

 

sa mga panahong pagal at naiinip ang puso

bakit kaytagal dumating ng tamang pagsuyo?

sinusubukan ang tatag ng damdamin at binibiro

ikaw ba, pag-ibig, sadyang nagpapakalayu-layo?

 

 

Yakap sa kupas na alaala

 

tulad din ng maong na isinuot, nilabhan, kunuskos ng paulit-ulit

ang pagmamahalan natin ay niluma, nanlabo at kumupas

kahit pa libong beses kong suyuin sa pakiramdam at sa isip

balik-balikan, alalahanin – huminto rin, tumigil at wika nga’y lumipas.

 

Salamat uli, have a great week! 😉

 

Ika-24 ng Hulyo, 2012

Sa saliw ng Awit

 

Kayo po ang pipili

 

Hello, mga ka-blogs!  Kwento ko sa inyo… dito na sa blogging na-revive ang interest ko sa tula-tula. Oo, noong early 20s ang lola nyo, isang daang taon ang nakalilipas, hehe, 18 years ago, hilig kong gumawa ng tula-tula sa Tagalog.

 

image of the poet, Rainer Maria Rilke, known for his imagery and diction

Maraming mga kabataan noon sa pamantasan ay nagbasa ng mga sinulat ni Rilke/ paratheatrical.com

Ang uso ng panahong iyon ay sina Pablo Neruda, isang Chilean poet na sikat at Rainer Maria Rilke, isang German poet na mahusay sa imagery and diction. Maraming estudyante at kabataan no’n, nagbabasa ng Rilke at may mga dala-dalang libro ni Nerudang Twenty Love Poems and a Song of Despair.  Saka, ang iba noon, may casette tape pa ng recorded reading ng mga tulang iyon. Haha, oks ba?

 

So, nakikibasa rin ako ng Rilke, haha. Cool no’n ang magbasa ng German authors – kaylalalim. Tapos, ang mga tula naman ni Neruda, ginagawan ko ng sariling version, ahihi. Ambisyosa ba? Medyo nga… Ang katwiran ko, di naman ipa-publish – sa mga kaibigan ko lang ipapakita. Ganoon nga ang nangyari. Pana-panahon, kukulitin ko ang mga kaibigan kong walang magawa kundi pagbigyan ako, haha.

 

image of the Chilean poet, Pablo Neruda

Madadamdamin ang mga tula ni Pablo Neruda kaya mabilis makahatak sa mga kabataan/webdesignstuff.co.uk

Mga dalawang taon siguro ‘yong ewan kong attempts. Marami-rami rin yata ang naisulat. Pero, ilan lang ang mga kopyang nag-survive…  Tapos, naging magulo na yata ang buhay ko, haha. Basta, kinalimutan ko muna ang pagtula-tula. At least, ‘yong ganoon ka-conscious na pag-upo at seryosong pagsusulat ng mga tula.

 

May ilang pagtatangka pa rin naman within 16 years, siguro… May taong makakagawa ng tatlo hanggang limang tula, may mga taong maski isa, wala. Walang output. Nada, as in… May limang taon pa yata roong wala talaga. Di ko maalaala kung busy ba ako noon talaga, sa buhay kong liko na pilit itinutuwid, haha, o wala lang…

 

Basta, dumaan sa feeling ko, mahirap ang tula bilang isang anyo ng sulatin. Di siya kagaya ng prose o essay na sandaling panahon lang, kinakayang makapaghabi agad kahit paano. May mga panahon pang inisip kong wala na talaga – di ko na maibabalik ang kakayahang tumula gaya noong early 20s. Frozen ability na, kako. Medyo ganoon ko siya itinuring…

 

image poster saying poetry is hard and sometimes could be pulled off by rhyming

Dumaan din sa mga panahong tila walang matinong taludtod na maisulat/ mysterywritersunite.blogspot.com

 

Noong bandang huli ng 2010, blogging na ang lola nyo – naalala uli ang paggawa ng tula. Nakakakita kasi ng ka-blogs na may posts na tula. As in, tula! So, sumubok uli ang inyong abang lingkod… Himalang nakagawa, yehey! For some reason, hindi yata gaanong mahirap. Parang natural na dumadaloy ang mga taludtod, ewan ko… ^^ Tapos, ayon, nagtuluy-tuloy na. Simula late 2010 hanggang ngayon, nakagawa na rin ng ilang dosena. Sa Tagalog ang mas marami.

 

image of rain droplets symbolizing the writer's ideas for poems

Kung minsan ay mas madalang pa sa patak ng ulan ang pagdating ng mga ideya/ damiengwalter.com

 

Naging in touch yata ako sa poetic side of me, nyehehe… Basta, naaaliw din akong nakakabuo na pala ng mga komposisyon sa paraang patula.  Isinusulat ko sila sa papel, gamit ay lapis, ahihi… Kaya ayon, medyo itinuturing kong miracle na naihatid pabalik ng blogging ang interest kong humabi ng mga tula.

 

image of two chickens talking about poetry

Hindi rin yata tuwid at makinis ang daan pabalik sa bahagi ng sariling tumutula/ hispirits.blogspot.com

At least one-third yata ng mga naisulat kong tula, nailathala na bilang blog posts. Noong una, hindi ko talaga sila balak ilathala, pansarili pa rin lang sana. Lalo na ang mga tulang ukol sa love realized at piyesang dreams come true? Nakow, gusto kong itago at ipagbabaon, haha…  Pero, nakakatuwa  ring medyo marami naman yata ang nakaka-appreciate ng love poems na inilathala dito sa blog.

 

Ayon, may ilang pamagat ng tula akong ihahanay dito. Love poems, siyempre. Iyong malulungkot at mapapait para windangers ng konti – ang sama… 😉 Actually, mayroon ding hindi love poems sa imbakan.  Pero, sus, mas gusto nyo ang may himig at tinig ng pag-ibig, patatawarin…^^  Kaya ayon, mga kapatid,  ang hiling ko, kayo sana ang pumili kung alin ang ililimbag natin ngayong buwan. Isa lang ang pipiliin, ang makakuha ng pinakamaraming boto, siyang ilalathala –

 

namumulot sa kawalan – inspired ito no’ng Korean film na may lake. ukol ito sa pag-ibig na di kayang ibalik, huhu. nananaghoy ang drama ng mga taludtod. ang take-off  ay ang tulang Nananawagan na inilathala sa suspended site.

 

Sa sangandaan ng buhay – sa tunog pa lang, halatang serendipity ang plot nito, haha. chance meeting na tumuloy sa naging sila. sa dulo, hindi na rin sila.

 

yakap sa kupas na alaala – pagbabalik sa mga pasaway na alaala ng pagmamahalang akala ay panghabambuhay ngunit hindi rin naman pala.

 

sa mga panahong naiinip ang puso – pagtatangkang ilarawan ang pakiramdam ng isang naghihintay na naiinip, ng isang nagnanais makatagpo at matagpuan.

 

Wala kang binitiwang pangako – isang pag-iibigang nakasulat sa kasaysayang isang araw ay mabibigo, tutuloy sa hiwalayan.

 

salansan – tungkol ito sa buhay-buhay sa araw-araw na minsang dinalaw ng makulit na pag-ibig upang sa huli, ibalik  sa dati – loveless. shaks…

 

labis ang pangamba – isang paglalarawan paano ang batang pag-ibig, anu-ano ang dinaraanan nito at paano ito dinadala. lumang tula pa itong medyo ni-retouch lang. ‘yon lang, di ko sure kung maganda ang kinalabasan, haha.

 

Pili kayo ng isa lang, mga kapatid. Ang pinakamarami ang makuhang Ayiii! iyon ang ililimbag natin. Pakilagay sa comment section ang pamagat ng tulang inyong napupusuan. Maraming salamat po. 😉

 

Kasya Kaya? (reblog)

 

Bilang pagbibigay sa hiling ng isang ka-blog, ilalathala natin ito muli bilang related post sa lathalaing buwan ang saksi… Mas masaya kung magko-comment kayo, mga kapatid. 😉 Tulad ng dati, salamat…

sasaliwngawit

Kulang ang mga salita para ilarawan ang aking nadarama

Kulang ang mga bituin para sa iyo’y ialay

Kulang ang lamlam ng buwan para tanglaw sa ‘ting pagmamahalan

Kasya kaya ang langit, para balutin ako ng iyong pag-ibig? 😉

View original post

Buti Pa, Buti Nga

image of lovers about to go their separate ways

Maraming dahilan para di magpansinan/ goten-courtney.deviantart.com

Buti pa noon, walang araw ang lumilipas

Na di mo sinasambit, pag-ibig na wagas

Abot hanggang langit at kamo’y di kukupas

Lumindol o bumagyo, mundo man ay magwakas.

 

 

Buti nga ngayon, kita’y pinalalampas

Istilo mo’y bulok, panay ang iyong iwas

Walang kadahi-dahilan, ‘ka’y kumakaripas

Sa FB nakatutok, naglalagay ro’n ng angas.

 

 

Buti pa dati, di ko ang gan’to nararanas

Ang maghintay na parang wala’t nababanas

Gusto ko yatang magwala at magwasiwas

Ng gulok na inihasa, para ipantabas.

 

 

Buti nga’t pasensya ko’y mataas ang patas

Ang mga palusot mo’y para lang sa batas

Damdamin ko’y nilalaro mo, ng walang habas

Pasensyahan tayo, pag pasensya ko’ng nangalas.

 

 

Dalawang linggo, dalawang araw at oras

Ano’t nagpakita ka ng ganitong dis-oras?

Dinaig mo pa,  isang presong takas

Tapos na kaarawan ko, pati bisperas.

 

Buti pa, magpahangin ka muna sa labas

Ilalagay ko sa kusina, suhol mong prutas

Mag-i-FB rin sandali,  para sa pahimakas

Ilalagay ko’y paalam sa iyo – wagas na wagas. 😉

 

 

image of cross rails of a rail line in Colorado

May bahagi ng linyang ang dalawang riles ay nagsasalubong at mayroon ding naghihiwalay/ flickr.com

* Sa mga hihiram ng munting tula, paalalang kilalanin itong source site at maglagay ng URL/link pabalik dito, sa inyong post. Marami pong salamat. 🙂

** Pasasalamat kay Ginoong Gary Granada, ang kwelang singer-songwriter. Istilo nya ang ginaya ko rito. Huwag nyo akong itatanong sa kanya, wari ko ay ni hindi nya tanda ang aking pangalan, haha. Pero, kilala nya ako sa mukha. Maraming pagkakataon na rin kaming nagkasama nitong mamang ‘to. Wala lang, usually, audience nya ‘ko – tagapakinig, taga-tawa, ganyan…

Sa pagkaalala, natatandaan nya ako bilang isa sa pinakatangang aleng nasalubong nya, haha. Dati kasi, may bago syang release na CD and DVD, lecture kunwa-kunwarian, haha, pieces of wisdom ng isang Gary. Sa NGOs at bars na tambayan ng mga taga-NGO ang bentahan ng produkto, hihi. At siyempre, sa mismong backpack ng mamang musikero, parang busker na singer lang ang dating, haha. Pagkatapos ng isa nyang performance, nag-alok na siya ng CD sa mga nandoroon sa venue. E, di bumili me, apat na DVD yata at tatlong CD, panregalo. Kulang ng P300, baka kako pwede saka na lang ibigay. Pumayag sya, siyempre, ang iba naman yatang kumuha, payable in the future din.

Nagkita uli kami, mga tatlong linggo na ‘ata pagkatapos. Parang meeting ‘yon, legislative chuvah-chuvah ng isang advocacy na hindi ko na matandaan. Palabas na ako ng venue, paalis, nasalubong ko sya – papasok naman. So, hinarang ko ang mama at iniaabot sa kanya ang balance na P300. Ni-remind ko sya, para saan. Pagka-recall nya, bumunghalit sya ng tawa. Tuwang-tuwa, hinahampas-hampas ako sa likod. Kakaiba raw, ako lang daw na-meet nyang gano’n – nagbayad pa, gayong pwede na raw na hindi.

At hindi pa sya nasiyahan, hinila pa ako papasok at ipinakilala sa mga tao, sus. Nagbayad raw ako sa kanya, halos lahat daw ng iba ay lista na sa tubig, haha. Ayon, ang smart ko lang, sa paningin nya. … Hindi kami close, as I said, pero sa pagkaalam ko, masayahing tao si Ginoong Gary Granada in person. Mahilig siyang humagikgik, pasimple ang mga hirit at nakakabilib sa sinulat nya dating libretto ng musicale na Lean, Lean.

 

Andoon  sa librettong yon ang formal na Gary, ang titser na Gary, iba ng konti sa unassuming na  Gary na pwedeng masalubong mo lang, naglalakad – sa may UP Shopping Center. Siya ang isa sa kilala kong manunulat na mahusay sa paglalarawan ng maliliit na pangyayari, maliliit na tao at maliliit na pakiramdam. Everyman’s writer, kumbaga. 🙂

 

 

 

Tinanong Mo Ako Kung Bakit

 

Tinanong mo ako kung bakit

hinayaan ko syang umalis

kung mabilis lang ang paglimot

kung matagal ba akong nanangis?

 

Image of a mask, crying

May mga tanong na mahirap hanapan ng sagot/ http://www.masktales.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Tinanong mo ako kung bakit

ganoon naging pasya

kung matapos ang paalaman

nakuha ko pang maging masaya?

 

Tinanong mo ako kung bakit

hindi ko ipinaglaban

bagay na tila sa ‘kin naman

kung meron ba akong pinagsisisihan?

 

Tinanong mo ako kung bakit

hinayaan kong lumipas ang panahon

kung binabalikan – lipas nang kahapon

kung binibilang, nangalalaglag na dahon?

 

Tinanong mo ako kung bakit

hindi pinupunuan ang mga kulang

di nalalagyan ng sagot, ang mga puwang

kung tama na ba ang minsang magmahal?

 

image of leaves fallen on the ground

Binibilang ba ang nangalalaglag na dahon?/ fantom-xp.com

 

 

 

 

 

 

 

Tinanong mo ako kung bakit.

 

* Tama kayo, mga kapatid, single-blessedness ang paksa ng tula. Ahaha, oks ba? Pampasaya lang sa atin itong piyesa. Baka may ilang curious na malaman ang take ko sa usapin. 😉 😉

 

** Siyanga pala, maaring i-share ang tula doon sa mga nagnanais. Subalit sakaling mayroong gusto muli itong ilimbag, kopyahin o gamitin sa paraang nasusulat o nakalimbag, mangyaring sumulat muna sa sasaliwngawit@yahoo.com para sa pahintulot.

 

Maraming salamat. Cheers! 🙂