Minsan pa, sa tag-araw…

 

Minsan pa, sa tag-araw, hayaan mong balikan ko ang mga nagawa mo sa aking buhay…

 

image of a beach resort in Northern Philippines during summer

Sa maliwanag at maalinsangang tag-araw, wari'y tinatawag tayong mamasyal/ flickr.com/photos/twistedhalo/168021185/ Original photo by twisted halo

 

Pinatawa mo ako uli. Tila bago ka dumating, ano’ng hirap gawin nitong munting pangkaraniwang bagay. Anong dali noong magkunwaring nakikinig, nakikisaya kahit hindi naman at naglalagay ng bakanteng expression sa mukhang nasanay nang kakaunti ang lugod na natatagpuan. Sa iyong pagdating, lahat sila ay napalis. Lantay na galak ang iyong ipinalit.

Pinangiti mo ako ng madalas. Mga ngiting hindi kailangan ng paghahanda sapagkat kusang umuusbong sa mga labi, kusang naglalandas sa bibig, pisngi at mga mata. Bakit nga ba ang simpleng malamang andyan ka ay nagdadala agad sa akin ng ngiti? Tiyak ako, hindi lamang sa akin. Kung tutuusin, hindi ka madalas ngumiti dati. Pero napapangiti ako habang  inaantay kong ika’y magbahagi ng kapirasong ngiti.

Tinuruan mo akong humalakhak muli. Mga halakhak na pumapawi ng pagod sa mga sandali, araw at buwan. Saang tabi ko nga ba naipatong ang kakayahang humalakhak dati? Hindi na siguro mahalaga iyon. Ang mainam ay nagawa mong bawiin sa pagkalimot ang kaakuhang sadya nga palang masayahin at may pakundangan sa iba. Ang tumawa ng malakas at walang agam-agam, ibinalik mo sa akin…

Binawasan mo ang mga kunot sa aking noo. Oo, ikaw na siyang bihasang kumunot at magduda sa paligid. Ikaw na suri ng suri sa kung ano at silip ng silip sa halos lahat ng sulok. Ikaw na matagal bago magtiwala sa tao. Madali ka bang makalimot o kailangan lamang na ika’y paalalahanan lagi? Na ako ito, na siya iyon at ikaw pa rin iyan – at magkausap at magkasama tayo noong isang linggo. At habang iniisip mo pa kung sino nga ba ako at ako ba’y iyong papansinin at kakausapin, kukunutan mo muna ako ng noo, bagay na labis kong ikinatutuwa.

Tinuruan mo ako uling maging payak. Pinasimple mo lang ang equation – ang mahalaga ay magkasama tayo at binibigyan kita ng oras at atensyon. Ang mainam ay sa oras na iyon, ako ang pinili mong makasama – hindi ang iba. Ako ang tutugon sa iyong mga hiling, ang pirming hahabol sa iyo at pirming magrereklamo kung bakit ganyan ka kakulit. At dagli mo akong iiwan sa sandaling maalaala mong may iba nga palang bagay at taong mas nakakatawag-pansin. Tinuruan mo akong maging payak sa mga dapat kong asahan.

Pinagagaan mo ang mabibigat. Pinalilipas mo ang mga oras ng di ko namamalayan. Inaaliw mo ako sa mapagtanong mong mga tingin, sa mga salita mong wala halos akong nawawawaan at sa mga kilos mong tila nagsasabing wala kang pakialam, bata ka pa naman. Bata ka pa naman talaga. Pero dahil sa iyo, tila nag-iba ang timbangan. Wari ikaw ay sariwang hanging dumarampi sa likod sa mga hapong kainitan.

Kinukulayan mo ang mga sandali. Sinliwanag ng sikat ng araw sa panahon ng tag-init, ganyan ang kasiyahang isinisabog at ibinabalot mo sa bawat makadaupang-palad. Malikot ang iyong diwa, malulutong ang iyong mga tawa at walang  pag-aalala sa hinaharap ang iyong mga kilos. Isa ka yatang handog para sa mga tulad kong marami na ang nilakbay, tinangka at tila ayaw nang balikan.

Dumating ka bago ang tag-araw, wari ay doon sa yugtong madidilim ang mga nakalambong na ulap. Dumating ka ba ng may abiso? O, nabalitaan ko na lang na andyan ka na? Ikaw pala ang papawi sa aming kalungkutan, ang magtuturong  lumakad muli ng mabilis at walang pag-aalinlangan at maghahatid ng pag-asa sa panahong tila kayhirap muling umaninag ng bukas. Hindi ko pa kayang eksaktuhin ang lugar mo sa mundo ko at sa mundo ng iba pa. Ang tiyak ko lamang, mula noong ikaw ay andiyan,  nag-iba ang ikot nito at naging mas makulay. Ang makasama ka sa tuwina, tila baga pamamahinga sa lilim, sa hapon ng tag-araw.
Ano nga uli ang sabi? Ang mga tulad mo ay paalalang sa kabila ng walang-tigil at gabundok na mga dusa at sakit, ang buhay ay patuloy na pipintig at marapat lamang na ipagpatuloy…🙂
image of our grandniece, newly-awaken from deep sleep

Ang ikatlo naming apo sa pamangkin, bago siya magsampong buwang gulang/ personal files

 

32 thoughts on “Minsan pa, sa tag-araw…

  1. Ang munting anghel.. =}
    Sya ba ang nagpangiti at nagpatawa sa’yo. Nagpahalakhak na para bang wlang problema sa mundo =) nagpaalala na pwedeng gawing simple ang buhay na komplikado? Hulog nga sya ng langit… :d
    Siguro sweet din ng batang ito… Kisssssssss na lang po sa kanya🙂

    • Hello, CrazyFrog,

      Nakow, di masyadong angelic ang mga kilos nya, hihi.😉 Malikot, makulit, ikot ng ikot na parang trumpo. Mahilig maglipat ng mga bagay-bagay, maglaro ng tubig at magsisilip sa holes, haha. Pag may french fries halimbawa, pupunta sya sa garahe, hahanap ng butas sa ground at doon isasawsaw, haha. Ginagawang dip? As in…😉

      Sweet sya pag yumayakap ng lapat na lapat, ahaha. Parang ‘yong nagkakarga lang sa kanya ang kakampi nya, ayon… Teynks, sige, iki-kiss kita sa kanya ng marami… Happy summer!🙂

  2. kamusta, saliw?

    narinig ko minsan, kapag daw may bata sa bahay, parang parating tag-araw.. Masaya at parating may kinasasabikan,,,

    ang cute naman ng batang yan,,, at ang buhok, nakakatuwa… malamang, gigil na gigil ang buong pamilya sa kanya…

    magandang araw…

    • Hello, Lipadlaya,

      Ahaha, ang saya naman at napadaan ka. Mabuti naman, mainit lang, hihi. Mainit sa Pilipinas.😉

      Ah, di namin sya kasama sa bahay pero madalas namin syang pinupuntahan (malapit lang) o kaya, hinihiram. Parati kaming lahat naghahanap ng excuse na makasama sya, haha. Para syang sunshine… ^_^

      Ahaha, di naman masyado… Let’s just say na bawat isa sa titos and titas, lolos and lolas nya e, gumagawa lagi ng lakad para maisama sya. Malaki na wari ko ang naiambag nya sa GDP, hihi. Kumita na ang keraming resto at kapihan sa kanya, ahaha.

      Ang buhok nya ay parang sa sabukot.😉 Magandang araw at tag-araw sa iyo!

  3. Ang kyut-kyut niya! Di na ako magtataka kung bakit napakahaba ng post mo sa kanya, kung bakit gayun na lamang ang damdaming ibinuhos mo sa sa iyong sulatin🙂

    Magandang araw at hello rin sa iyo🙂

    • ahaha, salamat, Nortehanon.🙂 magkasama kasi kami noong Wednesday evening, pinahabol nya ako ng pinahabol, kainaman. earlier that day, nagme-meryenda kami ng mcdo e, natapon nya ang vanilla ice cream. ang bilis nyang nag-duck, kailangan ma-mess up nya agad ang concoction before somebody beats her to it. gano’n…😉

      salamat sa pagdaan, dear and have a great weekend!🙂

  4. Ayos, tapos habang binabasa ko nakikinig ako ng tugtog, nakakareminisce sabay sa dulo yung pamangkin mo ang cuuuute cuuuute! siguro ganito ka din ka-cute nung bata ka pero yung nanay mo kumukunot noo imbes na nagbibigay ngiti hahahaha biro lang po.😄

  5. ay, salamat, batopik. cute nga ang bebe namin, as in…🙂 ah, kung may itinago man akong ka-cute-an no’n, matagal nang na-misplace, shaks na yan ^_^ pareho lang kami ng baby na kumukunot ang noo – pag sya, cute!😉

    • ahaha, hello, kulisap! panay nga ang bili ko ng asukal sa grocery at pati sa tindahan. borderline diabetic na ako, wari ko… nakow, kakaunti na ang suwit na nasasalubong, mas marami ay boladas ang ini-offer, as in…😉 may nagpapatamis ga ng buhay mo sa ngay-on? ahihi. ^^

  6. “Isa ka yatang handog para sa mga tulad kong marami na ang nilakbay…”

    Tunay na tunay ang iyong sinabi na ito. Maraming kaligayahan at mga aral tayong nakukuha sa mga bata….pagpapaalala na kumikilos sila ng buong tiwala at pagmamahal sa kanilang mahal sa buhay na kasama sa araw-araw.

    Kay ganda ng iyong apo…miss ko na rin ang isang apo. Musta na lang dyan sa atin.

    • hello, lolo! ahaha, ipinakita ko nga rito sa baby namin itong post kahapon. tumatawa sya tapos, tumitingin sa akin. sabi ko sa kanya, “tamo, may mga nag-like…” nakakatuwa pag may makulit, parating nangunguna-nguna, di pa naman marunong mag-measure ng hakbang.😉

      salamat ho. a, ay dalawin nyo kasi, puntahan, ahaha. ^^ mainit ho rito…🙂

    • ahaha, salamat.🙂 ay, oo, makulit sya – kung aling bagay ang ginagamit mo, kukunin nya’t itatago o itatapon. tapos, sasabihin nya sa ‘yo – “Na, na “(‘la na!). asar, as in… pero cute!😉

  7. Pingback: Mga kwento sa likod ng kwentong tag-araw | sasaliwngawit

  8. Pingback: Mga tinig sa panulat | sasaliwngawit

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s