Parang wala lang…

 

Naisip ko lately, lumalala na ang reputasyon nitong site na ang bibigat raw ng laman – seryoso ang mga sinasabi at kaylalalim ng Tagalog, as in… As in, may mga nagsabing pwede raw palang ma-nosebleed kahit sa Tagalog? Shaks, gusto ko silang sagutin, “Oo, kaya? Noong estudyante pa ako, parang mas mahirap pa sa foreign language ang Filipino, lalo na ‘yong may morphemes-morphemes?” Siyempre, di ko sinabi, nahiya naman ako. Parang ang tanda ko, mababait na tao ‘yong bloggers na nagsabi. Saka, may point kaya sila? Doon yata ‘yon sa KM3 post…

 

Ano ba? Hmnn… malalim nga ang KM3 post na ‘yon, oo. Kasi ba naman, kahit ako, first time ko rin yatang nagamit in written form ng mga salitang gumugurlis, sumasargo at ‘yong salitang tanan, hahaha.  K, k, fine, guilty nga po…    Ganire, sakaling may di nakakaalam, ang gurlis ay ang ginagawa ng manok na isinasabong – ginugurlisan nya ang kalabang manok gamit ang tari. Sinusugatan, kumbaga. Shaks, di nyo rin alam ang tari? Palagay ko, hindi nagsasabong ang Tatay nyo, joke!  Ang tari, bakal na matulis na ikinakabit sa paa ng manok na isinasabong para deadly ang tama pag nag-strike sa kalaban. Yown.

 

Ang sumasargo naman, ‘yong blood o dugong nag-i-spurt. O, di ba, ang cono ng dating? Parang wala lang, spurt… Pag halimbawa, tumama sa katawan ng manok ang tari, malamang sasargo, as in, dadaloy pataas ang dugo, parang fountain. Yown… Teka, background muna. Sa lugar namin, sports and hobby ng kalalakihan ang sabong. Halos lahat yata ng sambahayan – may Tatay, kapatid, Tiyong nagsasabong. Kumbaga, parte na ng buhay ng mga kalalakihan doon sa amin and necessarily, ng kababaihan na rin, haha, ang manok. At kahit ang gaya kong against na against sa sabong, alam din ang tungkol sa tari-tari, kainaman..

 

image of Francisco Baltazar or Balagtas, author of the epic poem, Florante at Laura

Malayo na rin nga tayo sa panahon ni Balagtas/ pinoypanitikan.wordpress.com

Tanan na, tanan. Hehe, hindi tahan, tanan. Ang tanan ay isang lumang salita, tama kayo. Ang pagkagamit ko sa KM3 post, “may susupil sa tanan.” Palagay ko rin nga, may winindang akong mga kai-kailan lang ipinanganak na tenga  sa sinulat kong ‘yon, pasensya naman… Ang pagsupil ay repression sa salitang English. Shaks, kahit nga pala sa English mabigat din. Hoho nga? Parang gusto ko na rin yatang i-protesta ang site ko – masyadong adult ang content, pang-olden days, haha. So, yon, susupilin daw ang tanan. Ano nga ang tanan? Tanan is mass or masses.  So, repression of the masses ang sinasabi sa post na hindi nagpakali at tumuliro sa mga nakabasa, ang kulit lang.

 

Violent ba ang post na iyon? Ewan ko…  Nasa babasa, actually (Yes, may actually…)  kung ano ang images na mabubuo sa isip nya habang nagbabasa. Imagery and rhyming nga pala ang techniques na ginamit sa komposisyon. Imagery na manggagaling sa mga tunog, ingay at boses at ang rhyming habang binabasa ang mga salitang ginamit. In fairness, may mga natuwa sa rhyming, haha. Parang trick of the tongue na sinasabayan ng pakikinig ng nagbabasa. Bale, may reader’s participation sa akdang  ‘yon, pasensya naman. Hindi lang kailangang basahin at intindihin iyon ng babasa, kundi pakinggan at itsurahan pa ang mga sinasabi sa akda. Sawi o wagi? Hindi, k.s.p. at maarte lang, feeling ko…

 

Ang ginawa ko ro’n, naglista lang muna ng mga salitang related sa sound and voice. Parang nag-ipon lang muna. Around 8pm ko yata ginawa, kulang-kulang isang oras. Tapos, lumabas ako para sa errands, bumalik ng bahay, kumain, nagpakain ng iba pang mga dapat pakainin, haha, at nagligpit. Entonces, past 11 na uli ako nakaharap sa computer para buuin ang kung anu-anong mga salitang ipinaglilista ko at ni hindi ko rin naman alam kung saan ko pinagkukuha, haha. Past 1130 na yata bago ako nagka-ideya kung ano ang pwedeng running theme ng komposisyon, kung paano ito magmumukhang hindi lang mga salitang pinagtitirintas.

 

Ang dapat sisihin, sa totoo lang ay ‘yong nagpakontes. Taon-taon nyang ginagawa ‘yan – ang mambulabog ng mga tao, ipaalalang noong araw ay may isang wika raw na nagbigkis sa ating lahi (Linya nya yan, maniwala kayo…) at dapat daw alalahanin ang mga manunulat na tulad nina Lope K. Santos, Amado V. Hernandez at Rogelio Sikat. Ang nakikita kong paliwanag sa kakaibang tendency ng taong ito ay malamang, nabuhay siya sa parehong panahong buhay ang mga nasabing Filipino writers. Oo, pramis, masayang masaya at giliw na giliw sya pag nakakarinig, nakakabasa at nakakapagsulat ng mga malalalim na Tagalog, as in… So, nandaramay lang siya. Kahit i-check nyo pa, di nga…

 

Actually, sumilip ako noon sa sites ng mga maaagang naglathala ng entries para sa patimpalak. May mga nakita na akong malalalim ang salitang ginamit, as in. Merong komposisyong may salitang duhagi. Duhagi, as in… Nagulumihanan ako sa sarili ko nang mabasa ‘yon. Parang alam ko ang salitang ‘yon pero parang hindi? Parang maganda ang ibig sabihin, pero hindi ako sigurado… Ang pumasok sa isip ko, despondent. Yun, malalim uling English, panalo!  Anyway, medyo ganoon naman nga yata, pagiging dusta ang ibig sabihin ng duhagi. Actually, napabilib ako sa nagsulat kasi, elementary pa yata noong nakasalubong ko ang salitang duhagi. Sa isip-isip ko, kainaman na ang may pakontes na ‘to – kung saan-saan at kung sa anu-ano itinutulak ang mga tao, as in..

 

image of a hand writing on a paper

Mas upbeat at makabago na ang mga sulatin sa panahon ngayon/ pinoypanitikan.wordpress.com

 

Anyway, saan nga ako? Ayon, doon sa ang seryoso ng site at ang lalalim ng Tagalog. Nga pala, doon sa post na Madali raw magsulat?, naisiwalat kong ang isa sa panuntunan ko ay ang paggamit ng tuldok. May mga nag-react palang ka-blogs kasi di nila kabisado ang paggamit ng tuldok. Ei, mga kabayan, mga kapatid, pasensya naman. Di ko kayo pinariringgan sa tuldok at punctuations. Rule ko ‘yon sa sarili ko. That time, hindi ko naisip kung ano ang inyong panuntunan o practice sa pagsusulat. Ang mas naalaala ko, ‘yong kapatid kong kuwit naman ang paboritong gamiting punctuation. Kung meron man siguro akong argumento, para sa kanya, haha, tipong – in defense of the period as a good enough punctuation. Yown.

 

Anyway, ano bang gusto kong sabihin? Wala lang… Sabado ng madaling araw at naiwan akong mag-isa sa bahay. Ang kapatid ko ay nasa abroad at ang dalawa kong pamangkin ay umuwi sa probinsya – ang isa ay para makipaglibing sa Lola nya sa tuhod sa kabilang side. Yong isa naman, wala lang… Actually, gusto ko lang sabihing gumagaralgal ang electric fan dito sa tabi ko kaya pinatay ko na lang muna. Parang kailangan yatang i-oil ang makina, kailangan yatang dalhin sa shop bukas… Parang wala naman talaga akong gustong sabihin. Parang wala lang… ;)