ulan sa puso at iba pang mga tila walang saysay na panimdim

 

Hello, mga ka-blog… Kumusta kayo? Kumusta matapos itong bagyuhan ng mga nakaraang araw? Humigit-kumulang, dalawang linggo na halos na tuluy-tuloy ang buhos ng tubig, parang walang puknat ang mga patak. Hala, hindi pa tapos magpatuyo o magpagpag man lang ng mga nabasa, hayan na naman, bubuhos uli… 😉

 

image of a woman walking in the flood

Isang kakaibang karanasan palagi ang tag-ulan sa Pilipinas/ updatednews.ca

Mahilig ba kayo sa ulan? Ako, oo. Sobra… Pero, siyempre, di ko rin gaanong gusto ang inconveniences na dala nito, hihi. Mahirap kaya laging mag-byahe basta tag-ulan? Tapos, nakakabasa pa – sapatos, damit, likod… Tapos, ang buhok, parang sa basang sisiw lang, as in… At, higit sa lahat, mabagal ang daloy ng trapiko, parang di umuusad.

Ganoon pa man, mahilig pa rin ako sa ulan. Sa akin, lagi itong may may dalang  sayang di ko mawawaan, di-mailugar… Siguro, natutuwa ako sa pangyayaring dinidilig nito at ginagawang parang bago ang mga damo, mga halaman at mga puno. Nagagawa nitong sariwa ang mga bagay na may buhay. Nalilinis din nito ang paligid. Ang sarap masdan ng mga kalsada pagkakatapos ng ulan – para silang naligo, parang nakasingaw at kapag sila’y natuyo na, para ang mga yaong binihisan, ahaha.

 

Pero, kung tutuusin, ako rin ang taong mahilig sa tag-araw. Gusto ko rin ang summer maski pa mainit. Gusto ko yaong nasisikatan ng sinag ng ginintuang bolang pagkalayu-layo ang bawat kaliit-liitan at katagu-taguang mga sulok, ang pagmukhaing tila anong liwanag ng lahat at para bang ang mga suliranin ay kayang hanapan ng lunas – sapagkat andiyan ang araw.

Tila ayaw niyong umalis, walang puknat ang init at walang patawad kung suminag si haring araw kapag tag-araw… Iyon lamang, bago pa ng isa maisingit ang mga binalak gagawin at pupuntahan sana, ayan at andyan na pala ang ulanan sa mga hapon. Nagsasalubong ang init at ambon kapag buwan ng Mayo.

 

Kung minsan, iniisip ko, mahilig lamang talaga ako sa kalikasan, sa nature. Laki kasi akong probinsya, nagkaisip sa isang liblib na baryong laging mahamog at maginaw sa umaga. Mahangin din doon sa lugar namin at berde pa, maski saan ka tumingin. Hindi kalbo ang mga bundok na natatanaw sa di-kalayuan.

 

image of a creek where floodwater is flowing

Karaniwang sinusundo muna ng ulan ang tubig sa sapa/ flickrhivemind.net

Isa pang naaalala ko kapag ganitong ulanan na, nabubuhay ang sapang malapit sa amin, nagkakatubig. Siguro, mga pitong daang metro ang layo ng sapang iyon sa bahay namin. Lalakad muna ang pupunta roon sa patag, bago bababa sa may agbang. Ang agbang ay ang natural na daanan ng tubig-baha mula sa mataas na lugar, pababa. Nasa pinaka-ibaba ng bangin ang sapa. Sa mga unang buhos ng ulan, baha pa ang dadaloy sa sapang iyon – may kulay ang tubig na umaagos… Makalipas ang ilang linggo, malinaw na at hindi na sa ulan galing ang tubig – sa sapa na mismo.

Parang sinusundo lang ng ulan ang tubig na nasa ila-ilalim at gilid ng sapa. Nakatago sa likod ng mga pilang bato at sa mga ugat ng mga halamang nakatanim sa paligid. Sa sandaling luminaw na ang tubig sa sapa, parang himalang may lumalabas na rin doong maliliit na mga isda, mumunting talangka at sangkatutak na palaka. Pag ganitong panahon, buhay na buhay na ang sapa… Tamang tama namang nahihinog na ang mga bunga ng punong lansones na nakatanim sa dahilig ng sapa. Pag nagsisipatakan na ang mga bunga, sa agos ang kanilang tuloy, haha. Doon sila magbabagsakan, aanurin, kasama ng mga nalalaglag na dahon…

Isa sa masasayang naaalala ko noong mga bata pa kami, ulang-ulan, tatakas kaming magpipinsan – papunta sa may sapa. Makikipaghabulan kaming tila mga walang bait sa mga lansones na nangalalaglag. Takaw-disgraya  ang gawaing ‘yon – madulas, madilim ang lugar at matarik ang kinatataniman ng mga lansones. Pag may nasaktan, walang makakarinig sa amin. At siyempre, hindi pwedeng sabihin sa matatandang andoon kami para- sa- dakilang- mithing- lansones – uunahan namin sa paggulong bago pa makapatak sa sapa, patatawarin.

 

Walang ilog sa lugar namin. Sa dalawang magkatabing baryo, wala. Wala lalong dagat. Sa kasunod na bayan, mayroon. Pero, lalakad pa ng malayu-layo tapos, sasakay ng dalawang beses, saka lalakad uli. Saka pa lang makakaramdam, makakaamoy at makakasilay ng dagat… Pero, isandaang metro mula sa bahay namin, tanaw sa malayo ang mas malaking dagat, ang bay sa aming probinsya, nasa unahan at binabakuran ng isang blue green mountain range. Dalawang oras mahigit ang byahe paparoon kaya hindi karaniwang pinupuntahan ng mga taga-amin ang dagat ng lalawigan. Tinatanaw lang naming mga bata iyon, tumatayo kami noon sa kalapit na patuto o slope…

Hayon, mula noon hanggang ngayon, pag isang kilometro na ang lapit sa dagat, kahit saan yatang dagat, nararamdaman kong tumatalon na ang aking dugo, may nag-iiba sa pakiramdam. Sa mga pagkakataong nasa sasakyan, parang gusto kong bumaba na agad – tatakbuhin ko na lang at sasalubungin ang hanging-dagat. Tila isang taong matagal na nakakulong, lalaya…

 

Pero sa bayan namin, may ilog… Sa bayan, mismo. Malaking Tubig ang tawag ng mga tao. Doon iyon andoon sa may tulay, sa pagitan ng munisipyo at ng palengke. Noon, hanggang maari, pag pumapa-bayan kami, humihiling ako sa kasama ko, sa sinasamahan ko, maglakad na lang kami papunta sa palengke  – para matanaw kong maigi ang ilog sa bayan.

May hawig din ang ilog na yaon sa sapa namin, kung tutuusin. May tanim ding mga lansones sa gilid, haha. Marami ring mga punong sobrang lalaki at lulusog ng mga dahon at ang mga ugat nila ay kadalasang nakalitaw, haha. May munting eco-sytem din doon ng mga lamang-dagat, kulisap at hayop na nabubuhay sa paligid. Halos pareho rin…

 

image of a Philippine river

Medyo hawig sa nasa larawan ang ilog sa bayan namin, mas madilim nga lang/ joanphils.0catch.com

Mas malaki at mas marami nga lamang ang tubig na dumadaloy sa ilog. Mas malakas din ang lagaslas ng tubig doon. Isa pa, sa parte ng ilog na matining ang tubig, malalim. Mas malalim, alam namin, kaysa sa sapa naming pitong piye lang ang pinakamalalim na bahagi… Hindi ko naranasang tumuntong sa malalim na parteng iyon ng sapa, sa bahaging mga tatlong piye lang ang lalim o mas mababaw pa – doon kami noon dumadayong maglaba, magtampisaw at maglaro… Ang pinakapaborito ko, pag maglalakad na kami ng patalon-talon sa ibabaw ng mga malalapad na bato sa sapa – pagalingan kaming hindi mahulog o madulas. Ginagawa namin iyon noon, kapag tapos nang maglaba…

 

Magkakarugtong ang mga tubig, iyon yata ang isang kaalamang sa buhay at hindi sa eskwelahan ko natutunan. Ang sapa sa may amin, tutuloy at dudugtong sa pinakamalapit na ilog. Ang ilog naman, dudugtong sa pinakamalapit na dagat. Mula sa dagat, matapos humampas sa dalampasigan o sa mga batong pinagpatung-patong, ang mga alon ay babalik muli sa mga pinanggalingan – sa mga ilog at sa mga tributaries nito – hanggang makarating muli sa mga mumunti at hamak na sapa, gaya ng kung anong mayroon sa may amin.

Iikut-ikot lang ang tubig, maghahanap lagi ng  kanyang daanan. Nililinis at binubuhay nito ang bawat madaanan. Hinahaplos… Pinapaalalahanan sila marahil – ang tubig ay nangangahulugan ng buhay o ang buhay ng mga nilalang sa tuwina, nasa tubig.

 

Noong nag-aaral pa sa kolehiyo, mas hilig kong pumasok pag tag-ulan, haha. Pag papasok kasi sa U.P. campus, makalampas ng checkpoint o iyong kung tawagin ay Tatsulok, may mahaba-habang strip doon ng damuhan sa kanang bahagi ng kalsada, tuluy-tuloy iyon hanggang sa makakanan na ang dyip o sasakyan sa may University Avenue. Ang ganda ng tubo ng mga damo roon – pantay-pantay, berdeng-berde at pag tag-ulan, napakalamig sa mata ng tanawing iyon. Anong inam pagmasdan! Subukan ninyong dumaan sa lugar – mga alas-otso ng umaga matapos makaulan-  iba sa pakiramdam, nakakahalina…

 

Alam nyo pala kung bakit Diliman ang tawag sa Diliman area? Di nga, seryosong tanong yaan… Ahaha, madilim kasi talaga ang lugar na iyon, ang kapatagan sa ibaba ng Marikina – mula sa Ateneo grounds, sakop ang campus ng Miriam College hanggang sa stretch ng Katipunan Avenue pagawing Ayala Village hanggang sa may Commonwealth Avenue, hanggang sa may Shell na elevated papuntang Philcoa, rounding up sa circumference ng C.P. Garcia Avenue. O, basta, alam ng mga taga-roon at ng mga nagda-drive sa area ang buong coverage ng Diliman…

Bakit madilim? Sapagkat sa napakahabang panahon, ang lugar ng Diliman ay gubat o lush forest…Pansinin nyo, mapuno talaga ang lugar, parang sa gubat, oo. Siyanga pala, ang kinatatayuan ng Technohub sa ngayon,  15 years ago pabalik, declared bilang last rainforest daw sa Kamaynilaan. Ang tawag naman namin noon sa lugar na iyon ay Itlog, haha. May hugis-itlog na structure o building doon, katabi ng Technohub. Research lab iyon ng physicists, doon sila nagbi-break down ng atomic particles o molecules  baga? Basta, matagal na panahong ang Itlog ang pansing istruktura sa gitna ng sinasabing last rainforest, haha.

 

Sa Diliman, maraming kakatwang pangyayari, totoo… Doon kayo makakakita noong sa kinaroroonan ninyo, mainit at may araw. Tapos, wala pang dalawandaang hakbang ang layo, umuulan ng malakas, buhos na buhos, as in… Nasa iisang lugar, oo. Pero, magkaiba ang mga pangyayari, ahaha. Kumbaga, nature doing what it knows best – ang gulatin, tudyahin at manghain lagi ang mga tao. Nakakabigla, nakakabaliw pag minsan, at sa pangkalahatan, nakakatuwa… 😉

 

image of children out playing in the street during rain

Pinasasaya, pinalulungkot at kung minsan, binabagabag ng ulan ang ating mga damdamin. Sari-saring saloobin at panimdim ang binubuhay nito sa atin/ abscbnnews.tumblr.com

 

76 thoughts on “ulan sa puso at iba pang mga tila walang saysay na panimdim

  1. wow! madami akong natutunan sa iyo san.. salamat sa pag share.. ako naman ayaw ko ng ulan at araw.. gusto ko lang makulimlim.. pag maaraw kasi mabilis akong umitim at gripo kung tumulo ang pawis ko… pag tag-ulan naman, laging masa ang medyas ko dahil butas ang sapatos ko.. at natuwa naman ako sa sinabi about sa diliman.. ngayon ko lang din nalaman yan.. at nainggit ako ng bahagya kasi parang gusto ko ring tumira sa probinsya… ikaw na san!! henyo!

    • ahaha, walang anuman, pot, anytime… hala, agree ako sa ‘yo, kaasar sa sapatos ang maulan. may times na pag napatagal ang suot ng sapatos na nabasa, nakakabaho ng paa, hihi… laking lungsod ka pala talaga, kapatid. hmnn, pag nasubukan mo ang buhay sa liblib na lugar, mapapalapit ka sa kalikasan kahit pawisin at ginawin ka pa, hihi. matutuwa ka sa araw, sa ulan, sa mga hayop at kulisap at sa mga halaman… in the meantime, sa sunod mong uwi, try mong makapasyal with your kids sa u.p. campus, ikot kayo – may mga parte roong mukhang prairie pa, ahihi. ^^ regards sa ‘yo, dyaan. bilang mo na siguro ang araw hanggang sa makakauwi ka na, ‘no? 😉 salamat sa pagbasa, ha at sa pag-appreciate…

      • you’re welcome san!! at oo, isa akong batang lungsod.. naaalala ko nga dati nung nag overnyt kami dati sa isang probinsya, parang nagustuhan ko siya, super nag enjoy ako, pero bata pa ako nun.. siguro mga 10 or 11 ako.. nakalimutan ko na kung ilan taon ako pero yung feel ng nature, damang dama ko pa… at oo ang sapatos.. juice mio! matagal din bago nawala ang baho ko sa paa dahil sa sapatos ko.. kaya lahat ng tips na natutunan ko para mawala ang putok sa paa ay ginawa ko… at sige, gagawin kong suggestion mo na pumunta kami ng family ko sa UP… *kaway kaway*

      • hala, tomo, tanda mo pa kahit ang tagal na? asus, gano’n nga yata ‘yon – nakapagkit sa alaala, kainaman… ^^ juice mio ang sapatos sa tag-ulan, napapag-retire ng wala sa oras. ahihi, ngayon ko lang narinig ang expression na putok sa paa – pasaway… oo, punta kayo sa peyups, pag nasa loob na, sakay kayo ng jeep na Toki (kabaligtaran ng byaheng Ikot), yon ang byaheng dumaraan sa kaparangan. punta rin kayo sa may gawing Bahay ng Alumni at Film Center – may ambiance doon, ika nga… happy weekend, Pot… 😉

      • naku.. kapag bumili na ako ng sapatos na pamasok, ang binibili ko eh yung may anti bacterial kuno at yung water proof.. tapos yung medyas ko yung bio fresh at may dala akong extra socks sa bag ko para sigurado… at sige.. sana hindi ako maligaw sa UP, mahina pa naman ako sa direksyon.. eheheheh happy saturday san!! may gimik ka ata ngayon ah..

      • haha, talagang kumwento sa kamedyasan ang mama, hihi. teka, mamaya babalik ako sa may inyo at di pa yata ako nakakapagpasalamat sa VBA nga pala, kalimuting magaling… ay di ka maliligaw doon – ke dyip o taxi ang sasakyan, magpababa lang kayo sa may oblation, doon sa tatay ni FPJ na fig leaf lang ang nakayanan, hehe. sa may entrance lang ‘yon…

        from there, pwede na muna kayong lumakad papuntang lagoon, sa UPTheater at sa kabila noon, ang Film Center. tapos, mag-Toki na kayo going sa kaparangan ng campus. 15 years ago, may mga nakikisaka pa roon, haha at may mga nagpapastol pa ng hayop, hihi. wala na ngayon, pero maganda pa rin kasi, wide open space na berde, ayon…

        sa Bahay ng Alumni kayo hanap ng makakainan kung medyo sosyal ang gusto. pag jologs naman, sa UP shopping center, masang-masa ang ambiance, haha. 😉 gusto ko ngang lumabas pero maulan pa rin, as in…happy sat and sunday, pot.

      • hangtagal ko kaya sa UP? marami rin ang subsidy na napunta sa akin, akala mo …^^ saka, bumabalik pa rin from time to time, kumakain sa kainang metal trays ang plato – pampreso lang, hihi… hamo, minsan, gagawa uli ako ng post kung gaano ka-dilengkwente bilang estudyante ang lola mo…

        saka, gano’n talaga – ang mga nag-aral do’n, parang ayaw nang umalis. oasis kasi ang peyups, oasis. 😉

      • mukha nga.. sana pala nag aral ako diyan.. eh di sana naranasan ko rin yan.. kaya lang kinulang ako ng powers nung nag entrance exam ako jan… ehehehehe..

        at talagang pampreso gamit ang metal trays.. wala naman kayong posas na nakasuot.. ehehehehe

      • haha, oo, masarap mag-aral sa peyups. maraming magagaling, kakaiba ang ideas na ini-introduce ng teachers and hindi obligated pumasok unless exam, haha. yon lang, pumapasok ka na nga, parang wala ka pa ring maintindihan? haha, kulet…

        walang posas sa kainan. pero ang pakiramdam mo pagkakalabas ng klase, para kang lumaya, Pot, as in…bibihira ang araw na di dumudugo ang ilong, haha at palabo nang palabo ang mata ng estudyante sa dami ng required readings, hehe. kailangan talaga ang mga puno sa UP para di mabuwang… 🙂

      • meron naman atang taga tanim ng puno sa UP.. maganda talaga na panatiliin ang mga halaman at puno.. masarap sa mata… at maginhawa… siguro kung nag-aral ako jan, sisipagin akong magbasa…

  2. masarap nga magtampisaw sa ulan kapatid… bigla ko tuloy na-miss maligo sa ulan.. haayy.. pero takot ako sa bagyo, nakita ko na kase ang dulot nitong pinsala sa probinsya ng tatay ko.

    gusto ko yung part na sinabi mong, ‘magkakarugtong ang mga tubig’.. ako rin ay napapayapa sa kaalamang magkakarugtong lahat ng tubig. gawain namin nong nasa high school kami ang magpalutang (magkalat) ng bangkang papel sa pantalan don sa may amin.. at tuwing nagagawi ako sa dagat, kahit dito sa kabilang ibayo ng mundo, naalala ko parin yun, at kahit papano, nakakagaan ng loob ang kaalamang magkarugtong lang ang dagat na nakikita ko dito sa masayang ala-ala ng dagat ng aking kabataan..

    pagkatapos ng bagyo, ang sikat ng araw ay tila kakaiba.. mas maliwanag ang langit.. sabi mo nga, tila hinugasan ng ulan ang dumi sa alapaap.. sana gaya ng panahon, pagkatapos ng bagyo sa ating buhay, ay ang pagsibol muli ng pag-asang sisikat ng muli ang panibagong araw… araw na mas maliwanag.. ngunit habang tag-ulan, maaari rin namang sabayan, at pwede namang magtampisaw sa ulan..

    salamat muli sa magandang sulatin kaibigan.. sana’y marami pang kasunod..

    cheers!

    • hello, biagAkunada… natutuwa akong maagap ang pagbabasa mo rito, salamat… ^_^ hala, ako man ay di na rin nakakaligo sa ulan, kainaman. nababasa, oo, nitong mga nagdaang araw, grabe ang ulanan complete with bagyo, hehe. pero, di na nakaka-shower talaga sa ulan, e. iba na nga yata pag adult na. pag bata, okey sa olrayt, pwedeng i-demand sa magulang at sa matatanda – ang karapatang maligo at magtampisaw sa ulan, bow… 😉 oo, ang hirap ng bagyo. na-Ondoy kami dati, kapatid. ang lala… ^^

      magkakarugtong ang bodies of water saanman… ang simple at ang praktikal na katotohanan nito pero, madalas yata nating nalilimutan… at iniuugnay nito ang mga taong nakatira sa paligid, nakikiraan at tumatawid lagi sa mga sapa, ilog, dagat at karagatan… madalas, pag nakakakita tayo ng ilog na marumi, parang wala lang. o, di kaya, we choose to ignore it, parang di tayo apektado…

      pero yon nga… bawat isang ilog na marumihan, bumabawas sa over-all supply ng tubig at sa kakayahan ng mundong i-sustain ang living organisms na dependent dito. haha, nag-lecture? ang pasaway… basta, connected nga ang pantalan and dagat of your youth sa mga dagat at ilog na nasisilayan mo ryan sa Hilagang malayo… yes, you should take comfort in that, sister. 🙂

      after the rain, the downpours, the seemingly merciless pounding of heaven upon the earth’s surface, sumisikat uli ang araw, brighter than before sometimes. and the clouds are still there to comfort our eyes and our souls. may kasamang malamyos na hangin para paalalahanan tayong hindi lagi tag-ulan sa buhay at puso… ^^ sana’y ayos ka ryan, kapatid. salamat sa dalaw at sa papuri. ingat… 😉

      • ok parin sa olrayt ang magtampisaw sa ulan kapatid… ginagawa ko parin yan tuwing nauuwi ako, kasama ng mga pamangkin ko hehe.. sarap maligo ng ulan jan sa atin kase warm rain kung tawagin ng mga puti.. dito, maninigas katawan mo, kaloka.. na try ko na, di kaya, whehehe.

        kakalungkot nga ang mga nangyayari sa mga yamang tubig natin, masyado ng nalalapastangan.. lalo na jan sa bandang maynila, halos taon-taon nalang, nakikita sa news ang tambak ng basurang naiipon sa dalampasigan ng manila bay, roxas boulevard, at iba pang lugar jan sa kamaynilaan.. haaay..

        hindi lagi tag-ulan sa buhay at puso… how can I not agree with that… 😉

        gandang araw 🙂

      • haha, talaga, naliligo ka pa rin sa ulan dito sa atin? cool! hala, ang lamig kaya ryan, kapatid, as in? haha, maski during temperate months, colder pa rin daw than baguio’s coolest, tapos ligo ka sa ulan. pasaway… 😉

        oo, parang embedded na sa culture ng mga taga-lungsod ang magtapon ng basura sa tubig. binaha na nga ng malaki, di pa rin nabawasan ang pagkapabaya. haaayy… ^^

        oo, wish ko pati ako maniwala sa sinabi ko, haha. happy weekend sa ‘yow! 😉

    • ahaha, salamat. natutuwa akong naibigan mo ang sulatin, Myr… hala pa, maka-kalikasan ka rin? naman… 😉 oo, we should take more care of nature, dapat tayong maging masinop at mas may pagsasa-alang-alang sa resources natin, sa maliliit at malalaking paraan, yown.happy weekend din! 🙂

  3. salamat sa pagbigay ng kakaibang kaisipan batay sa iyong karanasan ukol sa tag-araw at tag-ulan………at syempre ang kwentong ginawa mo ay tiyak na makatotohanan………..sana maranasan ko rin ang ganito,dito sa ami’y puro init na lang ngayong mga araw,nakaiinit ng ulo! hehehe… baha sa maynila, sa amin kabaligtaran,hehehe

    • wala pong anuman. nagagalak akong magbahagi basta may makikinig, ahihi. saka, mahilig ako talagang kumwento, kapatid, pasensya naman… ^^ oo, magbakasyon kayo minsan ng pamilya sa bandang liblib para maiba-iba naman ang tanawin, pag may pagkakataon… hala, ay saang rehiyon ang sa inyo? ba’t mainit sa tag-ulan, kainaman… 😉 magandang Sabado po…

      • magtataka ka ba, mamamangha, o magugulat kapag sasabihin kong nasa Rehiyon XII ako, sa lalawigan ng Sultan Kudarat…..hehehe

      • ahaha, di naman gaano, kapatid. marami-raming tagalog na lumikas sa rehiyong iyan, kung tama ang dinig ko… ^^ hala, ang layo mo nga pala. malayo iyan sa mapa. sa internet lang hindi, haha. happy weekend and cheers! 🙂

      • medyo tama ang iyong dinig pagkat mula sa Bulacan ang aking Lola at Nueva Ecija ang aking lolo……

      • tama,,,ika nga nila at ninyo, bagaman sa aming mga bunga na lamang ay di na matatawag na taal pagkat may bahid na ng ibang angkan,,,,

      • ahaha, ay gano’n yata talaga. may intermarriages at may migration sa loob ng iisang bansa. sabi ng titser namin noong grade 4, hehe… hello po sa taga-Sultan Kudarat. 😉

  4. Pag umuulan parang nakakalungkot? Ang dilim po kasi di maaliwalas parang hindi masaya yung paligid, mas okay pag maaraw, kasi hindi madilim? Hahahaha! Buti pa sa UP. Pag sa PUP po kasi, wagas ang baha. XD Just dropped by, hello! 🙂

    • hello, rhence… salamat sa pagkaligaw dito. 🙂 oo, nakakalungkot nga, in a sense… madilim, makulimlim at basa lagi pag tag-ulan. ang description ng mga British – drab and dreary days. sa mga Amerikano naman, blues-inducing grays daw ang season… ayon…^^

      ay, magkaiba nga ang ambiance ng dalawang campus grounds after the rain… binabaha rin sa peyups, kapatid… medyo mabilis lang bumaba ang tubig, marami-rami ang tanim na puno… sa may bandang philcoa ang malalim, walang dyip na pumapasok pag gayon so, sistemang lakad, ahaha. o, kaya, sa may commonwealth na ang daan, mas maiksi ang alay-lakad, hihi. ^^

      hala, wagas nga ang baha sa may PUP, ilan ang kapatid kong dyaan nag-aral at may mga pamangkin ako ryan ngayon – mukhang sinalanta lang, pag-uwi galing school, hehe. cheerio! 😉

      • Wow ang dami kong natutunan. 🙂 salamat po. opo wagas po talaga. kapag baha wala ka magawa maglakad kahit pedicab driver ayaw ka na isakay e. haha. pero kahit maulan may mga blessings naman na nabibigay somehow. hahahha. =))

      • walang anuman, Rhence. salamat sa pagsilip uli…hala, English pala ang blog mo? at technical ang course mo, aliw… ^^ hala pa, may idea ako kung ano ang PUP, somehow. noong bandang Feb, may ginawa ako ritong posts (series) about Sta. Mesa bilang isang lugar. basahin mo minsan pag di ka masyadong busy sa software endeavors mo, haha. ^^

        btw, maulan pa rin, kapatid. patatawarin… cheerio! 😉

  5. ang galing mong magpinta ng larawan gamit ang salita.

    Gustung-gusto ko yung sinabi mo na parang pinaliliguan ng ulan ang paligid at binibihisan. Yon din ang pinakagusto pagkatapos ng ulan. Tipong makikita kong malinaw na yung pader ng MRT Ayala Station tsaka hindi na masyadong mapanghi ang mga kanto’t singit-singit ng mga kalye. 🙂

    • salamat sa papuri sa pagpipinta, medyo na-lab mo na ng bahagya ang nature? hehe… 😉

      hala pa, mas gusto ko ang sinabi ng pusa tungkol sa paglinaw ng pader ng MRT, haha, at ang napakahalagang pangyayaring nahuhugasan ang suluk-sulok ng lungsod na mapapanghi, hihi. ^^

      haaayyyy, ulan. parang ayaw matapos, gusto ko pa namang lumabas pero baka ako dumami. 😉

  6. Oppppppsssss….. Pedi mag pa attendance? Present na po kahit late….

    Sensya na, binaha…binagyo…nalubog… umahon… at ngayon nga’y narito na Titser Saliw…nagpapa-attendance na po… 🙂

    Ang ganda naman ng iyong paglalarawan….

    Isang lugal na may tubig ngunit kaayaaya’t masarap pagtampisawan at isang lugal na napupuno ng tubig kung naghuhuramentado ang langit….

    Dati-rati, gustong gusto ko yang umuulan, kasi peding maglaro habang naliligo… (Pag sa banyo kasi, pila… may sumisigaw sa labas, “bilisan mo! ako pa!late na ako!” )…Takbo rito takbo roon tapos natutuwa sa bawat talsik ng tubig na inaapakan…. Ang cool ng pakiramdam….at masaya kasi kadalasan, kung hindi mga kapatid ang kasama, mga pinsan, o di kaya mga kaibigan…

    Yung baha, naku, di mo masasabing certified Manila boy o girl ka kung di mo naranasan kahit minsan ang lumusong sa tubig na kulay itim, may lumulutang na kung ano ano at pag uwi mo, amoy kanal ka na rin….

    Dati di pa ganyan kabaho, dati pag baha, makikita mo pa ang kalsada sa ilalim, kahit gaano man kataas ang tubig… Ngayon, naku, kakatakot na ha? I strongly dont recommend na sumugod, kasi may mga kaso na tayo ng leptospirosis… kakatakot na talaga….di baleng matagalan, o mastranded, pahupa muna, mahirap magkasakit… 😦

    Ay yan pala ang history ng Diliman, madilim kasi… 🙂

    Eh paano sa UPLB, malawak ang forest reserve, magiging tawag ba sa lugar ay “Kakahuyan” later on?

    O di kaya dahil masarap ang buko pie doon, pedi kayang tawaging ” Bukuhan”?

    O di kaya dahil masarap ang kinulob na itik, pedi bang maging “Itikan”?

    Pagpasensyahan na po…. nilalagnat lang kaya ganyan ang kaisipan 🙂

    Hello Sis! Ako ay bumangon sa pagkakahiga….

    • hello, honey… hala, nagpa-attendance check ka na sa like noong isang araw, nakita ko, hihi. hala, at bakit tumuloy iyan sa totoong sakit, naman…nai-stress yata ang isang ale, napakasipag kasi… time out daw muna, sabi ni katawan, as in… 😉

      salamat… kakatuwa rin ang mga kwento mo, kapatid. parang isang post na rin, hihi. ^^

      mariang makiling ang UPLB so, kilingan? hihi. o, kaya, mariang sinukuan. so, sukuan? 😉

      regards sa iyo. huwag masyadong pagurin ng damdamin ang katawan, nyehehe. pahinga muna. 😉

      • Hello Sis!

        Namiss ko kaya ang pahina mo 🙂

        Ayaw lang tumipa ng hindi dikta ng damdamin kaya medyo natagalan ang mga kataga… nauna ang like… 🙂

        “Kilingan” , “Sinukuan”

        Mas maganda kaya…

        Kesa sa “Inuman”… makalagpas ng Cogeo, may Barangay, ang pangalan Barangay Inuman… pramis, totoo yan…:)

        Ang mga bata nga pag tinanong mo kung saan nag-aaral, ang isasagot nila, sa Inuman Elementary School… Saan ka pa sis?

        Natuluyan ang aking pagkakasakit, pambihira 😦

        SUMALANSAN kasi 🙂

      • Alam mo yung pag pinagpatong patong mo ang bilog, kwadrado at tatsulok? Parang ganoon. Syempre nagbagsakan di ba? Tapos narealize mo na dapat pala, yung magkakahugis ang magkakasama…. ayun, naayos din 🙂

      • nakow, second law of thermodynamics, kapatid – there is order in disorder. yun lang, hirap talaga ako sa anumang may kinalaman sa physics and chem. what to do, eh? 😉 btw, ayos na ba…

      • naku di ko favorite ang physics, chem at math… nosebleed ako sa mga subjects na iyan… buti na lamang, magagaling at mababait ang mga titser ko nyan noon… palagay ko alam nilang mahina ang mga nar-es sa ganyang mga subjects kasi pag sila na ang nagtuturo, sambakol na ang mga mukha namin, tapos pag nag ring ang bell, kala mo mga ibong pinakawalan sa hawla, nag-uunahan! Pambihira 🙂

        Hmmmm…. palagay ko nama’y may kaayusan ang pagkakasalansan, pa unti unti 🙂

  7. “Buhos na ulan aking mundo’y lunuring tuluyan…” Nami-miss kong mag-tampisaw sa tubig ulan at lumusong sa baha ng ka-Maynilaan. At ang paborito kong bahagi ay walang pasok, dahil parang ilog ang Espanya, at baha sa UST.:)

    • haha, inisip ko, dok, na ilagay ang video ng kantang ‘yan sa post, as in…ahaha, nai-imagine ko ang scenario. ilan ang friends ko noong araw na taga-Espana at Sampaloc – minsan, three days na, di pa nagsa-subside sa ibang parte, pambihira. buti, ang ganda na ng landscape nyo ngayon, hihi. 😉 regards po, happy weekend. 🙂

  8. Ang dami kong naalala sa iyong kuwento San.

    Ang unang ulan sa probinsya noong bata pa ako ay tunay hinihintay namin. Ang tawag ay Agua de Mayo. Maliligo lahat sa ulan…hindi pa yata uso noon ang tinatamaan ng kidlat…hehe.

    Ang ulan sa Maynila ay tunay na extra challenge ang aking naaalala dahil napatira ako sa Sta. Cruz at Sampaloc. Kailangan kong maiwasan ang mga baha hanggang makauwi sa bahay. Halos tagumpay naman ako at wala akong naaalala na pinaliguan ko ang sapatos sa tubig baha. Sa Sampaloc naman ay itinataas namin ang kotse sa mga mataas na lugar upang di maabot ng baha. At ayun nga mistulang nasa isla madalas ang buhay, kailangan lang maraming makakain habang di pa bumababa ang baha.

    Ang lansones ay parte rin ng aking kabataan. Meron kami noon na mga punong lansones sa paligid ng bahay. Aakyat lang ako sa bubungan kapag hinog na ang mga lansones at parang kabag akong kumakain sa nakalaylay na sanga sa bubungan…mga buwan naman ito ng Agosto.

    Ang summer at ilog ay parte ng bakasyon ng bata sa amin. May ilog na dumadaloy mula sa bundok Banahaw. Pamilyahan ang pagpunta sa ilog upang kumain ng tanghalian at tuloy paligo na.

    Salamat naman sa kuwentong Diliman.

    Ingat na lang sa panahon ng tag-ulan at baha dyan sa atin. Musta na lang.

    • ahaha, hello, Lolo… salamat ho. buti at marami kayong naalalang pangyayari at kwento. and thanks din for sharing. teka, gawa rin ho kaya kayo ng post about tag-ulan? sige na ho… 🙂 punta ho kayo ng Peyups pag umuwi kayo uli dito. maganda ho talaga ang UP campus after the rain, ahaha.

      salamat ho. ingat rin kayo dyan… summer pa sa Frisco, hehe. btw, may restaurant ho dati sa West Avenue sa QC, San Francisco ang pangalan – masarap naman ang pagkain. wala lang, hehe. cheers! 😉

  9. nasasad ako pag umuulan te. pro msarap yan pag may kayakap. amininnnnn! hehehe

    dami info ah heheh.wla kc ako alam s mnilas as in. mliligw ako at magmumukha akong tanga pag naligw ako pag isa dun kc hnd ako mrunong sumakay lrt, bus etc. ay jeep pde. pro ko ata alam mkipag unahan heheh.

    watz up ate san!! 😀

    • hello, kayds…. hala, nasa-sad ka? ang dalas umulan sa Pilipinas, pag lagi kang nasa-sad, di maganda yown… masarap nga kung may kayakap pero sus, ideal condition ‘yan, hihi. ^^

      pina-nosebleed ba kita uli? hehe. kwento lang, kwentong mahaba… di ba, taga-Bicol ka? nakarating na ako banda ro’n, pagkakaganda. preserved pa ang nature and hindi masyadong citified ang pamumuhay ng mga tao. ang simple… hehe, nagi-gets ko ba’t di mo gaanong gusto ang kamaynilaan, dear. acquired taste sya, haha.

      hala, ayus-ayos rin naman maski maulan. salamat… saang state ka ba ryan banda, kapatid… 🙂

  10. tama ka, iba siguro talaga pag laking probinsiya. ako din ang daming memories pag ulan ang pinag-uusapan… at sabi nga dun sa isang comment, sa PUP wagas kung magbaha… hahaha

    • hello, lipadlaya… maigi at ika’y napasinsay uli rito. tagal na, kainaman… kumusta? ah, iba nga yata pag laking probinsya, mas malapit ang loob sa kalikasan… ang dami pating napapansin, ahaha. oo, iba nga ang tag-ulanan sa lalawigan – mas ramdam, ‘ika nga…

      hala, alam ko yata ang wagas na baha sa may PUP. wagas nga, patatawarin… ^^ cheers! 😉

  11. Napapangiti ako habang nagbabasa at hanggang ngayon nakangiti pa din ako. Nakakatuwa ang kwento mo. Mapapa-oo na lang din ako dahil ganun din ang nararamdaman ko sa kalikasan. Hakhak. Memorieees. Mula sa pagkagusto mo sa ulan hanggang sa paglaro mo sa mga sapa, tapos kapag makikita mo na ang tubigan. BOOM! Naiimagine kita, hahaha. Tapos may trivia ka pa sa Diliman. Oo nga, nung nag-UPCAT ako doon at hindi ako nasundo agad ng aking ama, ang dilim dilim. Wala lang. XD

  12. Nagbalik sa ala-ala na ako pala’y natutong lumangoy sa ilat (ilog) sa probinsya, di alintana ang peligrong dulot niyon, ngayon lamang nagbigay kaba (delayed reaction kumbaga). Tumakas pa naman ako sa bahay noon, bilang pagtugon sa paanyaya ng mga kaibigan, at sa pag-uwi ayun, katakot takot na sermon ang inabot sa Inang mapagmalaskit, sigh…. Sa ngayon ang ilat (ilog) doon kung saan ako’y namulat sa paglangoy ay di ko pa muling nabibisita at di pa rin alam kung ito’y buhay pa. Sana nga pala sa aking paggalugad ay naroon pa rin ang walang humpay na pagdaloy ng tubig at ang lagaslas ng hampas nito sa mga batuhang kulay itim, na wari mo’y may buhay pagkat sa paglipas ng panahon tila ito’y sumasabay sa paglaki (mga batong buhay kung tawagin).

    hello muli SaLiw.

    • hala, Cup… hamo, di rin naman namin alam noong peligroso at delikado pala ang ginagawa naming paghabol sa pumapatak na lansones, hihi. ang pasimuno noo’y ang isang pinsan kong lalaki – kinakaray kami ay ang liliit pa namin at delicate pa, haha (hakhak). ang paglalaba sa sapa ang gawaing may paalam sa mga magulang at matatanda. ayon… nito ko rin lang naman naalala ang mga ‘yan noong gawin ko ang post…

      hala, di mo na nabalikan ang ilat ng iyong kamusmusan at kapilyuhan? naman… ^^ btw, batong buhay din ang tawag sa itim na batong iyon sa amin… 😉

      hello, rin sa ‘yo… di na yata kami makakalikas, pambihira… ^^

      • nagawa ko rin ang umakyat sa mga sanga sanga ng puno, nagawang paglabanan ang acrophobia (fear of heights), iba talaga ang dulot kapag lubos ang iyong tiwala sa mga kasama, wari ito’y isang booster sa iyong sariling tiwala at lakas ng loob. fyi mas ligtas ang umakyat sa puno ng bayabas pagkat kumpara sa punong mangga, mas matibay at mas malakas ang sa una kahit itoy mas manipis sa ikalawa, dahil ang ikalawa ay para lamang tuyo’t na sanga, tanging katawan lang ang mataba ang mga sanga ay turing na mahuna.

      • haha, talagang na-recollect ang pamamayabas nya noong araw… hamo, pag binuhay ko uli ang dpsa, ‘yong site ukol sa buhay sa nayon, aabisuhan kita, nakow…;) malaya kang makakwento roon tungkol sa mangga, bayabas, santol, tsiko, buko atbp. haha. katunayan, nagawan ko na yata ng posts ang mga kapunuang yaan, patatawarin… 😉 regards…

  13. oo nga makamundo este makakalikasan ka talaga. Appreciative sa nature . Appreciative sa mga dumadaang pangyayari sa buhay niya 🙂

    magkakarugtong ang mga tubig . Sa tanda kong to ngayon ko lang naisip yown. lels.

  14. Pingback: may mga paborito | doon po sa amin

  15. Pingback: sa mga ka-blogs na nang-ookray… | doon po sa amin

Mag-iwan ng tugon sa superlolongpinoy Pindutin ito para bawiin ang tugon.