Saan napunta ang mga pangarap?

 

Saan nga ba? Tinangay ng hangin? Niluma ng panahon? Inanod ng mga suliranin? Naiwala sa agos ng kasalukuyan? O, isinubi, dala ng takot sa di-maaninag na bukas? Kaya bang hanapin muli, hulihin, bigyan ng bagong buhay? Kayang sumakay muli sa likod ng pag-asang kaybilis dumating at maglaho?

 

Magkaminsan, sa gitna ng pagmumuni-muni – sa pagitan ng pag-iling-iling at pagyuko – bahagyang sumasagi sa diwa ang panahong musmos pa ang  edad at pag-unawa. Noong isang panahong walang nagagalit o nagtataka kapag pinili kong humiga sa damuhan para panoorin ang paglakad ng mga ulap at pagdaan ng eroplano sa asul na langit. Noong ang bukas ay isang maliwanag pang larawang ako ang magpipinta. Ako ang pipili ng paksa, ako ang magguguhit ng mga karakter at ako ang maglalagay ng background. At ang aking kapatid, pinsan o kalaro, walang magagawa kundi sumang-ayon – sumang-ayon mula sa pagkakahiga rin sa berdeng sahig. Sapagkat kung hindi, hindi ko pakikinggan ang kanyang version ng bukas.

Gaano nga ba kalayo ang kahapon sa ngayon? Isang malalim ngunit tila walang saysay na tanong. Gaano kalapit ang bukas? Paano napagdurugtong ang mga panahon? Hinahabol tayo ng mga alalahanin,  mga agam-agam at ng mga pangambang walang pangalan. Hindi na lamang sa presyo ng galunggong sa pamilihan o kung bakit walang ibang kulisap sa lungsod, maliban sa lamok at ipis. Marami pang ibang kaba at pagtutumpik-tumpik. Natanggap ko na bang walang tutubi sa Kamaynilaan, na ilang taon na akong hindi nakakakita ng alitaptap at dapat ko bang ipagpasalamat na minsan, may naliligaw pang paru-paro sa aming halamanan? Alin-alin sa mga wala at sa mga mayroon ang kinasanayan ko na? Alin-alin doon ang kaya kong panghawakan?

Napakatagal na niyon – noong ang mga kapatid kong lalaki ay nagpapalipad ng saranggola sa palayang bagong araro at wala pang tanim. Lalapit ako para makihawak sa lapnis na nakakabit sa pinapalipad na papagayo (iyon ang tawag sa amin). Titimplahin ko ang luwag o higpit ng tali, animo ako ay marunong din. Kahit hindi naman, hindi talaga. Ngunit sa loob ng limang minuto, tatakbo rin akong bitbit ang mahabang sinulid, natitisod sa mga tigkal ng lupang nakausli, upang kahit sandali, maging bahagi ng paglipad at pagiging malaya – sa mga tag-araw na wala pa sa hinuha ang hirap at bigat ng buhay. O, maaring andoon na, subalit tila manipis na hibla pa lamang – maari pang palisin, hawiin o huwag pansinin.

Ang mga araw noon ay ginugugol sa paaralan – tinuturuan ng gurong magkwenta, ipinakikilala sa katutubong panitikan at kinukwentuhan ng buhay ng mga bayani.  Inisip ko rin ba noong gusto kong maging bayani? Inisip ko bang makagawa rin ng kakaiba para sa nakararami? Inisip ko bang kaya kong magsakripisyo ng walang kapalit? Hindi ko alam. Ang alam ko, ang natatandaan ko pa, madalas ako noong mumulot ng mga kalat na balat ng kendi at supot sa school grounds. Marahil, inakala ng mga guro at ka-eskwelang iyon ay kabutihan o pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba. Sa ganang akin,  nais ko lamang panatilihin ang ganda ng paligid  - walang dumi at mabini sa paningin sapagkat iyo’y luntiang malinis.

Ang mga libreng oras ay inuubos ko noon sa silid-aklatan para namnamin ang mahika ng mga nakalimbag na salita.  Sa bawat paglipat ng pahina ay kaakibat ang kabatirang may bagong mundong natuklasan, may bagong linangang natawid at may bagong bukas na maaaring tanawin at puntahan. Ang mga hapon naman pagkakauwi ay para sa pagtulong sa mga gawaing-bahay, paggawa ng mga takdang-aralin at pakikinig sa mga sermon ng magulang, sermong paulit-ulit. Ang gabi bago matulog ay para sa mga huntahan, bangayan at usapang katatakutan – mga kwento ng paring pugot ang ulo, maligno sa may igiban ng tubig sa gawing pagubat at mga lalaking nangunguha ng batang makukulit, sobrang daldal at ayaw sumunod sa nakatatanda.

Ilang dekadang singkad na ang dumaan? Nakatapos na ako sa pag-aaral, may diploma na at larawan ng pagtatapos na naisabit sa dingding. Nakapag-trabaho na rin sa mga tanggapan at kagawaran, nakapagsulat ng mga papel na tinalakay ng mahahalagang tao at nakapag-organisa na ng mga proyektong panlipunan. Nakasalamuha na ang kung sinu-sino, nakarating na sa kung saan-saang lugar. Naging bahagi na ako ng pagbubuo at pagre-rebisa ng mga patakarang pambansa. Libong aklat na ang aking nabasa. Nadagdagan ba ng mga iyon ang aking dunong? Naiba ba ng mga iyon ang aking paggagap sa mga bagay-bagay at pangyayari? Nagawa ko bang higitan ang dati kong sarili? May nabago ba ako o ako ang binago ng aking mga pinagdaanan?

Naipakilala na ako sa mga pait at kabiguan ng buhay. Alam ko nang ang ikot nito ay hindi laging balanse at pantay. Batid ko nang hindi ito puro paglalaro at tag-araw – may mga panahon ding kailangang salagin ang mga hampas at daluyong ng malupit na tag-ulan, tulad rin ng may mga pagkakataong dapat munang sumilong. Alalaon baga, batid ko na rin ang tamis at sayang dala ng pag-ibig, nalubos man iyon o hindi, sinuklian man  o tinanggihan. Taos ko nang kaya akong tikisin at pagmalupitan ng aking mga mahal sa buhay, gaya rin ng alam ko nang mahilig makialam ang mga kamag-anak. Iniiwan ka ng mga kaibigan, sa mga panahong higit silang kailangan. May mga sandali ring ikaw ang nang-iiwan at hindi ka maayos na nakakapagpaalam. Mas mabuti ka bang tao sa ngayon? Naitatanong mo sa sarili kung minsan.

At ang lipunan? Ang lipunang minsan mong inisip na walang pakundangan, na maraming ipinagkakait, na may inaasahan sa iyong sabi mo ay kaya mong ibigay ngunit ayaw mo lamang? Ang lipunang sabi mo dati ay kailangan at marapat na baguhin subalit hindi mo tiyak kung paano – paano mo tiningnan ang lipunan at paano ka itinuring nito? May naibigay ka ba sa lipunan, nakapaglaan, nakapaglingkod? Ito yata ang parteng malabo. Kinalinga ka ba ng lipunan, inunawa o hinusgahan? Binigyan ka ba ng nito ng lugar? Hindi ka sigurado. Tila ang lipunan ay nanunukat, pirming umaasa at mas madalas, mapanlait. Noong bata ka pa ay inisip mong kaya mong languyin ang dagat ng lipunan. Buo ang loob mo noong ika’y makakarating sa pampang.

Matagal nang lumipas ang aking kamusmusan,  hindi ko alam kung kasabay noon ang paglayo sa mga pangarap. Bibihira na ang pagkakataong nakapagmamasid pa ako ng langit at nakakapanood sa laro ng mga ulap. Batid ko nang hindi pirmi ang bukas, ngunit ako pa rin ang hinihinging magpinta nito – sa kabila ng kawalang-katiyakan. Sa pakikinig at pagmamatyag, napag-alaman kong ang ibang tao – kapatid, pinsan, dating kalaro, kaibigan, mga kakilala at hindi –  may mga pangarap din. Maaaring  magkakaiba sa mga paraan, sa pagguhit at pagtatangkang ang mga iyon ay makamit. Subalit, unti-unting luminaw sa akin, magkakahawig kami sa mga paghahangad at naisin.

Tulad rin ng pagkamulat sa katotohanang papaunti na ng papaunti ang mga kabukirang mapagpapaliparan ng saranggola, napagtanto ko na ring hindi lamang sa silid-aklatan matatagpuan ang sagot sa mga tanong. Alam ko nang mahirap magpakabayani tulad rin ng katotohanang hindi sapat ang diploma para tiyakin ang lugar ng tao sa lipunan. Alam ko nang sa ilalim ng berde at malambot na damuhan ay ang matigas at malamig na lupang tinutuntungan ng tao habang nangangarap ng kapayapaang tulad ng sa langit. At mayroong mga hindi pagkaka-intindihan, may galit na namumuo at pana-panahon, may mga hidwaang sumasabog. Ang nasa gitna niyon ay ako, ako at ang iba pang mga taong pilit yaong inuunawa, kinakaya at nilalampasan.

 

At maaaring sabihing sa pagtanda, mas marami ang mga kabiguang nasasalubong, may mga pangarap na naiwawaglit at may mga hiling na sa hangin na lamang naibubulong. At kung ang mga pagnanais at ambisyon man ng musmos na isip ay hindi lahat naisakatuparan, masasabi ko namang tinahak ko ang landas na hindi pinili ng marami, binata ko ang mga pagsubok na higit sa karaniwan at sa mga panahong kinailangan, pinili ko ang maglaan sa iba. Siguro nga, hindi ang mga iyon maihahanay sa tradisyunal na pakahulugan ng pagtatagumpay sa lipunan. Subalit,  hangga’t kaya kong sabihing tinanggap ko ang mga pagsubok at hamon at wala akong pinagsisihan, masasabi ko pa ring ako ay nagwagi.  Sa bandang huli, ang pagtanggap sa mga kabiguan ay hindi pagiging talunan. Ito marahil ang aking puhunan sa paghabi ng mga bagong pangarap.

 

What happens to a dream deferred?

Does it dry up

like a raisin in the sun?

Or fester like a sore—

And then run?

Does it stink like rotten meat?

Or crust and sugar over—

like a syrupy sweet?

Maybe it just sags

like a heavy load.

Or does it explode?

- Langston Hughes, “Harlem” from Collected Poems. Copyright © 1994 by The Estate of Langston Hughes.

* Ito ay inilalathala bilang lahok sa “Bagsik ng Panitik” contest sa damuhan dot com.

About these ads

52 thoughts on “Saan napunta ang mga pangarap?

  1. uulitin ko lang ang comment ko sayo heheh

    may mga goosebumps moment ako habang binabasa ko. dinala ako ng iyong akda sa maemote na parte ng mundo. Lugar na hindi naman nalalayo sa realidad.

    One great great post kapatid :)

  2. Sang ayon din ako kay bagotilyo.Habang binabasa ko rin to bigla rin nagflashback un mga katanungan, pangarap na hinahagap ko sa mundong ibabaw. Na minsan nasa harapan ko na nga lang di ko pa maabot..A very nice post..salamat sa pagbabahagi..

  3. Sangayon ako sa sinabi mo: “ang pagtanggap sa mga kabiguan ay hindi pagiging talunan. Ito marahil ang aking puhunan sa paghabi ng mga bagong pangarap.”

    Mabangis ang akda mo kabayan. Tinangay at nilunod ang aking isipan!

  4. Isinulat ito ng taong puno na ng karanasan sa buhay. Tumikim na ng tamis at pait. Pinintahan ang kanyang buhay ng maraming alaala, puti man o itim.

    Ang nalathala dito ay karanasan din ng iba. Ako, siya, sila at tayo.

    • Ahaha, hello, Kulisap! Isinulat ito ng taong marami nang napuntahan, nasalubong at nasaksihan. Upang sa bandang huli, mapagtantong back to square one, hihi. ;)

      Sakali man ngang may ibang ganito rin ang napagdaanan, kasiyahan kong makapagsatitik ng pangkaraniwang karanasan – sa iyo, sa kanila at sa akin – matamis man o mapait. ^^ Salamat sa pag-appreciate, kapatid. :)

  5. di pa ako nag babasa pero mag iwan na muna ako ng advance comment…

    ang tindi ng level of enthusiasm mo sis!

    tag tuyot man dyan sa paligid pero ang daloy ng katha ay umaapaw na parang agos ng tubig sa talon :)

  6. Hello, Haribon! Naku, mainit nga sobra rito, as in… ^^ Salamat sa pagsinsay. :)

    Hala, ito ay naisulat ko mahigit dalawang linggo na ang nakakaraan. Inspired ito ng komposisyon ni Bagotilyo, ng kanyang lahok para sa patimpalak – medyo nangopya lang, bale, haha. Seriously, I somehow reworked his piece and adjusted it to suit my experiences. Ayon, ma-emote ang kinalabasan, hihi… ^^ Hindi pa ganito kainit noong isinulat ko ‘yan…

    Nakow, wala akong maipagsusulat gaano in the last few days, parang oven dito… :)

  7. Ngayon ko lang nalaman na may pakontest pala. hehe!

    pero ang ganda. Parang ako lang yong nangangarap minus the point of view of failures and role of society. Dahil kung ako yong batang nangangarap di ko maisip kung ano nga ba ako sa mundo ng pangkalahatan. Malamang ang pinoproblema ko lang ay kong paano ko tatawarin ang dagat sa surigao papunta sa america. haha!

    • e, kasi, gala ka ng gala, errr, work ka ng work. masyado kang nag-i-enjoy sa visits visits na ‘yan, di ka man lang nagsasama. tapos, di ka pa halos nagsi-share ng pics, kainaman… ;)

      hala, maigi ka nga at may dagat na iniisip languyin papuntang America (gayong di ka naman lumalangoy, hihi). noon ay pinapangarap ko lang makapunta sa Maynila. noong makarating naman ako, sabi ko sa sarili ko, ba’t gan’to, ang usuk-usok? ahaha. hello!!! :)

      • ang sa akin naman kase, trabaho na nga halos kumukuha ng oras ko pati ba naman sa blog isasama ko work ko. hahaha!

        kase minsan lang ako na may matinong picture sa lakaran usually puno, towers o kaya bangin at gaano ka steep ang inaakyat ko. hahaha!

        pagdating nman sa mga sidetrip, inienjoy ko nlng sila, madalas kain at kunting gala.

        ahaha! ‘yon nga naisip ang languyin ang america e hindi nman ako marunong lumangoy. Akala ko kase dati malapit lang, tingnan mo kaya sa mapa, malapit lang sila.

      • hmnn… sabagay, may point ka ryan, kapatid. pero baka rin nalilimutan mong bilang blogger, isa ka na ring artista, haha, at may fans na naghihintay ng updates, ano? ;)

        ayon, magandang pang-share ang pics ng puno at mga bangin, lalo na ‘yong matatarik. samahan mo pa ng pics na ika’y nadudulas-dulas o namimilipit, nakow, magki-click yon, pramis, hehe. ^^

        hala, tumataba ka na ba ng konti sa kapapakain ng hosts mo? ba’t kaya di mo i-blog ang interesting people that you meet along the way, huh?!? ;)

        ahaha, lapit nga ang America noong di pa natin alam ang scaling, hihi. mas malapit na ngayon, ang dami nang promo flights, ahaha.^^ have a happy weekend, dear… :)

  8. madalas hinahanap natin ang pangarap natin. pero mas madalas, natupad na sila. hindi nga lang sa paraan o anyo na inaakala natin.

    madalas iniisip natin na marami tayong kabiguan, pero mas madalas yung mga kabiguang iyon e hakbang lang pala para mas malaking pagsubok at tagumpay.

    madalas nating panghinayangan ang panahon, pero mas madalas na nakakalimutan natin ang mga mahal natin sa buhay. ang panahon lumipas man, maari mong balikan sa pamamagitan ng paghahanda at pagkilos para sa hinaharap. ang mga mahal natin sa buhay kapag napabayaan natin, ang pagdaramdam hindi basta lumilipas.

    madalas inisip natin noong bata pa tayo na sana, sana lang eh ‘lumaki’ na tayo. para maranasan ang maraming bagay sa paligid. ngunit mas madalas ung sitwasyon natin na yon noong bata pa tayo ang inaasam natin ngayong lumaki at nagkaedad na tayo.

    (sabi ko nga sa kalaro ko ng basketball noong isang araw eh, ‘noong 25 anyos pa lang ako.. naglalambitin ako sa basket/ring.. ngayon ni paghabol sa bola at pagtakbo hinihingal na ko..)

    maari mo bang pagdugtungin ang kahapon at bukas.. maari mo bang ibalik ang kahapon. sabi ng boss ko dati na isang Bb. Pilipinas.. “Franco, maari mong gawin ang mga bagay na dapat mong gawin.. pero hindi lahat ng resulta mula roon ay ang talagang nais mo..”

    isang mapagpalayang araw sa yo kaibigan.. :)

    • hello, tsinelas,

      alam mo, that’s another way to put it, tingin ko. na ang mga pangarap natin, natupad na. hindi sa eksaktong anyong pinangarap at initsurahan natin, pero nangyari na. nagkatotoo. ang mas malaki yatang challenge, paano bubuo ng mga bagong pangarap pagkatapos…

      gayundin, gaya nga ng sabi mo, ang mga kabiguan ay maaring tuntungan para gumawa pa ng mas maraming tagumpay, oo… hindi sila eksaktong kabiguan kundi mga masasakit na pangyayaring tila ayaw tayong bitawan, mga sugat na ayaw maghilom, baga…

      in a way, tama. na kapag nalulungkot tayo ng husto, kapag sinasaktan natin ang ating sarili at pag yumuyupyop tayo, kasama sa sinasaktan at napapabayaan natin ay ang mga taong malalapit sa atin. at habang ginagawa natin ang ganito, lumilipas ang panahon ng di natin namamalayan, panahong mas mabuting ginugol natin para maging produktibo at magmahal sa malalapit sa atin.

      tama pa rin. na ang mga bagay na inasam natin noong bata pa tayo, karamihan ay natupad na. sabi nga, mag-ingat sa mga hihilingin dahil baka magkatotoo… sa isang banda, nangyari na sa akin ang ganito. at ang mas malaking tanong, ano na ang kasunod?

      yes, sa isang banda, overrated sa ating mga kamalayan, wari ko, ‘yang free will na iyan. na kung kaya nga ba nating habihin o lilukin ang bukas tulad ng una nating inisip at binalak. mas dynamic kasi ang mga pangyayari kaysa sa ating inaasahan o kayang kontrolin. at mahirap gawing eksakto ang mga bagay-bagay dahil hindi lang naman tayo ang player sa laro ng buhay.

      at mas madalas, we tend to think that just because things did not turn out exactly as we planned them, we have failed. when in fact, we have not. hindi pa lang natin siguro kayang pangalanan at panghawakan kung ano ang meron tayo at ano ang ating inabot… ^^

      magandang araw din sa iyo! :)

  9. Great post! Naligaw lang ako sa blog na ito ngunit ako’y nasiyahan sa aking nadatnan. Totoong ang ikot ng buhay ay nagbabago at tayo mismo ay binabago ng patuloy na mga hampas at dagok ng buhay. Isang mapagpalang araw sa ating lahat! :)

    • hello, tomaritz.. salamat sa iyong pagkaligaw at sa pag-appreciate ng nakalimbag dito. sana ay maligaw ka uli, hehe. :) tama ka, things and events change and so are we changed by them… magandang Lingo sa iyo. :)

  10. nakaka-inspire naman bongga. ako rin hindi ako na alam kung saan napunta ang iba o may lakas pa ako ng loob na balikan pa. naaala ko yung isnag line sa “make it happen” (dance film). parang it is understandable na ibahin mo ang iyong ambisyunin mo pero napakatapang mo para pananindigan ang pinapangarap mo.

    i think isa magiging isang malaking regret ng isang tao ay wala siyang gawin para sa pangarap nya lalo na yung kung binigyan na siya ng pagkakataon. mabuhay!

    • salamat, hoshi. yes, it’s funny and curious how we seem to misplace or forget our dreams. paano nababawasan ang tulak sa ating habulin ang mga ito. palagay ko, ang mga pangarap ay parang blueprints din lang. marami pa rin ang adjustments na kailangang gawin habang ini-execute ang mga ito. and it happens na pag minsan, nakakanto tayo sa pag-approach o kaya, kinakapos ng diskarte at lakas ng loob, kumbaga…

      pero dapat natin lang isipin na wala namang deadline sa pagtupad ng mga pangarap. heck, we can spend our lives chasing our dreams, better than not having one at all… ^^

      mabuhay ka, kapatid! :)

  11. Naku kalalim at super na malaman ang iyong katha na ito. Marami rin sa buhay ko ang nasagi ng iyong kuwento. Ummm marami nga tayong ikinabit at sinubukan sa ating buhay sa pagtahak ng ating mga pangarap…pero ang palaging tanong ay kung masaya ba daw tayo sa ating buhay sa ngayon…lalo na kapag nakamit na ang mga pangarap o habang tinatahak ang mga ito? Ito yata madalas ang mahirap balansehin sa ating buhay upang makita at madama ang tunay na kaligayahan…lalo na sa pangkasalukuyang panahon(panahon ng materyal at bagong teknolohiya).

    Ahhh yan muna po muna Mis S. Naalala ko tuloy iyong sabi ni Gandhi…”Live as is you will die tomorrow. Learn as if you will live forever.” Ito na rin ang isang gabay ko sa buhay ngayon. Musta na rin po.

    • hello, superlolo!

      ang husay ng punto ninyo. ang dami nating pwedeng puntahan at gawin para sundin at tupdin ang ating mga pangarap pero ang tanong ay kung kaya ba natin silang panghawakan at maging masaya habang andoon na tayo o habang tinatahak natin ang mga ito – tama kayo. because, we tend to lose our way or to loosen our grip, kumbaga. and because society normally attributes failures to losing, minsan nadadala na tayo. gayong kung tutuusin, magkaiba ang dalawang iyon…. salamat ho sa pagdaan at kumusta kayo? :)

  12. “ang pagtanggap sa mga kabiguan ay hindi pagiging talunan. Ito marahil ang aking puhunan sa paghabi ng mga bagong pangarap.”

    korek ka jan, sis! pede ding acceptance ng failure ang measure ng success mo. minsan kasi hindi naman kung naabot natin o hindi yung gusto natin, kundi yung efforts na ginawa natin. kung magfail man sa huli, i’m sure along the way, there are many lessons learned. at yun, yun ang tutulong sa pagbuo ng bagong pangarap. kasi mas matibay ka na, mas matatag, mas mature, mas hubog ka na sa mga pagsubok.

    great post, miss S! napaisip ako ng husto :)

    • Hello, Che… Pasensya ka na. Nagloko for about a week itong site ko – hindi napa-publish ang sarili kong comments or reply sa comments, ahaha. Ang adik, di ba? ;)

      Alam mo, kung tutuusin, hindi naman talaga failure/s. Marami lang talagang komplikasyon yata ang buhay ko, ng pamilya namin such that mahirap mag-comply sa traditional standards of success. Kasi, kung lilimiin, naabot naman or nahigitan pa nga ang mga binalak at inasam noong araw. It’s likely also that may mga ginusto rin kasi akong non-traditional or unconventional. Ang mga iyon yata ang na-misplace o di naabot, haha.

      And siguro, time for new dreams sans the innocence and certainties of younger days. Ayon… Hope you and Manong are doin’ great… Regards and Cheers! Mwah, mwah! ;)

  13. Nagbasa. Humusga.

    Pumukaw sa aking damdamin ang lathalaing ito. Marami sa aking mga musmos na pangarap ang walang katuparan gayunpaman hindi ni minsan ako nawalan ng pag-asang may patutunguhan ang halaga ng bawat hiningang aking pinapakawalan. Sa saliw at tugtugin ng buhay na kadalasa’y di ayon sa nais ihakbang at takbuhin ng aking talampakan alam kong may patutunguhan pa rin ang bawat pagkakamali. Ayokong magsisi o manghinayang, dahil ang bawat pangyayaring kaakibat ng bawat desisyon na naaayon man o hindi sa nararapat ay may ukol at sadyang kadahilanan kung bakit naganap. Maaaring ang salitang pagkabigo ay hindi kasalungat ng pagkamit ng ating mga pangarap, marahil nagbabalat-kayo lamang ito upang mas mapagtuunan natin ng pansin ang iba pang bagay na sa hinuha nati’y hindi naman kaakibat ng ating buhay. Kung anuman iyon, hindi ko rin gaanong maunawaan ngunit alam kong bahagi ako ng lipunang marami ang nangangarap, nakararamdam ng pagkabigo at umaasang makakamit ang nais, hindi man sa ngayon bagkus sa darating pang mga bukas. Magandang araw sa iyo!

    Good luck sa entry.

    • Ahaha, matagal man ay nakarating din ang taga-bundok… Hello! :)

      Nakakatuwa naman at kahit paano ay nakapukaw sa iyo itong lathalain. Salamat. Oo nga, ang mga pangarap natin, ang iba ay hindi natutupad at may mga nangyayari naman sa ating buhay na di natin pinangarap. Bakit nga ba? Hmmnn…kasi siguro, hindi tayo as autonomous and as independent as we’ve been led to believe? Na maraming bagay, hindi natin kayang kontrolin at individual level no matter how determined and hardworking we may have been? Na ang iba roon, we have to pursue in relation to and in hand with others? And in some instances, may triumphs and victories tayo individually, pero when we measure them against the bigger picture, parang (para lang, ha) hallowed and narrow… ^^ And at times, at certain times, we question things and our location in the general scheme.

      May nabasa ako kahapon lang, asking how should we measure time daw ba – time elapsed or time remaining? While the ideal may be to focus on time remaining (focus on the present while being future-oriented), we know that for the greater part, we have more confidence when we know that time elapsed is well-spent. Haha, pasensya na, English ang article na nabasa ko, whehehe. ^^

      Yes, kapatid. I agree with you that the remaining part of time is better spent thinking and believing that we can still prevail. Kasi kung hindi, we will wallow in despair and hopelessness, which is not, the better alternative. After all, to hope against all hopes that things will turn out for the better, may be elusive, but surely, worth the hoping, ahaha. ;)

      Salamat sa well-wish at sa pag-share ng iyong mga saloobin… Regards! :)

  14. May nabago ba ako o ako ang binago ng aking mga pinagdaanan?…

    Sapol ako dito teh, nanatili, kumirot hanggang tumagos sa puso…

    Nice entry!..

  15. Pingback: Mga kwento sa likod ng kwentong tag-araw | sasaliwngawit

  16. Pingback: Hello world! Kumusta kayo? | sasaliwngawit

  17. Pingback: Parang kailan lang | sasaliwngawit

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s