Maraming Salita

Image of two persons talking

Iba iba rin ang dami at anyo ng mga salitang kinalakhan natin/ blog.mediaengage.org

 

Sa probinsya namin, somewhere in Southern Tagalog, ang mga tao ay maraming salita. Maraming paano? Maraming paglalarawan ang ginagamit para sa isang bagay lang o pangyayari. Kung mabuti ba ito o masama, hindi ko masabi… Ang alam ko, pag nalalaman ang ganito ng iba, nagugulat sila, naasiwa o kaya ay naaadwa. Ang naaadwa, ang ibig sabihin, narurumi. Ang dami raw pa-etchos, isa lang naman ‘yon.  May ilan ding taong natutuwa, mabulaklak raw. Pero, ilan lang silang gano’n ang reaksyon. Mas marami ang asar, as in…

 

Bibigyan ko kayo ng halimbawa. Ang salitang naputol ay iba sa napatid, nabali, napigtal, nalagot, nasira, nawasak at natuluyan. May kaugnayan sa isa’t isa ang mga salitang ito, magkakamag-anak, kung tutuusin. Pero, para sa mga taga-amin, sila ay may mga pagkakaiba pa rin. Ang naputol ay karaniwang tumutukoy sa sangang naputol ng hindi sinasadya o inaasahan.  O, kaya naman, sa ugnayan ng mga tao, tulad ng sa communication line o linyang naputol, for some reason.

Ang napatid ay karaniwang tumutukoy sa tali o mga bagay na ang assumption ay magkakarugtong o tuluy-tuloy ngunit, ayon nga, sa kung anong kadahilanan, napatid. Pag sinabi namang nabali, ang ibig sabihin, nag-bend o hinutok at bumigay. Bale, hindi nakayanan ng bagay ang pwersang nagtutulak, humahatak o nagpapabigat dito kaya ayon, nabali. Karaniwang matitigas o malulutong na bagay ang sinasabing nababali, gaya ng ruler. Ang halimbawa ng gamit nito, “Nabali ang sanga sa lakas ng hampas ng hangin.”

 

Ang napigtal ay mas madalas gamitin para ilarawan ang pagwalay ng dahon, dahon ng halaman o dahon ng tsinelas. Ang mga iyan ang sinasabing napipigtal. Pwede ring buhay, buhay na napigtal. Pag sinabing napigtal, parang ang assumption, humiwalay ang isang bagay mula sa dati nitong pinagkakabitan, bumitaw sa pwesto o nag-detach, kumbaga. Matapos ang isang panahon, ang isang pagkakarugtong o koneksyon ay napipigtal maaring dahil sa pagkahinog, pagtanda o pagkapagod.

Ang nalagot naman, karaniwan nating naririnig at nababasang tumutukoy sa tali at sa buhay ng isang bagay, hayop o tao. Tulad ng pagsasabing nalagot ang lubid. O, di kaya naman, nalagot na ang hininga ng isang tao. Ang tinutuntungan nito, mayroong sinulid o taling siyang gumagapos o nagkakabit, nagba-bind, ‘ika nga. Sa kaso ng buhay, ang hiningang nagba-bind sa tao sa buhay ang mismong tinutukoy.

 

Ang nasira ay isang pangkalahatang salitang maraming maaring naging dahilan. Halimbawa, dahil naputol ang isang kable, maaring hindi na umandar ang isang makina. Nasira na. Maaring dahil may nabulok na parte, kaya hindi na uubra. Sira na. Maaring dahil kinalawang. Maaring dahil nabali ang isang turnilyo nito, kaya ayaw nang umandar at sa gayo’y nasira na. Maaring dahil napatid ang isang kawad na instrumental para gumana ang buong aparato. Maraming pwedeng dahilan ng pagkasira ng isang ugnayan o bagay.

Pag sinabi namang nawasak, ibig sabihin, hindi simple ang pagkasira kundi sirang-sira. Maaring nag-explode o nag-implode ng matindi. Mas malamang, hindi na maaring kumpunihin o ibalik sa dati ang bagay na nawasak. Iba ito sa simpleng napatid, naputol o napigtal. Ang mga huling salita, kung minsan ay nangangahulugang maari pang ikabit muli, idugtong o di kaya ay palitan ang bahagi. Pag nawasak na, ang ibig sabihin sa Ingles, totalled.

 

Pag natuluyan naman, ang ibig sabihin, bumigay. Ang assumption nito, may breaking point ang mga bagay-bagay. Usapang flexibility, malleability and resiliency ito. Sa mahabang panahon, maaaring indahin ang kakulangan, sira o nipis ng isang parte. Subalit sa isang punto, maaring hindi na rin kayanin. Sa gayon, mangyayari rin ang break o pagkaputol. Ang kaibahan nito sa mga naunang salita, may pagkilalang mangyayari ang pagkaputol o pagkapatid. Tulad halimbawa ng isang lumang tsinelas na anumang oras, maaring mapigtal at sa gayo’y matuluyan.

 

image of a ruined flip flop

Tsinelas ang isa sa madalas na napipigtal/ formspring.me – tsinelas ni mang kulas

Kaya sa amin, pwede mong sabihing “Kanina, napatid ako sa sangang nakausli sa daan, kaya napigtal ang dahon ng aking tsinelas. Sabagay, luma na rin. Ngayong natuluyan na’y pwede nang bumili ng kapalit.” Hindi mo pwedeng sabihing nasira lang ang sapin mo sa paa. Pag gayon kasi, tatanungin kang maigi ng kausap mo kung bakit at paano iyon nasira. Hindi rin pwedeng sabihin mong nalagot. Ang nalalagot kasi, iyong bagay na pirming nakatali, tulad ng duyan. At, hindi pwedeng sabihing nabali, mapwera kung ang suot mo sa paa, bakya. Ayon…

 

Sa lugar namin, may degree at variation lagi ang mga salita. Mayroon din silang temperature, moods and hues. Pag nakikipag-usap ka roon, kailangang mailarawan mo ang prosesong dinaanan at pupuntahan ng mga salitang iyong binabanggit. Kung hindi, malabong maintindihan ka ng kausap mo. Iisipin nila, meron kang ayaw sabihin sa kanila. O, kaya naman, nag-iinarte ka. Kahit wala naman, kahit hindi. Kaya dapat precise ang mga salitang iyong gagamitin. Kumbaga, andoon na sa pinili mong salita ang solusyon sa problema o usaping iyong inilalatag.

 

Damusak. Narinig nyo na ba ang salitang ito? May salitang ganyan sa amin at madalas iyang gamitin ng mga taga-roon. Mess ang ibig sabihin nito. Pero hindi ito simpleng mess kundi kalat na may kasama pang tubig. Bale, marumi na’t makalat, basa pa. Iyon ang ibig sabihin ng damusak. Iyan ang laging sinasabi sa aming mga bata noong maliliit pa, hwag raw kaming mag-damusak doon sa may kusina. Pero dahil mga bata nga at makukulit, nagagawa pa rin namin. Hala, beautiful mess rin ang kinalalabasan namin pagkatapos, hehe… :)

 

About these ads

21 thoughts on “Maraming Salita

  1. hello, ssa:

    natuwa ako sa post na ito, salamat. saan po ang probinsiya mo? at yes, alam ko rin ang damusak, kaya baka magkababayan pala tayo. :)

    • hello, ayer,

      salamat din at natuwa ka. hala, baka nga magkababayan tayo, hala… ^^ hamo, i’ll find time na sagutin ang iyong missive (missive, haha), long overdue na rin pala ‘yon. regards! :)

  2. nakakarelate ako. dito samin weird din ang words eh. dati nagkaroon ako ng classmate matapos malaman kung taga saan ako tinanong nya ko kung ano ba daw ang language samen. natawa ako kasi oa naman tagalog naman din kaso marami lang words na sariling doon lang tulad ng sa inyo.

    • hello, PM! kaaliw naman at naparaan dine ang makulit na pusa… ^^

      ahaha, weird ba? weird pag naandito tayo sa Kamaynilaan. pag naandoon sa probinsya, ang mga taga-roon ang nawe-weirduhan ba’t parang kapos and inexact ang vocabularies ng Manila-based Tagalogs, hihi… magkaiba nga, mas maraming salita sa probinsya. :) :)

  3. hello SSA, sa amin sa Batangas mas maraming salita na medyo magulo kasi nga hindi purong tagalog pero maraming magkapareho tayong salita, I am sure alam mo yung “bangerahan” magkaratig probinsya siguro tayo. nosebleed kids ko minsan sa tagalog ko, hindi ko pa nagagamit yung naglatiti, kaparehas yun ng damusak. nakagora ang nakagawian ko at hindi go ra na let’s go, ha ha ha. nice naman kasi nong bata ako napipigtal din tsinelas ko sa kalalaro kaya relate na relate ako dyan,

    mabuti at nahalungkat ko itong post mo. :D

    • hello, Ms. Sjanima,

      hala, alam ko ho ang banggerahan, meron noon ang lola namin – yari ‘yon sa kahoy at tauban ng mga baso, tasa at iba pang utensils. at ahaha, alam ko ho ang naglatiti, kapareho sya ng nagdamusak. ang hindi ko ho alam ay ang “nakagora.” ;)

      pag napipigtal ho ang tsinelas ay naaasbaran dahil wala pang pambili ng pamalit. ;)

      btw, napansin ko ho na maraming magkakahawig sa vocabularies ng mga taong taga-calabarzon, mimaropa at mga taga-bulacan. iyon ho yata ang core ng Katagalugan? sabi ho ng kaibigan kong mahilig sa lingusitics, ang variation daw ng salita ay depende sa gamit sa pamumuhay. halimbawa, among people who live closer to nature, there are more words, native to the place, to describe nature and its processes.

      mas kakaunti raw ang salitang Tagalog na gamit sa Kamaynilaan kumpara sa Tagalog-speaking provinces dahil hindi na raw kailangan ang ibang mga salitang iyon sa pamumuhay sa big city, sabi nya. in the example above, sa MM, pwede nang “nasira” lang ang gamitin, that will do – in place of several other words with related meaning. ayon…

      salamat ho at nahalukay nga ninyo at tayo ay nagkahuntahan… regards! :)

      • nakagora samin ay naka cap or sumbrero sa talagang Batangas word ay nakasambalilo, mas magulo di ba? gora is cap not go ra! talagang nakakaaliw na mga salita. kung me time ako gagawa ako diksyonaryong Batangeño, medyo malabo po yun these days. My professor was doing Ibanag-english dictionary ay napakadaming ibig sabihin at mahirap itranslate. mahirap na nga filipino-english eh ibanag pa. ha ha ha :D

  4. Pingback: Mga kwento sa likod ng kwentong tag-araw | sasaliwngawit

  5. Pingback: Salamat sa mga sumisilip | sasaliwngawit

  6. Andami pala talagang variations no? Mas gusto ko yang ganyang maraming distinct or specific words depende sa paggagamitan kesa sa general terms na kung minsan ay napakabroad, ipagsasawalang bahala mo na lang. :-) Kaya lang pag di na prinaktis unti-unti nang nawawala. Sabagay, ganyan naman talaga ang lengwahe, nageevolve, ever since the world begun hehe makakopya lang ng linya ng iba. :-)

    • hello, June… musta po. pasensya na, late ang reply dito… true, sa mga liblib na lugar, mas marami at various ang vocabularies ng tao. maganda nga, eksakto, kumbaga.. ayon lang, sa mas urban na setting, mas kumokonti ang words na gamit. parang ibinabagay din? pag di masyadong kailangan at di frequently used, unti-unting nawawala, sadly. anyway, highway, may bago rin usually na pumapalit, happily. happy week sa iyo… :)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s